Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Iniingatan ang Ganap na Pagtitiwala sa Diyos, Hunyo 24
Mga kapatid, nang ako ay dumating sa inyo, hindi ako dumating na nagpapahayag sa inyo ng patotoo ng Diyos sa pamamagitan ng matatayog na pananalita o karunungan. Sapagkat aking ipinasiyang walang anumang malaman sa gitna ninyo, maliban na si Jesu-Cristo, at siya na ipinako sa krus. Ako'y nakasama ninyo na may kahinaan, takot, at lubhang panginginig. 1 Corinto 2:1-3. TKK 186.1
Darating ang mga panahon na kikilusin ang iglesya ng banal na kapangyarihan, at ang masikap na paggalaw ang magiging resulta; sapagkat ang kapangyarihang nagbibigay-buhay ng Banal na Espiritu ay magbibigay-sigla sa mga kaanib nito na humayo at dalhin ang mga kaluluwa kay Cristo. Ngunit kapag nahayag ang pagkilos na ito, magiging ligtas lamang ang mga masikap na manggagawa habang nagtitiwala sila sa Diyos sa pamamagitan ng palagian at taimtim na pananalangin. Kakailanganin nilang gawing maalab na panalangin na mailigtas sila mula sa pagmamalaki sa kanilang nagagawa sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo, o sa gawing tagapagligtas ang kanilang paggawa. Kailangan silang palaging nakatingin kay Jesus, upang kanilang maunawaan na ang Kanyang kapangyarihan ang gumagawa, at sa gayo'y maibigay ang lahat ng kaluwalhatian sa Diyos. TKK 186.2
Tatawagan tayong gawin ang mga pinakatiyak na pagsisikap na palawakin ang gawain ng Diyos, at magiging pinakamahalaga ang pananalangin sa ating Ama sa langit. Kailangang magsagawa ng pananalangin sa lihim, sa pamilya, at sa iglesya. Kailangang maisaayos ang ating mga sambahayan, at makagawa ng mga taimtim na pagsisikap na magkaroon ng interes ang bawat kaanib ng pamilya sa mga gawaing misyonero. Kailangan nating sikaping isangkot ang mga simpatya ng ating mga anak sa masikap na paggawa para sa mga hindi naligtas, upang magawa nila ang kanilang pinakamabuti sa lahat ng pagkakataon at lahat ng dako na maipakilala si Cristo. TKK 186.3
Ngunit huwag nating kalimutan na habang nadadagdagan ang pagkilos, at nagiging matagumpay tayo sa gawaing kailangang matapos, may panganib sa ating pagtitiwala sa mga panukala at pamamaraan ng tao. Magkakaroon ng hilig na manalangin nang mas kakaunti, at magkaroon ng mas kakaunting pananampalataya. Mapapasapanganib tayo ng pagkawala ng ating pagkadama ng pagtitiwala sa Diyos, na tanging Siya lamang ang makapagbibigay ng tagumpay sa ating gawain; ngunit bagama't ito ang kiling, huwag isipin ninuman na dapat bawasan ng tao ang kanyang ginagawa. Hindi, hindi dapat mabawasan ang ginagawa, kundi dagdagan pa sa pamamagitan ng pagtanggap sa makalangit na regalo, ang Banal na Espiritu. Hindi nakikilala ng sanlibutan sa sarili nitong kaalaman ang Diyos, at ang bawat kapangyarihan ng tao ay likas, humigit kumulang, na kalaban ng Diyos. Kailangan nating tumingin kay Jesus, at makipagtulungan sa mga makalangit na kalakasan, na inihahandog ang ating mga panalangin sa Ama sa pangalan ni Jesus.— REVIEW AND HERALD, July 4,1893 . TKK 186.4