Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Maliligtas ang mga Tapat sa Lupa, 17 Disyembre
Isusugo Niya ang Kanyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta at kanilang titipunin ang Kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila. Mateo 24:31. LBD 356.1
Puwedeng magtamo ng tagumpay, ang mahina at may-hangganang tao, sa kapangyarihan Niyang humahayong nanlulupig at upang makapanlupig.— Manuscript 151, 1899. LBD 356.2
Ang Leon ng Juda, na talagang nakapanghihilakbot para sa mga tumanggi sa Kanyang biyaya, ay magiging Tupa ng Diyos sa mga masunurin at tapat. Ang haliging apoy na nangungusap ng kilabot at galit sa lumalabag sa kautusan ng Diyos, ay sagisag ng liwanag at awa at pagliligtas sa mga tumutupad ng Kanyang mga utos. Ang bisig na malakas para dagukan ang mga mapanghimagsik ay magiging malakas para iligtas ang mga tapat. Maliligtas ang lahat ng tapat. “Isusugo Niya ang Kanyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta at kanilang titipunin ang Kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.” LBD 356.3
Kumpara sa milyun-milyong nasa sanlibutan, ang bayan ng Diyos gaya ng dati pa, ay magiging munting kawan; pero kung sila ay maninindigan sa katotohanan ayon sa nahahayag sa Kanyang Salita, ang Diyos ay magiging kanlungan nila. Nakatayo sila sa ilalim ng malapad na panangga ng Walang-hanggang Kapangyarihan. Laging nakararami o mayorya ang Diyos. Kapag lumagos na ang tunog ng huling trumpeta sa bahay-bilangguan ng mga patay, at magsisilabas ang mga matuwid ay nang may pagtatagumpay, na isinisigaw, “O kamatayan, nasaan ang iyong tibo? O libingan, nasaan ang iyong pagtatagumpay?” (1 Corinto 15:55)—habang nakatayo sa panahong iyon kasama ng Diyos, ni Cristo, ng mga anghel, at ng mga tapat at tunay sa lahat ng kapanahunan, lubhang higit pa sa mayorya ang mga anak ng Diyos. . . . LBD 356.4
Nakita ng propeta sa banal na pangitain ang pangwakas na pagtatagumpay ng nalabing iglesia ng Diyos. Isinulat niyang: “At nakita ko ang tulad sa isang dagat na kristal na may halong apoy, at ang mga nagtagumpay . . . na nakatayo sa tabi ng dagat na kristal at may hawak na mga alpa ng Diyos. At inaawit nila ang awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero na sinasabing, ‘Dakila at kamangha-mangha ang Iyong mga gawa, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa Lahat! Matuwid at tunay ang Iyong mga daan, Ikaw na Hari ng mga banal’ ” (Apocalipsis 15:2, 3).— The Acts of the Apostles, pp. 589, 590. LBD 356.5