Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

283/367

Tayo ang mga Sanga, 8 Oktubre

Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa Akin at Ako’y sa kanya ay siyang nagbubunga ng marami. Sapagkat kung kayo’y hiwalay sa Akin ay wala kayong magagawa. Juan 15:5. LBD 286.1

Wala tayong anuman, wala tayong kabuluhan, malibang tumanggap tayo ng kahusayan mula kay Jesu-Cristo.— The Youth’s Instructor, June 21, 1894. LBD 286.2

Hanggang sa naisuko nang lubusan ang puso sa Diyos, hindi nananatili ang instrumentong tao sa tunay na Puno, at hindi puwedeng yumabong sa Puno, at magkaroon ng masaganang kumpol ng bunga. Hindi gagawa ang Diyos ng pinakabahagyang kompromiso sa kasalanan. Kung puwede Niyang gawin ito, hindi na sana kailangan pang pumarito si Cristo sa ating daigdig para magdusa at mamatay. Walang tunay na pagkahikayat na hindi nababago kapwa ang likas at ang ugali ng tumanggap sa katotohanan. Gumagawa ang katotohanan sa pamamagitan ng pag-ibig, at dinadalisay ang kaluluwa.— Letter 31a, 1894. LBD 286.3

Walang kuwenta ang mga paghahayag natin ng pananampalataya malibang nananatili tayo kay Cristo; sapagkat hindi tayo magiging buhay na mga sanga malibang sumasagana sa atin ang mahahalagang katangian ng Puno. LBD 286.4

Sa tunay na Cristiano, makikita ang mga katangian ng kanyang Panginoon, at kapag ipinakikita natin ang magagandang ugali ni Cristo sa ating mga buhay at katangian, minamahal tayo ng Ama gaya ng pagmamahal Niya sa Kanyang Anak. Kapag natupad ang kalagayang ito sa mga nagsasabing naniniwala sa kasalukuyang katotohanan, masasaksihan natin ang isang matagumpay na iglesia; sapagkat hindi mamumuhay sa kanilang sarili ang mga kaanib nito, kundi sa Kanya na namatay para sa kanila, at sila ay magiging mayayabong na sanga ng buhay na Puno.— The Signs of the Times, April 18, 1892. LBD 286.5

May dobleng tungkuling pupunan ang ugat ng puno. Ito ay ang ikapit nang matibay ang mga galamay nito sa lupa, habang kinukuha nito ang sustansyang kinakailangan. Gayundin naman ito sa Cristiano. Kapag ang pakikiisa Niya kay Cristo, ang pinakapuno, ay ganap, kapag siya ay nasusustentuhan sa Kanya, ang mga daloy ng espirituwal na kalakasan ay ibinibigay sa kanya. Matutuyo kaya ang mga dahon ng ganyang sanga?— Hindi! Hangga’t inaabot ng kaluluwa si Cristo, walang masyadong panganib na siya ay matutuyo, at malalanta, at mabubulok. Hindi siya kayang bunutin ng mga tuksong maaaring sumapit na parang bagyo. Humuhugot ng kanyang mga motibo ng pagkilos ang tunay na Cristiano sa malalim niyang pag-ibig sa kanyang Manunubos. Tunay at banal ang pagmamahal niya sa kanyang Panginoon.— The Youth’s Instructor, March 24, 1898. LBD 286.6