Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

195/367

Nagdadala ng Katatagan ang Paglakad sa Liwanag, 12 Hulyo

Sapagkat kayo’y dating kadiliman, subalit ngayon ay liwanag sa Panginoon. Lumakad kayong gaya ng mga anak ng liwanag. Efeso 5:8. LBD 198.1

Lakad sa liwanag.” Nangangahulugan ng pagpapasya ang paglakad sa liwanag, pagpapalakas ng kaisipan, pagpapatibay ng kalooban, sa isang masugid na pagsisikap upang ipakita ang katamisan ng karakter ni Cristo. Nangangahulugan ito ng pag-aalis ng lahat ng kagulumihanan. Hindi kayo dapat maging panatag sa simpleng pagsasabing, “Ako ay anak ng Diyos.” Minamasdan ba ninyo si Jesus, at sa pamamagitan ng pagtingin, ay nababago kayo patungo sa Kanyang likas? Nangangahulugan ang paglakad sa liwanag ng pagsulong at paglago sa kalagayang espirituwal. Sinabi ni Pablo, “hindi ko inaaring naabot ko na, hindi rin dahil sa ako’y ganap na; ngunit . LBD 198.2

. . nililimot ang mga bagay na nasa likuran,” na palaging minamasdan ang huwaran, tinutungo ang mga bagay na hinaharap.” Ang paglakad sa liwanag ay nangangahulugan ng “paglakad sa katwiran,” sa paglakad “sa landas ng Panginoon,” sa “paglakad sa pananampalataya,” sa “paglakad sa Espiritu” sa “paglakad sa katotohanan” sa “paglakad sa pag-ibig” sa “paglakad sa pagpapanibagong buhay.” Ito ay “kasakdalan ng kabanalan sa pamamagitan ng takot sa Panginoon.” LBD 198.3

Isang nakatatakot na bagay ang pagpapadilim ng landas ng iba sa pamamagitan ng pagdadala ng anino ng kagulumihanan sa ating mga sarili! Hayaang maunawaan ng bawat isa ang kanyang sarili. Huwag iparatang sa iba ang kakulangan ng inyong karakter. . . . Magsalita ng liwanag; lumakad sa liwanag. “Ang Diyos ay liwanag, at sa Kanya ay walang anumang kadiliman.”. . . Tipunin sa inyong mga kaluluwa ang tapang na magmumula lamang sa Kanya na Liwanag ng sanlibutan.— Letter 98, 1902. LBD 198.4

Kapag suminag ang liwanag ng Sangkalangitan sa taong kinatawan, magpapahayag ang kanyang mukha ng kaluguran ng Panginoon na sumasakanya. Ang pagkawala ng presensya ni Cristo sa buhay ng isang tao ang nagdadala ng kalungkutan at mapagdudang isipan. Ang pangangailangan kay Cristo ang gumagawa ng kalungkutan sa ekspresyon, at isang hinagpis na paglalakbay ang buhay. Kasiyahan ang pinakatampok ng Salita ng Diyos para sa lahat nang nagsisitanggap sa kanya. Bakit? Sapagkat mayroon silang liwanag ng buhay. Liwanag na nagdadala ng katuwaan at kaluguran, at nahahayag ang kalugurang ito sa buhay at sa karakter.— Manuscript 96, 1898. LBD 198.5