Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

114/367

Sapat ang Biyaya ng Diyos sa Bawat Pangangailangan, 22 Abril

Subalit sinabi niya sa akin, Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan. Ako’y lalong magmamalaki na may galak sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manatili sa akin. 2 Corinto 12:9. LBD 117.1

Kung ibinigay ninyo ang inyong sarili sa Diyos, upang gawin ang Kanyang gawain, wala kayong kailangang ikabalisa para sa kinabukasan. Siyang inyong pinaglilingkuran, ay alam ang katapusan mula sa simula. Ang mga kaganapan ng bukas, na nakatago mula sa iyong pananaw, ay bukas sa mga mata Niyang makapangyarihan. LBD 117.2

Kapag kinukuha natin sa ating mga kamay ang pangangasiwa ng mga bagay na dapat nating gawin, at umaasa sa ating sariling karunungan para sa tagumpay, kinukuha natin ang pasaning hindi ibinigay sa atin ng Diyos, at sinisikap na pasanin ito nang walang tulong Niya. Ating kinukuha ang responsibilidad na pag-aari ng Diyos, kaya ating inilalagay ang ating sarili sa Kanyang lugar. Maaari tayong magkaroon ng pagkabalisa, at asahan ang panganib at pagkawala; sapagkat tiyak na mangyayari ito sa atin. Ngunit kapag talagang naniniwala tayong mahal tayo ng Diyos, at gustong gawan tayo ng mabuti, titigil tayo sa pag-aalala sa kinabukasan. Dapat tayong magtiwala sa Diyos tulad ng pagtitiwala ng isang bata sa kanyang mapagmahal na magulang. Kung gayon, mawawala ang ating mga kabagabagan at pagdurusa; sapagkat ang ating kalooban ay sasakupin ng kalooban ng Diyos. LBD 117.3

Hindi tayo pinangakuan ni Cristo ng tulong sa pagdadala ngayon ng mga pasanin ng bukas. Sinabi Niya, “Ang Aking biyaya ay sapat para sa iyo”; ngunit, tulad ng ibinigay na mana sa ilang, ang Kanyang biyaya ay ipinagkakaloob araw-araw, para sa pangangailangan ng araw. Tulad ng hukbo ng Israel sa kanilang buhay ng paglalakbay, maaari nating makita bawat umaga ang tinapay ng langit para sa pangangailangan sa araw na iyon. LBD 117.4

Isang araw lamang ang para sa atin, at sa araw na ito tayo dapat mamuhay para sa Diyos. Para sa isang araw na ito ay ilagay natin sa kamay ni Cristo, sa isang taimtim na paglilingkod, lahat ng ating mga layunin at panukala, na ibinibigay ang lahat ng ating alalahanin sa Kanya, sapagkat inaalagaan Niya tayo. “Sapagkat nalalaman ko ang aking mga panukala para sa inyo, sabi ng Panginoon, mga panukala para sa ikabubuti at hindi sa ikasasama.”— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 149, 150. LBD 117.5