Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Nagbibigay ang Diyos ng Espiritu ng Kapangyarihan at Pag-ibig, 8 Hulyo
Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig at ng pagpipigil sa sarili. 2 Timoteo 1:7. LBD 194.1
Nasa panahon tayo ngayon kung saan kailangan nating manindigan para sa katotohanan. Kailangan nating taglayin ang pag-ibig sa mga kaluluwa, ngunit hindi natin dapat kailan man isuko kahit na ang pinakamaliit na mahalagang punto ng katotohanan, sapagkat sa pagpapanatili ng katotohanan, na dalisay, purong katotohanan, makapagdadala tayo ng karangalan at kaluwalhatian kay Jesu-Cristo na ating Prinsipe. Tinapay ng buhay ang Salita, at sa Salita kinakatawanan ng mga alagad ni Cristo ang pagkain at pag-inom ng laman at ng dugo ni Cristo,—na ginagawang bahagi ng kanilang buhay ang Kanyang Salita. Walang kasinungalingan sa katotohanan. Makapananagumpay ang katotohanan sa pagsubok sa panahon ng mga maling teorya, kung panghahawakan nating matibay ang ating pagtitiwala hanggang sa katapusan. . . . LBD 194.2
Gamitin natin ang ating pananampalataya sa Diyos, at manatili sa tabi ni Cristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang Salita. Tututuruan ng Panginoon ang Kanyang bayan kung magpapaturo sila. Makatatayo tayo kung saan natin maaaring marinig ang tagubilin ni Cristo. Mayroon tayong buhay na Diyos at buhay na Cristo. Humahanap ng pagkakataon ang buong hukbo ng mga demonyo upang kontrolin ang isipan ng mga tao, ngunit kung mananatili tayong malapit sa Kasulatan, hindi tayo madadaig. “Kaya nga,” sinabi ni Pablo kay Timoteo, “Dahil dito ay ipinaaalala ko sa iyo na paningasin mo ang kaloob ng Diyos na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng aking mga kamay; sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos na Espiritu ng kaduwagan; kundi espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig at ng pagpipigil sa sarili.” LBD 194.3
Kailangang magkaroon tayo ng buhay na pananampalataya kay Jesu-Cristo. Kailangan nating gamitin ang pananampalataya, upang kung dumating ang kaaway na gaya ng baha, magtataas ng pamantayan ang Panginoon para sa atin laban sa kanya. Palaging nananalangin ang pusong totoo sa Diyos. Huwag hayaang dumating ang panghihina ng loob. Dapat nating ibigay ang mga pag-iisip natin sa pagninilay-nilay sa karakter at mga gawain ng Diyos, na nagtuturo ng mga salita ni Cristo. Magpakatapang kayo. Hayaang ang inyong tapang at patuloy na tiwala kay Jesu-Cristo ay magpasigla sa paniniwala, dagdag na pananampalataya, at pag-asa ng iba.— Letter 78, 1906. LBD 194.4