Ang Dakilang Pag-Asa

3/44

1—Ang Pagkawasak Ng Jerusalem

“Kung sa araw na ito ay alam mo sana ang mga bagay na tungo sa kapayapaan! Subalit ngayo’y nakakubli ito sa iyong mga mata. Sapagkat darating sa iyo ang mga araw, na ang mga kaaway mo ay magtatayo ng muog sa palibot mo at papaligiran ka, at gigipitin ka sa bawat panig. At ibabagsak ka sa lupa, ikaw at ang iyong mga anak na nasa iyo. Sa iyo’y hindi sila mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng kapwa bato; sapagkat hindi mo kinilala ang panahon ng pagdalaw sa iyo” (Lucas 19:42-44). ADP 13.1

Mula sa tuktok ng Bundok ng mga Olibo, si Jesus ay tumingin sa Jerusalem. Maganda at mapayapa ang tanawing nakalatag sa harapan Niya. Noon ay panahon ng Paskuwa, at mula sa lahat ng lupain ay nagtipon doon ang mga anak ni Jacob upang ipagdiwang ang dakilang pambansang kapistahan. Sa gitna ng mga halamanan at mga ubasan, at mga luntiang palusong na nakakalatan ng mga tolda ng mga manlalakbay, ay naroon ang mga nahahagdanang burol, ang mga mararangal na palasyo, at mga malalaki’t matitibay na muog ng kabisera ng Israel. Parang sinasabi ng anak na babae ng Zion sa kanyang pagmamataas, “Ako’y nakaupong isang reyna at hindi ko makikita kailanman ang pagluluksa” (Apocalipsis 18:7); maganda ito noon, at ipinalalagay na matiwasay ang sarili sa kagandahang-loob ng Langit, gaya noong mga nagdaang panahon na ang musikero ng hari ay umawit, “Maganda sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa, ang Bundok ng Zion,...ang lunsod ng dakilang Hari” (Awit 48:2). Kitang-kita ang maririlag na gusali ng templo. Ang sinag ng papalubog na araw ay kumikinang sa busilak na kaputian ng mga marmol na dingding nito at kumikislap mula sa ginintuang pintuangbayan at tore at taluktok ng templo. Ito’y nakatayong “kasakdalan ng kagandahan” (Panaghoy 2:15), ang ipinagmamalaki ng bansang Judio. Sinong anak ni Israel angtitingin sa tanawing ito nang hindi makakadama ng labis na tuwa at paghanga! Ngunit iba ang mga iniisip ni Jesus. “Nang malapit na Siya at nakita ang lunsod, ito’y Kanyang iniyakan” (Lucas 19:41). Sa gitna ng pangkalahatang kagalakan ng matagumpay na pagpasok sa lunsod, habang ang mga sanga ng palma ay iwinawagayway, habang ginigising ng masasayang hosana ang alingawngaw ng mga burol, at ipinapahayag ng libu-libong tinig na Siya’y hari, ang Manunubos ng sanlibutan ay nalipos ng isang biglaan at mahiwagang kalungkutan. Siya, na Anak ng Diyos, ang Isang Ipinangako sa Israel, na ang kapangyarihan ay dumaig sa kamatayan, at tinawag ang mga bihag nito mula sa libingan, ay lumuluha, hindi ng karaniwang kalungkutan, kundi ng matindi, at di-mapigil na kalungkutan. ADP 13.2

Ang Kanyang mga luha ay hindi para sa Kanyang sarili kahit alam na alam Niya kung saan Siya ihahatid ng Kanyang mga paa. Sa harapan Niya ay naroon ang Getsemani, ang eksena ng Kanyang nalalapit na paghihirap. Natatanaw din ang Pintuan ng mga Tupa, kung saan idinadaan ang mga handog na tupa sa loob ng daan-daang taon, at bubuksan para sa Kanya kapag Siya’y naging “gaya ng kordero na dinadala sa katayan” (Isaias 53:7). Sa di-kalayuan ay ang Kalbaryo, ang lugar na pinagpakuan. Ang landas nito na malapit nang tahakin ni Cristo ay malulukuban ng lagim ng malaking kadiliman habang Kanyang inaalay ang kaluluwa Niya para sa kasalanan. Ngunit hindi ang pagninilay-nilay sa mga tagpong ito ang nagpalungkot sa Kanya sa oras na ito ng kagalakan. Walang kutob ng sarili Niyang pambihirang pagdadalamhati ang nagpakulimlim sa di-makasariling espiritu. Siya’y umiyak para sa libu-libong tiyak na mamatay sa Jerusalem—dahil sa pagkabulag at kawalang-pagsisisi nung mga ipinarito Niya upang pagpalain at iligtas. ADP 13.3

Ang kasaysayan ng higit pa sa isang libong taon ng natatanging kagandahangloob at mapagmalasakit na pagbabantay na ipinakita sa bayang pinili, ay hayag sa mata ni Jesus. Naroon ang bundok ng Moria, kung saan ang anak ng pangako, ang isang walang tutol na sakripisyo, ay ginapos sa altar—simbolo ng paghahandog sa Anak ng Diyos. Doon, ang tipan ng pagpapala, ang maluwalhating panga- kong Mesiyas, ay tiniyak sa ama ng mga mananampalataya (Genesis 22:9, 16-18). Doon ang apoy ng handog na pumailanglang sa langit mula sa giikan ni Ornan ay pumigil sa tabak ng mapamuksang anghel (1 Cronica 21)—angkop na simbolo ng sakripisyo at pamamagitan ng Tagapagligtas para sa mga nagkasalang tao. Ang Jerusalem ay pinarangalan ng Diyos ng higit sa lahat ng nasa lupa. “Pinili ng Panginoon ang Zion; Kanya itong ninasa para sa Kanyang tirahan” (Awit 132:13). Doon, sa maraming taon, ay binigkas ng mga banal na propeta ang kanilang mga mensahe ng babala. Doon ay iwinagayway ng mga pari ang kanilang mga suuban, at ang ulap ng insenso, lakip ang mga panalangin ng mga sumasamba, ay pumailanglang sa Diyos. Doon ay araw-araw na inihahandog ang dugo ng mga pinapatay na tupa, na ito’y tumuturo sa Kordero ng Diyos. Doon ay inihayag ni Jehova ang Kanyang presensya sa ulap ng kaluwalhatian sa ibabaw ng luklukan ng awa. Doon nakapatong ang paa ng mahiwagang hagdan na naguugnay sa lupa at langit (Genesis 28:12; Juan 1:51)—ng hagdang iyon kung saan nagmamanhik-manaog ang mga anghel ng Diyos, at nagbukas para sa sanlibutan ng daan patungo sa kabanal-banalan. Kung iningatan lamang ng Israel ang katapatan niya sa Langit bilang isang bansa, sana’y nananatili magpakailanman ang Jerusalem, ang hinirang ng Diyos (Jeremias 17:21-25). Subalit ang kasaysayan ng bayan na iyon na mabuting pinakitunguhan ng Diyos ay isang kasaysayan ng paghihimagsik at pagbalik sa dating kasamaan. Kanilang nilabanan ang biyaya ng Langit, inabuso ang kanilang mga karapatan, at winalang-halaga ang kanilang mga pagkakataon. ADP 13.4

Bagaman ang Israel ay “tinuya ang mga sugo ng Diyos, hinahamak ang Kanyang mga salita, at nililibak ang Kanyang mga propeta” (2 Cronica 36:16), Kanya pa ring inihayag ang Kanyang sarili sa kanila bilang “Panginoon, isang Diyos na puspos ng kahabagan at mapagpala, hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan” (Exodo 34:6); sa kabila ng paulit-ulit na pagtakwil sa Kanya, ang kahabagan Niya ay nagpatuloy sa mga pagsusumamo nito. Taglay ang higit pa sa naaawang pag-ibig ng isang ama para sa anak na nasa pangangalaga niya, ang Diyos ay “paulit-ulit na nagsugo sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang mga sugo, sapagkat Siya’y may habag sa Kanyang bayan, at sa Kanyang tahanang dako” (2 Cronica 36:15). Nang ang pagsansala, pamamanhik, at pagsaway ay nabigo, isinugo Niya sa kanila ang pinakamagandang kaloob ng Langit; hindi lang iyon, kundi ibinuhos pa Niya ang buong langit sa isang Kaloob na iyon. ADP 14.1

Ang Anak ng Diyos mismo ang isinugo upang makiusap sa di-nagsisising lunsod. Si Cristo ang Siyang naglabas sa Israel bilang isang mabuting puno ng ubas mula sa Ehipto (Awit 80:8). Ang Kanyang sariling kamay ang nagpalayas sa mga bansang pagano sa harapan nito. Itinanim Niya ito “sa matabang burol.” Ang Kanyang mapagmalasakit na pagbabantay ay pumapalibot dito. Isinugo Niya ang Kanyang mga lingkod upang alagaan ito. “Ano pa ang magagawa Ko sa Aking ubasan, na hindi Ko nagawa?” bulalas Niya. Bagaman nang Kanyang “hinintay na magbunga ng mga ubas, ito’y nagbunga ng ligaw na ubas” (Isaias 5:1-4), gayunma’y taglay ang nasasabik pa ring pag-asang ito’y magbubunga, personal Niyang pinuntahan ang Kanyang ubasan, baka-sakaling ito’y mailigtas pa mula sa pagkawasak. Binungkal Niya ang palibot ng Kanyang ubasan; Kanya itong pinutulan at pinagyaman. Hindi Siya napapagod sa Kanyang mga pagsisikap na iligtas ang ubasang ito na sarili Niyang tanim. ADP 14.2

Sa loob ng tatlong taon ang Panginoon ng liwanag at kaluwalhatian ay nakisalamuha sa Kanyang bayan. “Naglibot Siya na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling ng lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo” (Gawa 10:38), na pinagagaling ang mga bagbag na puso, pinalalaya ang mga bihag, ibinabalik ang paningin sa mga bulag, ang mga pilay ay pinalalakad at ang mga bingi ay muling nakakarinig, nililinis ang mga ketongin, at ipinangangaral sa mga dukha ang mabuting balita (Lucas 4:18; Mateo 11:5). Sa lahat ng uri ng tao ay pare-parehong sinabi ang mabiyayang paanyaya, “Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan Ko ng kapahingahan” (Mateo 11:28). ADP 14.3

Bagaman ginantihan ng masama ang kabutihan, at galit ang Kanyang pag-ibig (Awit 109:5), matatag Niyang ipinagpatuloy ang Kanyang misyon ng kahabagan. Hindi Niya kailanman itinaboy yung mga naghahanap sa Kanyang biyaya. Bagaman isang taong walang-tahanan at palibut-libot, paninisi at kasalatan ang pang araw-araw na kapalaran, Siya’y nabuhay upang paglingkuran ang mga pangangailangan at pagaanin ang kapighatian ng mga tao, upang makiusap sa kanila na tanggapin ang kaloob na buhay. Ang mga alon ng kaawaan, na hinampas pabalik nung mga matitigas na puso, ay bumalik sa isang mas malakas na daluyong ng nahahabag at hindi maipahayag na pag-ibig. Subalit ang Israel ay tumalikod sa pinakamatalik na Kaibigan at tanging Tagatulong nito. Ang mga pakiusap ng Kanyang pag-ibig ay hinamak, ang Kanyang mga payo ay tinanggihan, ang Kanyang mga babala ay tinuya. ADP 14.4

Ang oras ng pag-asa at pagpapatawad ay mabilis na lumilipas; ang saro ng galit ng Diyos na matagal nang ipinagpapaliban ay halos puno na. Ang ulap na matagal nang namumuo sa loob ng maraming taon ng pagtalikod at paghihimagsik, na nangingitim na ngayon sa kasawian, ay sasabog na sa nagkasalang bayan; at Siyang tanging makapagliligtas sa kanila mula sa napipintong wakas ay winalang-halaga, pinagmalupitan, itinakwil, at di magtatagal ay ipapako sa krus. Kapag si Cristo ay nabayubay na sa krus ng Kalbaryo, ang panahon ng Israel bilang isang bansang pinapakitaan ng kabutihang-loob at pinagpapala ng Diyos ay magwawakas na rin. Ang pagkapahamak ng kahit isang kaluluwa ay isa nang kalamidad na walang-hanggan ang kahigitan kaysa sa mga pakinabang at kayamanan ng isang daigdig; ngunit habang minamasdan ni Jesus ang Jerusalem, kapahamakan ng isang buong lunsod, ng isang buong bansa, ang nasa harap Niya—ng lunsod na iyon, ng bansang iyon, na dati’y siyang pinili ng Diyos, Kanyang sariling kayamanan. ADP 15.1

Iniyakan ng mga propeta ang pagtalikod ng Israel, at ang kakila-kilabot na pagkawasak na dumalaw sa kanilang mga kasalanan. Ninais ni Jeremias na ang mga mata niya ay maging bukal ng mga luha, upang siya’y makaiyak araw at gabi para sa mga pinaslang na anak na babae ng kanyang bayan, para sa kawan ng Panginoon na dinalangbihag (Jeremias 9:1; 13:17). Gaano pa kaya ang hinagpis ni Jesus na hindi lang mga taon ang saklaw ng pagsulyap sa propesiya, kundi mga panahon! Nakita Niya ang mapamuksang anghel na may tabak na nakataas laban sa lunsod na matagal nang naging tahanan ni Jehova. Mula sa tagaytay ng Bundok ng mga Olibo, sa mismong lugar na pinagkampuhan ni Titus at ng kanyang hukbo bandang huli, ay tumingin Siya sa mga banal na bulwagan at portiko sa kabila ng lambak, at sa mga matang pinalalabo ng luha ay nakita Niya, sa isang kakilakilabot na tanawin, na ang mga pader ay napapalibutan ng mga dayuhang hukbo. Narinig Niya ang mga yabag ng mga kawal na naghahanda para sa digmaan. Narinig Niya ang tinig ng mga ina at mga anak na humihingi ng pagkain sa loob ng kinubkob na lunsod. Nakita Niya ang banal at magandang templo nito at ang mga palasyo at tore nito, na tinutupok ng apoy, at kung saan dati nakatayo ang mga ito, ay bunton na lamang ng mga guho ang natira. ADP 15.2

Sa pagtunghay sa mga darating na panahon, nakita Niya ang bayan ng tipan na nangalat sa bawat lupain, “gaya ng mga wasak-wasak sa isang baybaying walang tao.” Sa pansamantalang par usa na malapit nang sumapit sa mga anak ng Jerusalem, nakita Niya ang unang lagok mula sa saro ng galit na iyon na sa panghuling paghatol ay dapat nitong saidin pati na ang latak. Ang banal na kaawaan, at nananabik na pagmamahal, ay naipahayag sa pamamagitan ng mapapanglaw na salitang ito: ” ‘O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Makailang ulit Kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo!’ (Mateo 23:37). Sana ikaw, na isang bansang itinatangi nang higit sa iba, ay alam ang oras ng paghatol sa iyo, at ang mga bagay na ukol sa iyong kapayapaan! Aking pinigilan ang anghel ng katarungan, tinawag kita sa pagsisisi, ngunit walang nangyari. Hindi lamang mga lingkod, mga sugo, at mga propeta ang iyong tinanggihan at itinakwil, kundi ang Isang Banal ng Israel, ang iyong Manunubos. Kung ikaw man ay wasakin, ikaw ang tanging dapat sisihin. Ayaw ninyong lumapit sa Akin upang kayo’y magkaroon ng buhay’ ” (Juan 5:40). ADP 15.3

Nakita ni Cristo sa Jerusalem ang isang larawan ng sanlibutang pinatigas ng paghihimagsik at kawalang-paniniwala, at nagmamadaling salubungin ang mga kagantihang hatol ng Diyos. Ang mga kapighatian ng nagkasalang lahi, na pumipiga sa Kanyang kaluluwa, ay pilit na pinalabas sa Kanyang mga labi ang napakasaklap na pagtangis na iyon. Nakikita Niya ang tala ng kasalanan na nababakas sa kasawian, luha, at dugo ng sangkatauhan; ang Kanyang puso ay nakilos sa walang-hanggang pagkaawa para sa mga naghihirap at nagdurusa sa lupa; Siya’y nasasabik na paginhawahin silang lahat. Ngunit pati ang Kanyang kamay ay maaaring hindi makapigil sa pag-agos ng kasawian ng sangkatauhan; iilan lang ang naghahanap sa tangi nilang Pinagkukunan ng tulong. Laan Siyang ibuhos ang buo Niyang kaluluwa sa kamatayan, upang mailapit ang kaligtasan sa kaya nilang maabot; ngunit iilan lang ang lumalapit sa Kanya upang sila’y magkaroon ng buhay. ADP 16.1

Ang Kamahalan ng langit ay lumuluha! Ang Anak ng walang-hanggang Diyos ay nababagabag ang espiritu, nakayukong may hapis! Ang eksenang iyon ay pumuno ng pagtataka sa buong kalangitan. Ang tanawing iyon ay naghahayag sa atin sa labis na kasamaan ng kasalanan; ipinapakita nito kung gaano kahirap na gawain, maging sa walang-hanggang kapangyarihan, ang iligtas ang makasalanan mula sa kaparusahan ng paglabag sa kautusan ng Diyos. Sa pagtunghay ni Jesus hanggang sa kahuli-hulihang henerasyon, ay nakita Niya ang sanlibutan na nababalot ng pandarayang katulad nung naging dahilan ng pagkawasak ng Jerusalem. Ang malaking kasalanan ng mga Judio ay ang hindi nila pagtanggap kay Cristo; ang magiging malaking kasalanan naman ng daigdig ng Kristiyano ay ang hindi nila pagtanggap sa kautusan ng Diyos, ang saligan ng Kanyang pamahalaan sa langit at lupa. Ang mga tuntunin ni Jehova ay hahamakin at wawalaing-saysay. Milyun-milyong bihag ng kasalanan, mga alipin ni Satanas, na hinatulang magdusa ng ikalawang kamatayan, ang tatangging makinig sa mga Salita ng katotohanan sa araw ng pagdalaw sa kanila. Napakatinding pagkabulag! Kakaibang pagkahumaling! ADP 16.2

Dalawang araw bago ang Paskuwa, nang sa huling pagkakataon ay lisanin ni Cristo ang templo, matapos na tuligsain ang pagpapakitang-tao ng mga pinuno ng Judio, Siya’y muling lumabas kasama ng mga alagad Niya patungo sa Bundok ng mga Olibo, at naupo Siyang kasama nila sa madamong dahilig na matatanaw ang lunsod. Minsan pa Niyang pinagmasdan ang mga pader, ang mga tore, at ang mga palasyo nito. Minsan pang nakita Niya ang templo sa nakasisilaw na kaningningan nito, isang diyadema ng kagandahang kumukorona sa banal na bundok. ADP 16.3

Isang libong taon na ang nakaraan, labis na pinuri ng mang-aawit ang kagandahangloob ng Diyos sa Israel dahil ginawa Niyang tahanan ang banal na templo nito: “Natatag sa Salem ang Kanyang tahanan, sa Zion ang kanyang dakong tirahan” (Awit 76:2). “Ang lipi ni Juda ang Kanyang pinili, ang bundok ng Zion na Kanyang minamahal. Itinayo Niya ang Kanyang santuwaryo na gaya ng mga kataasan” (Awit 78:68, 69). Ang unang templo ay itinayo noong pinakamasaganang panahon sa kasaysayan ng Israel. Malalaking panustos na kayamanan para sa layuning ito ang inipon ni Haring David, at ang mga piano para sa pagtatayo nito ay ginawa sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos (1 Cronica 28:12, 19). Si Solomon na pinakamatalino sa mga hari ng Israel ang tumapos sa gawain. Ang templong ito ang pinakamarilag na gusali na nakita ng sanli-butan. Pero ipinahayag ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai, tungkol sa ikalawang templo, “Ang susunod na kalu-walhatian ng bahay na ito ay magiging higit na dakila kaysa dati” (Hagai 2:9). “Aking uugain ang lahat ng mga bansa upang ang Kayamanan ng lahat ng mga bansa ay dumating, at aking pupunuin ang bahay na ito ng kaluwalhatian, sabi ng Panginoon ng mga hukbo” (Hagai 2:7). ADP 16.4

Pagkatapos na wasakin ni Nebukadnezar ang templo, ito’y muling itinayo ng bayang bumalik sa giba-giba at halos pinabayaan nang bansa mula sa isang buong-buhay na pagkabihag, mga 500 taon bago ang kapanganakan ni Cristo. Noon ay meron sa kanilang matatanda, na nakakita sa kalu-walhatian ng templo ni Solomon, at umiyak nang maitayo ang bagong gusali, na marahil ay napakapangit kumpara sa dati. Ang damdamin na naghari ay mahusay na inilarawan ng propeta: “Sino ang naiwan sa inyo na nakakita sa bahay na ito sa kanyang dating kaluwalhatian? Ano ito ngayon sa tingin ninyo? Hindi ba walang kabuluhan sa inyong paningin?” (Hagai 2:3). Pagkatapos ay ibinigay ang pangako na ang kaluwalhatian ng huling templong ito ay magiging higit na dakila kaysa sa dati. ADP 16.5

Ngunit hindi napantayan ng ikalawang templo ang unang kadakilaan nito; ni pinabanal man nung mga nakikitang palatandaan ng presensya ng Diyos na nakita sa unang templo. Walang kapahayagan ng pambihirang kapangyarihan na tanda ng pagkakatalaga nito. Walang ulap ng kalu-walhatian ang nakitang pumuno sa bagong tayo na santuwaryo. Walang bumabang apoy mula sa langit upang sunugin ang handog sa dambana nito. Ang shekinah ay hindi na tumahan sa pagitan ng mga kerubin sa kabanal-banalang dako; ang kaban, ang luklukan ng awa, at ang mga tapyas ng patotoo ay hindi na nakita doon. Wala nang tinig na maririnig mula sa langit upang ipaalam sa nagtatanong na pari ang kalooban ni Jehova. ADP 17.1

Sa loob ng daan-daang taon, ang mga Judio ay walang-saysay na nagsikap upang ipakita kung saan natupad ang pangako ng Diyos na ibinigay ni Hagai; ngunit binulag ng pagmamataas at di-paniniwala ang kanilang mga isipan sa tunay na kahulugan ng mga salita ng propeta. Ang pangalawang templo ay hindi pinarangalan ng ulap ng kaluwalhatian ni Jehova, kundi ng buhay na pakikisama ng Isang tinatahanan ng buong kapuspusan ng Kadiyosan—na Diyos mismo na nahayag sa lam an. Ang “Kayamanan ng lahat ng mga bansa” ay tunay na dumating sa Kanyang templo nang ang Lalaki ng Nazaret ay nagturo at nagpagaling sa mga banal na bulwagan nito. Sa presensya ni Cristo, at tanging dito lang, nahigitan ng pangalawang templo sa kaluwalhatian ang unang templo. Subalit inalis ng Israel mula dito ang inihandog na Kaloob ng Langit. Nang ang mapagpakumbabang Guro nang araw na iyon ay lumabas sa ginintuang pintuang-bayan nito, ang kaluwalhatian ay umalis na magpakailanman mula sa templo. Natupad na ang mga sinabi ng Tagapagligtas: “Masdan ninyo, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak” (Mateo 23:38). ADP 17.2

Ang mga alagad ay napuno ng pagkamangha at pagtataka sa hula ni Cristo tungkol sa pagbagsak ng templo, at ninais nilang maunawaang lubos ang kahulugan ng Kanyang mga salita. Ang yaman, pagod, at kahusayan sa arkitektura ay walang-tigil na ginugol sa loob ng higit pa sa 40 taon para dagdagan pa ang ningning nito. Labislabis na ginugol dito ng Dakilang Herodes ang kasaganaan ng yaman kapwa ng mga Romano at ng mga Judio, at pati nga ang emperador ng mundo ay pinagyaman ito ng kanyang mga regalo. Mga malalaki’t mabibigat na bloke ng puting marmol na halos hindi kapani-paniwala ang sukat, na ipinadadala galing sa Roma para sa layuning ito, ang bumubuo sa bahagi ng kayarian nito; at sa mga ito ay tinawag ng mga alagad ang pansin ng kanilang Panginoon, na sinasabi: “Guro, tingnan mo! Pagkalalaking mga bato, at pagkalalaking mga gusali” (Marcos 13:1). ADP 17.3

Sa mga salitang ito, ay sinabi ni Jesus ang taimtim at nakakagulat na tugon: “Katoto-hanang sinasabi Ko, walang matitira ni isang bato rito na nasa ibabaw ng ibang bato na hindi ibabagsak” (Mateo 24:2). ADP 17.4

Sa pagbagsak ng Jerusalem iniugnay ng mga alagad ang mga kaganapan ng personal na pagdating ni Cristo sa makalupang kaluwalhatian para kunin ang trono ng pandaigdigang imperyo, para parusahan ang walang-pagsisising mga Judio, at para tanggalin sa bansa ang pamatok ng Roma. Sinabi ng Panginoon sa kanila na Siya’y darating sa ikalawang pagkakataon. Kaya sa pagkakabanggit ng mga kahatulan sa Jerusalem, ang mga isipan nila ay bumalik sa pagdating na iyon; at samantalang sila’y nagtitipon sa paligid ng Tagapagligtas sa Bundok ng mga Olibo, ay itinanong nila: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang tanda ng Iyong pagdating, at ng katapusan ng panahon?” (talatang 3). ADP 17.5

Ang hinaharap ay may kahabagang ikinubli sa mga alagad. Kung noong panahong iyon ay ganap nilang naunawaan ang dalawang kakila-kilabot na katotohanan—ang mga paghihirap at kamatayan ng Manunubos, at ang pagkawasak ng kanilang lunsod at ng templo—maaaring sila’y napuspos ng malaking takot. Ipinahayag ni Cristo sa kanila ang isang balangkas ng mga pangunahing pangyayari na magaganap bago matapos ang panahon. Ang Kanyang mga salita ay hindi noon ganap na naunawaan; ngunit ang kahulugan ng mga ito ay ibubunyag kapag kinailangan ng Kanyang bayan ang mga tagubilin na doon ay ibinigay Ang hulang sinabi Niya ay dalawang bahagi ang kahulugan: samantalang umaanino sa pagkawasak ng Jerusalem, inilalarawan din nito ang kilabot ng huling dakilang araw. ADP 17.6

Inihayag ni Jesus sa mga nakikinig na alagad ang kahatulang darating sa tumalikod na Israel, at lalo na ang parusang kagantihan na darating sa kanila dahil hindi nila tinanggap kundi ipinako pa sa krus ang Mesiyas. May mga hindi mapagkakamaliang tanda na mauuna sa kakila-kilabot na sukdulan. Ang kinatatakutang oras ay darating nang biglaan at mabilis. Kaya’t binigyang-babala ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tagasunod: “Kaya, kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na sinabi sa pamamagitan ni propeta Daniel, na nakatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa), ang mga nasa Judea ay tumakas na patungo sa mga bundok” (Mateo 24:15, 16; Lucas 21:20, 21). Kapag ang mga mapagsamba sa diyus-diyosang bandila ng mga Romano ay itinaas na sa banal na lugar, na umaabot nang ilang sukat sa labas ng mga pader ng lunsod, kung gayon ang mga tagasunod ni Cristo ay dapat nang maghanap ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagtakas. Kapag ang babalang palatandaan ay nakita na, yung mga tatakas ay huwag nang magpaliban. Sa buong lupain ng Judea, ganon din sa Jerusalem mismo, ang hudyat para tumakas ay dapat na sundin agad. Siyang nagkataong nasa bubong ng bahay ay hindi na dapat bumaba at pumasok pa sa kanyang bahay, ni iligtas pa ang mga pinakamahalagang kayamanan niya. Yung mga nagtatrabaho sa mga bukiran o mga ubasan ay hindi na dapat bumalik para kunin ang panlabas na kasuotan na itinabi habang sila’y nagtatrabaho sa init ng araw. Hindi na dapat sila saglit na mag-alangan, baka sila’y mapasama sa pangkalahatang pagkawasak. ADP 18.1

Sa paghahari ni Herodes, ang Jerusalem ay hindi lamang labis na pinaganda, kundi sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga tore, pader, at kuta, na dumagdag sa likas na tibay ng kinalalagyan nito, ay ginawa itong parang hindi-magagapi. Siyang sa panahong iyon ay hayagang huhula sa pagkawasak nito ay tatawaging baliw na nananakot gaya ni Noe noong panahon niya. Ngunit sinabi ni Cristo: “Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang Aking mga salita ay hindi lilipas” (Mateo 24:35). Dahil sa kanyang mga kasalanan, ang galit ay binigkas laban sa Jerusalem, at ang kanyang suwail na di-pagsampalataya ang tumiyak sa kanyang katapusan. ADP 18.2

Ipinahayag ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Mikas: “Pakinggan ninyo ito, kayong mga pinuno ng sambahayan ni Jacob, at mga pinuno sa sambahayan ni Israel, na napopoot sa katarungan, at binabaluktot ang lahat ng katuwiran, na itinatayo ang Zion sa pamamagitan ng dugo, at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kamalian. Ang mga pinuno niya'y humahatol dahil sa suhol, at ang mga pari niya’y nagtuturo dahil sa sahod, at ang propeta niya’y nanghuhula dahil sa salapi; gayunma’y sumasandal sila sa Panginoon, at nagsasabi, Hindi ba ang Panginoon ay nasa gitna natin? Walang kasamaang darating sa atin” (Mikas 3:9-11). ADP 18.3

Ang mga salitang ito ay inilalarawan nang eksakto ang mga tiwali at mapagmalaking naninirahan sa Jerusalem. Samantalang sinasabing mahigpit nilang iniingatan ang mga tuntunin ng kautusan ng Diyos, kanilang sinasalangsang ang lahat ng prinsipyo nito. Kinamuhian nila si Cristo dahil inihayag ng Kanyang kalinisan at kabanalan ang kanilang mga kasamaan; at kanila Siyang inakusahan na siyang sanhi ng lahat ng kaguluhan na dumating sa kanila na bunga ng kanilang mga kasalanan. Bagaman alam nilang Siya’y walang kasalanan, kanilang ipinahayag na ang Kanyang kamatayan ay kinakailangan para sa kanilang kaligtasan bilang isang bansa. “Kung Siya’y ating pabayaan ng ganito,” sabi ng mga pinunong Judio, “ang lahat ng mga tao ay maniniwala sa Kanya. Darating ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo at ang ating bansa” (Juan 11:48). Kung si Cristo ay isasakripisyo, maaaring sila’y muling maging isang malakas, at nagkakaisang bayan. Iyan ang katwiran nila, at sila’y sumangayon sa pasya ng kanilang punong pari, na mas mabuti pang isang tao ang mamatay kaysa mapahamak ang buong bansa. ADP 18.4

Kaya itinayo ng mga pinunong Judio ang “Zion sa pamamagitan ng dugo, at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kamalian” (Mikas 3:10). At kahit na pinatay nila ang kanilang Tagapagligtas dahil sinumbatan Niya ang kanilang mga kasalanan, ganon na lang ang pagmamapuri nila anupa’t ipinalalagay nilang sila ay bayang itinatangi ng Diyos at umaasang ililigtas sila ng Panginoon mula sa kanilang mga kaaway. “Kaya’t dahil sa inyo,” patuloy ng propeta, “ang Zion ay bubungkalin na parang isang bukid, at ang Jerusalem ay magiging mga bunton ng pagkasira, at ang mga bundok ng bahay ay parang matataas na dako sa isang gubat” (Mikas 3:12). ADP 18.5

Halos 40 taon pang ipinagpaliban ng Panginoon ang Kanyang paghatol sa lunsod at sa bansa, matapos na bigkasin ni Cristo mismo ang katapusan ng Jerusalem. Kahanga-hanga ang pagiging matiisin ng Diyos sa mga hindi tumanggap sa Kanyang ebanghelyo at sa mga pumatay sa Kanyang Anak. Ang talinghaga ng hindi nagbubungang puno ay naglalarawan sa pakikitungo ng Diyos sa bansang Judio. Ang utos ay ibinigay, “Putulin mo ito. Bakit sinasayang nito ang lupa?” (Lucas 13:7) ngunit ang banal na kahabagan ay pinagtiisan pa ito ng kaunting panahon. Marami pa sa mga Judio ang walang-alam sa katangian at gawain ni Cristo. At hindi pa natatamasa ng mga anak ang mga pagkakataon o natanggap ang liwanag na tinanggihan ng kanilang mga magulang. Sa pamamagitan ng pangangaral ng mga apostol at ng kanilang mga kasamahan, pasisikatin ng Diyos ang liwanag sa kanila; sila’y pahihintulutang makita kung paano natupad ang mga propesiya, hindi lamang sa kapanganakan at buhay ni Cristo, kundi sa Kanyang kamatayan at pagkabuhay na muli. Ang mga anak ay hindi hahatulan dahil sa mga kasalanan ng kanilang mga magulang; ngunit kapag, kahit na may pagkaalam sa lahat ng liwanag na ibinigay sa kanilang mga magulang ay tanggihan pa rin ng mga anak ang karagdagang liwanag na ipinagkaloob sa kanila mismo, sila’y nagiging kabahagi ng mga kasalanan ng mga magulang, at pinupuno ang sukat ng kanilang kasalanan. ADP 19.1

Ang pagtitiis ng Diyos sa Jerusalem ay nagpatigas lamang sa mga Judio sa disididong kawalang-pagsisisi nila. Sa kanilang galit at kalupitan sa mga alagad ni Jesus ay tinanggihan nila ang huling alok ng kahabagan. Kaya’t iniurong ng Diyos ang Kanyang pagsasanggalang sa kanila at inalis ang Kanyang kapangyarihan na pumipigil kay Satanas at sa kanyang mga anghel, at ang bansa ay binayaan sa pamamahala ng lider na pinili nito. Tinanggihan ng mga anak nito ang biyaya ni Cristo, na nagbigay-lakas sana sa kanila na talunin ang kanilang masasamang bugso ng damdamin, pero ngayon ang mga ito ang naging mga manlulupig. Ginising ni Satanas ang mga pinakamatitindi at pinakamasasamang hilig ng kaluluwa. Ang mga tao ay hindi na nag-iisip; sila’y hindi maabot ng pangangatwiran—kinukontrol ng bugso ng damdamin at bulag na kahangalan. Sila’y naging mala-demonyo sa kanilang kalupitan. Sa pamilya at sa bansa, parehong sa mga pinakamataas at pinakamababang uri ng tao, ay merong paghihinala, inggit, galit, kaguluhan, paghihimagsik, at patayan. Walang ligtas kahit saan. Ang magkakaibigan at magkakamag-anak ay nagtataksil sa isa’t isa. Pinapatay ng mga magulang ang kanilang mga anak, at ng mga anak ang kanilang mga magulang. Ang mga pinuno ng mga tao ay walang kapangyarihan na pamunuan ang kanilang sarili. Ginawa silang mapagmalupit ng mga di-mapigil na kagustuhan. Tinanggap dati ng mga Judio ang mga maling patotoo upang hatulan ang walang kasalanang Anak ng Diyos. Ngayon ay ang mga mali nilang pagbibintang ang nagsasapanganib sa kanilang buhay. Sa kanilang mga kilos ay matagal na nilang sinasabi: “Huwag na tayong makinig sa Banal ng Israel” (Isaias 30:11). Pinagbigyan ngayon ang kanilang kagustuhan. Hindi na sila ginambala ng pagkatakot sa Diyos. Si Satanas ang nangunguna sa bansa, at ang pinakamataas na kapamahalaang pansibil at panrelihiyon ay nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan. ADP 19.2

Ang mga pinuno ng mga magkakasalungat na pangkat ay nagkakaisa kung minsan upang pagnakawan at pahirapan ang mga kaawa-awa nilang biktima, at muling sasalakayin ang isa’t isa at papatay nang walang awa. Kahit ang kabanalan ng templo ay hindi mapigil ang kanilang nakapanghihilakbot na kabangisan. Ang mga sumasamba ay pinapaslang sa harap ng dambana, at ang santuwaryo ay dinumihan ng mga bangkay ng mga pinaslang. Ngunit sa kanilang bulag at lapastangang pag-aakala, ang mga manunulsol ng makademonyong gawaing ito ay ipinahahayag sa publiko na hindi sila nangangambang mawawasak ang Jerusalem sapagkat ito’y sariling lunsod ng Diyos. Upang itatag nang mas matibay ang kanilang kapangyarihan, sumuhol sila ng mga bulaang propeta upang magpahayag, kahit noong kinukubkob na ng mga lehiyon ng Romano ang templo, na ang mga tao ay maghintay sa pagliligtas ng Diyos. Hanggang sa huli, ang karamihan ay nanghawak nang matibay sa paniniwalang ang Kataas-taasan ay mamamagitan para sa ikatatalo ng kanilang mga kalaban. Ngunit tinanggihan ng Israel ang banal na proteksyon, at ngayon siya’y walang sanggalang. Napakalungkot na Jerusalem! Dahil liniligalig ng panloob na pag-aaway, pinapupula ng dugo ng kanyang mga anak na pinatay ng mga kamay ng isa’t isa ang mga lansangan niya, habang tinitibag naman ng mga dayuhang hukbo ang kanyang mga muog at pinapatay ang kanyang mga kawal! ADP 19.3

Ang lahat ng mga hulang ibinigay ni Cristo tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem ay natupad hanggang sa pinakamaliit na detalye nito. Naranasan ng mga Judio ang katotohanan sa Kanyang mga salita ng babala, “Sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo” (Mateo 7:2). ADP 20.1

Ang mga palatandaan at mga himala ay lumitaw, na nagbababala ng sakuna at kawakasan. Sa kalagitnaan ng gabi isang hindi pangkaraniwang liwanag ang sumilay sa ibabaw ng templo at ng dambana. Sa mga ulap sa paglubog ng araw ay inilarawan ang mga karwahe at mga kawal na nagtitipon para sa digmaan. Ang mga paring naglilingkod kung gabi sa santuwaryo ay tinakot ng mga misteryosong tunog; ang lupa ay nayanig, at ang karamihang tinig ay narinig na sumisigaw: “Lumikas na tayo!” Ang malaking pintuang-bayan sa silangan, na napakabigat anupa’t bahagya nang maisara ng 20 katao, at sinasaraduhan ng malalaking halang na bakal na nakabaon nang malalim sa palitada ng buong bato, ay nabuksan nang hatinggabi, na walang nakitang nagbukas.—Milman, The History of the Jews, book 13. ADP 20.2

Sa loob ng pitong taon isang lalaki ang pabalik-balik sa mga lansangan ng Jerusalem, na nagpapahayag ng mga kapighatiang darating sa lunsod. Araw at gabi ay kanyang inaawit-awit ang walang-tigil na awit na pampatay: “Isang tinig mula sa silangan! Isang tinig mula sa kanluran! Isang tinig mula sa apat na hangin! Isang tinig laban sa Jerusalem at laban sa templo! Isang tinig laban sa mga lalaki at babaing ikakasal! Isang tinig laban sa buong bayan!”—Ibid. Ang kakaibang taong ito ay ibinilanggo at hinagupit, ngunit walang reklamong lumabas sa kanyang mga labi. Sa pang-iinsulto at pang-aabuso, ang itinugon lamang niya ay, “Kahabag-habag ang Jerusalem!” “Kahabag-habag ang mga naninirahan dito!” Ang kanyang sigaw ng babala ay hindi tumigil hanggang sa siya’y napatay sa pagkubkob na kanyang hinulaan. ADP 20.3

Wala ni isa mang Kristiyano ang napahamak sa pagkawasak ng Jerusalem. Binigyan ni Cristo ang Kanyang mga alagad ng babala, at lahat ng naniwala sa Kanyang mga sinabi ay nag-abang sa ipinangakong palatandaan. “Kapag nakita ninyong pinaliligiran ng mga hukbo ang Jerusalem,” sabi ni Jesus, “alamin nga ninyo na ang kanyang pagkawasak ay malapit na. Kaya’t ang mga nasa Judea ay dapat tumakas patungo sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng lunsod ay lumabas, at ang mga nasa labas ng lupain ay huwag pumasok doon” (Lucas 21:20, 21). Pagkatapos na paligiran ng mga Romano ang lunsod sa pangunguna ni Cestius, hindi inaasahang itinigil nila ang pangungubkob nang ang lahat ay parang pabor para sa madaliang pagsalakay. Ang mga kinukubkob, na nawawalan na ng pag-asang mananalo pa sa paglaban, ay susuko na sana, nang biglang iurong ng Romanong heneral ang kanyang puwersa nang walang malinaw na dahilan. Ngunit pinangangasiwaan ng mahabaging pamamatnubay ng Diyos ang mga pangyayari para sa ikabubuti ng Kanyang sariling bayan. Ang ipinangakong palatandaan ay ibinigay sa mga naghihintay na Kristiyano, at ngayon ang pagkakataon ay inilaan sa lahat ng gustong sumunod sa babala ng Tagapagligtas. Ang mga pangyayari ay sadyang pinangibabawan anupa’t kahit ang mga Judio o ang mga Romano ay hindi dapat humadlang sa pagtakas ng mga Kristiyano. Sa pag-urong ni Cestius ay hinabol ng mga Judio na biglang lumabas sa Jerusalem ang kanyang umaatras na hukbo; at habang ang magkabilang puwersa ay lubos na nagsasagupaan, ang mga Kristiyano ay may pagkakataong lisanin ang lunsod. Sa panahon ding ito ay wala nang mga kaaway sa buong lupain na maaaring magpilit na humarang sa kanila. Sa panahon ng pagkubkob, ang mga Judio ay nagtitipon sa Jerusalem upang ipangilin ang Kapistahan ng Tabernakulo, kaya’t ang mga Kristiyano sa buong lupain ay nakatakas nang walang gumagambala. Nakatakas sila nang walang abala papunta sa isang ligtas na lugar—sa lunsod ng Pella, sa lupain ng Perea, sa kabila ng Jordan. ADP 20.4

Ang puwersa ng mga Judio, habang humahabol kay Cestius at sa kanyang mga kawal, ay sumalakay sa likuran nila na may kabagsikang nagbabanta sa kanila ng lubos na pagkalipol. May malaking kahirapan pa bago nagtagumpay sa kanilang pag-atras ang mga Romano. Ang mga Judio ay umalis na halos walang nabawas, at bumalik sa Jerusalem na may pagtatagumpay dala ang kanilang mga samsam. Ngunit ang parang tagumpay na ito ay nagdala lamang sa kanila ng kasamaan. Ito’y nagpasigla sa kanila ng espiritu ng matigas na pagsalungat sa mga Romano na mabilis na nagdala ng hindi masambit na kasawian sa winakasang lunsod. ADP 21.1

Kakila-kilabot ang mga kalamidad na sumapit sa Jerusalem nang ang pangungubkob ay simulan uli ni Titus. Ang lunsod ay pinalibutan nang panahon ng Paskuwa, habang milyun-milyong Judio ang nagkakatipon sa loob ng mga pader nito. Ang imbak nilang pagkain, na kung maingat sanang inalagaan ay maaaring makatustos sa loob ng maraming taon sa mga naninirahan dito, ay nalipol kamakailan lang dahil sa inggit at paghihiganti ng mga magkakalabang pangkat, at ngayon ang lahat ng lagim ng pagkagutom ay nararanasan. Ang isang takal ng trigo ay ipinagbibili sa napakataas na halaga. Napakatindi ng hapdi ng gutom anupa’t nginangatngat na ng mga tao ang mga balat ng kanilang mga sinturon at sandalyas at pantakip sa kanilang mga panangga. Maraming bilang ng tao ang panakaw na lumalabas kung gabi kahit na marami ang nadadakip at pinapatay sa pamamagitan ng malupit na pagpapahirap, makapamulot lamang ng mga ligaw na halaman na tumutubo sa labas ng mga pader ng lunsod, at kadalasan yung mga nakakabalik nang matiwasay ay pinagnanakawan pa ng kung anong napulot nila sa gitna ng napakalaking panganib. Ang mga pinakadimakataong pagpapahirap ay ipinaparusa nung mga nasa kapangyarihan, upang kuning sapilitan mula sa nangangailangang mga tao ang huling katiting ng mga panustos na maaaring itinatago nila. At ang mga kalupitang ito’y madalas na ginagawa ng mga mismong tao na nakakakain nang maigi, na ang gusto lang ay makaipon ng imbak ng pagkain para sa hinaharap. ADP 21.2

Libu-libo ang namatay dahil sa gutom at salot. Ang katutubong pag-ibig ay parang nawala. Pinagnanakawan ng mga asawang lalaki ang kanilang asawang babae, at ng mga asawang babae ang kanilang asawang lalaki. Ang mga anak ay makikitang inaagaw ang pagkain mula sa bibig ng kanilang matatanda nang magulang. Ang tanong ng propeta na, “Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin?” (Isaias 49:15) ay nagkaroon ng kasagutan sa loob ng mga pader ng winakasang lunsod na iyon, “Niluto ng mga kamay ng mga mahabaging babae ang kanilang sariling mga anak; sila’y naging mga pagkain nila, dahil sa pagkawasak ng anak na babae ng aking bayan” (Panaghoy 4:10). Muling natupad ang babalang hula na ibinigay 1,400 taon na ang nakakaraan: “Ang pinakamahinhin at pinakamaselang babae sa gitna mo, na hindi pa mangangahas na ituntong ang talampakan ng kanyang paa sa lupa dahil sa kahinhinan at pagiging maselan ay magiging masama ang kanyang mata sa kanyang asawa at sa kanyang anak na lalaki at babae...at sa kanyang mga anak na kanyang ipanganganak; sapagkat lihim niyang kakainin sila dahil sa kakulangan ng lahat ng mga bagay, sa pagkubkob at sa kahirapang ipinaranas sa iyo ng iyong mga kaaway sa iyong mga bayan” (Deuteronomio 28:56, 57). ADP 21.3

Ang mga pinunong Romano ay nagsikap na maghasik ng lagim sa mga Judio, at sa gayo’y napasuko sila. Yung mga bilanggong nanlaban nang sila’y hinuhuli ay binugbog, pinahirapan, at ipinako sa krus sa tapat ng pader ng lunsod. Daan-daan ang araw-araw ay pinapatay sa ganitong paraan, at ang nakapanghihilakbot na gawain ay nagpatuloy hanggang sa napakaraming krus na ang naitayo sa kahabaan ng libis ni Jehoshafat at sa Kalbaryo, anupa’t halos wala nang sapat na puwang para makakilos sa gitna ng mga ito. Napakatindi ng parusa sa kalagim-lagim na pagsumpang binigkas sa hukuman ni Pilato: “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang Kanyang dugo” (Mateo 27:25). ADP 21.4

Iyon, at sa gayo’y maligtas ang Jerusalem sa buong sukat ng katapusan nito. Siya’y napuno ng lagim nang makita ang mga katawan ng mga patay na nakabunton sa mga libis. Gaya ng isang nagayuma, siya’y tumingin mula sa tuktok ng mga Olibo sa napakagandang templo at nagbigay ng utos na huwag gagalawin ni isa mang bato nito. Bago tangkaing kunin ang muog na ito, siya’y taimtim na nakiusap sa mga pinuno ng Judio na huwag siyang piliting dungisan ng dugo ang banal na lugar. Kung sila’y lalabas at makikipaglaban sa alinmang ibang lugar, walang sinumang Romano ang lalabag sa kabanalan ng templo. Si Josephus mismo sa isang napakahusay na panawagan, ay nakiusap sa kanila na sumuko na, upang mailigtas ang kanilang sarili, ang kanilang lunsod, at ang kanilang lugar ng pagsamba. Ngunit ang kanyang mga salita ay sinagot ng malulupit na pagtutungayaw. Ang mga sibat ay inihagis sa kanya, ang huling taong tagapamagitan nila, habang siya’y nakatayo na nakikiusap sa kanila. Tinanggihan na rin dati ng mga Judio ang mga pakiusap ng Anak ng Diyos, at ngayon ang pangangatwiran at pakikiusap ay ginawa lamang silang mas disididong lumaban hanggang sa huli. Walang kabuluhan ang mga pagsisikap ni Titus na iligtas ang templo; may Isang mas dakila kaysa sa kanya ang nagpahayag na walang isang bato ang matitira sa ibabaw ng isa. ADP 22.1

Ang bulag na katigasan ng ulo ng mga pinunong Judio, at ang mga nakaririmarim na krimeng isinasagawa sa loob ng kinukubkob na lunsod ay pumukaw sa takot at galit ng mga Romano, at sa wakas ay ipinasya ni Titus na kunin ang templo sa pamamagitan ng dahas. Gayon man, kanyang ipinasya na hangga’t maaari ay mailigtas pa rin ito sa pagkawasak. Ngunit ang kanyang mga utos ay di-pinansin. Nang siya’y bumalik sa kanyang tolda kinagabihan, sinalakay ng mga Judiong biglang lumabas mula sa templo ang mga kawal sa labas. Sa paglalaban, isang kahoy na may apoy ang naihagis ng isang kawal sa loob ng isang siwang sa portiko, at kaagad na nagliyab ang mga silid na nababalutan ng kahoy na sedro sa paligid ng banal na bahay. Si Titus ay nagmamadaling pumunta doon, kasunod ang kanyang mga heneral at hukbo, at ipinag-utos sa ang mga kawal na patayin ang apoy. Ang kanyang mga salita ay hindi pinakinggan. Sa kanilang galit ang mga sundalo ay naghagis ng mga dupong sa mga silid na katabi ng templo, at gamit ang kanilang mga tabak ay pinagpapatay ang maraming bilang nung mga nagtatago doon. Ang dugo ay umagos na gaya ng tubig pababa sa mga baitang ng templo. Libu-libong mga Judio ang namatay. Sa ibabaw ng ugong ng digmaan, ang mga tinig ay narinig na sumisigaw: “Ichabod!”—ang kaluwalhatian ay umalis. ADP 22.2

“Nasumpungan ni Titus na imposibleng sawatain ang galit ng mga sundalo; siya’y pumasok kasama ng kanyang mga opisyal, at siniyasat ang loob ng banal na gusali. Ang karilagan ay pumuno sa kanila ng paghanga; at habang ang apoy ay hindi pa pumapasok sa banal na dako, siya’y gumawa ng huling pagsisikap upang iligtas ito, at sa paglabas ay muling hinikayat ang mga sundalo na pigilin ang lumalaking sunog. Sinikap ng senturiong si Liberalis na ipilit ang pagsunod sa pamamagitan ng kanyang tungkod ng katungkulan; subalit maging ang paggalang sa emperador ay nawala dahil sa matinding galit sa mga Judio, sa masidhing kaguluhan ng digmaan, at sa walang kabusugang pag-asam na makapanloob. Nakita ng mga kawal na ang lahat ng nasa palibot nila ay kumikinang sa ginto, nakakasilaw na kumikislap sa matinding liwanag ng apoy, inakala nilang may dimasukat na kayamanan na nakaimbak sa santuwaryo. Hindi napansin ng isang kawal na naisuksok pala niya ang isang nagniningas na sulo sa pagitan ng mga bisagra ng pintuan: ang buong gusali ay naglagablab sa isang saglit lang. Ang nakabubulag na usok at apoy ang sapilitang nagpaurong sa mga opisyal; at ang marangal na gusali ay binayaan sa kapalaran nito. ADP 22.3

“Yun ay isang nakapanlulumong panoorin para sa mga Romano—ano pa kaya ito para sa mga Judio? Ang buong taluktok ng burol na katutunghayan sa lunsod, ay nagliyab na parang isang bulkan. Isa-isang bumagsak ang mga gusali, na may matinding pagguho, at nilamon ng nagniningas na kalaliman. Ang mga bubong na sedro ay parang mga pilas ng apoy; ang mga taluktok na tinubog sa ginto ay kumikislap na parang mga tulos ng pulang liwanag; ang mga tore ng pintuang-bayan ay nagbuga ng matataas na hanay ng apoy at usok. Ang mga kalapit na burol ay nagliwanag; at ang mga pulutong ng tao sa dilim ay nakikitang nanonood nang may kakilakilabot na pagkabahala sa pagsulong ng pagkawasak: ang mga pader at matataas na dako ng lunsod ay napuno ng mga mukha, ang iba’y namumutla sa matinding hirap ng kawalang pag-asa, ang iba nama’y nakasimangot dahil sa nabigong paghihiganti. Ang mga sigaw ng mga Romanong kawal habang nagtatakbuhang paroo’t parito, at ang mga palahaw ng mga naghihimagsik na nasusunog sa apoy, ay nakihalo sa dagundong ng sunog at sa parang kulog na kalabog ng mga nagbabagsakang kahoy Ang alingawngaw ng mga bundok ay sumasagot o ibinabalik sa papawirin ang tili ng mga tao; lahat palibot sa mga pader ay umaalingawngaw ang mga hiyaw at mga pagtaghoy; ang mga taong malapit nang mamatay dahil sa gutom ay inipon ang natitira nilang lakas upang sumigaw ng pagdadalamhati at ng lagim. ADP 22.4

“Ang patayan sa loob ay mas nakakatakot kaysa sa napapanood sa labas. Ang mga lalaki’t babae, matatanda’t bata, mga naghi-himagsik at mga pari, yung mga lumalaban at yung mga nagsusumamo sa kaawaan, ay putul-putol na bumagsak sa halu-halong patayan. Ang bilang ng mga napatay ay mas marami pa kaysa sa mga pumatay. Ang mga kawal ay kailangan pang umakyat sa mga bunton ng mga patay upang maipagpatuloy ang gawain ng paglipol.”—Milman, The History of the Jews, book 16. ADP 23.1

Matapos ang pagkawasak ng templo, ang buong lunsod ay madaling bumagsak sa mga kamay ng mga Romano. Nilisan ng mga pinunong Judio ang kanilang di-magagaping mga muog, at nasumpungan silang mapanglaw ni Titus. Pinagmasdan niya silang may pagtataka, at ipinahayag na sila’y ibinigay ng Diyos sa kanyang mga kamay; dahil walang anumang makinarya, gaano man kamakapangyarihan, ang maaaring makapanaig laban sa mga kagila-gilalas na muog na iyon. Parehong ang lunsod at ang templo ay winasak hanggang sa mga pundasyon nito, at ang lupang kinatitirikan ng banal na bahay ay naararong “parang bukid” (Jeremias 26:18). Sa pagkubkob at patayang sumunod, higit pa sa isang milyong tao ang namatay; ang mga nakaligtas ay dinalang-bihag, ipinagbili bilang mga alipin, kinaladkad sa Roma upang bigyangdangal ang pagtatagumpay ng manlulupig, inihagis sa mababangis na hayop sa mga arena, o kaya’y ikinalat na mga walang tahanang lagalag sa buong lupa. ADP 23.2

Ang mga Judio ang gumawa ng sarili nilang tanikala; pinuno nila para sa kanilang sarili ang saro ng paghihiganti. At sa lubos na pagkawasak na sumapit sa kanila bilang isang bansa, at sa lahat ng kasawiang sumunod sa kanila sa pinangalatan nila, inaani lamang nila ang itinanim ng sarili nilang mga kamay. Sabi ng propeta, “Sa iyong ikapapahamak, O Israel;” “sapagkat ikaw ay nabuwal dahil sa iyong kasamaan” (Hoseas 13:9, 14:1). Ang kanilang pagdurusa ay madalas na inilalarawan na isang kaparusahan daw na inihatol sa kanila ng tuwirang utos ng Diyos. Ganyan sinisikap na itago ng dakilang mandaraya ang kanyang sariling gawain. Sa di-pagtanggap sa banal na pag-ibig at kaawaan dahil sa katigasan ng ulo, pinaalis ng mga Judio ang pangangalaga ng Diyos sa kanila, at pinahintulutang maghari si Satanas sa kanila ayon sa kanyang kagustuhan. Ang mga kalagim-lagim na kalupitang naganap sa pagkawasak ng Jerusalem ay pagpapakita ng mapaghiganting kapangyarihan ni Satanas doon sa mga nagpapasakop sa kanyang pamamahala. ADP 23.3

Hindi natin maaaring malaman kung gaano kalaki ang utang natin kay Cristo para sa kapayapaan at pangangalaga na ating tinatamasa. Ang pumipigil na kapangyarihan ng Diyos ang siyang humahadlang na huwag lubusang mapasailalim ang sangkatauhan sa kapangyarihan ni Satanas. Ang mga di-masunurin at di-mapagpasalamat ay may napakalaking dahilan para magpasalamat sa kaawaan at pagtitiis ng Diyos sa pagpigil sa malupit at mapaminsalang kapangyarihan ng kasamaan. Ngunit kapag ang tao’y lumalampas na sa hangganan ng banal na pagtitiis, ang pagpigil na iyon ay inaalis. Ang Diyos ay hindi humaharap sa makasalanan bilang isang tagapagpatupad ng hatol laban sa pagsalangsang; ngunit hinahayaan Niya sa kanilang sarili ang mga nagtatakwil sa Kanyang kaawaan, upang anihin yung kanilang itinanim. Bawat sinag ng liwanag na di-tinanggap, bawat babala na hinamak o hindi pinansin, bawat hilig na pinagbigyan, bawat pagsalangsang sa kautusan ng Diyos ay isang binhing itinanim na magbubunga ng maaasahang ani. Ang Espiritu ng Diyos, na patuloy na nilalabanan, sa wakas ay inaalis sa makasalanan, at sa gayo’y wala nang kapangyarihang naiwan upang pumigil sa masasamang hilig ng kaluluwa, at wala nang sanggalang mula sa masamang hangarin at poot ni Satanas. Ang pagkawasak ng Jerusalem ay isang nakakatakot at taimtim na babala sa lahat ng bumibiru-biro sa mga alok ng banal na biyaya at tinututulan ang mga pakiusap ng banal na kaawaan. Wala nang ibinigay na mas tiyak pang patotoo ng pagkamuhi ng Diyos sa kasalanan at sa tiyak na parusa na darating sa makasalanan kaysa dito. ADP 23.4

Ang hula ng Tagapagligtas tungkol sa pagdalaw ng kahatulan sa Jerusalem ay magkakaroon ng isa pang katuparan, kung saan ang matinding pagkawasak na iyon ay isang malabong anino lamang. Sa kapalaran ng piniling lunsod ay makikita natin ang wakas ng isang sanlibutang tumanggi sa kaawaan ng Diyos at niyapakan ang Kanyang mga kautusan. Maitim ang mga talaan ng paghihirap ng tao na nasaksihan ng lupa sa loob ng mahahabang dantaon ng krimen nito. Ang puso ay humihina at ang isipan ay nanlalabo sa pagbubulay-bulay. Napakatindi ang mga naging bunga ng pagtatakwil sa kapamahalaan ng Langit. Ngunit ang tanawing mas maitim pa ay ipinakita sa mga paghahayag ng hinaharap. Ang mga kasaysayan ng nakaraan—ang mahabang prusisyon ng mga kaguluhan, labanan, at himagsikan, ang “lahat ng sandalyas ng naglalakad na mandirigma, at ang mga kasuotang tigmak ng dugo,” (Isaias 9:5)—ano ang mga ito, kumpara sa mga kilabot ng araw na iyon kapag ang pumipigil na Espiritu ng Diyos ay lubusan nang aalisin sa masasama, na hindi na pipigilan pa ang silakbo ng damdamin ng mga tao at makademonyong galit! Makikita ngayon ng sanlibutan, nang higit pa kaysa dati, ang mga bunga ng paghahari ni Satanas. ADP 24.1

Ngunit sa araw na iyon, gaya noong panahon ng pagkawasak ng Jerusalem, ang bayan ng Diyos ay ililigtas, “bawat nakatala sa mga nabubuhay” (Isaias 4:3). Ipinahayag ni Cristo na Siya’y darating sa ikalawa upang tipunin sa Kanyang sarili ang Kanyang mga tapat: “At tatangis ang lahat ng mga lipi sa lupa, at makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. Isusugo Niya ang Kanyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta at kanilang titipunin ang Kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila” (Mateo 24:30, 31). At pagkatapos, silang hindi sumunod sa ebanghelyo ay pupuksain ng hininga ng Kanyang bibig at lilipulin sa pamamagitan ng pagkahayag ng Kanyang pagdating (2 Tesalonica 2:8). Gaya ng Israel noong una, winawasak ng mga masasama ang kanilang sarili; sila’y bumabagsak dahilan sa kanilang kasamaan. Sa pamamagitan ng makasalanang buhay, inilagay nila ang kanilang sarili na lubhang di-kaayon ng Diyos, ang kanilang mga likas ay naging napakababa dahil sa kasamaan, anupa’t sa kanila, ang pagpapahayag ng Kanyang kaluwalhatian ay isang tumutupok na apoy. ADP 24.2

Mag-ingat ang mga tao, na baka balewalain nila ang aral na inihahatid sa kanila ng mga sinabi ni Cristo. Kung paanong binigyan Niyang babala ang Kanyang mga alagad tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem, na binibigyan sila ng tanda ng paparating na kapinsalaan, upang magawa nila ang kanilang pagtakas; gayon Niya binalaan ang sanlibutan tungkol sa araw ng panghuling pagkawasak, at binigyan sila ng mga palatandaan ng pagdating nito, upang ang lahat ng may gusto ay makatakas sa galit na darating. Ipinahahayag ni Jesus, “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, at buwan at mga bituin; at sa lupa’y magkakaroon ng kahirapan sa mga bansa” (Lucas 21:25; Mateo 24:29; Marcos 13:24-26; Apocalipsis 6:12-17). Yung mga nakakakita sa mga tagapagbalitang ito ng Kanyang pagdating ay dapat “alam ninyong siya’y malapit na, nasa mga pintuan na” (Mateo 24:33). “Kaya’t maging handa kayo” (Marcos 13:35), ang Kanyang sabi bilang paalala. Silang nakikinig sa babala ay hindi babayaan sa kadiliman, hindi babayaan na madatnan sila ng araw na iyon nang walang kamalay-malay. Ngunit sa kanila na hindi maghahanda, “ang araw ng Panginoon ay darating na gaya ng magnanakaw sa gabi” (1 Tesalonica 5:2-5). ADP 24.3

Ang sanlibutan ngayon ay hindi handang maniwala sa pabalita para sa panahong ito gaya ng mga Judio na hindi rin handang tumanggap sa babala ng Tagapagligtas tungkol sa Jerusalem. Kailan man ito dumating, ang araw ng Diyos ay darating nang di-nalalaman ng mga makasalanan. Kapag ang buhay ay nagpapatuloy sa di nagbabagong pag-ikot nito; kapag ang mga tao ay gumon sa kalayawan, sa negosyo, sa kalakal, sa paghahanap ng pera; kapag pinupuri ng mga lider ng relihiyon ang pagsulong at kaalaman ng sanlibutan, at ang mga tao ay ipinaghehele sa huwad na katiwasayan, kung gayon, kung paanong ang magnanakaw sa hatinggabi ay palihim na pumapasok sa loob ng walang bantay na bahay, ganon din darating ang biglang pagkawasak sa mga pabaya at makasalanan, “at walang makakatakas!” (talatang 3). ADP 25.1