Pauwi Na Sa Langit

249/364

Mga Miyembro Ng Maharlikang Pamilya, Setyembre 7

Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama na sa Kanya'y ipinangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa. Efeso 3:14, 15. PnL

Tayo’y mga anak ng Makalangit na Hari, mga miyembro ng maharlikang pamilya, mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo. Ang mga mansyon na inihanda ni Jesus ay matatanggap lamang ng mga taong totoo, dalisay, umiibig at sumusunod sa Kanyang mga salita. Ngunit kung nais nating matamasa ang walang hanggang kaligayahan, dapat nating linangin ang relihiyon sa tahanan; sapagkat ang tahanan ay dapat maging sentro ng pinakadalisay at pinakamataas na pagmamahalan. Ang kapayapaan, pagkakaisa, pagmamahalan, at kasiyahan ay dapat matiyagang taglayin araw-araw, hanggang sa manatili ang mga mahahalagang bagay na ito sa mga puso ng mga bumubuo sa pamilya. Ang halaman ng pag-ibig ay dapat maingat na nakakandili, kung hindi ito’y mamamatay. Bawat mabuting prinsipyo ay dapat taglayin kung nais nating lumago ito sa kaluluwa. Ang mga itinanim ni Satanas sa puso—ang pagkainggit, paninibugho, masamang haka-haka, pagkayamot, maling pagpapalagay, pagkamakasarili, kasakiman, at kapalaluan—ay dapat bunutin. Kung papayagang manatili ang masasamang bagay na ito sa kaluluwa, ang mga ito’y magbubunga kung saan marami ang madudungisan. Oh! Gaano karami ang naglilinang ng masasamang halaman, na pumapatay sa mahahalagang prutas ng pag-ibig at nagpaparami sa kaluluwa! Ang ilan sa mga ito na nagtataglay ng kasamaan, ay na-iisip na sila’y may pasanin para sa mga kaluluwa. Nagpapahayag sila sa publiko ng kanilang pag-ibig sa Diyos, subalit hindi nakikita ang pangangailangan sa paggagamas sa hardin ng puso, sa pagbubunot ng bawat di-kasiya-siya at di-banal na binhi, para mahayaang suminag ang Araw ng Katuwiran sa kaluluwang templo. PnL

May pangangailangan sa pananalangin, sa tunay na pananampalataya, sa pagtitiyaga, sa walang pagod na paggawa upang makipagbaka laban sa bawat masamang kalooban, upang madala kahit na ang ating mga kaisipan sa pagpapasakop kay Cristo. Ang magpapaging kahali-halina sa karakter sa tahanan ay siyang magpapaging kahali-halina sa makalangit na mga mansyon. Ang sukat ng iyong pagiging Cristiano ay natataya batay sa karakter ng iyong buhay sa tahanan. Ang biyaya ni Cristo ay tumutulong sa nagtataglay nito na gawing masayang lugar ang tahanan na puno ng kapayapaan at kapahingahan. Malibang mayroon kang Espiritu ni Cristo, hindi ka sa Kanya, at hindi mo makikita ang mga tinubos na taong banal sa Kanyang kaharian, na silang magiging kaisa sa Kanya sa langit ng kaligayahan. Nais ng Diyos na italaga mo ang iyong buong sarili sa Kanya, at katawanin mo ang Kanyang karakter sa loob ng pamilya.— Signs Of The Times, November 14, 1892. PnL