Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Pinuputulan Tayo ng Diyos Para Lalo Tayong Pagbungahin, 9 Oktubre
Ang bawat sanga sa Akin na hindi nagbubunga ay inaalis Niya; at ang bawat sanga na nagbubunga ay nililinis Niya upang lalong magbunga. Juan 15:2. LBD 287.1
Sa mga lalakad nang malapit sa mga hakbang ng kanilang Manunubos na mapagsakripisyo at mapagkait sa sarili, ay makikita ang isipan ni Cristo sa kanilang mga isipan. Sisikat ang kalinisan at ang pag-ibig ni Cristo sa araw-araw nilang buhay at ugali, habang gagabayan naman ng kaamuan at katotohanan ang kanilang daan. Pinuputulan ang bawat mabungang sanga, para magbunga pa ito nang mas marami. Kahit ang mabubunga nang mga sanga ay baka sobrang dami naman ng mga dahon at magmukhang parang hindi naman talaga sila. Maaaring may ginagawa ang mga tagasunod ni Cristo para sa Panginoon gayunman ay hindi pa mangalahati ang ginagawa nila sa puwede nilang magawa. Pinuputulan naman Niya sila ngayon, dahil lumalabas ang pagkamakasanlibutan, pagpapalayaw sa sarili, at pagmamalaki sa kanilang buhay. Pinuputol ng mga magsasaka ang mga sobrang sanga ng mga puno ng ubas . . . sa gayon ay ginagawa silang mas mabunga. Dapat maalis ang mga sanhing ito na nakahahadlang at pinuputol ang depektibong suloy, upang bigyang-puwang ang nagpapagaling na sinag ng Araw ng Katuwiran. . . . LBD 287.2
Hindi nauunawaan ng marami ang layunin ng pagkalikha sa kanila. Iyon ay ang pagpalain ang sangkatauhan at luwalhatiin ang Diyos, sa halip na magpakasaya at luwalhatiin ang sarili. Laging pinuputulan ng Diyos ang Kanyang bayan, tinatanggal ang mga sobra at malalagong sanga, upang magbunga sila tungo sa Kanyang kaluwalhatian at huwag magdahon nang magdahon lamang. Malungkot tayong pinuputulan ng Diyos, may kabiguan at kahirapan, upang mapahina ang tubo ng malalakas at baluktot na katangian ng karakter at upang magkaroon ng pagkakataong mahubog ang mas magagandang ugali. Dapat iwanan ang mga diyus-diyosan, dapat maging mas malambot ang konsensya, dapat mga espirituwal na bagay ang binubulay-bulay ng puso, at kailangang maging balanse ang buong karakter.— Testimonies for the Church, vol. 4, p. 354. LBD 287.3
Sa pananatili kay Cristo, puwede nating makuha ang Kanyang pagkamagiliw, ang Kanyang bango, ang Kanyang liwanag. . . . Sumisilang Siya sa ating mga puso. Sumisikat sa ating mga mukha ang liwanag Niya sa ating mga puso. Sa pagtingin sa kagandahan at kaluwalhatian ni Cristo, nababago tayo sa gayunding larawan.— Manuscript 85, 1901. LBD 287.4