Pauwi Na Sa Langit
Ang Mithiin Ng Diyos, Hulyo 13
Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay sila ang mga anak ng Diyos. Roma 8:14. PnL
Ang matapat na pagsunod sa mga hinihingi ng Diyos ay magkakaroon ng nakasosorpresang impluwensya, para magtaas, magpaunlad, at magpalakas sa lahat ng ating mga kakayahan. Yaong sa kanilang mga kabataan ay nagbigay ng kanilang mga sarili sa paglilingkod sa Diyos, ay natagpuang mga taong may malinaw na pag-iisip at alistong pagtitimbang. At bakit hindi magiging ganoon? Ang pakikisama sa Dakilang Guro na nakilala ng buong mundo, ay nagpapalakas ng pagkaunawa, nagbibigay liwanag sa isipan, at naglilinis ng puso—nagtataas, lumilinang at nagpaparangal sa karakter. “Ang paghahayag ng iyong mga salita ay nagbibigay ng kaliwanagan; nagbibigay ng unawa sa walang karunungan.” PnL
Gagawin ng Diyos ang isang dakilang gawain para sa mga kabataan, kung tatanggapin nila sa tulong ng Banal ng Espiritu ang salita sa kanilang puso at susundin ito sa buhay. Siya’y nagsisikap na akayin sila palapit sa Kanyang sarili, ang pinagmulan ng lahat ng karunungan, ang balon ng lahat ng kabutihan, kalinisan, at katotohanan. Ang isipang puno ng mga matataas na tema ay napararangal.—SIGNS OF THE TIMES, December 1, 1881. PnL
Kapag naging pag-aari ng biyaya ang puso, makikitang dapat maipako ang mga minana at nilinang na gawi sa masama. Ang isang bagong buhay, sa ilalim ng bagong kontrol, ay dapat magpasimula sa kaluluwa. Ang lahat ng kailangang gawin ay dapat gawin sa kaluwalhatian ng Diyos. Kasama sa gawaing ito ang panlabas at panloob na bahagi ng buhay. Ang buong pagkatao, katawan, kaluluwa, at espiritu, ay dapat na mapailalim sa pangangasiwa ng Diyos, para gamitin Niya bilang instrumento ng katuwiran. PnL
Ang natural na lalaki at babae ay hindi napasasakop sa kautusan ng Diyos; at sa katunayan, sa kanilang mga sarili, ay hindi magkakagayon ang mga tao. Ngunit sa pamamagitan ng pananampalataya, silang mga binago ay namumuhay sa araw-araw ng buhay ni Cristo. Araw-araw ay ipinakikita nilang napagtatanto nilang sila’y pagaari ng Diyos. PnL
Ang katawan at kaluluwa ay pag-aari ng Diyos. Ibinigay Niya ang Kanyang Anak bilang katubusan ng sanlibutan, at dahil dito’y naipagkaloob sa atin ang bagong hiram na buhay, isang probasyon kung saan dapat na mapaunlad ang karakter sa sakdal na katapatan. Tinubos na tayo ng Diyos sa pagkaalipin sa kasalanan, at ginawang possible para sa atin na mabuhay muli, at magkaroon ng bagong buhay sa paglilingkod. PnL
Nasa atin ang selyo ng Diyos. Binili Niya tayo, at nais Niyang alalahanin nating nauukol sa Kanya ang ating pisikal, mental, at moral na kapangyarihan. Ang panahon at impluwensya, pagpapasya, damdamin, at konsensya, lahat ay sa Diyos, at dapat lang gamitin sang-ayon sa Kanyang kalooban. Hindi ito dapat gamitin ayon sa direksyon ng sanlibutan— The Youth Instructor , November 8, 1900. PnL