Pauwi Na Sa Langit
Ang Lambat Ng Ebanghelyo, Agosto 20
Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad sa isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng iba't ibang uri ng isda. Mateo 13:47. PnL
Ang kaharian ng langit ay tulad din naman sa isang lambat, na inihulog sa dagat, at nakahuli ng sari-saring isda; na, nang mapuno, ay hinila nila sa pampang; at sila’y nagsiupo, at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, datapwat itinapon ang masasama. Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan: lalabas ang mga anghel, at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid, at sila’y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin. PnL
Ang paghuhulog ng lambat ay ang pangangaral ng ebanghelyo. Nakahuhuli ito sa loob ng iglesya ng mabubuti at masasama kapwa. Kapag natapos na ang gawain ng ebanghelyo, ang Paghuhukom naman ang gaganap ng gawain ng paghihiwalay. Nakita ni Cristo kung paanong ang pagkakaroon ng mga di-tunay na kapatid sa iglesya ay magiging sanhi upang ang daan ng katotohanan ay pagsalitaan ng masama. Lalaitin ng sanlibutan ang ebanghelyo dahil sa di-tapat na mga kabuhayan ng mga bulaang nagpapanggap. Maging mga Cristiano ay matitisod pagkakita nilang ang maraming nagtataglay ng pangalan ni Cristo ay hindi pinamamahalaan ng Kanyang Espiritu. Sapagkat ang mga makasalanang ito’y nasa iglesya, ang mga tao’y mapapasapanganib na mag-akala na pinagpaumanhinan ng Diyos ang mga kasalanan ng mga ito. Dahil dito kung kaya itinataas ni Cristo ang tabing sa hinaharap, at inaatasan ang lahat na tingnan na hindi katayuan o tungkulin, kundi karakter o likas, ang nagpapasya sa kapalaran o kahihinatnan ng tao. PnL
Ang talinghaga ng mga panirang-damo at ng lambat ay kapwa maliwanag na nagtuturo na ang lahat ng masasama ay wala nang panahon sa panunumbalik sa Diyos. Ang trigo at ang mga panirang-damo ay nagsitubong magkasama hanggang sa panahon ng pag-aani. Ang mabubuti at masasamang isda ay sama-samang hinila sa pampang para paghiwa-hiwalayin sa wakas. PnL
Muli, ang mga talinghagang ito’y nagtuturong hindi na magkakaroon ng palugit na panahon pagkatapos ng paghuhukom. Kapag natapos na ang gawain ng ebanghelyo, kara-karakang sumusunod ang paghihiwalay ng mabubuti at ng masasama, at ang kapalaran ng bawat isang uri ay napagpasiyahan na magpakailanman. PnL
Hindi nais ng Diyos ang pagkapuksa ng sinuman. “Kung paanong buhay Ako, sabi ng Panginoong Diyos, wala Akong kasiyahan sa kamatayan ng masama, kundi ang masama ay tumalikod sa kanyang lakad at mabuhay. Manumbalik kayo, manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad; sapagkat bakit kayo mamamatay?” (Ezekiel 33:11.) Sa buong palugit na panahon ng pagsubok ay nakikiusap ang Kanyang Espiritu sa mga tao na kanilang tanggapin ang kaloob na buhay. Iyon lamang mga nagsisitanggi sa Kanyang pakikiusap ang pababayaang mapahamak. Sinabi ng Diyos na dapat lipulin ang kasalanan bilang isang masamang mangwawasak sa sansinukob. Ang mga nangungunyapit sa kasalanan ay mapapahamak sa pagpuksa rito.— Christ’s Object Lessons, pp. 122, 123. PnL