Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

312/367

Iniingatan at Itinataas Tayo ng mga Kahabagan ng Diyos, 6 Nobyembre

Huwag mong ipagkait sa akin, O Panginoon, ang Iyong kahabagan, lagi nawa akong ingatan ng Iyong tapat na pag-ibig at ng Iyong katapatan. Awit 40:11. LBD 315.1

Iaangat ng relihiyon ni Cristo ang buhay sa mataas na pamantayan. Ibinababa ng paggawa ng Espiritu ng Diyos sa loob ang pagmamataas ng tao, sa pamamagitan ng pagpapaunawa sa atin ng ilang bagay tungkol sa kahabagan at tapat na pag-ibig ng Diyos. . . . Kapag natuklasan ninyo ang sarili ninyong kawalang-magagawa, at tumingin sa pinagmumulan ng inyong kalakasan, nang may sabik na pagsusumamo, na nagsasabing, “Huwag mong ipagkait sa akin, O Panginoon, ang Iyong kahabagan, lagi nawa akong ingatan ng Iyong tapat na pag-ibig at ng Iyong katapatan,” makakamtan ninyo ang liwanag. . . . LBD 315.2

Hindi kayo magkakaroon ng pananampalatayang iingatan kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang tapat na pag-ibig, at tuluy-tuloy kayong pangangalagaan sa pamamagitan ng Kanyang katotohanan, kapag hindi ninyo inilalagay ang inyong sarili sa daluyan ng liwanag. Layuan ninyo kung gayon ang masasamang kasamahan, at pumili ng mabubuti. Dapat matanggap ng binhi ng katotohanang naihasik sa puso ang maniningning na sinag ng Araw ng Katuwiran upang lumago. Nawawalan ng kapangyarihang sumuloy ang mga binhi ng katotohanan na hindi tumutubo at lumalago, at namamatay sila. Subalit tutubo at yayabong ang mga damo ng masasamang ugali. LBD 315.3

Ang mahahalagang tanim ng pag-ibig, kagalakan, pagtitiyaga, paggalang, kaamuan, at kapakumbabaan, ay kailangang maingat na pagyamanin kung gusto nating lumago at bumuti sila. LBD 315.4

Huwag kayong makuntento sa mababaw na kabanalan, kundi, mga kabataan kong kaibigan, lumago kayo sa biyaya at sa pagkakilala kay Jesu-Cristo. Sumusulong ba kayo? Nagiging isang puno ba ang halaman ng biyaya, o nalalanta na? Buong kapakumbabaan at madalas ninyong iharap ang inyong sarili sa trono ng biyaya, at sabihin ninyo kay Jesus ang bawat pangangailangan ninyo, at huwag ninyong isipin na may anumang sobrang liit para hindi Niya mapansin. Gusto ng Panginoon na hanapin ninyo Siya, at sabihin sa Kanya ang inyong mga pagsubok, tulad ng pakikipag-usap ng isang anak sa kanyang magulang. Kapag nanalangin kayo, paniwalaan ninyong pinakikinggan kayo ni Jesus, at gagawin Niya ang mga hinihiling ninyo sa Kanya. Ipakita ninyong may lubos kayong tiwala kay Jesus, at lagi ninyong pagsikapang gawin ang alam ninyong makalulugod sa Kanya, at magkakaroon kayo ng kapayapaan kay Cristo.— The Youth’s Instructor, February 9, 1893. LBD 315.5