Pauwi Na Sa Langit

228/364

Pakikitungo Sa Isang Nagkasala, Agosto 17

Patatawarin Ko ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi Ko na aalalahanin pa. Jeremias 31:34. PnL

Kung hindi pa rin niya sila pakikinggan, [tingnan ang Mateo 18:15, 16] kung gayon, ang bagay ay dapat nang dalhin sa harap ng buong kapulungan ng mga sumasampalataya. Ang mga kaanib ng iglesya, bilang mga kinatawan ni Cristo, ay dapat magkaisa sa panalangin at sa mapagmahal na pakikiusap upang ang nagkasala ay mapanumbalik. Magsasalita ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, at makikiusap sa naliligaw upang siya’y manumbalik sa Diyos. Si apostol Pablo, nang magsalita sa ilalim ng pagkasi ng Banal na Espiritu, ay nagwika, “Waring namamanhik ang Diyos sa pamamagitan namin: kayo’y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo’y makipagkasundo sa Diyos.” (2 Corinto 5:20.) Siyang tumatanggi sa magkakasamang pakikiusap na ito’y lumalagot sa panaling bumibigkis sa kanya kay Cristo, at sa ganito’y inihihiwalay ang kanyang sarili sa pakikisama o kapatiran ng iglesya. Mula ngayon, sabi ni Jesus, “ay ipalagay mo siyang tulad sa Hentil at maniningil ng buwis.” Gayunman ay hindi naman siya dapat ituring na hiwalay na sa kahabagan ng Diyos. Huwag nga siyang hamakin o pabayaan ng kanyang dating mga kapatid, kundi siya’y dapat pakitunguhan nang may pag-ibig at may pagkahabag, bilang isang nawaglit na tupa na patuloy pa ring hinahanap ni Cristo upang maibalik sa Kanyang kawan. PnL

Ang tagubilin ni Cristo tungkol sa marapat ipakitungo sa nagkakasala ay pag-ulit lamang sa lalong tiyak na paraan sa turong ibinigay sa Israel sa pamamagitan ni Moises: “Huwag ninyong kapopootan ang inyong kapatid sa inyong puso: tunay na inyong sasawayin ang inyong kapwa, upang huwag kayong magtaglay ng kasalanan dahil sa kanya.” (Levitico 19:17.) Samakatuwid baga ay, kung hindi gawin ng isang tao ang tungkuling itinagubilin ni Cristo, na pagsikapang mapanumbalik ang mga nagkakamali at nagkakasala, ay nakakaramay siya sa pagkakasala. Sapagkat ang mga kasamaang dapat sana ay nasansala natin, ay sagutin din natin na para bagang tayo na rin ang gumagawa. PnL

Datapwat sa gumawa ng pagkakasala dapat nating ipakilala ang kamaliang kanyang ginawa. Hindi natin ito dapat pag-usap-usapan at tuli-tuligsain sa ating mga sari-sarili; ni pagkatapos mang ito’y naihayag sa iglesya, ay malaya na tayong ito’y ulit-ulitin sa iba. Kung malalaman ng mga di-sumasampalataya ang mga kasalanan ng mga Cristiano ay magiging katitisuran lang ito sa kanila; at kung ito naman ay lagi nating pag-uusap-usapan, ay makapipinsala ito sa atin; sapagkat sa pagtingin ay nababago tayo. Samantalang sinisikap nating ituwid ang mga kamalian ng isang kapatid, ang Espiritu ng Diyos ang aakay sa atin na ipagsanggalang siya sa panunuligsa ng kanyang mga kapatid, at lalo na nga sa panunuligsa ng mga di-sumasampalataya. Tayo man ay nagkakamali rin, at nangangailangan ng awa at kapatawaran ni Cristo, at kung ano ang nais nating ipakitungo Niya sa atin, ay inaatasan Niya tayong gayon ang gawin nating pakikitungo sa isa’t isa.— The Desire Of Ages, pp. 441. PnL