Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Sa Pakikipag-usap sa Diyos, 9 Mayo
Pagkatapos niyang pauwiin ang maraming tao ay umakyat siyang mag-isa sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, siya’y naroong nag-iisa. Mateo 14:23. LBD 134.1
Nasa panalangin ang lakas ni Cristo. . . . Nagtutungo si Cristo sa mga halamanan o mga bundok at humiwalay sa mundo at ibang mga bagay. Nag-iisa Siya kasama ang Kanyang Ama. Ibinuhos Niya ang Kanyang mga pakiusap na may matinding kasigasigan, at ibinuhos ang lahat ng lakas ng Kanyang kaluluwa sa paghawak sa kamay ng Walang-hanggan. Kapag may mga bago at mabigat na mga pagsubok sa harap Niya, sandaling aalis Siya upang magtungo sa mapanglaw na mga bundok, at gugulin ang buong gabi sa panalangin sa Kanyang Amang nasa langit. LBD 134.2
Kung paanong si Cristo ang ating halimbawa sa lahat ng bagay, kung tutularan natin ang Kanyang halimbawa sa taimtim at masigasig na panalangin sa Diyos upang magkaroon tayo ng lakas sa pangalan Niyang hindi kailan man sumuko sa mga tukso ni Satanas upang labanan ang mga pandaraya ng malupit na kaaway, hindi niya tayo mapagtatagumpayan.— The Youth’s Instructor, April 1, 1873. LBD 134.3
Sa gitna ng mga panganib ng mga huling araw na ito, nakasalalay ang tanging kaligtasan ng kabataan sa patuloy na pagtaas ng pagbabantay at panalangin. Ang kabataang nakatagpo ng kanyang kagalakan sa pagbabasa ng Salita ng Diyos, at sa oras ng panalangin, ay patuloy na sisigla muli sa pamamagitan ng mga tubig mula sa bukal ng buhay. Makakamit niya ang isang mataas na kahusayang moral at malawak na pag-iisip na hindi maiisip ng iba. Nagbubunga ng mabuting kaisipan, marangal na hangarin, malinaw na pananaw ng katotohanan, at matataas na layunin ng pagkilos ang pakikipag-usap sa Diyos. Kaya kinikilala ng Diyos bilang Kanyang mga anak na lalaki at babae iyong mga taong iniuugnay ang kanilang sarili sa Kanya. Patuloy nilang inaabot ang mas mataas at higit na mas mataas pa, na nakukuha nila ang mas malinaw na pananaw sa Diyos at sa kawalang-hanggan, hanggang sa gawin sila ng Panginoon na mga daluyan ng liwanag at karunungan sa mundo. . . . Ihahanda tayo ng lakas na nakuha sa panalangin sa Diyos para sa pang-arawaraw na tungkulin.— The Youth’s Instructor, August 18, 1898. LBD 134.4
May dakilang kapangyarihan sa panalangin. Patuloy na hinahangad ng ating dakilang kalaban na panatilihing malayo ang isang nagugulumihanang kaluluwa mula sa Diyos. Ang isang pakiusap sa Langit mula sa pinakamapagpakumbabang banal ay higit na kinatatakutan ni Satanas kaysa mga utos ng gabinete o mga utos ng mga hari.— The Signs of the Times, October 27, 1881. LBD 134.5