Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Pinupuno Tayo ng Diyos ng Kanyang Pag-ibig, 9 Setyembre
Sa halip, ang bagong alak ay dapat ilagay sa mga bagong sisidlang balat. Lucas 5:38. LBD 257.1
Dapat nating taimtim na hangarin na malaman at pahalagahan ang katotohanan, upang maipakita natin ito sa iba tulad kay Jesus. Kailangan nating magkaroon ng wastong pagtatantya ng halaga ng ating sariling mga kaluluwa; kung gayon hindi tayo magiging walang ingat patungkol sa ating pagkilos tulad ng sa kasalukuyan. Masigasig nating hinahangad na malaman ang paraan ng Diyos; . . . at ang patuloy nating pananalangin ay ang pagkakaroon ng pag-iisip ni Cristo, upang mahubog at mahugisan tayo ayon sa Kanyang likas. Ang pagtingin kay Jesus at pagmalas sa Kanyang kagandahang-loob, pagtuon ng ating mga mata sa Kanya ang babago sa atin sa Kanyang imahe. . . . LBD 257.2
Malapit na ang wakas! Wala tayong dapat sayanging sandali! Dapat lumiwanag ang liwanag mula sa bayan ng Diyos sa malinaw, natatanging mga sinag, na nagdadala kay Jesus sa harap ng mga iglesia at ng mundo. . . . Ang mga instrumentong gagamitin ay ang mga kaluluwang masayang tumatanggap ng liwanag ng katotohanang ipinababatid sa kanila ng Diyos. Ito ang mga ahensya ng Diyos para maiparating ang kaalaman ng katotohanan sa mundo. Kung magiging mga bagong bote sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo ang Kanyang bayan, pupunuan Niya sila ng bagong alak. Magbibigay ang Diyos ng karagdagang liwanag, at mababawi ang mga lumang katotohanan, at mapapalitan ng balangkas ng katotohanan; at saan man mapunta ang mga manggagawa, magtatagumpay sila. Bilang mga kinatawan ni Cristo, dapat nilang siyasatin ang Banal na Kasulatan, upang hanapin ang mga katotohanang nakatago sa ilalim ng basurahan ng kamalian. At bawat sinag ng liwanag na natanggap ay dapat maiparating sa iba. Mananaig ang isang interes, lalamunin ng isang paksa ang bawat isa,—Si Cristo na ating katuwiran. . . . LBD 257.3
“Ako ang Panginoon na nagsasagawa ng kagandahang-loob, ng katarungan, at ng katuwiran sa daigdig; sapagkat sa mga bagay na ito at nalulugod Ako, sabi ng Panginoon.” Ito ang mga bagay na kailangang dalhin . . . sa lahat ng ating mga iglesia. Nais ng Diyos na bumalik ang bawat kaluluwa sa unang pag-ibig. Nais Niyang magkaroon ang lahat ng ginintuang pananampalataya at pag-ibig, upang makakuha sila mula sa mga kayamanan at maibahagi ito sa ibang nangangailangan nito.— The Review and Herald Extra, December 23,1890. LBD 257.4