Pauwi Na Sa Langit

166/364

Ang Sabbath Na Nilikha Ni Cristo, Hunyo 15

Sapagkat sa pamamagitan niya nilalang ang lahat ng mga bagay sa langit at lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na hindi nakikita. Colosas 1:16. PnL

Ang Sabbath ay pinabanal noong paglalang. Bilang itinalaga para sa sangkatauhan, ang pinagmulan nito’y nang “sama-samang umawit ang mga tala sa umaga, at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsigawan sa tuwa.” (Job 38:7.) Lumukob ang kapayapaan sa buong mundo dahil ang lupa ay kaisa ng langit. “Nakita ng Diyos ang lahat ng Kanyang nilikha at ito ay napakabuti” At nagpahinga Siya sa kagalakan ng Kanyang natapos na gawain. (Genesis 1:31.) PnL

Dahil sa Siya’y nagpahinga nang Sabbath, “Binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw, at Kanyang ginawang banal”—inihiwalay para sa banal na paggamit. Ibinigay Niya ito kay Adan bilang araw ng kapahingahan. Ito’y isang alaala para sa gawain ng paglalang, at sa gayo’y isang tanda ng kapangyarihan at pag-ibig ng Diyos. Sinasabi ng Kasulatan, “Ginawa Niyang maalala ang Kanyang kahanga-hangang mga gawa” “Ang mga bagay na kanyang ginawa,” ay nagpapahayag, “ng mga hindi nakikitang bagay Niya mula ng likhain ang mundo,” “pati na ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan at Kadiyosan.” (Genesis 2:3; Awit 111:4; Roma 1:20.) PnL

Ang lahat ng bagay ay nilikha ng Anak ng Diyos. “Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. . . . Lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan Niya at kung wala siya ay hindi nagawa ang anumang bagay na ginawa” (Juan 1:1-3.) At dahil ang Sabbath ay isang alaala sa gawain ng paglalang, ito’y isang tatak ng pag-ibig at kapangyarihan ni Cristo. . . . PnL

Ang Sabbath ay kasama sa kautusang ibinigay sa Sinai; ngunit hindi sa pagkakataong iyon una itong ipinabatid bilang isang araw ng pamamahinga. May alam na dito ang bayan ng Israel bago pa man sila dumating sa Sinai. Sa daan pa lang ay ipinangilin na nila ang Sabbath. . . . PnL

Ang Sabbath ay hindi lang para sa Israel, kundi para sa mundo. Ito’y ipinabatid na sa lahi ng tao sa Eden, at tulad ng iba pang mga alituntunin ng Sampung Utos, ito’y di-kumukupas na katungkulan. Sa kautusang ito kung saan bahagi ang ikaapat na utos, ipinapahayag ni Cristo, “Hanggang sa mawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala sa kautusan.” Hanggang nananatili ang langit at ang lupa, magpapatuloy ang Sabbath bilang tanda ng kapangyarihan ng Manlilikha. At kapag muling sumibol ang Eden sa lupa, ang banal na araw ng pahinga ng Diyos ay igagalang ng lahat ng nasa ilalim ng araw. “At mula sa isang Sabbath hanggang sa isa pang Sabbath” ang mga naninirahan sa niluwalhating bagong lupa ay paroroon “upang sumamba sa harap Ko, sabi ng Panginoon.” (Mateo 5:18; Isaias 66:23.)— The Desire Of Ages, pp. 281, 283. PnL