Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Nagdadala ng Katapangan ang Papuri sa Panginoon, 11 Hulyo
At nang siya’y [Jehoshaphat] makakuhang payo sa bayan, kanyang inihalal sa kanila ang magsisiawit sa Panginoon at magsisipuri sa ganda ng kabanalan habang sila’y nagsisilabas na nagpapauna sa hukbo at magsipagsabi, Mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagkat ang Kanyang kaawaan ay magpakailan man. 2 Cronica 20:21. LBD 197.1
At . . . siya’y nagtalaga ng mga mang-aawit sa Panginoon, at ang mga ito’y magpupuri sa kagandahan ng kabanalan, sa kanilang paglabas na nagpapauna sa mga hukbo.” . . . Pinupuri nila ang Diyos dahil sa tagumpay, at bumalik pagkalipas ng apat na araw ang hukbo sa Jerusalem, dala ang mga samsam mula sa kanilang mga kaaway, umaawit ng papuri dahil sa pagtatagumpay. LBD 197.2
Hindi ba ninyo naisip na kung marami ang mangyayaring kagaya nito ngayon, mabubuhay ang ating pag-asa, tapang, at pananampalataya? Hindi ba mapalalakas ang mga kamay ng mga sundalong tumatayo para depensahan ang katotohanan? Kung mayroong mas maraming pagpupuri sa Panginoon, at mas kaunting mapanglaw na pagsasalaysay ng kabiguan, mas higit pa ang matatamong pagtatagumpay. LBD 197.3
Walang-hanggan ang Diyos, walang katapusang bukal ng lahat ng kabutihan. Matatagpuan Siyang ganito ng lahat ng nagtitiwala sa Kanya. Sa mga naglilingkod sa Kanya, humahanap sa Kanya bilang kanilang makalangit na Ama, ay binibigyan Niya ng kasiguraduhang gaganapin Niya ang Kanyang mga pangako. Mapapasakanilang mga puso ang Kanyang kagalakan, at malulubos ang kanilang kaligayahan. LBD 197.4
Pribilehiyo na natin ito na buksan ang ating mga puso, at hayaang makapasok ang presensya ng liwanag ni Cristo. Mga kapatid ko, harapin ninyo ang liwanag. Lumapit ng aktuwal at personal na pakikipag-ugnayan kay Cristo, upang makagamit kayo ng impluwensyang nagtataas at bumubuhay. Hayaang tumibay, dumalisay, at tumatag ang inyong pananampalataya. Hayaang punuin ng kabutihan ng Diyos ang inyong puso. Sa inyong paggising sa umaga, lumuhod kayo sa tabi ng inyong higaan, at hingin sa Diyos ang kalakasan para magampanan ang mga gawain sa buong araw, at para harapin ang mga pagsubok nito. Hilingin sa Kanya na tulungan kayong dalhin sa inyong trabaho ang tamis ng karakter ni Cristo. Hilingin sa Kanya na tulungan kayong magsalita ng mga salitang magpapasigla sa taong nasa paligid ninyo na may pag-asa at tapang, at ilapit kayo sa Tagapagligtas.— The Review and Herald, May 5, 1910. LBD 197.5