Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

359/367

Mamanahin Natin ang Kaharian, 23 Disyembre

Halikayo, mga pinagpala ng Aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan. Mateo 25:34. LBD 362.1

Gagantimpalaan na para bang ginawa sa Kanya mismo ang bawat pagkilos natin sa pakikipagkaibigan sa bayan ng Diyos. LBD 362.2

Sa araw ng huling pagtutuos, hindi ihaharap ni Cristo sa mga tao ang dakila Niyang ginawa para sa kanila sa pagbibigay ng Kanyang buhay upang matubos sila. Ihaharap Niya sa kanila ang tapat nilang ginawa para sa Kanya. Anong nangingibabaw na pag-ibig ito! Babanggitin pa nga Niya ang ginawa ng mga pagano, na walang matalinong kaalaman sa kautusan ng Panginoon, subalit ginawa ang mismong mga ipinagagawa ng kautusan, dahil pinakinggan nila ang tinig na nagsasalita sa kanila sa mga bagay ng kalikasan. Kapag inilagay ng Banal na Espiritu ang Espiritu ni Cristo sa puso ng taong di-sibilisado, at kinaibigan niya ang mga lingkod ng Diyos, ang pagkapukaw ng pagdamay ng kanyang puso ay laban sa kanyang likas, laban sa kanyang edukasyon. Ang biyaya ng Diyos, na gumagawa sa dumilim na isipan, ay pinalambot ang likas ng di-sibilisado na hindi naturuan ng karunungan ng mga tao. . . . LBD 362.3

Itinatanim ni Cristo ang Kanyang biyaya sa puso ng taong di-sibilisado, at naglilingkod siya sa pangangailangan ng misyonero, bago pa man niya marinig o maunawaan ang mga salita ng katotohanan at buhay. Tingnan mo ang maraming taong nagtitipon sa palibot ng lingkod ng Diyos para saktan siya! Pero gumagawa ang Panginoon sa puso at isipan marahil ng isang tao upang makiusap para sa Kanyang lingkod; at kapag ipinasya na ng sanggunian ng digmaan na puksain ang buhay ng Cristiano, binabago ng pamamagitan ng di-sibilisado ang desisyon, at naililigtas ang buhay ng misyonero. O, anong laking pag-ibig na dumarating sa taong di-sibilisado para sa isang ginawang ito! Sa ganyan ay sasabihin ni Cristo sa Paghuhukom: “Ako’y nagutom at binigyan ninyo Ako ng pagkain. Ako’y nauhaw, at binigyan ninyo Ako ng inumin. Ako’y taga-ibang bayan, at Ako’y inyong pinatuloy. Ako’y naging hubad at inyong dinamitan. Ako’y nagkasakit at Ako’y inyong dinalaw. Ako’y nabilanggo at Ako’y inyong pinuntahan” (Mateo 25:35). “Halikayo, mga pinagpala ng Aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan.”— The Review and Herald, September 20, 1898. LBD 362.4