Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Magagaspang na Batong Pinakinis Para sa Banal na Templo, 8 Nobyembre
Sa Kanya ang buong gusali ay nakalapat na mabuti at lumalaki tungo sa pagiging isang banal na templo sa Panginoon. Efeso 2:21. LBD 317.1
Sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo makagagawa kayo ng mga disididong pagsisikap na mapanagumpayan ang lahat ng malamig, magaspang, mabagsik, at walang-galang na paraan at pag-uugali. . . . LBD 317.2
Kinuha kayo ng makapangyarihang tagabitak ng katotohanan sa tibagan ng sanlibutan. Magagaspang na bato kayo na matatalas ang gilid, na sinusugatan at sinisira ang sinumang inyong nakasasalamuha; may trabahong dapat gawin para pakinisin ang magagaspang na gilid. Kung kinikilala ninyo ang trabahong dapat matapos sa pagawaan ng Diyos, tanggap din ninyo ang mga hampas ng palakol at pukpok ng martilyo. Masasaktan ang pagpapahalaga ninyo sa sarili, aalisin ng palakol at ng martilyo ang mataas ninyong pagtingin sa sarili, at makikinis ang kagaspangan ng inyong pag-uugali; at kapag natrabaho na ang sarili at ang mga hilig ng laman, magkakaroon ang bato ng tamang sukat para sa makalangit na gusali, at magsisimula na sa gayon ang proseso ng pagpapakinis, pagpipino, pagbabawas, at pagpapakintab, at mahuhubog kayo ayon sa huwaran ng karakter ni Cristo. Kailangang makita ang sarili Niyang larawan sa napakinis na ugali ng instrumento Niyang tao, at maiangkop ang bato para sa makalangit na gusali. . . . LBD 317.3
Kung hindi tayo mas mabubuting lalaki at babae, kung hindi tayo mas maunawain, mas maawain, mas magalang, mas puspos ng kabaitan at pagmamahal; kung hindi natin ipinakikita sa iba ang pag-ibig na nagpapunta kay Jesus sa sanlibutan para sa Kanyang misyon ng kahabagan, hindi rin tayo mga saksi sa sanlibutan sa kapangyarihan ni Jesu-Cristo. Hindi namuhay si Jesus para bigyang-lugod ang Kanyang sarili. . . . Naparito Siya para iangat, gawing marangal, at gawing masaya ang lahat ng nakasalamuha Niya. . . . Hindi Siya gumawa ng magaspang na kilos, hindi nagsabi ng bastos na salita.— The Youth’s Instructor, January 3, 1895. LBD 317.4
Pribilehiyo ng bawat kabataan na gawing maganda ang kanyang ugali. . . . Pinakamasikap na hanapin ninyo ang Panginoon, upang kayo ay lalo pang maging kinis, at mas edukado sa espirituwal.— The Youth’s Instructor, January 25, 1910. LBD 317.5