Pauwi Na Sa Langit

316/364

Ang Pinakamalaking Pagpapakita Ng Pandaraya, Nobyembre 13

Sapagkat lilitaw ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan, anupa't ililigaw, kung maaari, pati ang mga hinirang. Mateo 24:24. PnL

Kakila-kilabot na panooring may sobrenatural na likas ang hindi malalaunan at mahahayag sa mga langit bilang isang tanda ng kapangyarihan ng mga demonyo na makagawa ng mga kababalaghan. Ang mga espiritu ng mga diyablo ay magsisihayo sa mga hari ng lupa at sa buong sanlibutan, upang patibayin ang kanilang pagkaraya, at upang hikayatin silang makiisa kay Satanas sa kahuli-hulihan niyang pagsisikap laban sa pamahalaan ng langit. Sa pamamagitan nito’y madaraya ang mga pangulo at kanyang nasasakupan. Lilitaw ang mga tao na magkukunwaring sila’y si Cristo, at aangkinin nila ang pamagat at pagsamba na ukol lang sa Manunubos ng sanlibutan. Gagawa sila ng mga kahanga-hangang kababalaghang magpagaling, at magsasabing sila’y tumatanggap ng mga pahayag mula sa langit na kasalungat ng patotoo ng Kasulatan. PnL

Bilang kawakasang yugto sa malaking dula ng pagdaraya, si Satanas ay magaanyong Cristo. Malaon nang sinasabi ng iglesya na hinihintay niya ang pagbalik ng Tagapagligtas at ito ang katuparan ng kanyang mga pag-asa. Ngayon ay magkukunwang ipakikita ng bantog na mandaraya na dumating na si Cristo. Sa iba’t ibang bahagi ng sangkalupaan, ay pakikilala si Satanas sa mga tao na isang may makaharing anyo na nakasisilaw sa liwanag, at nakakatulad ng inilarawan ni Juan sa Apocalipsis tungkol sa Anak ng Diyos. (Apocalipsis 1:13-15.) Ang kaluwalhatiang sa kanya ay nakapaligid ay hindi mahihigitan ng anumang nakita na ng mga tao. Ang sigaw ng tagumpay ay umaalingawngaw sa himpapawid: “Dumating na si Cristo! Dumating na si Cristo.” Nagpapatirapa ang mga tao sa harap niya upang siya’y sambahin, samantala naman ay itinataas niya ang kanyang mga kamay at binibigkas ang isang pagpapala sa kanila, gaya nang pagpalain ni Cristo ang Kanyang mga alagad noong Siya’y narito sa ibabaw ng lupa. Ang kanyang tinig ay malambot at maamo, ngunit may magandang himig. Sa mahinahon at maawaing mga pangungusap ay ilalahad niya ang ilang mabiyayang mga katotohanan ng langit na binigkas ng Tagapagligtas; pagagalingin niya ang mga karamdaman ng mga tao, at pagkatapos, sa pagtulad niya sa likas ni Cristo ay sasabihin niyang inalis na niya sa Sabado ang pangingilin at inilipat na niya sa Linggo, at paguutusan niya ang lahat na mangilin ng araw na kanyang pinagpala. Ipahahayag niyang iyong mapilit sa pangingilin ng ikapitong araw ay namumusong sa kanyang pangalan dahil sa pagtangging makinig sa mga anghel na may liwanag ng katotohanan na kanyang isinugo sa kanila. Ito ang malakas at halos hindi mapaglalabanang pandaya. Gaya ng mga taga-Samaria na dinaya ni Simon Mago, ang mga karamihan, mula sa kaliit-liitan hanggang sa kalaki-lakihan, ay makikinig sa mga pangkukulam na ito, na nagsisipagsabi: “Ito ang siyang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila.” (Gawa 8:10.)— The Great Controversy, pp. 624, 625. PnL