Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

155/367

Piliin si Cristo Bilang Ating Kapitan, 2 Hunyo

At kanyang sinabi, . . . ako’y naparito bilang pinuno ng hukbo ng Panginoon. At si Josue ay sumubsob sa lupa at sumamba, at sinabi sa kanya, Anong ipinag-uutos ng aking panginoon sa kanyang lingkod? Josue 5:14. LBD 158.1

Nang lumabas si Josue ng umaga bago ang pagsakop ng Jerico, may nagpakitang isang lalaking mandirigmang kumpleto ang suot para sa labanan. At tinanong ni Josue, “Ikaw ba’y sa panig namin o sa aming mga kaaway?” at sumagot Siya, “Ako’y naparito bilang pinuno ng hukbo ng Panginoon.” Kung binuksan ang mga mata ni Josue . . . at kaya niyang tiisin ang tanawin, nakita sana niya ang mga anghel ng Panginoon na nakapaligid sa mga anak ni Israel; sapagkat dumating ang sanay na hukbo ng langit upang makipaglaban para sa bayan ng Diyos, at nandoon upang mag-utos ang Kapitan ng hukbo ng Panginoon. . . . Hindi ang Israel, kundi ang Kapitan ng hukbo ng Panginoon ang tumalo sa Jerico. Ngunit may bahagi ang Israel na kumilos upang ipakita ang kanilang pananampalataya sa Kapitan ng kanilang kaligtasan. LBD 158.2

Araw-araw nagaganap ang mga labanan. Nangyayari ang isang dakilang digmaan sa bawat kaluluwa, sa pagitan ng prinsipe ng kadiliman at ng Prinsipe ng buhay. Mayroong malaking labanan na haharapin, . . . ngunit hindi ikaw ang gagawa ng pangunahing labanan dito. Bilang ahente ng Diyos, dapat ninyong ipasakop sa Kanya ang inyong sarili, upang magplano at magturo at humayo Siya sa labanan para sa inyo, ayon sa inyong pakikipagtulungan. Ang Prinsipe ng buhay ang nasa unahan ng Kanyang gawain. Makasasama ninyo Siya sa inyong pang-araw-araw na pakikipaglaban sa sarili, upang maging tapat kayo sa prinsipyo; upang ang damdamin, kapag nakikipagdigma kung sino ang mamumuno, ay maaaring pigilin ng biyaya ni Cristo; upang maging higit pa kayo sa nagtagumpay sa pamamagitan Niya na umibig sa atin. Naranasan ni Jesus kung paano tuksuhin. Alam niya ang kapangyarihan ng bawat tukso. Alam Niya kung paano tutugunan ang bawat kagipitan, at kung paano kayo gagabayan sa bawat landas ng panganib.— The Review and Herald, July 19, 1892. LBD 158.3

Siyang nagbigay ng Kanyang mahalagang buhay dahil mahal Niya kayo, at ninais na maging masaya kayo, ang magiging Kapitan na palaging nag-aalaala para sa inyong kabutihan.— The Youth’s Instructor, October 20, 1886. LBD 158.4