Pauwi Na Sa Langit

170/364

Isang Pagpapahayag Ng Pasasalamat, Hunyo 19

At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at Kanyang ginawang banal, sapagkat sa araw na iyon ay nagpahinga ang Diyos sa lahat na gawain na Kanyang ginawa. Genesis 2:3. PnL

Matapos magpahinga sa ikapitong araw, ang Diyos ay pinabanal ito, o itinalaga, bilang araw ng kapahingahan para sa sambahayan ng tao. Sa pagsunod sa halimbawa ng Manlilikha, dapat silang magpahinga sa banal na araw na ito, upang sa kanilang pagtingin sa mga langit at lupa, ay maaari nilang muni-munihin ang mga dakilang ginawa ng Diyos sa paglalang; at sa kanilang pagtingin sa mga katibayan ng karunungan at kabutihan ng Diyos, maaaring mapuno ang kanilang mga puso ng pag-ibig at paggalang sa kanilang Manlalalang. PnL

Sa Eden, itinatag ng Diyos ang memoryal ng Kanyang ginawa sa paglalang, sa pagkakaloob ng Kanyang pagpapala sa ikapitong araw. Ang Sabbath ay ipinagkatiwala kay Adan, ang ama at kinatawan ng buong sambahayan ng tao. Ang pangingilin dito ay dapat maging isang kilos ng nagpapasalamat na pagkilala, sa bahagi ng lahat na naninirahan sa lupa, na ang Diyos ang kanilang Manlalalang at karapat-dapat na Soberano; na sila’y gawa ng Kanyang mga kamay at nasasakupan ng Kanyang awtoridad. Kaya ang institusyon ay lubos na paggunita, at ibinigay sa lahat ng tao. Wala ritong malabo o may limitasyong aplikasyon sa sinumang mga tao. PnL

Nakita ng Diyos na kailangan ng sangkatauhan ang Sabbath, kahit na sa Paraiso. Kailangang isantabi ng mga tao ang kanilang mga pansariling interes at hangarin sa isang araw mula sa pito, upang lubos silang makapagbulay-bulay sa mga ginawa ng Diyos at makapagdili-dili sa Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Kailangan nila ang Sabbath upang mas malinaw nilang maalaala ang Diyos at upang mapukaw sa kanila ang pasasalamat sapagkat ang lahat ng kanilang tinatamasa at tinataglay ay mula sa isang mapagbigay na kamay ng Manlalalang. PnL

Plano ng Diyos na ang Sabbath ay magdirekta sa ating mga isipan sa pagbubulaybulay ng Kanyang mga nilikha. Nagsasalita ang kalikasan sa ating mga pandama, nagpapahayag na may buhay na Diyos, ang Manlalalang, at ang Pinakamataas na Pinuno ng lahat. “Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan, at ang mga gawa ng Kanyang mga kamay ay inihahayag ng kalawakan. Sa araw-araw ay nagsasalita, at gabi-gabi ay nagpapahayag ng kaalaman.” (Awit 19:1, 2.) Ang ganda na bumabalot lupa ay isang sagisag ng pag-big ng Diyos. Maaari nating itong makita sa walang hanggang mga burol, sa matatayog na puno, sa namumukadkad na mga usbong at sa maseselang bulaklak. Lahat ay nagsasalita sa atin tungkol sa Diyos. Ang Sabbath, na laging nagtuturo sa Kanya na lumikha ng lahat ng mga ito, ay nagaalok sa atin na buksan ang aklat ng kalikasan at bakasin doon ang karunungan, kapangyarihan, at pag-ibig ng Manlilikha.— Patriarchs And Prophets , pp. 47, 48. PnL