Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Ipinakita ang Katapangan sa Pagsunod, 17 Hulyo
At sa kanya’y sinabi, Huwag mong sasaktan ang bata, o gawan man siya ng anuman: sapagkat ngayon ay nalalaman Ko na ikaw ay may takot sa Diyos, at hindi mo ipinagkait sa Akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak. Genesis 22:12. LBD 203.1
Si Abraham, . . . sa pagsunod sa banal na utos, . . . ay ipinagpatuloy ang kanyang paglalakbay kasama si Isaac sa kanyang tabi. Nakikita niya sa kanyang harapan ang bundok na sinabi ng Diyos na Kanyang paghuhudyatan ng isang ihahandog. Ibinaba niya ang mga kahoy mula sa balikat ng kanyang lingkod at ipinapasan ito kay Isaac, na siyang napili upang ihandog. Sinakbatan niya ang kanyang kaluluwa ng katatagan at nasasaktang kahigpitan, nahahanda para sa gawaing ipinagagawa sa kanya ng Diyos. Kinuha niya ang apoy na may nagdadalamhating puso at kinakabahang kamay, habang nagtatanong si Isaac: Ama, naririto na ang apoy at mga panggatong; subalit nasaan na ang ihahandog? Ngunit, hindi kaagad ito masabi ni Abraham sa kanya! Nagtayo ng altar ang mag-ama, at dumating na ang nakatatakot na sandali para kay Abraham na ipaalam kay Isaac kung ano ang gumugulo sa kanyang isip sa buong paglalakbay nila, na si Isaac mismo ang ihahandog. Hindi na bata si Isaac; isa na siyang ganap na binata. Puwede siyang tumanggi sa panukala ng kanyang ama kung gugustuhin lamang niya. Hindi niya inakusahan ang kanyang ama ng kabaliwan, ni hindi rin niya sinubukang baguhin ang kanyang plano. Nagpasakop siya. Naniniwala siya sa pag-ibig ng kanyang ama na hindi niya gagawin ang nakatatakot na paghahandog na ito ng kanyang nag-iisang anak kung hindi ito iniutos ng Diyos sa kanya. LBD 203.2
Iginapos si Isaac ng nanginginig at mapagmahal na mga kamay ng kanyang naaawang ama dahil sinabi ito ng Diyos. Nagpasakop ang anak sa paghahandog dahil naniniwala siya sa integridad ng kanyang ama. Ngunit nang handa na ang lahat, nang nasubok na nang lubos ang pananampalataya ng ama at pagpapasakop ng anak, pinigilan ng anghel ng Diyos ang nakataas na kamay ni Abraham na kikitilin na sana ang kanyang anak at sinabi sa kanya na sapat na ito.— Testimonies for the Church, vol. 3, p. 368. LBD 203.3
Kailangan ng kahanga-hangang tapang upang kusang-loob na makasunod sa Diyos sa lahat ng mga pangkakataon.— Manuscript 146, 1902. LBD 203.4
Makikilala lamang natin si Cristo sa pamamagitan ng pag-ibig at pagsunod sa Kanya. Tumatawag ang Panginoon ng mga magigiting na lalaki, na hindi nabibigo o pinanghihinaan ng loob.— Manuscript 19, 1892. LBD 203.5