Ang Dakilang Pag-Asa
12—Ang Repormasyon sa France
Ang Protesta sa Spires at ang Pagpapahayag sa Augsburg, na tanda ng pagtatagumpay ng Repormasyon sa Germany, ay nasundan ng mga taon ng labanan at kadiliman. Dahil pinanghina na ng pagkakahati-hati ng mga tagapagtaguyod nito, at inaatake ng mga makapangyarihang kalaban, ang Protestantismo ay parang nakatakda nang lubusang malipol. Libulibo ang nagtatak ng kanilang dugo sa kanilang patotoo. Biglang nagsimula ang digmaang sibil; ang panig ng Protestante ay ipinahamak ng isa sa mga nangungunang tagasunod nito; ang pinakamararangal na repormadong prinsipe ay nahulog sa mga kamay ng emperador at kinaladkad bilang bihag padaan sa mga bayan-bayan. Ngunit sa oras ng parang tagumpay niya, ang emperador ay dumanas ng pagkatalo. Nakita niyang naagaw ang biktima sa kanyang mga kamay, at sa wakas ay napilitan siyang pabayaan ang mga doktrinang hangad niyang puksain sa buong buhay niya. Itinaya niya ang kanyang kaharian, ang kanyang mga kayamanan, at ang buhay mismo niya para durugin ang erehiya. Ngayon ay nakita niyang naubos ang kanyang mga sundalo sa pakikidigma, nasaid ang kanyang mga kayamanan, nanganganib na mag-alsa ang marami niyang kaharian, samantalang kahit saan ay nakakaabot ang pananampalatayang pinagsisikapan niyang sugpuin. Si Charles V ay nakipaglaban sa makapangyarihan sa lahat. Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag,” ngunit sinisikap ng emperador na mapanatiling buo ang kadiliman. Ang kanyang mga balak ay nabigo; at dahil sa maagang pagtanda, at pagod na pagod na sa matagal na labanan, iniwan niya ang trono at isinubsob na lamang ang sarili sa isang kumbento. ADP 123.4
Sa Switzerland, gaya sa Germany, ay nagkaroon din ng mga panahon ng kadiliman para sa Repormasyon. Bagaman maraming estado ang tumanggap sa bagong pananampalataya, ang iba naman ay nangapit sa mga doktrina ng Roma nang may bulag na pagpupumilit. Ang pagusig nila sa mga gustong tumanggap sa katotohanan ay nagpasiklab sa wakas sa digmaang sibil. Si Zwingli at ang marami pang ibang nakiisa sa kanya sa reporma ay namatay sa madugong labanan sa Cappel. Si Oecolampadius, na hindi nakayanan ang matitinding sakunang ito, ay binawian na rin ng buhay di-nagtagal. Ang Roma ay matagumpay, at sa maraming lugar ay parang mababawi na ang lahat ng nawala sa kanya. Ngunit Siya na mula pa sa walang-hanggan ang mga balak, ay hindi pinabayaan ang Kanyang gawain at ang Kanyang bayan. Ang Kanyang kamay ay maghahatid ng pagliligtas para sa kanila. Sa ibang mga lupain ay nagbangon Siya ng mga manggagawa upang ipagpatuloy ang gawain ng repormasyon. ADP 124.1
Sa France, bago pa man marinig ang pangalan ni Luther bilang Repormador, ay nagsimula na ang pagbubukang-liwayway. Ang isa sa mga unang nakaunawa sa liwanag ay ang may-edad nang si Lefevre, isang taong malawak ang karunungan, isang propesor sa University of Paris, at isang tapat at masigasig na makapapa. Sa mga pagsasaliksik niya sa mga sinaunang literatura, ang kanyang pansin ay napatuon sa Biblia, at ipinakilala niya ang pag-aaral nito sa kanyang mga estudyante. ADP 124.2
Si Lefevre ay masigasig na sumasamba sa mga santo, at ipinangako niyang siya’y gagawa ng kasaysayan ng mga santo at mga martir ayon sa salaysay ng mga alamat ng simbahan. Ito ay isang gawain na talagang matrabaho; pero malaki na rin ang kanyang nagawa sa proyektong ito, nang biglang simulan niyang pag-aralan ang Biblia sa pag-aakalang makakakuha siya ng kapaki-pakinabang na tulong mula rito. At dito nga ay natuklasan niyang ipinakikita ang mga santo, ngunit hindi gaya ng nakalarawan sa mga kalendaryong Romano. Isang agos ng banal na liwanag ang sumikat sa kanyang isipan. At sa labis niyang pagtataka at pagkainis ay tinalikuran niya ang gawaing itinakda niya sa sarili, at itinalaga ang kanyang sarili sa pag-aaral ng Salita ng Diyos. Ang mahahalagang katotohanang natuklasan niya roon ay pinasimulan agad niyang ituro. ADP 124.3
Noong 1512, bago pa man simulan ni Luther o ni Zwingli ang gawain ng pagrereporma, ay naisulat na ni Lefevre: “Ang Diyos ang nagbibigay sa atin, sa pamamagitan ng pananampalataya, ng katuwirang iyon na nag-aaring ganap sa pamamagitan lamang ng biyaya, tungo sa buhay na walang-hanggan.”—Wylie, b. 13, ch. 1. Habang iniisip-isip ang mga hiwaga ng pagtubos, ay naibulalas niya: “Oh, hindi mailarawan ang kadakilaan ng pagpapalitang iyon—ang Isang Walang-kasalanan ay hinatulan, at siyang nagkasala ay pinalaya; dinala ng Pagpapala ang sumpa, at ang sinumpa ay dinala sa pagpapala; ang Buhay ay namatay, at ang patay ay nabuhay; ang Kaluwalhatian ay sinakmal ng kadiliman, at siyang walang alam kundi kalituhan ng mukha ay dinamtan ng kaluwalhatian.”—D’Aubigné, London ed., b. 12, ch. 2. ADP 124.4
At samantalang itinuturo na ang kaluwalhatian ng kaligtasan ay nauukol lamang sa Diyos, kanya rin namang ipinahayag na ang tungkulin ng pagsunod ay nauukol sa tao. “Kung ikaw ay kaanib ng iglesya ni Cristo,” sabi niya, “ikaw ay sangkap ng Kanyang katawan; at kung ikaw ay bahagi ng Kanyang katawan, ikaw kung gayon ay puspos ng banal na likas.... Oh, kung mauunawaan lamang ng mga tao ang pribilehiyong ito, gaano kadalisay, kalinis, at kabanal sana ang kanilang pamumuhay, at gaano kahamak nilang ituturing ang lahat ng kaluwalhatian ng sanlibutan, kung ihahambing sa kaluwalhatiang nasa loob nila—sa kaluwalhatiang iyon na hindi nakikita ng matang laman.”—Ibid., b. 12, ch. 2. ADP 124.5
May ilan sa mga estudyante si Lefevre ang matamang nakinig sa kanyang mga salita, na ilang panahon pagkatapos na mapatahimik ang tinig ng tagapagturong ito ay silang magpapatuloy na magpahayag sa katotohanan. Isa na rito si William Farel. Yamang anak ng mga relihiyosong magulang, at tinuruang tanggapin nang may lubos na pagsampalataya ang mga turo ng simbahan, gaya ni apostol Pablo ay maaaring nasabi niya tungkol sa kanyang sarili, “Alinsunod sa pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon ay namuhay ako bilang isang Fariseo” (Gawa 26:5). Dahil isang debotong Romano Katoliko, siya’y nag-aalab sa sigasig na lipulin ang lahat ng mangangahas na kumalaban sa simbahan. “Pinagngangalit ko ang aking mga ngipin gaya ng lobong galit na galit,” sabi niya bandang huli, habang tinutukoy ang bahaging ito ng kanyang buhay, “kapag may narinig akong sinuman na nagsasalita laban sa papa.”—Wylie, b. 13, ch. 2. Wala siyang pagod sa kanyang pagsamba sa mga santo, at kasama ni Lefevre ay nag-iikot sa mga simbahan sa Paris, sumasamba sa mga altar, at ginagayakan ng mga handog ang mga banal na dambana. Ngunit ang mga seremonyang ito ay hindi makapagbigay ng kapayapaan sa kaluluwa. Ang pagkadama ng kasalanan ay nakakabit sa kanya, na hindi napaalis ng lahat ng gawain ng pagpapakasakit na isinagawa niya. Pinakinggan niya ang mga salita ng Repormador na para bang isang tinig na mula sa langit: “Ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng biyaya.” “Ang Walang-kasalanan ay hinatulan, at ang makasalanan ay pinawalang-sala.” “Ang krus lamang ni Cristo ang nagbubukas sa pintuan ng langit, at nagsasara sa pintuan ng impiyerno.”—Ibid., b. 13, ch. 2. ADP 125.1
Maligayang tinanggap ni Farel ang katotohanan. Sa pamamagitan ng pagkahikayat na kagaya ng kay Pablo, bumaling siya mula sa pang-aalipin ng tradisyon tungo sa kalayaan ng mga anak ng Diyos. “Sa halip na handang pumatay na puso ng isang lobong naghahanap ng masisila, siya ay bumalik,” sabi niya, “nang mapayapa, gaya ng tupang maamo at hindi nang-aano, pagkatapos niyang bawiin nang lubusan ang kanyang puso sa papa, at ipagkaloob ito kay Jesu-Cristo.”—D’Aubigné, b. 12, ch. 3. ADP 125.2
Samantalang patuloy na pinalalaganap ni Lefevre ang liwanag sa kanyang mga estudyante, si Farel naman na masigasig sa gawain ni Cristo gaya rin nung sigasig niya sa papa, ay humayo upang lantarang ipahayag ang katotohanan. Isang may mataas na katungkulan sa simbahan, obispo ng Meaux, ang di-nagtagal ay sumama sa kanila. Ang iba pang mga tagapagturo na matataas ang kalagayan dahil sa kanilang kakayahan at pinag-aralan ay sumali na rin sa pagpapahayag ng ebanghelyo, at ito’y nakahikayat ng mga tagasunod mula sa lahat ng uri ng tao, mula sa mga tahanan ng mga manggagawa at magbubukid hanggang sa palasyo ng hari. Ang kapatid na babae ni Francis I, na siya noong namumunong hari, ay tumanggap sa bagong pananampalataya. Ang hari mismo, at ang inang reyna ay parang sang-ayon rin dito nang ilang panahon, at ang mga Repormador ay may malaking pag-asang naghintay sa panahon na ang buong France ay mahihikayat din sa ebanghelyo. ADP 125.3
Ngunit ang kanilang mga inaasahan ay hindi mangyayari. Pagsubok at pag-uusig ang naghihintay sa mga alagad ni Cristo. Pero ito’y may kahabagang ikinubli sa kanilang paningin. Namagitan ang pana-hon ng kapayapaan, upang sila’y makaipon ng lakas na sagupain ang bagyo; at ang Repormasyon ay mabilis na sumulong. Ang obispo ng Meaux ay masigasig na gumawa sa sarili niyang nasasakupan upang turuan kapwa ang mga alagad ng simbahan at ang mga tao. Ang mga walang-alam at mahahalay na mga pari ay pinagtatanggal, at pinalitan ng mga taong may pagkaunawa at kabanalan, hangga’t maaari. Pinakahahangad ng obispo na ang kanyang mga kababayan ay personal na makabasa ng Salita ng Diyos, at di-nagtagal ay naisakatuparan din ito. Si Lefevre ay gumawa ng salin ng Bagong Tipan; at noon mismong panahon na ang Bibliang German ni Luther ay inilalabas sa palimbagan sa Wittenberg, ang French na Bagong Tipan naman ay inilimbag sa Meaux. Walang ipinagkait na paglilingkod o gastos ang obispo upang ito’y mapakalat sa kanyang mga parokya, at hindi nagtagal ang mga karaniwang tao sa Meaux ay nagkaroon ng Banal na Kasulatan. ADP 125.4
Tulad ng magalak na pagtanggap sa bukal ng tubig na buhay ng mga manlalakbay na mamamatay na sa uhaw, ay ganon din tinanggap ng mga kaluluwang ito ang pabalita ng langit. Ang mga nagtatrabaho sa bukid, at ang mga manggagawa sa mga pagawaan ay pinasasaya ang araw-araw nilang pagtatrabaho sa pamamagitan ng pag-uusap tungkol sa mahahalagang katotohanan ng Biblia. At sa gabi, sa halip na pumunta sa mga tindahan ng alak, sila’y nagtitipon sa tahanan ng isa’t isa upang magbasa ng Salita ng Diyos at sumama sa pananalangin at pagpupuri. Malaking pagbabago ang agad na nakita sa mga pamayanang ito. Bagaman nabibilang sa pinakamababang uri ng mga tao, hindi nakapag-aral ngunit masisipag na magbubukid, ang bumabago at nagpapasiglang kapangyarihan ng banal na biyaya ay nakita sa kanilang mga buhay. Maaamo, mapagmahal, at may kabanalan, sila’y tumayong mga saksi sa kung anong magagawa ng ebanghelyo sa mga magsisitanggap dito nang may katapatan. ADP 126.1
Ang liwanag na sinindihan sa Meaux ay nagkalat ng mga sinag nito sa malayo. Araw-araw ay dumarami ang bilang ng mga nahihikayat. Ang galit ng pamunuan ng simbahan ay pansamantalang napigilan ng hari, na namumuhi sa makitid na pagkapanatiko ng mga monghe; ngunit nagtagumpay pa rin sa wakas ang mga lider na makapapa. Naitayo ngayon ang posteng pagsusunugan. Ang obispo ng Meaux na pinuwersang mamili kung alin ang gugustuhin niya, ang sunugin o ang tumalikod, ay pinili ang mas madaling landas; ngunit sa kabila ng pagbagsak ng lider na ito, ang kanyang kawan ay nanatiling matatag. Marami ang sumaksi para sa katotohanan sa gitna ng apoy. Sa pamamagitan ng kanilang tapang ng loob at katapatan habang sinusunog, ang mga hamak na Kristiyanong ito ay nagsalita sa libu-libong tao na noong panahon ng kapayapaan ay hindi nakarinig ng kanilang patotoo. ADP 126.2
Hindi lamang ang mga hamak at mahihirap ang naglakas-loob na sumaksi para kay Cristo sa gitna ng paghihirap at panlilibak. Sa mga makaharing bulwagan ng kastilyo at palasyo ay may mga dakilang kaluluwa na mas pinahahalagahan ang katotohanan kaysa sa kayamanan o mataas na katungkulan o maging sa kanilang buhay. Ang kasuotang pandigma ng hari ay nagtatago ng mas marangal at mas matatag na espiritu kaysa sa kasuotan at sumbrero ng obispo. Si Louis de Berquin ay mula sa maharlikang tahanan. Siya’y isang matapang at magalang na kabalyero, at siya’y maasikaso sa pag-aaral, pino ang pag-uugali at walang maipipintas sa asal. “Siya noon,” sabi ng isang manunulat, “ay masugid na tagasunod ng mga kautusan ng papa, at masipag na tagapakinig sa mga misa at mga sermon;...at kanyang itinanghal ang lahat ng iba pa niyang katangian sa pamamagitan ng natatanging pagkamuhi sa Lutheranismo. Ngunit kagaya ng napakaraming iba pa na naakay sa Biblia sa tulong ng Diyos, siya’y nagulat nang ang masumpungan dito ay “hindi ang mga doktrina ng Roma kundi ang mga doktrina ni Luther.”—Wylie, b. 13, ch. 9. Mula noon ay buong katapatan na niyang itinalaga ang kanyang sarili sa gawain ng ebanghelyo. ADP 126.3
Dahil siya “ang pinakamarunong sa mga mahal na tao ng France,” ang likas niyang talino at husay sa pagsasalita, ang kanyang di-mapapasukong tibay ng loob at magiting na kasigasigan, at ang kanyang impluwensya sa palasyo—sapagkat siya’y paborito ng hari—ay dahilan upang siya’y ituring ng maraming tao bilang isang lalaking nakatakdang maging Repormador ng kanyang bansa. Ang sabi ni Beza, “Si Berquin sana ay naging pangalawang Lu-ther, kung sa kanya’y naging pangalawang elektor si Francis I.” “Siya’y mas malala pa kaysa kay Luther,” sigaw ng mga makapapa.—Ibid., b. 13, ch. 9. Talagang mas pinangangambahan siya ng mga Romanista sa France. Ipinabilanggo nila siya bilang isang erehe, ngunit siya’y pinalaya ng hari. Sa loob ng maraming taon ang paglalaban ay nagpatuloy. Si Francis na naninimbang sa Roma at sa Repormasyon, ay halinhinang pinayagan at pinigilan ang mabangis na pagsisikap ng mga monghe. Si Berquin ay tatlong beses ipinabilanggo ng mga awtoridad ng kapapahan, para lamang palayaing muli ng hari, na dahil sa paghanga sa kanyang likas na talino at karangalan ng pag-uugali ay ayaw siyang isakripisyo sa masasamang iniisip ng pangasiwaan ng simbahan. ADP 126.4
Si Berquin ay paulit-ulit na binigyangbabala tungkol sa mga panganib na nagbabanta sa kanya sa France, at hinimok siya na gayahin ang mga ginawa nung mga nakasumpong ng kaligtasan sa pamama-gitan ng kusang paglayo. Si Erasmus na mahiyain at mahilig makibagay, na kabila ng buong kaluwalhatian ng kanyang karunungan ay hindi natamo ang kadakilaang iyon ng ugali, na ginagawang sunud-sunuran sa katotohanan ang buhay at karangalan, ay sumulat kay Berquin: “Hilingin mong isugo ka bilang embahador sa ibang bansa; pumunta ka at maglakbay sa Germany Kilala mo naman si Beda at ang mga kagaya niya—siya’y isang halimaw na may isang libong ulo, na nagkakalat ng kamandag sa lahat ng lugar. Ang iyong mga kaaway ay marami. Kahit na ang iyong ipinaglalaban ay mas higit pa kaysa kay Jesu-Cristo, hindi ka nila titigilan hanggang lubusan ka nilang mapuksa. Huwag kang masyadong magtiwala sa proteksyon ng hari. Sa lahat ng pagkakataon ay huwag mo akong ilagay sa kahihiyan dahil sa kakayahan mo sa teolohiya.”—Ibid., b. 13, ch. 9. ADP 127.1
Ngunit habang kumakapal ang panganib, ang sigasig ni Berquin ay lalo lamang tumitibay. At malayong sundin ang tuso at para sa sariling payo ni Erasmus, siya’y nagpasya para sa mas matatapang na hakbang. Hindi lamang siya tatayo upang ipagtanggol ang katotohanan, kundi tutuligsain pa niya ang mga kamalian. Ang paratang na erehiya na sinisikap nilang ikabit sa kanya ay ipapako niya sa kanila. Ang pinakaaktibo at pinakamatindi niyang kalaban ay mga may pinag-aralang doktor at monghe sa departamento ng teolohiya sa tanyag na University of Paris, isa sa mga pinakamataas na sanggunian ng simbahan kapwa sa lunsod at sa bansa. Mula sa mga sinulat ng mga doktor na ito, si Berquin ay kumuha ng 12 paksang pagtatalunan na hayagan niyang idineklarang “salungat sa Biblia, at laban sa tunay na paniniwala;” at pinakiusapan niya ang hari na magsilbing tagapamagitan sa pagtatalo. ADP 127.2
Ang hari, na gustong mapaghambing ang kakayahan at talas ng mga nagtutunggaling tagapagtanggol, at natutuwa sa pagkakataong maibaba ang pagmamataas ng mga mapagmalaking mongheng ito, ay inutusan ang mga Romanista na ipagtanggol ang kanilang panig sa pamamagitan ng Biblia. Alam na alam nila na ang sandatang ito ay hindi makakatulong sa kanila; pagpapabilanggo, pagpapahirap, at pagpapasunog ang siyang mga armas na mas alam nilang gamitin. Bumaligtad na ngayon ang pangyayari, at nakita nilang sila’y malapit nang mahulog sa hukay na inaasahan nilang mapaghuhulugan nila kay Ber-quin. At sa kanilang pagkagulat ay naghanap sila ng paraan para makaiwas. ADP 127.3
“Tamang-tama naman na noong panahong iyon ay may nagputol sa isang bahagi ng katawan ng rebulto ni Birheng Maria sa isang sulok ng lansangan.” Nagkaroon ng malaking kaguluhan sa lunsod. Maraming tao ang nagdagsaan sa lugar na iyon, na kakakakitaan ng pagdadalamhati at galit. Pati ang hari ay malalim ding nakilos. Ito na ang pagkakataon na magagamit ng mga monghe para sa magandang kapakinabangan, at mabilis nila itong pinag-igi. “Ito ang mga resulta ng mga aral ni Berquin,” ang sigaw nila. “Lahat ay malapit nang pabagsakin ng sabwatang ito ng mga Lutheran—relihiyon, mga batas, at maging ang kaharian mismo.”—Ibid., b. 13, ch. 9. ADP 127.4
Kaya’t muling hinuli si Berquin. Ang hari ay umalis sa Paris, at ang mga monghe ay napabayaang gawin ang kagustuhan nila. Ang Repormador ay nilitis at hinatulan ng kamatayan, at dahil baka si Francis ay mamagitan pa upang siya’y iligtas, ang hatol ay ipinatupad noong araw ding ito’y bigkasin. Noong tanghali ay inihatid si Berquin sa lugar na kanyang kamamatayan. Sobrang daming tao ang nagtipuntipon upang saksihan ang pangyayaring iyon, at marami sa mga nakakita ang nagulat at nangangamba na ang biktima ay mula sa pinakamainam at pinakamatapang sa mga maharlikang pamilya ng France. Pagtataka, galit, paghamak, at matinding pagkamuhi ang nangulimlim sa mga mukha ng maraming taong big-lang dumagsa; ngunit sa isang mukha ay walang kulimlim na tumatahan. Ang isipan ng martir ay malayo sa tagpong iyon ng malaking pagkakagulo; ang namamalayan lang niya ay ang presensya ng kanyang Panginoon. ADP 127.5
Ang kasumpa-sumpang kariton ng dumi ng hayop na sinasakyan niya, ang mga nakasimangot na mukha ng mga umuusig sa kanya, ang kakila-kilabot na kamatayang patutunguhan niya—ang mga ito ay hindi niya alintana; Siyang nabubuhay na namatay, at nabubuhay magpakailanman, at may-hawak ng susi ng kamatayan at ng Hades, ay nasa kanyang tabi. Ang mukha ni Berquin ay nagniningning sa liwanag at kapayapaan ng langit. Nagsuot siya ng magandang damit, nakasuot ng “isang balabal na malambot at makinis, isang pansaping yari sa satin at telang damask, at kulay-gintong medyas.”—D’Aubigné, History of the Reformation in Europe in the Time of Calvin, b. 2, ch. 16. Siya’y malapit nang magpatotoo sa kanyang pananampalataya sa harapan ng Hari ng mga hari at ng sumasaksing sansinukob, at walang tanda ng pagdadalamhati ang dapat na magpasinungaling sa kanyang kagalakan. ADP 128.1
Habang mabagal na umuusad ang prusisyon padaan sa siksikang lansangan, may pagtatakang pinagmasdan ng mga tao ang maaliwalas na kapayapaan at masayang tagumpay sa kanyang hitsura at tindig. “Siya,” sabi nila, “ay kagaya ng isang taong nakaupo sa isang templo, at nagbubulaybulay sa mga banal na bagay.”—Wylie, b. 13, ch. 9. ADP 128.2
Sa lugar ng pagsusunugan ay sinikap ni Berquin na magsalita ng ilang pangungusap sa mga tao; ngunit dahil takot sa magiging resulta, ang mga monghe ay nagsimulang magsigawan, at kinalantog ng mga sundalo ang kanilang mga sandata, at nilunod ng kanilang kaingayan ang tinig ng martir. Sa gayon, ang pinakamataas na sanggunian sa simbahan at sa literatura ng sibilisadong Paris noong 1529 ay “nagbigay sa buong sambayanan ng 1793 ng napakasamang halimbawa ng pagsugpo sa mga sagradong salita ng taong malapit nang mamatay doon sa pagbibitayan.”—Ibid., b. 13, ch. 9. ADP 128.3
Si Berquin ay binigti at ang kanyang katawan ay sinunog sa apoy. Ang balita ng kanyang kamatayan ay nagdulot ng kalungkutan sa mga kapanalig ng Repormasyon sa buong France. Ngunit ang kanyang halimbawa ay hindi nasayang. “Kami ay nakahanda rin,” sabi ng mga saksi sa katotohanan, “na harapin ang kamatayan nang may kagalakan, na nakatuon ang aming mga mata sa buhay na darating.”—D’Aubigné, History of the Reformation in Europe in the Time of Calvin, b. 2, ch. 16. ADP 128.4
Sa panahon ng pag-uusig sa Meaux, ang mga tagapagturo ng bagong pananampalataya ay tinanggalan ng lisensya upang makapangaral, at sila’y nagtungo sa ibang bukiran. Si Lefevre ay nagtungo sa Germany pagkaraan ng ilang panahon. Si Farel naman ay umuwi sa sarili niyang bayan sa silangang France, upang ipalaganap ang liwanag sa lugar na kinalakhan niya. Alam na ng mga tao roon ang balita tungkol sa mga nangyayari sa Meaux, at ang katotohanang ipinangaral niya nang may sigasig na hindi natatakot ay nagkaroon ng mga tagapakinig. At di-nagtagal ang mga maykapangyarihan ay nagising upang siya’y patahimikin, at siya’y pinalayas sa lunsod. Bagaman siya’y hindi na makagawa nang hayagan, binagtas niya ang mga kapatagan at kanayunan, na nagtuturo sa mga tahanan at sa mga liblib na kaparangan, at nanganganlong sa mga kagubatan at sa mababatong yungib, na pinaglalagian niya noong bata pa siya. Siya’y inihahanda ng Diyos para sa mas matitinding pagsubok. “Ang mga krus, mga pag-uusig, at mga pakana ni Satanas, na ipinagbigay-babala sa akin ay hindi kinukulang,” sabi niya; “ang mga ito pa nga ay lubhang matitindi kaysa sa makakaya kong tiisin mag-isa; ngunit ang Diyos ay aking Ama; Siya’y nagbigay at laging magbibigay ng lakas na aking kakailanganin.”—D’Aubigné, History of the Reformation of the Sixteenth Century, b. 12, ch. 9. ADP 128.5
Gaya noong panahon ng mga apostol, ang pag-uusig “ay nakatulong sa paglago ng ebanghelyo” (Filipos 1:12). Dahil itinaboy mula sa Paris at Meaux, “ang mga nagsipangalat nga ay nagsipaglakbay, na ipinangangaral ang Salita” (Gawa 8:4). At sa gayon ang liwanag ay nakarating sa maraming malalayong probinsya ng France. ADP 128.6
Ang Diyos ay naghahanda pa rin noon ng mga manggagawa para palawakin ang Kanyang gawain. Sa isa sa mga paaralan sa Paris ay may isang mahusay mag-isip, at tahimik na kabataan, na nagpapakita na ng palatandaan ng isang makapangyarihan at matalas na pag-iisip, at kilala rin sa kanyang malinis na pamumuhay kagaya rin sa sigasig ng kaisipan at katapatan sa relihiyon. Ang likas niyang talino at kasipagan sa pag-aaral ay agad na naging sanhi para siya’y ipagmalaki ng kolehiyo, at lihim na inaasahan na si John Calvin ay magiging isa sa pinakamagaling at labis na kinikilalang tagapagtanggol ng simbahan. Ngunit ang sinag ng banal na liwanag ay tumagos maging sa loob ng mga pader ng pilosopiya at pamahiin na nakapaligid kay Calvin. Siya’y nanginginig nang marinig ang mga bagong doktrina, na hindi nagdududang ang mga erehe ay karapat-dapat nga sa apoy na pinagsunugan sa kanila. Ngunit pawang hindi sinasadyang nakaharap niya nang mukhaan ang erehiya, at napilitang subukan ang teolohiya ng Roma upang labanan ang aral ng Protestantismo. ADP 128.7
Isang pinsan ni Calvin, na sumapi sa mga Repormador ang nasa Paris. Ang dalawang magkamag-anak na ito ay madalas na nagkita at pinag-usapan ang mga suliraning bumabagabag sa Sangkakristiyanuhan. “Meron lang dalawang relihiyon sa sanlibutan,” ang sabi ng Protestanteng si Olivetan. “Ang isang uri ng relihiyon ay yung inimbento ng tao, na sa kabuuan nito’y inililigtas ng tao ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga seremonya at mabubuting gawa; ang isa naman ay ang iisang relihiyong iyon na nahahayag sa Biblia, at nagtuturo sa tao na tanging umasa lang ng kaligtasan sa walang-bayad na biyaya ng Diyos.” ADP 129.1
“Hindi ko tatanggapin ang anuman sa mga bago mong doktrina,” ang sabi ni Calvin; “iniisip mo bang ako’y nabubuhay sa pagkakamali sa buong buhay ko?”—Wylie, b. 13, ch. 7. ADP 129.2
Ngunit napukaw sa kanyang isip ang mga isipang hindi niya maiwaksi sa sarili niyang kagustuhan. Sa pag-iisa sa kanyang silid, ay inisip-isip niyang mabuti ang mga sinabi ng kanyang pinsan. Ang pagkadama ng kasalanan ay tumimo sa kanya; nakita niya ang kanyang sarili, walang tagapamagitan sa harapan ng banal at matuwid na Hukom. Ang pamamagitan ng mga santo, ng mga mabubuting gawa, at ng mga seremonya ng simbahan ay pawang walangkakayahang tumubos sa kasalanan. Wala siyang makita sa harapan niya kundi ang kadiliman ng walang-hanggang kawalan ng pag-asa. Ang mga pagsisikap ng mga dalubhasa ng simbahan ay walang nagawa upang maibsan ang kanyang kasawian. Ang pangungumpisal at pagpipinitensya, ay ginawa na ngunit wala ring kabuluhan; hindi nito maipagkasundo ang kaluluwa sa Diyos. ADP 129.3
Habang walang-saysay pa ring nakikipagpunyagi, si Calvin na nagkataong napadalaw sa isang plasa, ay nakasaksi roon ng pagsunog sa isang erehe. Siya’y nalipos ng pagtataka sa kapayapaang nakita niya sa mukha nung martir. Sa gitna ng matitinding pahirap ng kakilakilabot na kamatayang iyon, at sa ilalim ng malubhang pagsumpa ng simbahan, ito’y naghayag ng pananampalataya at tibay ng loob na masaklap na inihambing ng kabataang estudyanteng ito sa kanyang sariling kawalang pag-asa at kadiliman, bagaman nabubuhay sa pinakamahigpit na pagsunod sa simbahan. Alam niyang sa Biblia isinalig ng mga ereheng ito ang kanilang pananampalataya. Kaya’t ipinasya niyang pag-aralan ito, at kung magagawa niya’y tuklasin, ang sekreto ng kanilang kaligayahan. ADP 129.4
Sa Biblia ay nasumpungan niya si Cristo. “Oh Ama,” ang sigaw niya. “pinayapa ng Kanyang sakripisyo ang Iyong galit; hinugasan ng Kanyang dugo ang aking mga karumihan; pinasan ng Kanyang krus ang sumpa sa akin; tinubos ako ng Kanyang kamatayan. Gumawa kami para sa aming sarili ng maraming walang-kabuIuhang kalokohan, ngunit inilagay Mo ang Iyong Salita sa harapan ko gaya ng isang sulo, at hinipo Mo ang aking puso, upang aking kamuhian ang lahat ng iba pang nagawa maliban sa mga ginawa ni Jesus.”—Martyn, vol. 3, ch. 13. ADP 129.5
Si Calvin ay pinag-aral sa pagpapari. Noong siya’y 12 taong gulang pa lamang, siya’y itinalaga na sa katungkulan ng kapilyan (chaplain) sa isang maliit na simbahan, at ang kanyang ulo ay inahitan ng obispo ayon sa tuntunin ng simbahan. Hindi siya nakatanggap ng konsagrasyon, o gumanap man ng gawain ng isang pari, ngunit siya’y naging kabilang sa mga pari, at tumatanggap ng sustento bilang kapalit nito. ADP 129.6
Ngayon, sa pagkadamang hindi siya maaaring maging pari, ay pansamantala siyang bumaling sa pag-aaral ng batas, ngunit tinalikuran din niya ang layuning ito sa wakas, at ipinasyang italaga ang kanyang buhay sa ebanghelyo. Ngunit siya’y nag-alangang magturo sa publiko. Siya’y likas na mahiyain, at nahihirapan sa pagkadamang mabigat ang responsibilidad ng tungkuling iyan at mas ginusto niyang higit pang ibuhos ang kanyang sarili sa pag-aaral. Ngunit napapayag rin siya ng matitiyagang pakikiusap ng kanyang mga kaibigan. “Kahanga-hanga talaga,” sabi niya, “na ang isang galing sa napakahamak na tahanan ay maitataas sa gayong dakilang karangalan.”—Wylie, b. 13, ch. 9. ADP 129.7
Tahimik na sinimulan ni Calvin ang kanyang gawain, at ang kanyang mga salita ay gaya ng hamog na pumapatak upang panariwain ang lupa. Umalis siya sa Paris, at ngayo’y nasa isang bayan na siya sa probinsyang nasa pangangalaga ni prinsesa Margaret, na dahil sa pagmamahal sa ebanghelyo ay ipinaabot din ang kanyang pangangalaga sa mga alagad nito. Si Calvin ay kabataan pa, taglay ang maamo at simpleng tindig. Ang kanyang gawain ay nagsimula sa tahanan ng mga tao. Habang nakapalibot ang mga kaanib ng pamilya, ay binabasa niya sa kanila ang Biblia at binubuksan ang mga katotohanan ng kaligtasan. Yung mga nakarinig sa mensahe ay ipinarating din ang mabuting balitang ito sa iba, at hindi nagtagal ang tagapagturong ito ay nakalampas na sa lunsod at nakarating na sa malalayong bayan at mga baryo. Ang mga kastilyo at mga kubo ay pare-parehong nagpatuloy sa kanya, at siya’y humayo, na inilalagay ang pundasyon ng mga iglesyang magbibigay ng walang-takot na pagsaksi para sa katotohanan. ADP 130.1
Pagkaraan ng ilang buwan ay nasa Paris na naman siya. Nagkaroon ng hindi naman nakaugaliang pagtatalu-talo sa grupo ng mga taong dalubhasa at mga iskolar. Ang pag-aaral ng mga sinaunang wika ay siyang nagdala sa mga tao sa Biblia, at maraming tao na ang mga puso ay hindi naman nakilos ng mga katotohanan nito ang buong pananabik itong pinag-uusapan, at nakikipagtalo pa nga sa mga tagapagtanggol ng Romanismo. Si Calvin, bagaman magaling na katunggali sa larangan ng pagtatalo sa teolohiya, ay may mas mataas na misyon na dapat isagawa kaysa sa maiingay na tagapagturong ito sa paaralan. Ang isipan ng mga tao ay nakilos, at ito na ang panahon upang buksan sa kanila ang katotoha-nan. Habang ang mga bulwagan ng mga pamantasan ay napupuno ng kaingayan ng pagtatalo sa teolohiya, si Calvin naman ay nagpatuloy sa pagbabahay-bahay, na binubuksan ang Biblia sa mga tao, at ipinangangaral sa kanila si Cristo at Siya na ipinako sa krus. ADP 130.2
Sa pamamatnubay ng Diyos, ang Paris ay dapat makatanggap ng isa pang paanyaya na tanggapin ang ebanghelyo. Ang panawagan ni Lefevre at ni Farel ay tinanggihan, ngunit ang pabalita ay dapat na marinig uli ng lahat ng klase ng tao sa tanyag na kabiserang ito. Ang hari, dahilan sa mga pulitikal na pagsasaalang-alang ay hindi pa rin lubusang pumapanig sa Roma laban sa Repormasyon. Si Margaret ay nanghahawak pa rin sa pag-asang ang Protestantismo ay magtatagumpay sa France. Ipinasya niya na ang bagong pananampalataya ay dapat na maipangaral sa Paris. Noong panahong wala ang hari, inutusan niya ang isang Protestanteng ministro na mangaral sa mga simbahan ng lunsod. Ngunit dahil ito’y ipinagbabawal ng matataas na pinuno ng kapapahan, binuksan ng prinsesa ang palasyo. Isang silid ang ginayakan para maging kapilya, at ipinatalastas na araw-araw, sa nabanggit na oras, ay isang sermon ang ipangangaral, at ang lahat ng tao mula sa lahat ng antas at kalagayan sa buhay ay inanyayahang dumalo. Nagdagsaan ang maraming tao sa pagpupulong. Hindi lamang ang kapilya kundi pati ang mga katapat na silid ay nagsisiksikan na rin. Araw-araw ay libu-libo ang nagtitipun-tipon—mga mahal na tao, mga may katungkulan sa pamahalaan, mga abugado, mga mangangalakal, at mga trabahador. Ang hari, sa halip na ipagbawal ang mga pagtitipon ay ipinag-utos pang buksan ang dalawang simbahan sa Paris. Ngayon lang nakilos nang husto ng Salita ng Diyos ang lunsod. Ang espiritu ng buhay mula sa langit ay parang ihinihinga sa mga tao. Ang pagpipigil, kalinisan, katiwasayan, at kasipagan ay pumapalit sa paglalasing, kahalayan, alitan, at katamaran. ADP 130.3
Ngunit ang pamunuan ng simbahan ay hindi tatamad-tamad. Ang hari ay tumanggi pa ring makialam upang patigilin ang pangangaral ng ebanghelyo, kaya’t sila’y bumaling sa mga taong-bayan. Lahat ng paraan ay ginawa upang pukawin ang mga pangamba, masamang iniisip, at pagkapanatiko ng mga walang-alam at mapamahiing karamihan. Dahil bulag na nagpasakop sa mga bulaang tagapagturo nito, ang Paris gaya ng Jerusalem noong una, ay hindi alam ang panahon ng pagdalaw sa kanya, ni ang mga bagay na tungo sa kanyang kapayapaan. Sa loob ng dalawang taon ang Salita ng Diyos ay ipinangaral sa lunsod; ngunit, bagaman marami ang tumanggap sa ebanghelyo, hindi ito tinanggap ng karamihan ng mga tao. Si Francis ay nagpakita ng pagpapaubaya, para lamang magamit sa sarili niyang mga layunin, at ang mga makapapa ay nagtagumpay na mabawi ang pangingibabaw. Muling ipinasara ang mga simbahan at itinayo na naman ang pagsusunugan. ADP 131.1
Si Calvin ay nasa Paris pa rin, na sa pamamagitan ng pag-aaral, pagbubulay-bulay, at pananalangin, ay inihahanda ang kanyang sarili para sa kanyang nalalapit na paglilingkod, at sa patuloy na pagpapakalat sa liwanag. Ngunit sa wakas, ang paghihinala ay napako sa kanya. Ang mga maykapangyarihan ay disididong siya’y sunugin. Dahil iniisip na siya’y ligtas sa kanyang pananahimik, wala siyang iniisip na panganib, nang biglang may mga kaibigang nagmamadaling dumating sa kanyang silid, dala ang balitang paparating na ang mga awtoridad upang siya’y dakpin. Agad na isang malakas na pagkatok ang narinig sa tarangkahan sa labas. Walang sandaling dapat sayangin. Inantala ng iba sa mga kaibigan niya ang mga awtoridad sa may pintuan, habang ang iba naman ay tinulungang makababa sa bintana ang Repormador at siya’y mabilis na umalis papalabas sa lunsod. Nang makapagkubli sa kubo ng isang trabahador na kaibigan ng repormasyon, siya’y nagkunwaring trabahador, at daladala ang isang asarol, ay sinimulan na niya ang kanyang paglalakbay. At pagkalakbay patimog, ay muli siyang nakasumpong ng kanlungan sa nasasakupan ni Margaret. (Tingnan ang aklat ni D'Aubigné, History of the Reformation in Europe in the Time of Calvin, b. 2, ch. 30). ADP 131.2
Dito’y nanatili siya nang ilang buwan, ligtas sa pangangalaga ng mga makapangyarihang kaibigan, at gaya nang dati’y abalang-abala sa pag-aaral. Ngunit ang kanyang puso ay nakatuon sa pangangaral ng ebanghelyo sa buong France, at hindi niya kayang manatiling walang-ginagawa. At nang ang bagyo’y parang humupa na, siya’y naghanap ng bagong bukiran ng paglilingkod sa Poitiers, na doo’y may isang unibersidad, kung saan ay nakasumpong na ng pagsang-ayon ang mga bagong opinyon. Ang lahat ng uri ng tao ay maligayang nakinig sa ebanghelyo. Walang pampublikong pangangaral, ngunit sa tahanan ng punong-mahistrado, sa sarili niyang tirahan, at kung minsan ay sa isang pampublikong hardin, ay binuksan ni Calvin ang Salita ng walang-hanggang buhay sa mga nagnanais na makinig. Nang medyo tumagal na, habang dumadami ang mga nakikinig, naisip nilang mas ligtas ang magpulong sa labas ng lunsod. Isang yungib sa gilid ng malalim at makipot na bangin, na ginawang mas kubli ng mga puno at mga nakausling bato, ang siyang napili bilang lugar na pagpupulungan. Ang mga maliliit na grupo, na lumalabas sa lunsod galing sa iba’t ibang daanan ay nagpupunta rito. Sa malayo at tagong lugar na ito ay binabasa at ipinaliliwanag ang Biblia. Dito ay idinaos ng mga Protestante sa France ang Hapunan ng Panginoon sa unang pagkakataon. Mula sa maliit na iglesyang ito ay isinugo ang ilang tapat na mangangaral ng ebanghelyo. ADP 131.3
Muli’y bumalik na naman si Calvin sa Paris. Hindi pa rin niya isinusuko ang pagasa na tatanggapin ng France bilang isang bansa ang Repormasyon. Ngunit nasumpungan niyang sarado halos lahat ng pintuan sa paglilingkod. Ang pagtuturo ng ebanghelyo ay nangangahulugang pagdiretso sa pagsusunugan, at sa wakas ay ipinasya niyang umalis papuntang Germany. Halos hindi pa siya nakakaalis ng France nang sumiklab ang galit sa mga Protestante, na kung siya’y nanatili ay tiyak na siya’y nadamay sa pangkalahatang kapahamakan. ADP 131.4
Ang mga Repormador sa France, dahil nasasabik na makitang nakakasabay ang kanilang bansa sa Germany at Switzerland, ay nagpasyang magbigay ng walang-takot na dagok sa mga pamahiin ng Roma, na gigising sa buong bansa. Kaya’t sa loob lang ng isang gabi ay ipinaskil sa lahat ng bahagi ng France ang mga karatula na tumutuligsa sa misa. Sa halip na magpasulong sa reporma, ang masigasig ngunit hindi napag-aralang pagkilos na ito ay nagpahamak hindi lamang sa mga tagapagpalaganap nito kundi pati na rin sa mga kapanalig ng bagong pananampalataya sa buong France. Ibinigay nito sa mga Romanista ang matagal na nilang hinahangad—isang dahilan para maipag-utos ang lubusang pagkalipol ng mga erehe bilang mga tagasulsol na mapanganib sa katatagan ng kaharian at sa kapayapaan ng bansa. ADP 131.5
May isang nagkabit ng karatula sa pintuan ng pribadong silid ng hari—hindi alam kung ito bay kagagawan ng isang kapanalig na hindi nag-iisip o ng tusong kaaway. Ang hari ay kinilabutan. Sa papel na ito ay walang-awang tinutuligsa ang mga pamahiin na maraming panahon nang iginagalang. Kaya’t ang hindi mapapantayang katapangan ng paggigiit sa malilinaw at nakakagulat na mga pananalitang ito sa harap ng hari, ay ikinagalit ng hari. Sa kanyang pagkabigla ay saglit siyang tumayong nanginginig at hindi makapagsalita. At pagkatapos ay binigkas ang kanyang galit sa kakila-kilabot na mga salitang ito: “Dakpin lahat ng pinaghihinalaang tagasunod ni Luther nang walang pagtalangi. Lilipulin ko silang lahat.”—Ibid., b. 4, ch. 10. Naihagis na ang sapalaran. Ipinasya ng hari na lubusan nang pumanig sa Roma. ADP 132.1
Ang mga hakbang ay agad na isinagawa para sa pagdakip sa lahat ng Lutheran sa Paris. Dinakip ang isang mahirap na trabahador na tagasunod ng bagong pananampalataya, na nakagawian nang tipunin ang mga mananampalataya sa kanilang lihim na pinagpupulungan, at sa pagbabantang agad na susunugin ay inutusang pangunahan ang mga sugo ng papa sa bahay ng lahat ng Protestante sa lunsod. Siya’y nangilabot sa napakasamang balak na ito, ngunit ang takot pa rin sa apoy ang namayani, at siya’y pumayag na maging tagapagkanulo ng kanyang mga kapatid. Kasunod ng ostiya, at napapaligiran ng hilera ng mga pari, ng mga tagapagdala ng insenso, at mga sundalo, si Morin na espiya ng hari kasama ng traydor ay marahan at tahimik na dumadaan sa mga lansangan ng lunsod. Ang pagtatanghal ay parangal kunwari sa “banal na sakramento,” bilang bayad sa ginawang pang-iinsulto sa misa ng mga nagprotesta. Ngunit sa ilalim ng palabas na ito ay nakatago ang isang nakamamatay na balak. Pagdating sa tapat ng bahay ng isang Lutheran, ang tagapagkanulo ay sumenyas, ngunit walang salitang binibigkas. Ang prusisyon ay tumigil, ang bahay ay pinasok, ang pamilya ay kinaladkad palabas at ginapos, at ang nakakatakot na pulutong na ito ay nagpatuloy upang maghanap ng mga panibagong biktima. Sila’y “walang pinaligtas na bahay, malaki man o maliit, kahit pa nga ang mga departamento ng University of Paris.... Niyanig ni Morin ang buong lunsod.... Iyon ay paghahari ng lagim.”—Ibid., b. 4, ch. 10. ADP 132.2
Ang mga biktima ay pinagpapatay sa pamamagitan ng matinding pagpapahirap, at sadyang ipinag-utos na hinaan ang apoy upang patagalin ang kanilang matinding paghihirap. Ngunit sila’y namatay na mananagumpay. Ang kanilang katapatan ay hindi natinag, at ang kanilang kapayapaan ay hindi nagdilim. Ang mga umuusig sa kanila, na walang nagawa upang yanigin ang napakatibay nilang katatagan, ay nakadama ng pagkatalo. “Ipinamahagi ang mga bibitayan sa buong Paris, at sumunod ang sunud-sunod na araw ng pagsunog, na ang hangarin ay maghasik ng takot sa erehiya sa pamamagitan ng pagpapakalat sa pagbitay. Ngunit sa huli, ang kalamangan ay nasa panig pa rin ng ebanghelyo. Naipakita sa buong Paris kung anong uri ng mga tao ang mailalabas ng mga bagong opinyon na ito. Wala nang ibang pulpitong kagaya ng bunton ng panggatong sa mga martir. Ang mapayapang kaligayahan na sumisilay sa mukha ng mga taong ito samantalang sila’y dinadala...sa lugar ng kanilang kamatayan, ang kanilang kagitingan habang sila’y nakatayo sa gitna ng matinding apoy, ang maamo nilang pagpapatawad sa mga pananakit sa kanila, ay ginawang pagkahabag ang galit, at pag-ibig ang pagkamuhi, na sa maraming pagkakataon ay hindi lamang iilan, at nanawagan para sa ebanghelyo sa pamamagitan ng di-malabanang kahusayan.”—Wylie, b. 13, ch. 20. ADP 132.3
Ang mga pari, na disididong panatilihin sa sukdulan ang galit ng mga tao ay nagpakalat ng pinakamatitinding akusasyon laban sa mga Protestante. Sila’y pinaratangan ng pagsasabwatan na pagpapatayin ang mga Katoliko, ibagsak ang pamahalaan, at paslangin ang hari. Walang mailabas kahit anino ng ebidensya para suportahan ang mga bintang na ito. Ngunit ang hulang ito tungkol sa kasamaan ay magkakaroon ng katuparan; pero sa ibang pagkakataon lang nga, at dahil sa mga sanhing kataliwas nito. Ang kalupitang ginawa ng mga Katoliko sa mga walangkasalanang Protestante ay nag-ipon ng bigat ng paghihiganti, at pagkaraan ng ilang dantaon ay isinagawa ang kapahamakan mismong inihula nilang mangyayari sa hari, sa kanyang pamahalaan, at sa kanyang mga nasasakupan; ngunit ito ay isinagawa ng mga taong walang-relihiyon at ng mga makapapa mismo. Hindi ang pagkakatatag, kundi ang pagsugpo sa Protestantismo ang naghatid sa France ng nakapanghihilakbot na mga kalamidad na ito, 300 taon pagkalipas nito. ADP 133.1
Ang paghihinala, kawalang-tiwala, at takot ang namayani ngayon sa lahat ng uri ng tao sa lipunan. Sa gitna ng pangkalahatang pangamba, ay nakita kung gaano kalalim ang impluwensyang nagawa ng aral ni Luther sa isipan ng mga taong may mataas na pinag-aralan, maimpluwensya, at nangingibabaw ang katangian. Ang mga tungkuling pinagkakatiwalaan at ikinararangal ay biglang nabakante. Ang mga manggagawa, mga tagalimbag, mga dalubhasa, mga propesor sa mga unibersidad, mga manunulat, at maging ang mga tagapaglingkod sa bulwagan ng hari ay naglaho. Daan-daan ang umalis sa Paris, kusang ipinatapon ang kanilang sarili mula sa kanilang tinubuang lupa, at sa maraming pangyayari’y nagbibigay ng unang pahiwatig na inaayunan nila ang repormadong pananampalataya. Ang mga makapapa ay may pagtatakang nagsiyasat sa palibot nila sa pag-iisip na baka may mga hindi kahina-hinalang erehe na napabayaan sa kalagitnaan nila. Ang kanilang galit ay nabuhos sa napakaraming mas hamak na biktimang saklaw ng kanilang kapangyarihan. Ang mga bilangguan ay napuno, at mismong ang himpapawid ay para bagang nagdilim dahil sa usok ng mga nasusunog na bunton, na sinindihan para sa mga nagpahayag ng pananampalataya sa ebanghelyo. ADP 133.2
Ipinagmamalaki ni Francis I ang pagiging pasimuno sa malawakang kilusan ng muling pagbuhay sa karunungan na siyang tanda ng pagsisimula ng ika-16 na dantaon. Ikinagalak niyang tipunin sa kanyang palasyo ang mga taong marurunong mula sa iba’t ibang bansa. Kahit papaano’y may bahagi ang pagmamahal niya sa karu-nungan at paghamak sa kawalang-alam at pagkamapamahiin ng mga monghe sa antas ng pagpapaubayang naipagkaloob niya sa repormasyon. Ngunit dahil pinakikilos ng sigasig na sugpuin ang erehiya, ang tagapagtaguyod na ito ng karunungan ay nagpalabas ng utos na nagsasaad sa pagbuwag ng paglilimbag sa buong France! Si Francis I ay nagbibigay ng isa sa napakaraming naitalang halimbawa na nagpapakita na ang kalinangan ng isipan ay hindi bantay laban sa paghihigpit sa relihiyon at pang-uusig. ADP 133.3
Sa pamamagitan ng isang taimtim at pampublikong seremonya ay lubusang itatalaga ng France ang sarili nito sa paglipol sa Protestantismo. Hiniling ng mga pari na ang lantarang paglapastangang idinulot sa Dakilang Langit dahil sa pagtuligsa sa misa ay dapat bayaran ng dugo, at ang hari, para sa kapakanan ng kanyang mga nasasakupan ay dapat hayagang magbigay ng pahintulot sa kakila-kilabot na gawaing ito. ADP 133.4
Ang Enero 21, 1535 ay itinakda para sa kakila-kilabot na seremonya. Ang mga mapamahiing pangamba at panatikong pagkamuhi ng buong bansa ay nagising. Ang Paris ay dinagsa ng napakaraming tao na nakipagsiksikan sa mga lansangan nito mula sa lahat ng nakapalibot na bansa. Ang araw na iyon ay pasisimulan sa isang malaki at maringal na prusisyon. “Sa mga bahay na dadaanan ng prusisyon ay may nakasabit na mga kurtinang pangluksa, at ang mga altar ay salit-salitang itinayo.” Sa tapat ng bawat pintuan ay may nakasinding sulo bilang parangal sa “banal na sakramento.” Bago magbukang-liwayway ay nagtipon na ang prusisyon sa palasyo ng hari. “Sa unahan ay ang mga bandila at mga krus ng iba’t ibang parokya; kasunod nito ang mga mamamayan na lumalakad nang dala-dalawa at may dala-dalang mga sulo.” Sumunod ang apat na samahan ng mga prayle, bawat pangkat ay nakabihis ng sarili nilang kakaibang kasuotan. At pagkatapos ay sumunod ang mga koleksyon ng mga banal na alaala. Kasunod nito ay ang mga nakasakay na mala-haring obispo na suot ang kanilang kulay-ube at pulang damit at mga nahihiyasang panggayak, isang napakaringal at kumikinang na bihis. ADP 133.5
“Ang ostiya ay dala ng obispo ng Paris na nakasakay sa isang napakagandang kubol...na dala-dala ng apat na prinsipe ng dugo.... Kasunod ng ostiya ay naglalakad ang haring...Francis I, na nang araw na iyon ay walang suot na korona o damit ng hari.” Dahil “walang talukbong ang ulo, ang mga mata’y nakatitig sa lupa, at may hawak na kandilang may sindi,” ang hari ng France ay parang “nasa anyo ng isang taong nagsisisi”—Ibid., b. 13, ch. 21. Sa bawat madaanang altar, siya’y yumuyukod sa kapakumbabaan hindi dahil sa mga bisyong nagpaparumi sa kanyang kaluluwa, ni dahil sa dugo ng mga taong walang-kasalanan na dumungis sa kanyang mga kamay, kundi dahil sa mabigat na kasalanan ng kanyang mga sakop na nangahas na tuligsain ang misa. Kasunod niya ay ang reyna at ang mga may mataas na katungkulan sa kaharian, na lumalakad nang dala-dalawa, at may hawak na sulong nakasindi. ADP 134.1
At bilang bahagi ng mga seremonya nang araw na iyon, ang hari mismo ay nagsalita sa matataas na opisyal ng kaharian doon sa malaking bulwagan ng palasyo ng obispo. Siya’y humarap sa kanila na malungkot ang mukha, at sa makabagbagpusong husay ng pagsasalita ay itinangis “ang krimen, ang kalapastanganan, ang araw ng kapighatian at kahihiyan,” na sumapit sa bansang iyon. At nanawagan siya sa lahat ng tapat na mamamayan na tumulong na lipulin ang salot na erehiya na nagbabanta ng pagkawasak sa France. “Dahil tunay ngang ako ang inyong hari, mga ginoo,” sabi niya, “kung malaman kong ang isa sa sarili kong paa o kamay ay nabahiran o nahawa ng kasuklam-suklam na kabulukang ito, ibibigay ko ito sa inyo para putulin.... At bukod dito, kung makita ko na isa sa mga anak ko ay nadungisan nito, hindi ko siya paliligtasin.... Ako mismo ang maghahatid sa kanya, at isasakripisyo siya sa Diyos.” Pinigil ng luha ang kanyang sinasabi at ang buong kapulungan ay umiyak, at nagkakaisang sumigaw: “Tayo ay mabubuhay at mamamatay para sa relihiyong Katoliko!”—D’Aubigné, History of the Reformation in Europe in the Time of Calvin, b. 4, ch. 12. ADP 134.2
Matindi ang naging kadiliman ng bansang ito na tumanggi sa liwanag ng katotohanan. “Ang biyaya ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan” ay nagpakita; ngunit matapos na makita ng France ang kapangyarihan at kabanalan nito, matapos na maakit ng banal na kagandahan nito ang libu-libong tao, pagkatapos na maliwanagan ng kaningningan nito ang mga lunsod pati na ang mga kanayunan, ito ay tumalikod at mas pinili pa ang kadiliman sa halip na ang liwanag. Tinanggihan nila ang regalo ng langit nang ito’y ialok sa kanila. Tinawag nilang masama ang mabuti, at mabuti ang masama hanggang sila’y maging biktima ng kusa nilang pagdaya sa sarili. At ngayon, bagaman maaaring paniwalaan talaga nila na naglilingkod sila sa Diyos sa pamamagitan ng pag-usig sa Kanyang bayan, hindi pa rin sila mapapawalang-sala ng pagiging seryoso nila. Ang liwanag na sana’y nagligtas sa kanila sa pagkakadaya at sa pagbahid ng dugo sa kanilang kaluluwa, ay may katigasan nilang tinanggihan. ADP 134.3
Isang taimtim na pagsumpang lilipulin ang erehiya ang naganap sa tanyag na katedral na iyon, na pagkaraan ng halos tatlong dantaon ay pinagluklukan naman sa “Diyosa ng Katwiran” ng bansang ito na lumimot sa Diyos na buhay. Muling binuo ang prusisyon, at ang mga kinatawan ng France ay umalis na upang simulan ang gawain na sinumpaan nilang gagawin. “Sa di-kalayuan ay itinayo ang mga entablado na kinaroroonan ng ilang Protestanteng Kristiyano na susunugin nang buhay, at pinagkasunduan na sa sandaling dumating ang hari ay sisindihan ang bunton ng panggatong at ang prusisyon ay titigil upang masaksihan ang pagsunog.”—Wylie, b. 13, ch. 21. Ang mga detalye ng mga pagpapahirap na tiniis ng mga saksing ito para kay Cristo ay masyadong nakapanlulumo para isalaysay pa, ngunit walang pag-aalangan ang mga biktimang ito. Habang hinihimok na tumalikod na, ay sumagot ang isa: “Ako’y naniniwala lamang sa ipinangaral noon ng mga propeta at mga apostol, at sa pinaniwalaan ng buong samahan ng mga banal. May pagtitiwala sa Diyos ang aking pananampalataya, na kakalaban sa lahat ng kapangyarihan ng impiyerno.”— D’Aubigné, History of the Reformation in Europe in the Time of Calvin, b. 4, ch. 12. ADP 134.4
Paulit-ulit na tumitigil ang prusisyon sa mga lugar na may pinahihirapan. At nang makarating na doon sa palasyo ng hari kung saan sila nag-umpisa, ang napakaraming tao ay naghiwa-hiwalay na, at ang hari at ang matataas na kawani ng simbahan ay umalis na rin, lubos na nasisiyahan sa mga nangyari sa buong araw na iyon, na binabati ang kanilang sarili na ang gawaing nagsimula sa araw na iyon ay magpapatuloy hanggang sa lubusang malipol ang mga erehe. ADP 135.1
Ang ebanghelyo ng kapayapaan na tinanggihan ng France ay talagang tiyak na malilipol, at kakila-kilabot ang magiging mga resulta nito. Noong Enero 21, 1793, dalawang daan at limampung taon mula mismo noong araw na iyon na lubusang nagtalaga ang France sa pag-usig sa mga Repormador, ay isa na namang prusisyon ang dumaan sa mga lansangan ng Paris, na talagang iba naman ang layunin. “Hari uli ang pangunahing tauhan; meron uling pagkakagulo at sigawan; narinig uli ang hiyawan para sa mas marami pang biktima; at meron na namang mga kulay-itim na entabladong bibitayan; at ang mga tagpo sa araw na iyon ay natapos sa malalagim na pagpatay; si Louis XVI, na harapang nagpupumiglas sa mga nagbilanggo at papatay sa kanya ay kinaladkad patungo sa pugutan ng ulo, at doon ay hinawakan siya nang may matinding lakas hanggang sa ibagsak ang matalim na palakol, at ang kanyang naputol na ulo ay gumulong sa entablado.”—Wylie, b. 13, ch. 21. Hindi lang ang hari ang nag-iisang biktima; malapit lang sa lugar na iyon ay dalawang libo at walong daang katao ang namatay sa pamamagitan ng pugutan noong madugong panahon ng Paghahari ng Lagim. ADP 135.2
Iniharap ng Repormasyon sa sanlibutan ang isang bukas na Biblia, habang binubuksan ang mga tuntunin ng kautusan ng Diyos at iginigiit ang mga karapatan nito sa budhi ng mga tao. Inihayag ng WalangHanggang Pag-ibig sa mga tao ang mga batas at prinsipyo ng langit. Sinabi ng Diyos, “Tuparin ninyo at inyong gawin, sapagkat ito ang inyong magiging karunungan at kaalaman sa paningin ng mga tao na makakarinig ng mga tuntuning ito, at magsasabi, Tunay na ang dakilang bansang ito ay matalino at may pagkaunawa’ ” (Deuteronomio 4:6). Nang tanggihan ng France ang regalo ng langit, ay naghasik siya ng mga binhi ng kaguluhang pambansa at pagkawasak; at ang di-maiiwasang mabilis na paggawa ng sanhi at bunga ay nagresulta sa Rebolusyon at sa Paghahari ng Lagim. ADP 135.3
Bago pa mangyari ang pag-uusig na pinukaw ng mga karatula ay napilitan nang tumakas ang matapang at masigasig na si Farel mula sa kanyang lupang sinilangan. Siya ay pumunta sa Switzerland, at sa pamamagitan ng kanyang mga paggawa na kasunod ng mga ginawa ni Zwingli, ay nakatulong siya na ibalik ang pagsang-ayon sa Repormasyon. Dito niya gugugulin ang kanyang mga huling taon, ngunit patuloy pa rin siyang gumawa ng isang tiyak na impluwensya sa repormasyon sa France. Sa mga una niyang taon ng sapilitang paninirahan sa ibang bayan, ang mga pagsisikap niya ay nakatuon lalo na sa kanyang sariling bayan. Gumugol siya ng maraming panahon sa pangangaral sa kanyang mga kababayan sa may hangganan ng dalawang bansang ito, kung saan sa walang-pagod na pagmamasid ay sinubaybayan niya ang kaguluhan sa France, at tumulong sa pamamagitan ng mga salita niyang nagpapalakas ng loob at ng kanyang mga payo. Sa tulong ng iba pang mga napatapon, ang mga sinulat ng mga Repormador na German ay isinalin sa wika ng France, at kasama ng Bibliang French ay inilimbag nang maramihan. Sa pamamagitan ng mga tagapagbenta ng mga aklat na panrelihiyon, ang mga lathalaing ito ay malawakang naipagbili sa France. Ang mga ito ay ibinigay nang mura sa mga kulpurtor, at sa gayon ang kita ng gawaing ito ay nakatulong sa kanila upang ipagpatuloy ito. ADP 135.4
Sinimulan ni Farel ang kanyang gawain sa Switzerland sa hamak na balatkayo ng isang guro. Pagkapunta sa isang malayong parokya, itinalaga niya ang kanyang sarili sa pagtuturo sa mga bata. Bukod pa sa mga karaniwang sangay ng pag-aaral, maingat rin niyang itinuro ang mga katotohanan ng Biblia, na umaasang sa pamamagitan ng mga batang ito ay maaabot ang kanilang mga magulang. May mga naniwala, ngunit ang mga pari ay dumating para ipatigil ang kanyang gawain, at ang mga taong bukid na mapamahiin ay pinukaw upang tutulan ito. “Hindi maaaring iyan ang ebanghelyo ni Cristo,” ang giit ng mga pari, “dahil nakikita ninyo na ang pangangaral nito ay hindi nagdadala ng kapayapaan, kundi digmaan.—Wylie, b. 14, ch. 3. Gaya ng mga unang alagad, nang siya’y usigin sa isang lunsod siya’y tumakas tungo sa kasunod. Sa bawat nayon, at sa bawat lunsod, siya’y humahayo na naglalakbay nang lakad lang, na tinitiis ang gutom, lamig, at pagod, at kahit saa’y nanganganib ang kanyang buhay. Siya’y nangaral sa mga palengke, sa mga simbahan, at kung minsan ay sa pulpito ng mga katedral. Kung minsan ay nararanasan niyang walang tao sa simbahan para makinig; kung minsan naman ay natitigil ng mga sigawan at pangangantiyaw ang kanyang pangangaral; at marahas na naman siyang hinila pababa sa pulpito. Ilang beses din siyang dinaluhong ng mga nagkakagulong tao at halos mamatay na dahil sa bugbog. Ngunit siya’y nagpatuloy pa rin. Bagaman madalas na itinataboy, sa walang-pagod na pagtitiyaga ay bumabalik siya upang gumawa; at nakita niya na ang mga bayan at mga lunsod na dati’y mga muog ng kapapahan ay isa-isang binubuksan ang kanilang mga pintuan sa ebanghelyo. Hindi nagtagal, ang maliit na parokya na una niyang pinaglingkuran ay tumanggap na rin sa bagong pananampalataya. Itinakwil na rin ng lunsod ng Morat at Neuchatel ang mga seremonya ng Roma, at inalis ang mga imahen sa kanilang mga simbahan na pawang pagsamba sa diyus-diyosan. ADP 135.5
Matagal nang hinahangad ni Farel na maibaon ang bandila ng Protestantismo sa Geneva. Kung mahihikayat ang lunsod na ito, ito’y magiging sentro ng Repormasyon sa France, sa Switzerland, at sa Italy. Taglay ang layuning ito, ipinagpatuloy niya ang kanyang paglilingkod hanggang sa makuha ang marami sa nakapalibot na mga bayan at mga nayon. At pagkatapos, siya’y pumasok sa Geneva na isa lang ang kasama. Ngunit dalawang sermon lang ang naipangaral niya. Dahil walang nangyari sa pagsisikap nilang matamo ang pagkakahatol sa kanya sa pamamagitan ng pamahalaan, siya’y ipinatawag ng mga pari na humarap sa konsilyo ng simbahan, kung saan sila’y dumalo na may nakatagong mga armas sa kanilang mga kasuotan at disididong siya’y patayin. Sa labas ng bulwagan ay naroon ang nagagalit na mga tao na may dalang mga panghampas at mga tabak, upang tiyakin ang kanyang kamatayan sakali mang siya’y makaligtas sa konsilyo. Ngunit nailigtas siya ng pagdalo ng mga mahistrado at ng isang sandatahang hukbo. Maagangmaaga kinabukasan, siya at ang kasama niya ay inihatid patawid ng lawa sa lugar na siya’y ligtas. Ganyan nagtapos ang una niyang pagsisikap na maipangaral ang ebanghelyo sa Geneva. ADP 136.1
Sa ikalawang pagtatangka, isang mas hamak na instrumento ang pinili—isang kabataang lalaki na napakahamak anupa’t malamig ang pakikitungo sa kanya kahit ng mga nagsasabing kapanalig ng Repor-masyon. Ngunit ano ang magagawa ng katulad niya sa lugar kung saan si Farel ay hindi tinanggap? Paano matatagalan ng isang taong babahagya ang lakas ng loob at karanasan, ang bagyo na kahit nga ang pinakamalakas at pinakamatapang ay napilitang tumakas? “Hindi sa pamamagitan ng lakas, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng Aking Espiritu, sabi ng Panginoon ng mga hukbo” (Zacarias 4:6). “Pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina sa sanlibutan upang Kanyang hiyain ang malalakas.” “Sapagkat ang kahangalan sa Diyos ay higit na matalino kaysa mga tao; at ang kahinaan ng Diyos ay higit na malakas kaysa mga tao” (1 Corinto 1:27, 25). ADP 136.2
Sinimulan ni Froment ang kanyang gawain bilang isang guro. Ang mga katotohanang itinuro niya sa mga bata sa paaralan ay inuulit nila sa kanilang bahay. At hindi nagtagal ay napakinggan na rin ng mga magulang ang pagpapaliwanag sa Biblia, hanggang ang silid ng paaralan ay mapuno ng mga taong matamang nakikinig. Ang mga Bagong Tipan at mga babasahin ay walang-bayad na ipinamimigay, at narating ng mga ito ang maraming tao na hindi nangahas na lantarang pumunta doon upang makinig sa mga bagong doktrina. Pagkaraan ng ilang panahon, ang manggagawang ito ay napilitan ding tumakas; ngunit ang mga katotohanang itinuro niya ay nagsimulang tumatag sa isipan ng mga tao. Ang Repormasyon ay naitanim na, at ito’y nagpatuloy na lumakas at lumawak. Ang mga mangangaral ay nagsibalik, at sa pamamagitan ng kanilang mga paggawa, ang pagsambang Protestante ay naitatag rin sa wakas sa Geneva. ADP 136.3
Ang lunsod ay nakapagdeklara na para sa Repormasyon noong si Calvin ay pumasok sa mga pintuan nito pagkatapos ng marami niyang paglilibot at malalaking pagbabago. Pagbalik niya mula noong huli siyang bumisita sa lugar na kanyang sinilangan, siya’y papunta na sana sa Basel, ngunit nang makita niyang hawak ng mga sundalo ni Charles V ang diretsong daan, siya’y napilitang dumaan sa paikut-ikot na ruta padaan sa Geneva. ADP 137.1
Sa pagbisitang ito ni Calvin ay nakita ni Farel ang kamay ng Diyos. Bagaman tinanggap na ng Geneva ang bagong pananampalataya, may malaki pa ring gawain na dapat isagawa dito. Ang mga tao ay nahihikayat sa Diyos nang isa-isa at hindi buong pamayanan; ang gawain ng pagbabagong-buhay ay dapat mangyari sa puso at sa konsensya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, at hindi sa pamamagitan ng kautusan ng mga konsilyo. Bagaman kinalag na ng Geneva ang kapamahalaan ng Roma, hindi pa sila gaanong handa na talikuran ang mga bisyong lumago sa ilalim ng pamumuno nito. Ang itatag dito ang mga dalisay na prinsipyo ng ebanghelyo, at ang ihanda ang mga taong ito na punan nang nararapat ang posisyon na parang dito sila tinatawagan ng Diyos ay hindi madaling gawain. ADP 137.2
Si Farel ay nananalig na nasumpungan niya kay Calvin ang isang maaari niyang makasama sa gawaing ito. Sa ngalan ng Diyos ay taos-puso niyang pinakiusapan ang kabataang mangangaral na ito na manatili at maglingkod dito. Si Calvin ay biglang napaurong dahil sa takot. Dahil mahiyain at mahilig sa kapayapaan, takot siyang makabangga ang walang-kinatatakutan, mapagsarili, at marahas pa ngang espiritu ng mga taga-Geneva. Ang mahina niyang kalusugan, pati na ang kanyang ugaling palaaral ay tumulak sa kanya na naisin ang makapag-isa. Sa paniniwalang makakapaglingkod siya nang mas mabuti sa pamamagitan ng kanyang panulat, hinangad niya na sana’y makasumpong siya ng isang pahingahan para sa pag-aaral, at doon ay maturuan at maitatag ang mga iglesya sa pamamagitan ng paglilimbag. Ngunit ang taos-pusong paalala ni Farel ay dumating sa kanya na parang panawagan mula sa langit, at hindi siya nangahas na tanggihan ito. Sabi niya, ito sa kanya’y parang “umunat ang kamay ng Diyos mula sa langit, at siya’y hinawakan nito, at siya’y di-mababagong ipinirmi sa lugar na talagang hindi na niya mahintay pa ang makaalis.”—D’Aubigné, History of the Reformation in Europe in the Time of Calvin, b. 9, ch. 17. ADP 137.3
Nang panahong iyon ay malalaking panganib ang nakapalibot sa gawain ng Protestantismo. Ang mga sumpa ng papa ay dumagundong laban sa Geneva, at ito’y pinagbantaang wawasakin ng malalakas na bansa. Paano kakalabanin ng maliit na lunsod na ito ang pamunuan ng simbahan na napakadalas pa ngang napipilit na magpasakop ang mga hari at emperador? Paano ito makakatayo laban sa mga sundalo ng mga tanyag na manlulupig sa sanlibutan? ADP 137.4
Sa buong Sangkakristiyanuhan, ang Protestantismo ay laging pinagbabantaan ng mahihirap taluning kaaway. Ang mga unang tagumpay ng Repormasyon ay nakalipas na, ang Roma ay bumuo ng mga bagong puwersa, at inaasahang maisasagawa ang pagkalipol nito. Sa panahong ito ay binuo ang samahan ng mga Jesuit, na siyang pinakamalupit, pinakawalangkonsensya, at pinakamakapangyarihan sa lahat ng mga tagapagtanggol ng kapapahan. Dahil hiwalay sa anumang kaugnayang makalupa at sa mga hilig ng tao, walang-pakiramdam sa mga sinasabi ng katutubong damdamin, at ganap na pinatahimik ang pangangatwiran at konsensya, sila’y walang kinikilalang kautusan at kaugnayan maliban doon sa kanilang samahan, at walang kinikilalang tungkulin kundi ang palawakin ang kapangyarihan nito (Tingnan ang Apendiks). Binigyanglakas ng ebanghelyo ni Cristo ang mga tagasunod nito na sagupain ang panganib at tiisin ang mga kahirapan, nang hindi pinanlulumo ng lamig, gutom, pagod, at kahirapan, na itaas ang bandila ng katotohanan sa kabila ng pagpapahirap, ng bilangguan, at ng pagsunog. Upang labanan ang kapangyarihang ito, pinupukaw ng Jesuitismo sa mga tagasunod nito ang pagkapanatiko na nagbibigay-lakas sa kanila na tiisin ang ganon ding mga panganib, at mailaban ang lahat ng sandata ng pandaraya sa kapangyarihan ng katotohanan. Walang anumang napakalaking krimen na hindi nila kayang gawin, walang napakasamang pandaraya na hindi nila maisasagawa, walang napakahirap na pagkukunwari na hindi nila kayang ipagpanggap. Bagaman nanumpang magiging habambuhay na mahirap at hamak, sadyang layunin nila ang magkaroon ng kayamanan at kapangyarihan, ang magtalaga sa pagpapabagsak sa Protestantismo at sa muling pagkakatatag ng pangingibabaw ng kapapahan. ADP 137.5
Kapag sila’y lalabas bilang mga kaanib ng kanilang samahan, sila’y nagsusuot ng damit ng kasagraduhan, at dumadalaw sa mga bilangguan at hospital, naglilingkod sa mga maysakit at sa mga mahihirap, nagpapanggap na tinalikuran na ang sanli-butan, at dinadala ang banal na pangalan ni Jesus na naglibot at gumagawa ng mabuti. Ngunit sa ilalim ng walang-dungis na panlabas na ito ay madalas na itinatago ang mga pinakamasasama at nakamamatay na balak. ADP 138.1
Ang pangunahing prinsipyo ng samahang ito ay, ang paraan ay binibigyang-katwiran ng layunin. Sa ganitong alituntunin, ang pagsisinungaling, pagnanakaw, panghuhuwad, at pagpatay, ay hindi lamang napapatawad kundi kapuri-puri pa kung ang mga ito’y makatutulong sa kapakanan ng simbahan. Sa ilalim ng iba’t ibang pagpapanggap, ang mga Jesuit ay nagkakaroon ng mga tungkulin sa pamahalaan, at natataas bilang mga tagapayo ng mga hari, at hinuhubog ang palakad ng mga bansa. Sila’y nagiging mga tagapaglingkod upang magsilbing espiya para tiktikan ang kanilang mga pinaglilingkuran. Sila’y nagtatayo ng mga kolehiyo para sa mga anak ng mga prinsipe at mararangal na tao, at mga paaralan para sa mga karaniwang tao; at ang mga anak ng mga Protestanteng magulang ay naaakit sa mga seremonya ng kapapahan. Lahat ng panlabas na karangyaan at pagtatanghal ng pagsambang Romano ay itinuon upang lituhin ang isipan, at silawin at bighaniin ang imahinasyon; kung kaya’t ang kalayaan na pinaghirapan at pinagbuwisan ng dugo ng mga magulang ay pinagtaksilan ng mga anak. Mabilis na nagsikalat ang mga Jesuit sa buong Europa, at kung saan man sila magpunta, ay kabuntot ang muling pagsigla ng Katolisismo. ADP 138.2
Upang bigyan sila ng higit pang kapangyarihan, isang kautusan ang pinalabas na muling nagtatatag sa Inquisition (Tingnan ang Apendiks). Sa kabila ng pangkalahatang pagkamuhi dito, maging ng mga Katolikong bansa, muling itinatag ng mga pinuno ng kapapahan ang kakila-kilabot na hukumang ito, at muling naulit sa mga kubling bartolina nito ang mga kabuktutang lubhang kalagim-lagim para matagalan ang liwanag ng araw. Sa maraming bansa, libulibo sa mismong mga pinakamagagaling na halimbawa ng bansa, sa mga pinakatunay at pinakamararangal, sa mga pinakamarurunong at pinakamataas ang pinag-aralan, sa mga pinakamaka-Diyos at pinakadedikadong mga pastor, sa mga pinakamasisipag at pinakamakabayang mamamayan, sa mga pinakamatatalinong iskolar, sa mga pinakamahuhusay na pintor, at sa mga pinakabihasang manggagawa, ang pinagpapatay o kaya’y napilitang tumakas tungo sa ibang lupain. ADP 138.3
Ganyan ang mga paraang ginamit ng Roma upang sugpuin ang liwanag ng Repormasyon, upang ilayo sa mga tao ang Biblia, at ibalik ang kawalang-alam at pagkamapamahiin ng Madilim na Kapanahunan. Ngunit sa ilalim ng pagpapala ng Diyos at ng paggawa ng mga mararangal na taong iyon na Kanyang ibinangon upang humalili kay Luther, ang Protestantismo ay hindi naibagsak. Hindi nito dapat maging utang ang lakas nito sa pagkampi o mga armas ng mga prinsipe. Ang pinakamaliliit na bayan, ang pinakahamak at pinakamahihinang bansa ang naging muog nito. Ang munting bayan ng Geneva sa gitna ng mga makapangyarihang kaaway na nagbabalak ng pagwasak dito; ang Holland sa buhanginang baybayin nito sa karagatan ng hilaga, na nakikipagpunyagi sa kalupitan ng Spain, na noo’y pinakatanyag at pinakasagana sa lahat ng kaharian; ang mapanglaw at mahinang bayan ng Sweden, ang siyang mga nagtamo ng tagumpay para sa Repormasyon. ADP 138.4
Sa loob ng halos 30 taon, si Calvin ay naglingkod sa Geneva; una’y para magtayo roon ng iglesya na umaayon sa moralidad ng Biblia, at pagkatapos ay para pasulungin ang Repormasyon sa buong Europa. Ang kanyang mga paraan bilang isang lider ng mga tao ay hindi masasabing walang-mali, ni ligtas sa kamalian ang kanyang mga doktrina. Ngunit siya ay naging instrumento sa pagpapalaganap ng mga katotohanan na may bukud-tanging kahalagahan noong kapanahunan niya, sa pagpapanatili ng mga prinsipyo ng Protestantismo laban sa agos ng kapapahan na mabilis na nanunumbalik, at sa pagsusulong ng kasimplihan at kalinisan ng pamumuhay sa mga repormadong iglesya, kapalit ng pagmamalaki at katiwaliang natatag dahil sa mga turo ng Roma. ADP 139.1
Mula sa Geneva, ang mga babasahin at mga tagapagturo ay humayo upang ikalat ang mga bagong doktrina. Hanggang sa panahong ito, ang mga pinag-uusig sa lahat ng lupain ay naghahanap ng tagubilin, payo, at kalakasan ng loob. Ang lunsod ni Calvin ay naging kanlungan para sa mga tinutugis na Repormador sa buong Kanlurang Europa. Sa pagtakas sa matitinding bagyong nagpatuloy sa loob ng daandaang taon, ang mga takas ay nakarating sa pintuang-bayan ng Geneva. Ang mga taong ito na gutom, sugatan, nawalan ng mga tahanan at mga mahal sa buhay, ay mainit na tinanggap at magiliw na inasikaso; at dahil nakasumpong ng tahanan dito, pinagpala nila ang lunsod na kumupkop sa kanila sa pamamagitan ng kanilang mga kahusayan, kaalaman, at ng kanilang kabanalan. Marami sa mga nanganlong dito ay bumalik sa sarili nilang mga bansa upang labanan ang kalupitan ng Roma. Si John Knox, ang matapang na Repormador na taga-Scotland, ang maraming Puritans na taga-England, ang mga Protestante ng Holland at ng Spain, ang mga Huguenot ng France, ay dinala mula sa Geneva ang sulo ng katotohanan upang liwanagan ang kadiliman ng kanilang lupang tinubuan. ADP 139.2