Pauwi Na Sa Langit
Ang Espiritu Ng Diyos At Ang Pagkakaisa Ng Iglesya, Agosto 23
At ang lahat ng mga mananampalataya ay magkakasama at ang kanilang ari-arian ay para sa lahat. Gawa 2:44. PnL
Ipinahayag ni Cristo na ang banal na impluwensya ng Espiritu ay ang makakasama ng Kanyang mga tagasunod hanggang sa wakas. Ngunit ang pangako ay hindi pinapahalagahan tulad ng nararapat; at samakatuwid ang katuparan nito’y hindi nakikita tulad ng maaaring mangyari. Ang pangako ng Espiritu ay hindi gaanong iniisip; at ang resulta ay ang inaasahan lamang—espirituwal na pagkauhaw, espirituwal na kadiliman, pagbaba ng espirituwal at kamatayan. Ang mga maliliit na bagay ang sumakop sa atensyon, at ang banal na kapangyarihan na kinakailangan para sa paglaki at kaunlaran ng iglesya, at kung saan ay magdadala ng lahat ng iba pang mga pagpapalang nakahanay, ay nagkukulang, bagaman inaalok sa walang hanggan nitong kalawakan. PnL
Ang kawalan ng Espiritu ang dahilan ng kawalang kapangyarihan ng ministeryo ng ebanghelyo. Ang pag-aaral, talento, talino, bawat natural o nakamit na kaloob, ay maaaring taglayin; ngunit, kung walang Espiritu ng Diyos, walang puso ang maaantig, walang makasalanang maipapanalo kay Cristo. Sa kabilang dako, kung sila’y konektado kay Cristo, kung ang mga kaloob ng Espiritu ay sumasakanila, ang pinakamahirap at pinakamangmang na Kanyang mga alagad ay magkakaroon ng kakayahang magpahayag sa mga puso. Ginagawa silang daluyan ng Diyos para sa pag-agos ng pinakamataas na impluwensya sa santinakpan. PnL
Ang kasigasigan sa Diyos ang nag-udyok sa mga alagad na magpatotoo sa katotohanan nang may malakas na kapangyarihan. Hindi ba dapat magningas ang pagsisikap na ito sa ating mga puso ng may pagpapasya upang ipahayag ang kasaysayan ng nagtutubos na pag-ibig, ni Cristo, at Siyang ipinako sa krus? Hindi ba darating ang Espiritu ng Diyos ngayon, bilang sagot sa taimtim, matiyagang panalangin, at punan tayo ng kapangyarihan para sa paglilingkod? Bakit, kung gayon ang iglesya ay mahina at walang espiritu? PnL
Kapag ang Banal na Espiritu ang namamahala sa mga isipan ng mga miyembro ng ating iglesya, makikita sa ating mga iglesya ang mas mataas na pamantayan sa pagsasalita, sa ministeryo, sa pagkaespirituwal, kaysa sa nakikita ngayon. Ang mga miyembro ng iglesya ay mapapanariwa ng tubig ng buhay, at ang mga manggagawa, na nagtatrabaho sa ilalim ng isang Pinuno, maging si Cristo, ay ihahayag ang kanilang Guro sa espiritu, sa salita, sa gawa, at hihikayatin ang bawat isa na magpatuloy sa dakila, at nagtatapos na gawain kung saan tayo ay kabahagi. Magkakaroon ng mabuting pagtaas ng pagkakaisa at pag-ibig, na magpapatotoo sa sanlibutan na isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak upang mamatay para sa pagtubos ng mga makasalanan. Ang banal na katotohanan ay itataas; at habang nagliliwanag ito bilang isang ilawang nagniningas, mas mauunawaan natin ito at mas malinaw pa.— Counsels For The Church, p. 100. PnL