Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Na May Isang Masayang Araw ng Sabbath Para sa Pagsamba at Pamamahinga, 23 Hunyo
Anim na araw na gagawin ang mga gawain, subalit ang ikapitong araw ay Sabbath na ganap na kapahingahan, . . . Huwag kayong gagawa ng anumang gawain; ito ay Sabbath sa Panginoon sa lahat ng iyong mga paninirahan. Levitico 23:3. LBD 179.1
Anuman ang inaangkin ng Diyos sa atin, ay ibinabalik Niya muli, pinayaman, binago ang anyo, sa pamamagitan ng Kanyang sariling kaluwalhatian. . . . LBD 179.2
Parehong itinatag ang Sabbath at ang pamilya sa Eden, at ayon sa layunin ng Diyos sila ay hindi mapaghiwalay na nakaugnay sa isa’t isa. Sa araw na itong higit pa kaysa iba pang araw, posible para sa ating mabuhay ng buhay ng Eden. Panukala ng Diyos para sa mga miyembro ng pamilyang maging magkaugnay sa trabaho at sa pag-aaral, sa pagsamba at paglilibang, ang ama bilang saserdote ng kanyang sambahayan, at ang ama at ina bilang mga guro at mga kasama ng kanilang mga anak. Ngunit dahil sa bunga ng kasalanan, na binago ang mga kalagayan ng buhay, napipigilan ang pagsasamang ito sa malaking antas. Kadalasan ay hindi nakikita ng ama ang mga mukha ng kanyang mga anak sa buong linggo. Siya ay halos ganap na nawalan ng pagkakataon para sa samahan o pagtuturo. Ngunit nagtakda ang pag-ibig ng Diyos ng limitasyon sa mga hinihingi ng paggawa. Inilalagay Niya ang Kanyang maawaing kamay sa araw ng Sabbath. Sa Kanyang sariling araw ay pinapanatili Niya ang pagkakataon ng pamilya para sa pakikipag-ugnayan sa Kanya, sa kalikasan, at sa isa’t isa. LBD 179.3
Yamang ang Sabbath ay isang tanda ng malikhaing kapangyarihan, ito ang araw sa ibabaw ng iba pa kung kailan dapat nating kilalanin ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa. . . . Maligaya ang ama at inang nakapagtuturo sa kanilang mga anak ng nakasulat na Salita ng Diyos na may mga halimbawa mula sa bukas na mga pahina ng aklat ng kalikasan; na maaaring magtipon sa ilalim ng mga luntiang puno, sa sariwa, at dalisay na hangin, upang pag-aralan ang Salita at awitin ang papuri sa Ama sa itaas. LBD 179.4
Sa gayong mga samahan maaaring ibigkis ng mga magulang ang kanilang mga anak sa kanilang mga puso, at sa gayon ay sa Diyos, sa pamamagitan ng mga ugnayang hindi maaaring masira.— Education, pp. 250, 251. LBD 179.5
Dapat gawing kagiliw-giliw ang Sabbath sa ating mga pamilya upang tanggapin nang may kagalakan ang lingguhang pagbabalik nito.— Testimonies for the Church, vol. 2, p. 585. LBD 179.6