Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Lumalaki ang mga Kakayahan Habang Lumalago ang Espirituwalidad, 11 Nobyembre
Tungkol sa apat na mga binatang ito, pinagkalooban sila ng Diyos ng kaalaman at katalinuhan sa lahat ng turo at karunungan. Si Daniel ay mayroong pagkaunawa sa lahat ng pangitain at mga panaginip. Daniel 1:17. LBD 320.1
Ang kawalang-alam ng marami ay kusang-loob at hindi mapalalampas.— The General Conference Bulletin, July 1, 1900. LBD 320.2
May mga kabataan . . . na di-pinagbubuti ang kanilang mga kalamangan. Gusto sana nilang makabasa at makasulat nang tama, subalit ang presyo ng kahusayan ay ang pagbabanat ng buto, at ayaw nilang magbayad nito. Naaalala ko tuloy iyong isang kabataang pinag-aral ng kanyang ama sa paaralan, at binigyan ng bawat kalamangan para magkaroon ng magandang edukasyon; pero hindi nag-aaral, at ang sabi ay nabigyan daw siya ng kanyang ama ng liberal na edukasyon, at hindi raw niya pahihirapan ang kanyang utak dito. Lahat kayo ay agad na magsasabing siya ay mananatili pa ring walang-alam, sapagkat walang makaharing daan tungo sa pagkatuto. Subalit ang paghahangad ng magandang karanasan sa relihiyon nang walang masugid at mapagtanggi sa sariling pagsisikap ay wala ring kabuluhan. Ang paghihinagpis sa inyong kawalang-alam sa mga banal na bagay ay hindi kayo gagawing marunong sa kaligtasan. May 10,000 matamlay na luha at buntong-hininga paharap sa langit na hindi kailan man makakukuha ng kahit isang ngiti ng pagsang-ayon galing kay Jesus. Huwag ninyong isiping ang Cristianong karanasan ay kusa na lamang darating sa inyo. Kapag nagpasya kayong gawin ang isang bagay na pinaglagakan ninyong inyong puso, hindi kayo sumusuko nang dahil lamang sa mga kahirapan, kundi paulit-ulit ninyo itong susubukin.— The Youth’s Instructor, January 30, 1884. LBD 320.3
Si Daniel at ang tatlo niyang kasamahan . . . ay balanseng-balanse dahil ipinasakop nila ang kanilang sarili sa Banal na Espiritu. Ibinigay ng mga kabataang ito sa Diyos ang lahat ng kaluwalhatian ng mga talento nilang sekyular, sa siyensya, at sa relihiyon. Ang pagkatuto nila ay hindi nagkataon lang na nangyari; nagkaroon sila ng kaalaman sa tapat na paggamit ng mga kakayahan; kaya binigyan sila ng Diyos ng galing at pagkaunawa.— Letter 57, 1896. LBD 320.4
Kagaya ng nangyari kay Daniel, sa eksaktong kasukat na laki ng paglago ng espirituwal na karakter, ang mga kakayahang pangkaisipan ay lumalaki rin.— The Review and Herald, March 22, 1898. LBD 320.5
Makikipagtulungan ang Panginoon sa lahat ng taos-pusong nagsisikap na maging tapat sa paglilingkod sa Kanya, gaya ng pakikipagtulungan Niya kina Daniel at sa tatlo nitong kasamahan.— The Youth’s Instructor, August 20, 1903. LBD 320.6