Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Ang Kabutihan at Biyaya ng Diyos ang Nagpapasigla sa Katapangan, 10 Hulyo
Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga araw ng aking buhay; at ako’y tatahan sa bahay ng Panginoon magpakailan man. Awit 23:6. LBD 196.1
Hindi tayo binigyan ni Cristo ng kasiguraduhan na isang madaling bagay ang pag-abot sa kasakdalan ng karakter. Isa itong pakikipagpunyagi, pakikipaglaban, at pagmamartsa araw-araw. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang ito tayo makapapasok sa kaharian ng langit. Upang makibahagi sa karangalan ni Cristo, kailangan nating makibahagi sa Kanyang pagdurusa. . . . Nanagumpay Siya para sa atin. Tayo ba, ngayon, ay magiging mahiyain at duwag dahil sa mga pagsubok na nasasalubong natin sa ating pagpapatuloy? . . . LBD 196.2
Kung mayroon tayong malalim na pagpapahalaga sa kahabagan at kabutihan ng Diyos, pupurihin natin Siya, sa halip na magreklamo. Pag-uusapan natin ang mapagmahal na pag-aalaga ng Panginoon, at ang kahabagan ng ating Mabuting Pastol. Di-makasariling pagbubulung-bulungan at pagrereklamo ang magiging wika ng puso. Pagpupuri, gaya ng malinaw, na dumadaloy na batis, ang magmumula sa mga tunay na nananalig sa Diyos. Sasabihin nilang, “Ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga kaarawan ng aking buhay: at ako’y tatahan sa bahay ng Panginoon magpakailan man.” . . . LBD 196.3
Bakit hindi buhayin ang tinig ng awiting espirituwal sa mga araw ng ating paglalakbay? . . . Kailangan nating pag-aralan ang Salita ng Diyos, magnilay-nilay, at manalangin. Samakatuwid magkakaroon tayo ng espirituwal na paningin upang maunawaan ang pinakaloob na bahagi ng makalangit na templo. Bibigkasin natin ang mga nota ng pagpapasalamat na inaawit ng mga makalangit na mang-aawit sa palibot ng trono. Kapag tumindig at nagliwanag ang Sion, ang kanyang liwanag ang pinakanakatatalos, ang awitin ng pagpupuri at pagpapasalamat ay maririnig sa kapulungan ng mga banal. Hindi na maaalala pa ang maliliit na kabiguan at kahirapan. LBD 196.4
Katulong natin ang Panginoon. . . . Walang sinuman kailan man ang tumiwala sa Diyos na nawalang saysay. Hindi Niya binibigo silang naglalagak ng tiwala sa Kanya. Kung gagawin lamang natin ang gawaing inilaan ng Panginoon sa atin, na lakaran ang mga bakas ni Jesus, magiging mga banal na alpa ang ating mga puso, nagbibigay ng papuri at pasasalamat ang bawat kwerdas sa Isang isinugo ng Diyos upang mag-alis ng kasalanan ng sanlibutan.— The Review and Herald, May 5, 1910. LBD 196.5