Pauwi Na Sa Langit
Ang Natatanging Pagkabuhay Na Mag-Uli Ng Mga Nawaglit, Disyembre 7
Mula ngayon ay inyong makikita ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa mga ulap ng langit. Mateo 26:64. PnL
Iyong tinig na nanunuot sa pakinig ng mga patay ay kilala nila. Gaano kadalas na silang tinawag upang magsisisi ng malilinaw at mabiyayang tinig nito. Gaano kalimit nila itong napakinggan sa malulumanay na mga pamanhik ng isang kaibigan, ng isang kapatid, at ng isang Manunubos. Sa nagsitanggi sa Kanyang biyaya ay wala nang tinig pang lalong masakit na gaya ng tinig na iyon na malaong namanhik, “Manumbalik kayo, manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad; sapagkat bakit kayo mamamatay.” (Ezekiel 33:11.) . . . Ang tinig na iyon ay pupukaw sa kanilang mga gunita ng mga alaalang kung maaari lang ay tuluyan na nilang kalilimutan—mga babalang hinamak, mga paanyayang tinanggihan, at mga pribilehiyong sinayang. PnL
Naroon din naman ang mga kumutya kay Cristo noong Siya’y nagdurusa. Nang may nakapangingilabot na kapangyarihan, bumabalik sa kanilang alaala ang mga salita Niyang Nagbata na noong pasumpain ng punong saserdote ay nagpahayag: “Mula ngayon ay inyong makikita ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan ng Diyos, at dumarating na nasa mga ulap ng langit.” (Mateo 26:64.) Ngayon ay nakikita nila Siya sa Kanyang kaluwalhatian, at hindi pa sa kanang kamay ng kapangyarihan. PnL
Napipi ngayon ang mga nanlibak sa pahayag Niyang Siya’y Anak ng Diyos. Naroon ang mayabang na si Herodes na kumutya sa Kanyang pagkahari, at nagutos sa nanunuyang mga kawal na putungan Siya bilang hari. Naroon ang mga may tampalasang kamay na nagsuot sa Kanya ng balabal na lila, nagputong sa Kanyang banal na noo ng koronang tinik, at nagpahawak sa Kanyang kamay ng kunwaring setro, at nagsiyukod sa Kanya sa mapusong na pagtuya. Ang mga taong tumampal at dumura sa Prinsipe ng buhay ay umiiwas ngayon sa Kanyang matalim na titig at nagsisikap na takasan ang nakagagaping kaluwalhatian ng Kanyang presensya. Silang mga nagbaon ng pako sa Kanyang mga kamay at paa, ang kawal na umulos sa Kanyang tagiliran, ay titingin sa mga bakas na ito nang may pangingilabot at pagsisisi. PnL
May kakila-kilabot na kalinawang naaalala ng mga pari at saserdote ang mga kaganapan sa Kalbaryo. May nangangatal na sindak na naaalala nila kung paanong may pailing-iling pang may makademonyong galak na sumigaw: “Nagligtas Siya ng iba; hindi Niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya ang Hari ng Israel; bumaba Siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa Kanya. Nagtiwala Siya sa Diyos; Kanyang iligtas Siya ngayon kung ibig Niya, sapagkat sinabi Niya, ‘Ako’y Anak ng Diyos.” (Mateo 27:42, 43.)— The Great Controversy, pp. 642, 643. PnL