Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

175/366

Ginawang Mabisa ng Espiritu ang Paggawa ng Tao, Hunyo 23

“Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa langit na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa Kanya?” Lucas 11:13. TKK 185.1

Hindi nauunawaan nang nararapat ang pangako ng regalo ng Banal na Espiritu; ang mga pribilehiyong dapat na matamasa sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanya ay hindi pinapahalagahan nang nararapat. Ninanasa ng Diyos na panghawakan ng Kanyang iglesya sa pamamagitan ng pananampalataya ang Kanyang mga pangako, at hingin ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang tulungan sila sa bawat lugar. Tinitiyak Niya sa atin na higit Siyang handa na ibigay ang Banal na Espiritu sa kanilang humihingi sa Kanya, kaysa sa mga magulang na handang magbigay ng magagandang mga regalo sa kanilang mga anak. Dahil maaari para sa bawat isa na magkaroon ng banal na pagpapala, “hindi na ninyo kailangan pang kayo'y turuan ng sinuman” (1 Juan 2:27), at walang dahilan na iwasan ang mga pananagutan; wala dapat tungkulin na magiging hindi katanggaptanggap, walang obligasyon na kailangang iwasan. Si Cristo mismo ang kapangyarihang nagpapanibago, na gumagawa sa loob at sa pamamagitan ng bawat kawal gamit ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Gagawin ng kagalingan ng Espiritu ng Diyos na mabisa ang mga paggawa ng lahat na handang magpasakop sa Kanyang gabay. TKK 185.2

Kumikilos ang Diyos sa bawat pag-iisip na handang tumanggap ng mga impresyon ng Kanyang Banal na Espiritu. Isinusugo Niya ang mga tagapagbalita upang magbigay ng mga babala sa bawat lugar. Sinusubukan ng Diyos ang katapatan ng Kanyang mga iglesya, at ang kanilang kahandaan na sumunod sa pagpapatnubay ng Espiritu. Dapat na madagdagan ang kaalaman. Dapat na makita ang mga tagapagbalita ng kalangitan na tumatakbong paroo't parito, na hinahanap ang bawat daan na maaari upang bigyang babala ang tao tungkol sa paparating na mga kahatulan, at inilalahad ang mabubuting balita ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dapat na maitaas ang watawat ng katuwiran. TKK 185.3

Kumikilos ang Espiritu ng Diyos sa mga puso ng mga tao, at silang tumutugon sa Kanyang impluwensiya ay magiging mga ilawan sa sanlibutan. Saanman sila makikita na humahayo upang italastas sa iba ang liwanag na kanilang tinanggap, na katulad ng kanilang ginawa sa pagbaba ng Banal na Espiritu noong araw ng Pentecostes. At habang kanilang pinagliliwanag ang kanilang ilawan tumatanggap sila ng higit at higit pa ng kapangyarihan ng Espiritu. Naliliwanagan ang lupa ng kaluwalhatian ng Diyos.—( AUSTRALASIAN) UNIQN CQNFERENCE RECQRD, April 1,1898 . TKK 185.4