Pauwi Na Sa Langit

338/364

Ligtas Na Sa Wakas, Disyembre 5

At upang bigyan ng gantimpala ang iyong mga alipin, ang mga propeta, at ang mga banal, at ang mga natatakot sa iyong pangalan, ang mga hamak at dakila. Apocalipsis 11:18. PnL

Sa siwang ng mga alapaap ay lumalagos ang kislap ng isang bituing ang kakinangan ay nag-aapat na ibayo sa gitna ng karimlan. Ito’y nagpapahayag ng pag-asa at katuwaan sa mga tapat, datapwat kabagsikan at poot sa mga sumasalansang sa kautusan ng Diyos. Ang mga nagsakripisyo ng lahat alang-alang kay Cristo ay panatag na ngayon at nakukubli sa kulandong ng Panginoon. Sila’y sinubok, at sa harap ng sanlibutan at ng mga humahamak sa katotohanan ay ipinakilala nila ang kanilang pagkamatapat sa Kanyang namatay dahil sa kanila. Isang kagila-gilalas na pagbabago ang nangyari sa nanatiling matibay sa kanilang katapatan maging sa harap ng kamatayan. Sila’y biglang iniligtas sa madilim at nakatatakot na paniniil ng mga taong naging mga demonyo. Ang kanilang mga mukhang kanina lamang ay mapuputla, nagugulumihanan, at nangangalumata, ngayon ay nagliliwanag sa paghanga, pananampalataya, at pag-ibig. Ang kanilang mga tinig ay pumapailanglang sa awit ng tagumpay: “Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan, isang handang saklolo sa kabagabagan. Kaya’t hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa, bagaman ang mga bundok ay madulas sa puso ng dagat; bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong, bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon.” (Awit 46:1-3.) . . . PnL

Maririnig mula sa langit ang tinig ng Diyos na nagsasabi ng araw at oras ng pagdating ni Jesus, at ipahahayag ang walang hanggang tipan sa Kanyang bayan. Tulad sa napakalakas na dagundong ng kulog, ang Kanyang mga salita ay uugong sa buong lupa. Ang Israel ng Diyos ay nakatayong nakikinig, na nangakatitig sa itaas. Ang Kanilang mga mukha ay nagliliwanag sa kaluwalhatian ng Diyos at nagniningning na gaya ng mukha ni Moises nang siya’y bumaba sa Sinai. Hindi makatitingin sa kanila ang masasama. At nang mabigkas na ang pagpapala doon sa mga nagpaparangal sa Diyos sa pangingilin ng Kanyang Sabado, ay nagkaroon ng isang malakas na sigaw ng tagumpay. PnL

Hindi nagtagal, nakita sa silangan ang isang maliit na ulap na ang laki ay kalahati ng palad ng tao. Iyon ang ulap na nakapaligid sa Tagapagligtas, at sa malayo ay tila nababalot ng kadiliman. Nalalaman ng bayan ng Diyos na ito’y tanda ng Anak ng tao. Taglay ang banal na katahimikan ay tinititigan nila ito habang napapalapit sa lupa, na nagiging lalong maliwanag at lalong maluwalhati, hanggang sa naging isang malaking ulap na maputi, na ang ibaba ay isang kaluwalhatiang katulad ng namumugnaw na apoy, at sa itaas ay ang bahaghari ng tipan. Si Jesus ay nakasakay na isang makapangyarihang mananakop. Hindi na “isang taong sa kapanglawan,” upang uminom sa mapait na saro ng kahihiyan at kahirapan, kundi Siya’y pariritong mapagtagumpay sa langit at sa lupa, upang humatol sa mga nabubuhay at sa mga patay.— The Great Controversy, pp. 638-641. PnL