Ang Dakilang Pag-Asa
8—Si Luther sa Harap ng Konseho
Isang bagong emperador ang umupo sa trono ng Germany, si Charles V, at ang mga sugo ng Roma ay nagmadali upang ipaabot ang kanilang mga pagbati, at himukin ang hari na gamitin ang kanyang kapangyarihan laban sa Repormasyon. Sa kabilang dako, ang elektor ng Saxony, na sa kanya’y malaking utang ni Charles ang kanyang korona, ay nakiusap na huwag siyang gumawa ng anumang hakbang laban kay Luther hangga’t hindi siya nabibigyan ng pagdinig sa kaso. Sa gayo’y nalagay ang emperador sa isang malaking kalituhan at kagipitan. Ang mga makapapa ay masisiyahan lamang kung ang hari ay maglalabas ng isang kautusan na humahatol ng kamatayan kay Luther. Matatag na idineklara ng elektor na “hindi pa naipapakita ng mahal na emperador ni ng alinmang tao na ang mga isinulat ni Luther ay napasinungalingan na;” kung kaya’t hiniling niya “na si Doctor Luther ay bigyan ng pases, upang siya’y makaharap sa isang hukuman na may marurunong, maka-Diyos, at walang-kinikilingang mga hukom”—D’Aubigné, b. 6, ch. 11. ADP 86.1
Ang pansin ng lahat ng grupo ay natuon ngayon sa pagtitipon ng mga estado ng Germany na nagpulong sa Worms, hindi nagtagal pagkatapos na umupo si Charles sa trono ng imperyo. May mahahalagang usapin at kapakanang pulitikal na dapat isaalang-alang sa pambansang konsilyong ito; sa kauna-unahang pagkakataon ay makakaharap na ng mga prinsipe ng Germany ang kabataan pa nilang hari sa pagtitipong ito para mag-usap-usap. Mula sa lahat ng panig ng lupang-tinubuan ay dumating ang matataas na kawani ng simbahan at ng pamahalaan. Ang mga pinapanginoon ng bayan, na anak-maharlika, makapangyarihan, at binabantayan ang mga karapatang minana nila; ang mga mala-prinsipeng pari at obispo, na tiwala sa nalalaman nilang kataasan nila sa kalagayan at kapangyarihan; ang mga maginoong kabalyero at ang mga nasasandatahang tagapaglingkod nila; at ang mga embahador mula sa ibang mga bansa at malalayong lupain—lahat ay nagtipun-tipon sa Worms. Ngunit sa malaking kapulungang iyon ang paksa na pumukaw ng pinakamalalim na interes ay ang ipinaglalaban ng Repormador na taga-Saxony. ADP 86.2
Una nang tinagubilinan ni Charles ang elektor na isama si Luther sa Konseho, na sinisiguro sa kanya ang proteksyon, at ipinapangako ang kalayaang makipagtalakayan sa mahuhusay na tao, ukol sa mga usaping pinagtatalunan. Si Luther ay nababahalang humarap sa emperador. Ang kanyang kalusugan noong panahong iyon ay lubhang mahina; pero siya’y sumulat sa elektor: “Kung hindi ako makapunta sa Worms na nasa mabuting kalusugan, ako’y dadalhin doon nang may sakit, gaya ko ngayon. Dahil kung tinatawagan ako ng emperador, hindi ko maaaring pag-alinlanganan na iyon ay panawagan ng Diyos mismo. Kung gusto nilang gumamit ng dahas laban sa akin, at iyan ay talagang posible (dahil hindi naman nila ako inutusang humarap para sila’y turuan), inilalagay ko ang bagay na ito sa kamay ng Panginoon. Buhay at naghahari pa rin Siya na nagligtas sa tatlong kabataang lalaki mula sa nagliliyab na hurno. Kung hindi Niya ako ililigtas, ang buhay ko’y hindi mahalaga. Basta’t iwasan lang natin na malantad ang ebanghelyo sa panghahamak ng masasama, at ibuhos natin ang ating dugo para dito, sa pangambang sila’y magtagumpay. Hindi ako ang magpapasya kung ang aking buhay o ang aking kamatayan ba ay higit na makakatulong sa kaligtasan ng lahat.... Maaari ninyong asahan ang lahat sa akin...maliban sa pagtakas at pagtalikod. Hindi ko kayang tumakas, at lalo na ang tumalikod.”—Ibid., b. 7, ch. 1. ADP 86.3
Habang kumakalat ang balita sa Worms na si Luther ay haharap sa Konseho, isang pangkalahatang katuwaan ang nalikha. Ang kinatawan ng papa na si Aleander, na siyang tanging pinagkatiwalaan ng kaso, ay nangamba at nagalit. Nakita niyang ang kalalabasan nito ay labis na mapaminsala sa layunin ng kapapahan. Ang magsimula ng pagsisiyasat sa isang kaso na naiproklama na ng papa ang hatol na kaparusahan, ay paghamak sa kapamahalaan ng pinakamakapangyarihang obispo. Bukod pa rito, siya’y nangangamba na ang napakahusay at napakatinding mga argumento ng taong ito ay maaaring magpatalikod sa maraming prinsipe mula sa panig ng papa. Kaya’t sa pinakamadaliang paraan, ay nagreklamo siya kay Charles tungkol sa pagharap ni Luther sa Worms. Nang mga panahong ito, ang kautusan ng papa na naghahayag sa pagkakatiwalag kay Luther ay ipinamalita na; at ito, dagdag pa ang mga reklamo ng kinatawan ng papa, ay nakahimok sa empe-rador na pumayag. Siya’y sumulat sa elektor na kung si Luther ay hindi tatalikod, ay manatili na lang dapat siya sa Wittenberg. ADP 86.4
Hindi pa nasiyahan sa tagumpay na ito, si Aleander ay nagsikap sa buong kapangyarihan at katusuhang magagamit niya para matamo ang paghatol kay Luther. Taglay ang pagtitiyagang nararapat sa isang mas mabuting layunin, iginiit niya ang bagay na ito sa pansin ng mga prinsipe, pari’t obispo, at iba pang kaanib ng kapulungan, inaakusahan ang Repormador ng “panunulsol ng paglaban sa pamahalaan, paghihimagsik, kasamaan, at kalapastanganan.” Ngunit ang pagngingitngit at bugso ng damdamin na ipinakita ng sugo ng papa ay malinaw na naghahayag sa espiritung nagpapakilos sa kanya. “Siya’y pinakikilos ng galit at paghihiganti,” ang pangkalahatang puna, “nang lalong higit kaysa kasigasigan at kabanalan.”—Ibid., b. 7, ch. 1. Ang nakararami sa Konseho ay mas nakahilig na ngayong isaalang-alang nang may pagsang-ayon ang ipinaglalaban ni Luther. ADP 87.1
Sa dobleng ibayong sigasig ay iginiit ni Aleander sa emperador ang tungkulin nito sa pagpapatupad ng mga utos ng papa. Pero sa ilalim ng mga batas ng Germany, ito’y hindi magagawa kung walang pagsang-ayon ng mga prinsipe; at dahil nadaig sa wakas ng kakulitan ng sugo ng papa, sinabi ni Charles sa kanya na iharap ang kaso niya sa Konseho. “Iyon ay isang masayang araw para sa kinatawan ng papa. Ang kapulungan ay napakalaki: ngunit ang layunin nito ay mas malaki pa. Si Aleander ay magtatanggol para sa Roma,...ang ina at among babae ng lahat ng iglesya.” Ipagtatanggol niya ang pagiging prinsipe ni Pedro sa nagkakatipong pamunuan ng Sangkakristiyanuhan. “May kahusayan siya sa pagsasalita, at siya’y tumayo sa kadakilaan ng okasyong iyon. Kagustu han ng Diyos na ang Roma ay humarap at magtanggol muna sa pamamagitan ng pinakamagagaling niyang mananalumpati sa harapan ng pinakamarangal na hukuman, bago ito hatulan.”—Wylie, b. 6, ch. 4. Yung mga kampi sa Repormador ay may pangambang hinintay ang magiging epekto ng pagsasalita ni Aleander. Wala doon ang elektor ng Saxony, ngunit alinsunod sa tagubilin niya ay dumalo ang ilan sa mga tagapayo niya upang makinig sa pananalita ng kinatawan ng papa. ADP 87.2
Sa buong kapangyarihan ng kaalaman at husay sa pagsasalita, disidido si Aleander na ibagsak ang katotohanan. Sunud-sunod na akusasyon ang ibinato niya kay Luther bilang kaaway ng simbahan at ng pamahalaan, ng mga buhay at ng mga patay, ng mga opisyales ng simbahan at ng mga karaniwang tao, ng mga samahan at pribadong Kristiyano. Ang sabi niya, “Sa mga kamalian ni Luther ay meron nang sapat,” upang bigyang-katwiran ang pagsunog sa “isandaang libong mga erehe.” ADP 87.3
Bilang pagtatapos, sinikap niyang siraan yung mga tagataguyod ng bagong pana-nampalataya: “Ano ang mga Lutheran na ito? Mga tauhan ng mga walang-hiyang guro, mga tiwaling pari, mga buktot na monghe, mga walang-alam na abugado, at mga hinamak na mahal na tao, kasama na ng mga karaniwang tao na kanilang iniligaw at ginawang masama. Gaano kalayo ngang mas nakahihigit sa kanila ang grupo ng mga Katoliko sa bilang, kakayahan, at kapangyarihan! Isang ganap na nagkakaisang utos mula sa dakilang pagpupulong na ito ang magpapaunawa sa mga kulang sa kaalaman, magbibigaybabala sa mga pabigla-bigla, hahatol sa mga urung-sulong, at magbibigay-lakas sa mahihina.”—D’Aubigné, b. 7, ch. 3. ADP 87.4
Ganyang mga sandata ang gamit sa pag-atake sa mga tagapagtanggol ng katotohanan sa lahat ng panahon. Ang ganong mga pangangatwiran ay ipinipilit pa rin laban sa lahat ng nangangahas na ihayag ang malinaw at tapatang mga turo ng Salita ng Diyos, laban sa natatag nang mga kamalian. “Sino ang mga mangangaral na ito ng mga bagong doktrina?” tanong nung mga taong ang gusto’y isang tanyag na relihiyon. “Sila’y mga walang pinag-aralan, kakaunti lang, at galing sa mas mahihirap na mga tao. Pero sinasabi nilang nasa kanila ang katotohanan, at sila raw ang piniling bayan ng Diyos. Sila’y mga walang-alam at nadadaya. Gaano nga talagang nakahihigit sa bilang at impluwensya ang ating iglesya! Ilang dakila at may pinag-aralang tao ang kabilang sa atin! Gaanong higit pang kapangyarihan ang nasa panig natin!” Ito ang mga pangangatwirang may malakas na impluwensya sa sanlibutan; ngunit ang mga ito’y hindi kapani-paniwala ngayon gaya rin noong panahon ng mga Repormador. ADP 87.5
Ang Repormasyon ay hindi nagtapos kay Luther gaya ng inaakala ng marami. Ito’y magpapatuloy hanggang sa katapusan ng kasaysayan ng sanlibutang ito. Si Luther ay may dakilang gawain na dapat gampanan upang ipakita sa iba ang liwanag na ipinahintulot ng Diyos na sumilay sa kanya; pero hindi niya natanggap ang lahat ng liwanag na dapat ibigay sa sanlibutan. Mula sa panahong iyon hanggang ngayon, ang bagong liwanag ay patuloy na sumisikat sa mga Kasulatan, at patuloy na nabubunyag ang mga bagong katotohanan. ADP 88.1
Ang pagsasalita ng kinatawan ay lumikha ng isang malalim na damdamin sa Konseho. Walang Luther na naroon, upang talunin ang tagapagtanggol ng papa sa pamamagitan ng malilinaw at nakakakumbinsing katotohanan ng Salita ng Diyos. Walang pagtatangkang ginawa upang ipagtanggol ang Repormador. Makikita hindi lamang ang pangkalahatang saloobin na hatulan siya at ang mga doktrinang itinuro niya, kundi kung maaari ay lipulin ang erehiya. Natamasa ng Roma ang pinakamagandang pagkakataon upang ipagtanggol ang kanyang layunin. Lahat ng masasabi niya para ipagtanggol ang sarili ay nasabi na. Ngunit ang parang tagumpay na ito ay siyang palatandaan ng pagkatalo. Mula noon ang pagkakaiba ng katotohanan at kamalian ay mas malinaw na makikita, habang pinapasok nila ang larangan para sa hayagang paglalaban. Mula nang araw na iyon ay hindi na makakatayo nang matiwasay ang Roma gaya noon. ADP 88.2
Bagaman karamihan sa mga kaanib ng Konseho ay hindi mag-aatubiling ibigay si Luther sa paghihiganti ng Roma, marami sa kanila ang nakakita at ikinalungkot ang umiiral na kawalang-hiyaan sa simbahan, at naghangad ng pagkasugpo sa mga abusong dinaranas ng mga taga-Germany bilang resulta ng katiwalian at kasakiman ng pamunuan ng simbahan. Inihayag ng sugo sa pinakamagandang liwanag ang pangangasiwa ng papa. Ngayon nama’y kinilos ng Panginoon ang isang kaanib ng Konseho upang magbigay ng isang tunay na paglalarawan sa mga epekto ng kalupitan ng kapapahan. Sa marangal na katatagan ay tumindig si Duke George ng Saxony sa mala-prinsipeng kapulungang iyon at may lubhang katumpakan na inisa-isa ang mga pandaraya at mga nakakasuklam sa kapapahan, at ang mga nakapanghihilakbot na resulta nito. Sa pagtatapos ay sinabi niya: ADP 88.3
“Ang mga ito’y ilan sa mga abusong isinisigaw laban sa Roma. Lahat ng hiya ay inalis na, at ang tangi nilang hangarin ay. . .pera, pera, pera,...anupa’t ang mga mangangaral na dapat sana’y nagtuturo ng katotohanan, ay walang sinasabi kundi panay kasinungalingan, at hindi lamang sila kinukunsinti, kundi ginagantimpalaan pa, dahil kung mas malaki ang mga kasinungalingan nila, siya namang paglaki ng kanilang pakinabang. Mula sa napakaruming bukal na ito dumadaloy ang ganon karuruming tubig. Ang kahalayan ay kapit-kamay sa pagkagahaman sa pera.... Naku, ang iskandalong dulot ng mga alagad ng simbahan ang naghahagis ng napakaraming kaawa-awang kaluluwa sa walang-hanggang kaparusahan. Isang pangkalahatang reporma ang dapat na isagawa.”—Ibid., b. 7, ch. 4. ADP 88.4
Ang isang mas mahusay at nakakakum-binsing pagtuligsa sa mga abuso ng kapa-pahan ay maaaring hindi kayang iharap ni Luther mismo; at ang katunayan na ang nagsalita ay isang disididong kaaway ng Repormador ay nagbigay ng mas matinding impluwensya sa kanyang mga salita. ADP 88.5
Kung nabuksan lamang ang mga mata ng kapulungan, ay nakita sana nila ang mga anghel ng Diyos sa kalagitnaan nila, na nagkakalat ng mga sinag ng liwanag laban sa kadiliman ng kamalian, at binubuksan ang mga puso’t isipan sa pagtanggap ng katotohanan. Ang kapangyarihan ng Diyos ng katotohanan at karunungan ang kumontrol kahit sa mga kalaban ng Repormasyon, at sa gayon ay naihanda ang daan para sa malaking gawaing malapit nang maisagawa. Wala roon si Martin Luther; ngunit ang tinig ng Isang mas dakila pa kaysa kay Luther ay narinig sa kapulungang iyon. ADP 88.6
Isang komite ang kaagad na itinalaga ng Konseho upang isa-isahin ang mga pagpa-pahirap ng kapapahan na lubhang nagpapabigat sa mga taga-Germany. Ang listahang ito, na naglalaman ng 101 detalye, ay ibinigay sa emperador, kasama ang kahilingang siya’y gumawa ng madaliang hakbang para ituwid ang mga pang-aabusong ito. “Anong daming napapahamak na kaluluwang Kristiyano,” sabi ng mga nagpetisyon, “anong laking pagnanakaw, anong tinding pangunguwarta, dahil sa mga iskandalong nakapaligid sa mga espirituwal na pinuno ng Sangkakristiyanuhan! Katungkulan natin ang hadlangan ang pagkawasak at kasiraang-puri ng ating mga kababayan. Sa kadahilanang ito, kami’y labis na nagpapakumbaba ngunit labis na madaliang nakikiusap sa iyo na mag-utos ng isang pangkalahatang repormasyon, at isagawa ang katuparan nito.”—Ibid., b. 7, ch. 4. ADP 89.1
Hiniling naman ngayon ng konsilyo ang pagharap ng Repormador sa kanila. Sa kabila ng mga pakiusap, pagtutol, at pagbabanta ni Aleander, ay pumayag din sa wakas ang emperador, at si Luther ay ipinatawag upang humarap sa Konseho. Kasama ng pagpapatawag ay ibinigay din ang isang pases, na sinisigurong makakabalik siya sa lugar ng katiwasayan. Ito’y dinala sa Wittenberg ng isang mensahero, na napagatasang maghatid sa kanya sa Worms. ADP 89.2
Ang mga kaibigan ni Luther ay natakot at nag-alala. Dahil alam ang masamang iniisip at galit laban sa kanya, ikinatakot nila na baka pati ang pases niya ay hindi kilalanin, at pinakiusapan nila siya na huwag isapanganib ang kanyang buhay. Sumagot siya: “Hindi gusto ng mga makapapa ang pagpunta ko sa Worms, kundi ang pagkakahatol sa akin at ang kamatayan ko. Hindi iyon mahalaga. Huwag ninyo akong idalangin kundi ang Salita ng Diyos.... Ibibigay ni Cristo sa akin ang Kanyang Espiritu upang madaig ang mga ministrong ito ng kamalian. Kinamumuhian ko sila sa panahong ako’y buhay; magtatagumpay ako sa kanila sa pamamagitan ng aking kamatayan. Abala sila sa Worms kung paano ako pipiliting bawiin ang mga sinabi ko; at ito ang magiging pagbawi ko: Sinabi ko noon na ang papa ay kahalili ni Cristo; ngayon ay tiyakan kong sasabihin na siya ang kaaway ng ating Panginoon, at apostol ng diyablo.”—Ibid., b. 7, ch. 6. ADP 89.3
Hindi mag-iisa si Luther sa kanyang mapanganib na paglalakbay Bukod pa sa men-sahero ng emperador, tatlo sa matatapat niyang kaibigan ang nagpasyang sumama sa kanya. Gustung-gustong sumama ni Melanchthon sa kanila. Ang kanyang puso ay kaisa ng kay Luther, at labis niyang hinahangad na sumunod sa kanya sa bilangguan man o sa kamatayan, kung kinakailangan. Ngunit ang kanyang mga pakiusap ay tinanggihan. Kung mapahamak man si Luther, ang mga pag-asa ng Repormasyon ay dapat maukol sa kamanggagawa niyang kabataan pa. Ang sabi ni Luther nang maghiwalay na sila ni Melanchthon: “Kung ako’y hindi na makabalik, at patayin ako ng aking mga kaaway, magpatuloy ka sa pagtuturo, at magpakatatag ka sa katotohanan. Gumawa ka kapalit ko.... Kung makakaligtas ka, ang kamatayan ko’y hindi gaanong mahalaga.”—Ibid., b. 7, ch. 7. Ang mga mag-aaral at ang mga mamamayan na nagkatipon upang saksihan ang pag-alis ni Luther ay malalim na nakilos. Napakaraming taong nakilos ng ebanghelyo ang mga puso, ang lumuluhang nagpaalam sa kanya. Sa gayo’y umalis na sa Wittenberg ang Repormador at ang kanyang mga kasama. ADP 89.4
Sa paglalakbay ay nakita nila na ang isipan ng mga tao ay pinahihirapan ng malulungkot na agam-agam. Sa ilang bayan ay walang pagkilalang inihandog sa kanila. Sa pagpapahinga nila para sa gabi, isang mabait na pari ang nagpahayag ng kanyang pangamba sa pamamagitan ng pagpapakita kay Luther ng larawan ng isang Italyanong Repormador na nagdanas ng pagkamartir. Nang sumunod na araw ay nalaman nila na ang mga isinulat ni Luther ay hinatulan na sa Worms. Ipinapatalastas na ng mga tagapagbalita ng imperyo ang kautusan ng emperador at tinatawagan ang mga tao na dalhin ang mga ipinagbabawal na kasulatang ito sa mga mahistrado. Ang mensahero, na nangangamba para sa kaligtasan ni Luther sa konsilyo, at iniisip na baka nagbago na rin ang kanyang pagpapasya, ay nagtanong kung gusto pa ba niyang tumuloy. Siya’y sumagot, “Bagaman ako’y ipagbawal sa lahat ng lunsod, ay tutuloy pa rin ako.”—Ibid., b. 7, ch. 7. ADP 89.5
Sa Erfurt, si Luther ay tinanggap nang may pagpaparangal. Samantalang nakapalibot ang humahangang karamihan, siya’y dumaan sa mga lansangang madalas niyang dinadaanan noon, dala-dala ang sako niya sa panglilimos. Dinalaw niya ang kanyang silid sa kumbento, at inalala ang mga paghihirap na sa pamamagitan nito’y nabuhos sa kanyang kaluluwa ang liwanag na ngayo’y bumabaha na sa Germany. Siya’y hinimok nilang mangaral. Ito’y ipinagbabawal sa kanya, ngunit siya’y pinahintulutan ng mensahero, at ang prayle na dati’y ginawang hamak na trabahador ng kumbento, ay umakyat na ngayon sa pulpito. ADP 89.6
Sa nagsisiksikang kapulungan ay nagsalita siya mula sa mga sinabi ni Cristo, “Kapayapaan ang sumainyo.” “Ang mga pilosoper, mga doktor, at mga manunulat,” sabi niya, “ay nagsikap na ituro sa tao ang daan upang magtamo ng buhay na walanghanggan, pero sila’y hindi nagtagumpay. Ngayon ay sasabihin ko ito sa inyo:... Ang Diyos ay nagbangon ng isang Lalaki mula sa mga patay, ang Panginoong Jesu-Cristo, upang Kanyang mapuksa ang kamatayan, malipol ang kasalanan, at maisara ang mga pintuan ng impiyerno. Ito ang gawain ng kaligtasan.... Si Cristo ay nanaig! Ito ang masayang balita; at tayo’y ligtas sa pamamagitan ng mga ginawa Niya, at hindi ng sarili nating gawa.... Sinabi ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ‘Kapayapaan ang sumainyo; tingnan mo ang Aking mga kamay;’ ang ibig sabihin ay, Tingnan mo, O tao! Ako, Ako lamang, ang nag-alis ng iyong kasalanan, at tumubos sa iyo; ngayon ay may kapayapaan ka na, sabi ng Panginoon.” ADP 90.1
Siya’y nagpatuloy, ipinaliwanag na ang tunay na pananampalataya ay makikita sa pamamagitan ng isang banal na buhay. “Yamang iniligtas na tayo ng Diyos, ayusin nating maigi ang ating mga ginagawa upang ang mga ito’y maging katanggaptanggap sa Kanya. Ikaw ba’y mayaman? Itulong mo ang iyong mga ari-arian sa mga pangangailangan ng mga mahihirap. Ikaw ba’y mahirap? Gawin mong katanggaptanggap sa mayayaman ang iyong mga paglilingkod. Kung sarili mo lang ang nakikinabang sa trabaho mo, ang paglilingkod na kunwari’y ibinibigay mo sa Diyos ay isang kasinungalingan.”—Ibid., b. 7, ch. 7. ADP 90.2
Ang mga tao ay nakinig na para bang nagayuma. Ang tinapay ng buhay ay pinaghati-hati sa mga nagugutom na kaluluwang iyon. Si Cristo ay naitaas sa harapan nila bilang higit na mataas kaysa mga papa, mga kinatawan ng papa, mga emperador, at mga hari. Walang binanggit si Luther tungkol sa sarili niyang mapanganib na kalagayan. Hindi niya hinangad na siya ang maging tuon ng isipan o awa. Sa pagbubulay-bulay niya kay Cristo ay nakalimutan na niya ang kanyang sarili. Siya’y nagkubli sa likod ng Lalaki ng Kalbaryo, na ang hangad lamang ay ihayag si Cristo bilang Manunubos ng makasalanan. ADP 90.3
Nang magpatuloy na ang Repormador sa kanyang paglalakbay, siya’y pinag-ukulan ng malaking interes kahit saan. Isang nananabik na karamihan ang nagdagsaan sa palibot niya, at ang mga dumadamay na tinig ay nagbabala sa kanya tungkol sa layunin ng mga Romanista. “Susunugin ka nila,” sabi ng iba, “at gagawing abo ang iyong katawan, gaya ng ginawa nila kay John Huss.” Si Luther ay sumagot, “Bagaman magsindi pa sila ng apoy mula sa Worms hanggang Wittenberg, na ang ningas ay abot hanggang langit, ako’y lalakad sa gitna niyon sa pangalan ng Panginoon; ako’y haharap sa kanila; papasok ako sa bunganga ng dambuhalang ito, at dudurugin ko ang kanyang mga ngipin, na ipinahahayag ang Panginoong Jesu-Cristo.”—Ibid., b. 7, ch. 7. ADP 90.4
Ang balita tungkol sa pagdating niya sa Worms ay lumikha ng malaking kaguluhan. Ang kanyang mga kaibigan ay nanginginig para sa kanyang kaligtasan; ang kanyang mga kaaway ay nangangamba para sa pagtatagumpay ng kanilang layunin. Ang walang-pagod na mga pagsisikap ay ginawa na upang hikayatin siyang huwag nang pumasok sa lunsod. Sa panunulsol ng mga makapapa ay nahimok siyang pumunta sa kastilyo ng isang mabait kabalyero, na dito’y sinasabing mapayapang maisasaayos ang lahat ng problema. Ang mga kaibigan niya ay nagsikap na pukawin ang kanyang takot sa pamamagitan ng paglalarawan sa mga panganib na nagbabanta sa kanya. Ang lahat ng pagsisikap nila ay nabigo. Si Luther na hindi pa rin natitinag ay nagsabi: “Kahit na may mga diyablo pa sa Worms na kasindami ng mga tisang pambubong sa bahay, papasok pa rin ako rito.”—Ibid., b. 7, ch. 7. ADP 90.5
Sa pagdating niya sa Worms, napakaraming tao ang dumagsa sa pintuang-lunsod upang salubungin siya. Ang ganon karaming tao ay hindi pa nagkatipon upang sumalubong sa emperador mismo. Napakatindi ng pagkakagulo, at mula sa gitna ng karamihan isang matinis at malungkot na boses ang umaawit ng isang awit na pampatay bilang isang babala kay Luther sa kapalarang naghihintay sa kanya. “Ang Diyos ang magtatanggol sa akin,” ang sabi niya habang siya’y bumababa sa kanyang karwahe. ADP 90.6
Ang mga makapapa ay hindi naniniwalang si Luther ay talaga ngang mangangahas na magpakita sa Worms, at ang pagdating niya ay pumuno sa kanila ng malaking pagkabigla. Kaagad na ipinatawag ng emperador ang mga kaanib ng kanyang konseho upang pag-aralan kung anong hakbang ang gagawin. Isa sa mga obispo, na isang istriktong makapapa, ay nagsabi: “Matagal na nating pinag-usapan ang bagay na ito. Ipapatay na kaagad ng kataas-taasang emperador ang taong ito. Hindi ba’t ipinasunog ni Sigismundo si John Huss? Hindi tayo obligadong magbigay ng pases sa isang erehe o igalang man ito.” “Hindi”, sabi ng emperador, “dapat nating tuparin ang ating pangako.”—Ibid., b. 7, ch. 8. Kaya’t napagpasyahan na dapat dinggin ang kaso ng Repormador. ADP 91.1
Ang buong lunsod ay sabik na makita ang kahanga-hangang taong ito, at madaling napuno ng napakaraming bisita ang mga pinauupahang tirahan dito. Si Luther ay bahagya pa lang na nakakabawi sa sakit niya kamakailan lang; pagod siya sa paglalakbay, na sumaklaw ng dalawang buong linggo; kailangang maghanda siyang harapin ang napakadakilang pangyayari kinabukasan, at kailangan niya ng katahimikan at pahinga. Ngunit madami talaga ang gustong makita siya anupa’t ilang oras lang ng pahinga ang natamasa niya nang ang mga mahal na tao, mga kabalyero, mga pari, at mga mamamayan ay sabik na nagtipon sa palibot niya. Kasama rito ang maraming mararangal na tao na talagang matapang na humiling sa emperador ng reporma sa mga pang-aabuso ng simbahan, at ang sabi ni Luther tungkol sa kanila ay “napalayang lahat ng aking ebanghelyo.”—Martyn, pahina 393. Ang mga kaaway, ganon din ang mga kaibigan, ay pumunta roon upang makita ang walang-takot na mongheng ito; ngunit sila’y tinanggap niya nang may hinahong hindi natitinag, may dignidad at karunungang tinutugon ang lahat. Ang anyo niya’y matatag at magiting. Ang maputla at payat niyang mukha, na nababakasan ng pagpapakapagod at karamdaman, ay taglay ang isang kaaya-aya at masayahin pa ngang hitsura. Ang kataimtiman at malalim na katapatan ng kanyang mga salita ay nagbigay sa kanya ng kapangyarihan, na kahit ang mga kaaway niya’y hindi kayang matagalan nang lubusan. Ang mga kaibigan at mga kaaway ay parehong napuspos ng pagkamangha. Ang iba ay naniniwala na isang banal na impluwensya ang umaalalay sa kanya; ang iba nama’y nagsabi, gaya ng sinabi ng mga Fariseo kay Cristo, “Mayroon siyang demonyo.” ADP 91.2
Nang sumunod na araw, si Luther ay ipinatawag upang humarap sa Konseho. Isang opisyal ng imperyo ang itinalaga upang maghatid sa kanya sa bulwagan ng pakikipanayam; ngunit may kahirapan pa bago niya narating ang lugar na iyon. Bawat daanan ay nagsisiksikan sa mga manonood, sabik na makita ang monghe na nangahas na kumalaban sa kapangyarihan ng papa. ADP 91.3
Nang siya’y papasok na sa harapan ng mga hukom niya, isang matandang heneral, na bayani ng maraming digmaan, ang may kabaitang nagsabi sa kanya: “Kawawang monghe, kawawang monghe, ikaw ngayon ay gagawa ng isang mas marangal na paninindigan kaysa sa mga nagawa ko o ng sino pa mang kapitan sa pinakamadugo naming pakikipaglaban. Ngunit kung matuwid ang ipinaglalaban mo, at sigurado ka rito, magpatuloy ka sa pangalan ng Diyos, at huwag kang matakot sa anuman. Hindi ka pababayaan ng Diyos.”—D’Aubigné, b. 7, ch. 8. ADP 91.4
Sa wakas ay humarap na si Luther sa konsilyo. Ang emperador ay nakaupo sa trono. Siya’y napapalibutan ng mga pinakatanyag na tao sa imperyo. Walang sinumang nakaharap na sa isang mas maringal pang pagtitipon kaysa sa pagtitipong iyon, kung saan ipagtatanggol ni Martin Luther ang kanyang pananampalataya. “Ang pagharap na ito ay isa na mismong palatandaan ng pagtatagumpay laban sa kapapahan. Hinatulan na ng papa ang taong ito, pero ngayo’y nakatayo siya sa harapan ng hukumang ito, na sa ginawang pagkilos na ito, ay inilagay ang sarili nito na mataas kaysa papa. Isinailalim siya ng papa sa pagbabawal, at inihiwalay siya sa lahat ng pakikisalamuha ng tao; pero siya’y ipinatawag sa isang magalang na pananalita, at tinanggap sa harapan ng pinakamarangal na pagtitipong ito sa sanlibutan. Hinatulan na siya ng papa na manahimik magpakailanman, ngunit siya ngayo’y magsasalita sa harapan ng libu-libong matiyagang tagapakinig na nagkatipong sama-sama mula sa pinakamalalayong bahagi ng Sangkakristiyanuhan. Sa gayo’y isang malawakang ganap na pagbabago ang naisagawa sa pamamagitan ni Luther. Ang Roma ay bumababa na sa kanyang trono, at tinig lang ng isang monghe ang sanhi ng pagkapahiyang ito.”—Ibid., b. 7, ch. 7. ADP 91.5
Sa harapan ng makapangyarihan at tituladong kapulungan, ang Repormador na ipinanganak na mahirap lang ay parang nalipos ng sindak at nahihiya. Ang ilan sa mga prinsipe, pagkapansin sa kanyang emosyon, ay lumapit sa kanya, at isa sa kanila ay bumulong: “Huwag mong katakutan ang mga pumapatay ng katawan, ngunit hindi nakakapatay ng kaluluwa.” Ang isa nama’y nagsabi: “Kapag kayo’y dinala sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa Akin, ibibigay sa inyo ng Espiritu ng inyong Ama ang iyong sasabihin.” Kaya ang mga salita ni Cristo ay inihatid ng mga dakilang tao ng sanlibutan upang palakasin ang Kanyang lingkod sa oras ng pagsubok. ADP 92.1
Si Luther ay inihatid sa lugar na kaharap mismo ng trono ng emperador. Isang taimtim na katahimikan ang lumukob sa nagsisiksikang kapulungan. Pagkatapos, isang opisyal ng imperyo ang tumayo at pagkaturo sa koleksyon ng mga isinulat ni Luther, ay inutusan ang Repormador na sagutin ang dalawang tanong—kung inaamin ba niya na kanya nga ang mga ito, at kung may balak ba siyang bawiin ang mga paniniwalang iminungkahi niya roon. Matapos basahin ang mga pamagat ng mga aklat, sumagot si Luther na tungkol sa unang tanong ay inaamin niya na kanya nga ang mga aklat. “Tungkol naman sa ikalawa,” sabi niya, “yamang nakikita kong ito’y isang tanong na may kinalaman sa pananampalataya at kaligtasan ng mga kaluluwa, at kung saan ay sangkot ang Salita ng Diyos, ang pinakadakila at pinakamahalagang kayamanan sa langit man o sa lupa, baka kumilos ako nang pabigla-bigla kung ako’y sasagot nang walang matamang pag-iisip. Baka ang mapatotohanan ko ay kulang kaysa sa hinihingi ng pagkakataon, o kaya’y higit naman kaysa sa hinihingi ng katotohanan, at sa gayo’y kasalanan sa sinasabing ito ni Cristo: “Ngunit sinumang magkaila sa Akin sa harapan ng mga tao, ay ipagkakaila Ko rin naman sa harapan ng Aking Ama na nasa langit” (Mateo 10:33). Sa kadahilanang ito’y nakikiusap ako sa kamahalang emperador, taglay ang buong kapakumbabaan, na pagkalooban ako ng panahon, upang ako’y makasagot nang hindi nagkakasala sa Salita ng Diyos.”— D’Aubigné, b. 7, ch. 8. ADP 92.2
Sa pakikiusap na ito, si Luther ay kumilos nang may katalinuhan. Napaniwala ng kanyang ginawa ang kapulungan na hindi siya kumikilos mula sa bugso ng damdamin o galit. Ang ganong kahinahunan at pagtitimpi na hindi inaasahan sa isang taong nagpakitang siya’y matapang at matatag, ay nagdagdag sa kanyang impluwensya, at pagkaraan ay nakatulong sa kanya na sumagot nang may hinahon, kapasyahan, karunungan, at karangalan na gumulat at bumigo sa kanyang mga kalaban, at sumumbat sa kanilang kawalang-hiyaan at kayabangan. ADP 92.3
Sa susunod na araw, siya’y haharap upang ibigay ang kanyang pinakatugon. Pansamantalang nanghina ang kanyang puso habang iniisip-isip niya ang mga puwersang nagsanib laban sa katotohanan. Nanghina ang kanyang pananampalataya; lumukob sa kanya ang takot at pangangatal, at nilamon siya ng kilabot. Dumami sa harapan niya ang mga panganib; ang kanyang mga kaaway ay parang magtatagumpay na, at parang mananaig na ang mga kapangyarihan ng kadiliman. Ang mga ulap ay pumalibot sa kanya at parang ihihiwalay siya sa Diyos. Kinasasabikan niya ang katiyakan na ang Panginoon ng mga hukbo ay sasakanya. Sa pagdadalamhati ng espiritu, siya’y nagpatirapa na nakasubsob ang mukha sa lupa, at ibinuhos ang durog, at makabagbag-damdaming paghibik na iyon, na walang ibang lubos na makakaunawa maliban sa Diyos. ADP 92.4
“O makapangyarihan at walang-hanggang Diyos,” samo niya, “talagang kakilakilabot ang sanlibutang ito! Narito, ibinubuka nito ang kanyang bunganga upang lamunin ako, at napakaliit ng pagtitiwala ko sa Iyo.... Kung sa lakas lamang ng sanlibutang ito ko ilalagay ang aking pagtitiwala, tapos na ang lahat.... Dumating na ang huling oras ko, binigkas na ang hatol sa akin.... O Diyos, tulungan Mo nga po ako laban sa lahat ng karunungan ng sanlibutan. Gawin Mo po ito.... Ikaw lamang;... sapagkat ito’y hindi ko gawain, kundi sa Iyo. Wala akong magagawa dito, walang ilalaban sa mga dakilang taong ito ng sanlibutan.... Ngunit ang gawain ay sa Iyo...at ito’y isang matuwid at walang hanggang gawain. O Panginoon, tulungan Mo po ako! Tapat at hindi nagbabagong Diyos, hindi ko inilalagay ang aking pagtitiwala sa sinumang tao.... Lahat ng sa tao ay hindi tiyak; lahat ng galing sa tao ay nabibigo.... Pinili Mo po ako para sa gawaing ito.... Tumayo Ka sa tabi ko, alang-alang sa Iyong pinakamamahal na si Jesu-Cristo, na Siyang tagapagtanggol ko, panangga ko, at matibay kong muog.”—Ibid., b. 7, ch. 8. ADP 92.5
Isang Patnubay na nakakaalam ng lahat ang nagpaisip-isip kay Luther sa peligro niya, upang huwag siyang magtiwala sa kanyang sariling lakas at mapangahas na sumugod sa panganib. Ngunit hindi ang takot sa sariling pagdurusa, sindak sa pagpapahirap o kamatayan na parang nalalapit na, ang lumipos ng kilabot sa kanya. Dumating na siya sa krisis, at kanyang nadama ang kakulangan niya sa pagharap dito. Dahil sa kahinaan niya, ang layunin ng katotohanan ay maaaring magdanas ng pagkatalo. Hindi para sa sarili niyang kaligtasan sa panganib, kundi para sa pagtatagumpay ng ebanghelyo, kaya siya’y nakipagpunyagi sa Diyos. Ang pagdadalamhati at labanan sa kanyang kaluluwa ay gaya nung kay Israel, noong gabi ng pakikipagpunyagi nito sa tabi ng mapanglaw na batis. Gaya ni Israel, siya’y nagtagumpay sa Diyos. Sa lubos niyang kahinaan, ang kanyang pananampalataya ay napako kay Cristo, ang makapangyarihang tagapagligtas. Siya’y napalakas ng katiyakan na hindi siya mag-isang haharap sa konsilyo. Bumalik ang kapayapaan sa kanyang kaluluwa, at siya’y nagalak na siya’y pinahintulutang itaas ang Salita ng Diyos sa harap ng mga pinuno ng mga bansa. ADP 93.1
Taglay ang isipang nananatili sa Diyos, si Luther ay naghanda sa labanang kinakaharap niya. Pinag-isipan niya ang paraan ng kanyang pagsagot, sinuri ang mga talata sa sarili niyang mga isinulat, at kumuha sa Banal na Kasulatan ng mga angkop na patunay upang patotohanan ang kanyang mga paninindigan. At pagkatapos, habang nakapatong ang kaliwang kamay sa Banal na Aklat, na nakabukas sa harapan niya, ay itinaas niya ang kanyang kanang kamay sa langit at nangako “na mananatiling tapat sa ebanghelyo at lantarang ipapahayag ang kanyang pananampalataya, kahit pa kinakailangang tatakan niya ng kanyang dugo ang kanyang patotoo.”—Ibid., b. 7, ch. 8. ADP 93.2
Nang siya’y muling ihatid sa harapan ng Konseho, ang kanyang mukha ay walang bakas ng takot, o pagkapahiya. Mahinahon at mapayapa, pero litaw na matapang at marangal, tumayo siya bilang saksi ng Diyos sa gitna ng mga dakilang tao sa lupa. Hiningi ngayon ng opisyal ng imperyo ang kanyang kapasyahan kung gusto ba niyang bawiin ang kanyang mga doktrina. Sinabi ni Luther ang kanyang kasagutan sa isang marahan at mapagpakumbabang boses, walang kapusukan o bugso ng damdamin. Ang kanyang pagkilos ay mababang-loob at magalang; ngunit ipinakita niya ang pagtitiwala at kagalakan na gumulat sa kapulungan. ADP 93.3
“Pinakamahinahong emperador, mabunying mga prinsipe, at mababait na mga panginoon,” ang sabi ni Luther, “ako’y humaharap sa inyo ngayon, alinsunod sa utos na ibinigay sa akin kahapon, at sa kaawaan ng Diyos ay nananawagan ako sa aming kamahalan at sa aming kagalang-galang na mga ginoo, na malugod na pakinggan ang pagtatanggol ko sa isang layunin na natitiyak kong matuwid at totoo. At kung malabag ko man ang mga kaugalian at pamantayan sa mga hukuman, dahil hindi ko ito alam, ipinamamanhik ko na ako’y inyong patawarin; sapagkat hindi ako lumaki sa palasyo ng mga hari, kundi sa pagiging bukod ng kumbento.”—Ibid., b. 7, ch. 8. ADP 93.4
Pagkatapos, pagkatuloy sa katanungan, ay sinabi niya na ang mga inilathala niyang gawa ay hindi pare-pareho. Sa iba ay tinalakay niya ang tungkol sa pananampalataya at mabubuting gawa, at maging ang mga kaaway niya ay nagsasabing ang mga ito’y hindi masama kundi kapaki-pakinabang pa nga. Kapag binawi niya ang mga ito ay para na rin niyang sinumpa ang mga katotohanan na tinatanggap ng bawat panig. Ang ikalawang uri naman ay binubuo ng mga kasulatang naglalantad sa mga katiwalian at pang-aabuso ng kapapahan. Ang pagbawi sa mga isinulat na ito ay magpapatibay sa kalupitan ng Roma at magbubukas ng mas maluwang na pintuan para sa napakarami at napakalalaking kasamaan. Sa ikatlong uri ng kanyang mga aklat ay tinuligsa niya ang mga taong nagtatanggol sa mga umiiral na kasamaan. Tungkol dito ay hayagan niyang inamin na siya’y naging mas marahas kaysa sa nararapat. Hindi niya sinabing hindi siya nagkakamali; pero kahit ang mga aklat na ito ay hindi niya kayang bawiin, sapagkat ang gayong hakbang ay magpapalakas ng loob sa mga kaaway ng katotohanan, at sila ngayo’y magkakaroon ng pagkakataon na ipitin ang bayan ng Diyos sa pamamagitan ng mas matindi pang kalupitan. ADP 93.5
“Ngunit ako’y tao lamang, at hindi Diyos,” patuloy niya; “ipagtatanggol ko kung gayon ang aking sarili gaya ng pagtatanggol ni Cristo: ‘Kung Ako’y nagsalita ng masama, patunayan ninyo ang kasamaan.’... Sa kahabagan ng Diyos, ay nananawagan ako sa iyo, pinakamahinahong emperador, at sa inyo, mga pinakamararangal na prinsipe, at sa lahat ng tao sa bawat antas, na patunayan mula sa mga kasulatan ng mga propeta at mga apostol na ako’y nagkamali. Sa sandaling ako’y mapaniwala nito, ay babawiin ko ang lahat ng kamalian, at ako ang unang kukuha ng aking mga aklat at magtatapon ng mga ito sa apoy. ADP 94.1
“Inaasahan ko na ang kasasabi ko pa lamang ay malinaw na nagpapakita, na maingat kong tinimbang-timbang at pinagaralan ang mga panganib na pinaglantaran ko sa aking sarili; ngunit malayong madismaya, nagagalak pa nga akong makita na ang ebanghelyo ay sanhi ngayon ng kaguluhan at pag-aaway-away, gaya noon. Ito ang likas, ito ang kapalaran ng Salita ng Diyos. ‘Hindi Ako pumarito upang magdala ng kapayapaan sa lupa, kundi ng tabak,’ ang sabi ni Jesu-Cristo. Ang Diyos ay kahangahanga at kakila-kilabot sa Kanyang mga payo; mag-ingat kayo na baka sa pag-aakalang sinusugpo ninyo ang pagtatalu-talo, ay inuusig na pala ninyo ang Banal na Salita ng Diyos, at magdala sa inyong sarili ng isang nakakatakot na pagdagsa ng mga dimalalampasang panganib, ng mga sakuna sa ngayon, at lagim sa walang-hanggan.... Maaari akong kumuha ng maraming ha-limbawa mula sa mga Salita ng Diyos. Maaari kong banggitin ang tungkol sa mga Faraon, sa mga hari ng Babilonia, at yung mga hari sa Israel, na wala nang mga ginawang mas lubusang nakatulong sa sarili nilang pagkawasak kaysa noong sikapin nilang palakasin ang kanilang kapangyarihan dahil sa mga payong parang pinakamagaling sa paningin ng tao. ‘Ang Diyos ay naglilipat ng mga bundok, at hindi nila ito nalalaman.’ “—Ibid., b. 7, ch. 8. ADP 94.2
Si Luther ay nagsalita ng German; at ngayon nama’y hinilingan siyang ulitin ang mga salitang iyon sa Latin. Bagaman napagod siya sa nauna niyang pagsasalita, ay pumayag siya, at muling nagsalita nang may ganon ding linaw at lakas gaya ng una. Ang pamamatnubay ng Diyos ang nangunguna sa bagay na ito. Ang isipan ng marami sa mga prinsipe ay binulag nang husto ng mga kamalian at pamahiin anupa’t sa una niyang pagsasalita ay hindi nila nakita ang tindi ng pangangatwiran ni Luther; ngunit malinaw na ipinaunawa sa kanila ng pagulit ang mga puntos na ipinapakita. ADP 94.3
Yung mga matitigas ang ulong nagpikit ng kanilang mga mata sa liwanag, at ipinasyang huwag mapaniwala ng katotohanan, ay nagalit sa kapangyarihan ng mga salita ni Luther. Nang tapos na siya magsalita, ang tagapagsalita ng Konseho ay galit na nagsabi, “Hindi mo nasagot ang itinatanong sa iyo.... Ikaw ay inaatasang magbigay ng malinaw at tiyak na kasagutan.... Babawiin mo ba o hindi?” ADP 94.4
Ang Repormador ay sumagot: “Yamang ang aming pinakamahinahong kamahalan at ang aming matataas na kamaharlikaan ay humihingi sa akin ng isang malinaw, simple, at tiyak na kasagutan, bibigyan ko po kayo ng isa, at ito iyon: Hindi ko maaaring ipasakop ang aking pananampalataya sa papa man o sa mga konsilyo, dahil kasinliwanag ng araw na sila’y madalas na nagkakamali at sinasalungat ang isa’t isa. Maliban kung gayon na ako’y makumbinsi sa pamamagitan ng patotoo ng Kasulatan o ng pinakamaliwanag na pangangatwiran, malibang ako’y mapaniwala sa pamamagitan ng mga talatang sinipi ko, at malibang ipakita ng mga ito na ang aking budhi ay dapat na sumang-ayon sa Salita ng Diyos, hindi ko magagawa at hindi ko babawiin ang aking pananampalataya, sapagkat mapanganib sa isang Kristiyano na magsalita laban sa kanyang budhi. Nakatayo ako rito, wala na akong magagawa pa; nawa'y tulungan ako ng Diyos. Amen.”—Ibid., b. 7, ch. 8. ADP 94.5
Ganyan nanindigan ang matuwid na taong ito sa matatag na saligan ng Salita ng Diyos. Ang liwanag ng langit ay tumatanglaw sa kanyang mukha. Ang kadakilaan niya at kalinisan ng karakter, ang kapayapaan at kagalakan ng kanyang puso, ay hayag sa lahat habang siya'y nagpapatotoo laban sa kapangyarihan ng kamalian, at sumasaksi para sa higit na kalamangan ng pananampalatayang iyon na dumadaig sa sanlibutan. ADP 95.1
Ang buong kapulungan ay saglit na hindi nakapagsalita dahil sa pagkamangha. Sa unang pagsagot, si Luther ay nagsalita sa mababang tono, na may magalang, at halos nagpapasakop na tindig. Ipinalagay ng mga Romanista na ito'y katibayan na nawawala na ang lakas ng kanyang loob. Ang kahilingan niyang ipagpaliban ang pagsagot ay inakala nilang pambungad lamang sa kanyang pagbawi. Si Charles mismo, na halos mapanlait na pinuna ang pagod nang katawan ng monghe, ang simple niyang pananamit, at ang kasimplihan ng kanyang pananalita, ay nagsabi: “Hindi ako gagawing erehe ng mongheng ito.” Ang tapang at katatagan na ipinakikita niya ngayon, ganon din ang kapangyarihan at linaw ng kanyang panga-ngatwiran, ay ikinagulat ng lahat ng grupo. Ang emperador na kinilos ng paghanga, ay napasigaw: “Ang mongheng ito ay nagsasalita nang may pusong walang-takot at lakas ng loob na hindi natitinag.” Marami sa mga prinsipeng taga-Germany ay may pagmamalaki at kagalakang tumingin sa kinatawang ito ng kanilang bansa. ADP 95.2
Ang mga kapanalig ng Roma ay natalo; ang kanilang layunin ay nakita sa pinakapangit na liwanag. Sinikap nilang panatilihin ang kanilang kapangyarihan, hindi sa pamamagitan ng pagsangguni sa Kasulatan, kundi sa pamamagitan ng mga pagbabanta, ang siyang walang-sablay na argumento ng Roma. Ang sabi ng tagapagsalita ng Konseho: “Kung hindi mo binabawi ang iyong mga sinabi, ang emperador at ang mga estado ng imperyo ay mag-uusap kung anong hakbang ang susundin laban sa isang ereheng hindi na maitutuwid pa.” ADP 95.3
Ang mga kaibigan ni Luther, na may malaking kagalakang nakinig sa kanyang marangal na pagtatanggol, ay nangatal sa mga salitang ito; Ngunit ang doktor na ito mismo ay mahinahong nagsabi, “Nawa’y ang Diyos ang maging katulong ko, sapagkat wala akong babawiing anuman.”—Ibid., b. 7, ch. 8. ADP 95.4
Siya'y inutusang umalis muna sa Konseho habang nag-uusap-usap ang mga prinsipe. Nadama noon na isang malaking krisis ang dumating. Ang mapilit na pagtanggi ni Luther na magpasakop ay maaaring makaapekto sa kasaysayan ng simbahan sa loob ng maraming panahon. Napagpasyahan na bigyan siya ng isa pang pagkakataon upang bawiin ang kanyang mga aral. Sa huling pagkakataon ay iniharap siya sa kapulungan. Muling ibinigay ang katanungan kung itatakwil ba niya ang kanyang mga doktrina. “Wala na akong iba pang isasagot,” sabi niya, “maliban doon sa naisagot ko na.” Malinaw na hindi siya mahihimok na magpasakop sa kautusan ng Roma, sa pamamagitan man ng mga pangako o ng mga pagbabanta. ADP 95.5
Ang mga lider ng kapapahan ay nainis nang husto na ang kanilang kapangyarihan, na nagpanginig sa mga hari at mga mahal na tao, ay maliitin na lang nang ganon ng isang hamak na monghe; gusto nilang ipadama sa kanya ang kanilang galit sa pamamagitan ng pagpapahirap sa kanya hanggang bawian siya ng buhay. Ngunit si Luther, na alam ang kanyang panganib, ay nagsalita sa lahat nang may maka-Kristiyanong dignidad at hinahon. Ang kanyang mga salita ay walang pagmamataas, bugso ng damdamin, at kasinungalingan. Nalimutan niya ang kanyang sarili, at ang mga dakilang taong nakapalibot sa kanya, at ang nadama lamang ay nasa harapan siya ng Isang walang-hanggan ang kataasan kaysa sa mga papa, pari’t obispo, mga hari, at mga emperador. Sa pamamagitan ng patotoo ni Luther ay nagsalita si Cristo nang may kapangyarihan at kadakilaan na pansamantalang nagdulot ng paghanga at pagkamangha kapwa sa mga kaibigan at mga kaaway. Ang Espiritu ng Diyos ay naroon sa konsilyong iyon, at iniimpluwensyahan ang puso ng mga pinuno ng imperyo. Ang ilan sa mga prinsipe ay buong tapang na kinilala ang katarungan ng ipinaglalaban ni Luther. Marami ang nakumbinsi sa katotohanan; ngunit sa iba ang impluwensyang natanggap ay hindi tumagal. May isa pang uri ng mga tao na noong panahong iyon ay hindi naghayag ng kanilang paniniwala, ngunit dahil sa pagsasaliksik mismo nila sa mga Kasulatan, ay naging matatapang na tagapagtaguyod ng Repormasyon sa darating na panahon. ADP 95.6
Sabik na hinintay ng elektor na si Frederick ang pagharap ni Luther sa Konseho, at siya’y nakinig sa kanyang pagsasalita nang may taimtim na damdamin. May kagalakan at pagmamalaki niyang sinaksihan ang katapangan, katatagan, at kahinahunan ng doktor, at ipinasyang mas matatag siyang maninindigan para ipagtanggol siya. Pinaghambing niya ang dalawang panig na naglalaban, at nakita na ang karunungan ng mga papa, mga hari, at mga pari’t obispo ay winalang-kabuluhan ng kapangyarihan ng katotohanan. Ang kapapahan ay nagdanas ng pagkatalong madadama sa lahat ng bansa at sa lahat ng panahon. ADP 96.1
Nang makita ng sugo ng papa ang resultang nagawa ng pagsasalita ni Luther, siya’y ngayon lang nabahala nang ganito para sa kasiguruhan ng kapangyarihan ng Roma, at ipinasyang gagawin niya ang lahat ng paraan na kanyang magagamit upang maisagawa ang pagkalupig ng Repormador. Taglay ang galing sa pagsasalita at husay sa diplomasya na dito siya kilalang-kilala, ipinakita niya sa kabataang emperador ang kahibangan at panganib ng pagsasakripisyo sa pakikipagkaibigan at suporta ng makapangyarihang pangasiwaan ng Roma dahil lamang sa ipinaglalaban ng isang walang-kuwentang monghe. ADP 96.2
Ang mga sinabi niya ay hindi nawalan ng epekto. Sa sumunod na araw pagkasagot ni Luther, si Charles ay nagpagawa ng isang mensaheng ihaharap sa Konseho, na nagpapahayag ng kanyang kapasyahan na ipatupad ang patakaran ng mga sinundan niya, na panindigan at protektahan ang relihiyong Katoliko. At dahil si Luther ay tumangging itakwil ang kanyang mga pagkakamali, ang pinakamatitinding batas ay dapat gamitin laban sa kanya at sa mga maling paniniwala na itinuturo niya. “Isang monghe, na iniligaw ng sarili niyang kalokohan, ang tumindig laban sa pananampalataya ng Sangkakristiyanuhan. Upang mapigil ang ganyang kasamaan ay isasakripisyo ko ang aking mga kaharian, mga kayamanan, mga kaibigan, ang aking katawan, dugo, kaluluwa, at ang aking buhay. Paaalisin ko na ang Agustinong si Luther; at pagbabawalan siyang gumawa ng kahit na pinakamaliit na kaguluhan sa mga tao; saka naman ako kikilos laban sa kanya at sa mga tagasunod niya na mga ereheng suwail, sa pamamagitan ng pagtitiwalag, ng pagbabawal, at ng lahat ng paraang makakapuksa sa kanila. Tinatawagan ko ang lahat ng kaanib ng mga estado na kumilos na gaya ng tapat na mga Kristiyano.”—Ibid., b. 7, ch. 9. Gayunman, ipinahayag ng emperador na dapat igalang ang pases ni Luther, at bago masimulan ang paglilitis laban sa kanya, siya’y dapat payagang makauwi nang matiwasay. ADP 96.3
Dalawang magkasalungat na opinyon ang ngayo’y iginigiit ng mga kaanib ng Konseho. Muling hiningi ng mga sugo at kinatawan ng papa na bale-walain ang pases ng Repormador. “Ang Rhine,” sabi nila “ang dapat na tumanggap sa kanyang mga abo, gaya ng pagtanggap nito sa mga abo ni John Huss isang daang taon na ang nakakaraan.”—Ibid., b. 7, ch. 9. Ngunit ang mga prinsipe ng Germany, bagaman sila mismo’y mga makapapa rin at umaaming mga kaaway ni Luther, ay tumutol sa ganong pagsira sa tiwala ng publiko, na bahid sa karangalan ng bansa. Itinuro nila ang mga kalamidad na sumunod sa pagkamatay ni Huss, at ipinahayag na ayaw na nilang mangahas na ulitin pa sa Germany, at sa utak ng kabataan nilang emperador, ang mga kakila-kilabot na kasamaang iyon. ADP 96.4
Si Charles mismo, bilang katugunan sa napakasamang mungkahing iyon, ay nagsabi: “Bagaman palayasin ang dangal at tiwala sa buong sanlibutan, ang mga ito’y dapat makasumpong ng kanlungan sa puso ng mga prinsipe.”—Ibid., b. 7, ch. 9. Pinilit pa rin lalo siya ng pinakamalulupit na kaaway ni Luther sa kapapahan na tratuhin niya ang Repormador gaya ng pagtrato ni Sigismundo kay Huss—ang iwan siya sa mga kamay ng simbahan; ngunit nang maalala ang eksena noong ituro ni Huss ang kanyang kadena at ipaalala sa hari ang kanyang pangako doon sa pampublikong pagkakatipong iyon, ay sinabi ni Charles V: “Ayaw kong mapahiya gaya ni Sigismundo.”—Lenfant, vol. 1, p. 422. ADP 96.5
Ngunit sinadyang huwag tanggapin ni Charles ang mga katotohanang ipinakita ni Luther. Isinulat ng hari, “Ako’y disididong-disidido na gayahin ang halimbawa ng aking mga ninuno.”—D'Aubigné, b. 7, ch. 9. Ipinasya niyang hindi siya hahakbang palabas sa landas ng nakaugalian, ni lalakad man sa mga daan ng katotohanan at katuwiran. Dahil ginawa ng kanyang mga ninuno, kanya ring itataguyod ang kapapahan, pati na ang lahat nitong kalupitan at katiwalian. Ganyan siya nanindigan, na ayaw tanggapin ang anumang liwanag na higit pa sa tinanggap ng kanyang mga ninuno, o isagawa ang anumang katungkulan na hindi nila isinagawa. ADP 97.1
Marami sa kasalukuyan ang nanghahawak nang ganyan sa mga kaugalian at mga tradisyon ng kanilang mga magulang. Kapag pinadalhan sila ng Diyos ng karagdagang liwanag, ayaw nila itong tanggapin, dahil hindi ito tinanggap ng kanilang mga magulang palibhasa’y hindi ito ipinagkaloob sa kanila. Hindi tayo inilagay sa kalagayan ng ating mga ninuno; kaya ang ating mga tungkulin at responsibilidad ay hindi gaya ng sa kanila. Tayo’y hindi magiging kalugud-lugod sa Diyos sa pamamagitan ng pagtingin sa halimbawa ng ating mga magulang para malaman ang ating mga tungkulin, sa halip na personal na saliksikin ang Salita ng katotohanan. Ang ating responsibilidad ay mas malaki kaysa sa ating mga ninuno. Tayo’y mananagot sa liwanag na kanilang natanggap at ipinasa sa atin bilang pamana, at mananagot din tayo sa karagdagang liwanag na ngayo’y sumisikat sa atin mula sa Salita ng Diyos. ADP 97.2
Sinabi ni Cristo tungkol sa mga Judiong di-naniniwala: “Kung hindi Ako dumating at nagsalita sa kanila, ay hindi sana sila nagkasala. Subalit ngayo’y wala na silang maidadahilan sa kanilang kasalanan” (Juan 15:22). Ang banal na kapangyarihan ding iyon ang nagsalita sa pamamagitan ni Luther sa emperador at sa mga prinsipe ng Germany. At habang ang liwanag ay sumisikat mula sa Salita ng Diyos, ang Kanyang Espiritu sa huling pagkakataon ay nakiusap sa karamihan sa kapulungang iyon. Kung paanong hinayaan ni Pilatong sarhan ng pagmamataas at katanyagan ang kanyang puso laban sa Manunubos ng sanlibutan, daan-daang taon na ang lumipas; kung paanong sinabihan ng nanginginig na si Felix ang sugo ng katotohanan na, “Umalis ka muna ngayon at kapag nagkaroon ako ng pagkakataon ay ipatatawag kita;” kung paanong ipinagtapat ng mayabang na si Agrippa na, “Halos mahikayat mo na akong maging Kristiyano” (Gawa 24:25; 26:28), pero tumalikod naman sa mensaheng hatid ng Langit—ay gayon din naman si Charles V, sa pagbibigay-daan sa mga dikta ng makasanlibutang pagmamataas at patakaran, ay ipinasyang huwag tanggapin ang liwanag ng katotohanan. ADP 97.3
Ang mga bali-balita tungkol sa mga balak laban kay Luther ay malawak na kumalat, na nagdulot ng malaking kaguluhan sa buong lunsod. Ang Repormador ay maraming kaibigan, na dahil alam ang traydor na kalupitan ng Roma sa lahat ng mangangahas na magbunyag ng katiwalian nito, ay nagpasyang hindi siya dapat isakripisyo. Daan-daang mahal na tao ang nangakong ipagtatanggol siya. Hindi iilan ang lantarang tumuligsa sa mensahe ng emperador bilang pagpapakita ng mahinang pagpapasakop sa kumukontrol na kapangyarihan ng Roma. Sa pintuan ng mga bahay at sa mga pampublikong lugar, ay may mga karatulang nakapaskil, ang iba’y tumutuligsa kay Luther at ang iba nama’y umaayon. Sa isa sa mga ito ay nakasulat lang ang mga makahulugang salita ng pinakamatalinong tao: “Kahabag-habag ka, O lupain, kapag ang iyong hari ay isang bata” (Ecclesiastes 10:16). Ang sigasig ng mga tao sa buong Germany na pabor kay Luther ay nakakumbinsi kapwa sa emperador at sa Konseho na anumang hindi patas na ipapakita sa kanya ay magsasapanganib sa kapayapaan ng imperyo at maging sa katatagan ng trono. ADP 97.4
Pinanatili ni Frederick ng Saxony ang isang pinag-aralang pananahimik, na maingat na itinatago ang kanyang tunay na damdamin sa Repormador, habang kasabay nito’y binantayan niya siya nang may walang-tigil na pagmamasid, na minamatyagan ang lahat niyang kilos at lahat ng kilos ng mga kaaway niya. Ngunit marami ang hindi na nagtangkang itago pa ang kanilang pakikiisa kay Luther. Siya’y dinalaw ng mga prinsipe, konde, baron, at iba pang taong may karangalan, may katungkulan man sa simbahan o wala. “Sa maliit na silid ng doktor,” sulat ni Spalatin, “ay hindi magkasya ang lahat ng bisitang dumalaw sa kanya”—Martyn, vol. 1, p. 404. Pinagmasdan siyang mabuti ng mga tao na para bang higit pa siya sa isang tao. Kahit yung mga walang sampalataya sa kanyang mga doktrina ay walang magawa kundi ang humanga sa matayog na integridad na iyon na naghatid sa kanya sa magiting na kamatayan kaysa labagin ang kanyang budhi. ADP 97.5
Masisigasig na pagsisikap ang ginawa upang mapapayag si Luther sa isang pakikipagkompromiso sa Roma. Ipinaliwanag sa kanya ng mga mahal na tao at mga prinsipe na kung siya’y magpupumilit na magtatag ng sarili niyang opinyon laban doon sa itinatag ng simbahan at ng mga konsilyo, di-magtatagal ay palalayasin na siya sa imperyo at mawawalan na ng laban. Sa pagsamong ito si Luther ay tumugon: “Ang ebanghelyo ni Cristo ay hindi maaaring ipangaral nang walang masasaktan.... Bakit naman ang takot at pangamba sa panganib ay maghihiwalay sa akin at sa aking Panginoon, at sa banal na salitang iyon na siyang tanging katotohanan? Hindi; mas gugustuhin ko pang isuko ang aking katawan, dugo, at buhay.”—D'Aubigné, b. 7, ch. 9. ADP 98.1
Muli siyang hinimok na magpasakop na sa kapasyahan ng emperador, at sa gayo’y wala na siyang dapat ikatakot. “Buong-puso akong sumasang-ayon,” sabi niya bilang tugon, “na ang emperador, ang mga prinsipe, at kahit ang Kristiyanong pinakamakitid ang utak ay dapat suriin at hatulan ang aking mga sinulat; ngunit sa isang kondisyon, gamitin nilang batayan ang Salita ng Diyos. Walang magagawa ang mga tao kundi sundin ito. Huwag ninyong alukin ng dahas ang aking budhi, na nakatali at nakakadena sa Banal na Kasulatan.”—Ibid., b. 7, ch. 10. ADP 98.2
Sa isa na namang pakiusap ay sinabi niya: “Payag akong isuko ang aking pases. Inilalagay ko ang katauhan at buhay ko sa mga kamay ng emperador, ngunit ang Salita ng Diyos—hindi kailanman!”—Ibid., b. 7, ch. 10. Ipinahayag niya ang pagiging laan niyang magpasakop sa kapasyahan ng pangkalahatang konsilyo, ngunit sa kondisyon lamang na ang konsilyo ay magpapasya batay sa mga Kasulatan. “Sa mga bagay na may kinalaman sa Salita ng Diyos at sa pananampalataya,” dagdag niya, “ang bawat Kristiyano ay magaling rin na hukom gaya ng papa, kahit pa nasa kanya ang suporta ng isang milyong kon-silyo”—Martyn, vol. 1, p. 410. Ang mga kaaway at kaibigan ay parehong nakumbinsi sa wakas na wala nang kabuluhan pa ang magsikap para sa pagkakasundo. ADP 98.3
Kung isinuko ng Repormador kahit ang isang punto, si Satanas at ang kanyang mga kampon ay magtatamo sana ng tagumpay. Ngunit ang walang-tinag niyang katatagan ay siyang paraan ng pagpapalaya sa iglesya, at pagpapasimula ng isang bago at mas magandang kapanahunan. Ang impluwensya ng isang taong ito, na nangahas na mag-isip at kumilos para sa kanyang sarili sa mga bagay na ukol sa relihiyon, ay magkakaroon ng epekto sa iglesya at sa sanlibutan, hindi lamang sa panahon niya, kundi sa lahat ng henerasyon sa hinaharap. Ang kanyang katatagan at katapatan ay magpapalakas sa lahat ng dadaan sa ganon ding karanasan hanggang sa wakas ng panahon. Ang kapangyarihan at kadakilaan ng Diyos ay tumayo sa ibabaw ng layunin ng mga tao, sa ibabaw ng malakas na kapangyarihan ni Satanas. ADP 98.4
Hindi nagtagal ay inutusan si Luther na umuwi na ayon sa kapahintulutan ng empe-rador, at alam niya na ang pasabing ito ay mabilis na susundan ng paghatol sa kanya. Ang mga nagbabantang ulap ay nakalukob sa kanyang landas; ngunit habang papaalis siya sa Worms, ang kanyang puso ay puspos ng kagalakan at pagpupuri. “Ang diyablo mismo,” sabi niya, “ang nagbabantay sa muog ng papa; ngunit si Cristo ay gumawa ng isang malaking butas dito, at si Satanas ay napilitang magtapat na ang Panginoon ay mas makapangyarihan kaysa sa kanya.”—D'Aubigné, b. 7, ch. 11. ADP 98.5
Pagkaalis niya, dahil ninanais pa ring huwag mapagkamalang paghihimagsik ang kanyang katigasan, si Luther ay sumulat sa emperador. “Ang Diyos, na Siyang nagsisiyasat ng mga puso ay saksi ko,” sabi niya, “na ako’y buong katapatang handang sumunod sa aming kamahalan, sa karangalan man o kahihiyan, sa buhay man o kamatayan, at kahit saan maliban sa Salita ng Diyos, na sa pamamagitan nito’y nabubuhay ang tao. Sa lahat ng pangyayari sa kasalukuyang buhay na ito, ang katapatan ko’y hindi matitinag, sapagkat dito, ang mawalan o ang magkaroon ay walang kinalaman sa kaligtasan. Ngunit kapag may kinalaman na sa walang-hanggang kapakanan, hindi nais ng Diyos na ang tao ay magpasakop sa tao. Sapagkat ang ganong pagpapasakop sa mga espirituwal na bagay ay isang tunay na pagsamba, at tanging sa Lumikha lamang nararapat ibigay.”—Ibid., b. 7, ch. 11. ADP 98.6
Sa paglalakbay mula sa Worms, ang pagtanggap kay Luther ay mas nakakaaliw kaysa noong siya’y papunta roon. Malugod na tinanggap ng mga mala-prinsipeng alagad ng simbahan ang itiniwalag na monghe, at pinarangalan ng mga pinunong sibil ang taong tinuligsa ng emperador. Siya’y hinimok na mangaral, at sa kabila ng pagbabawal ng emperador, siya’y muling tumuntong sa pulpito. “Hindi ko ipinangakong gagapusin ang Salita ng Diyos,” sabi niya, “ni ipapangako man.”—Martyn, vol. 1, p. 420. ADP 99.1
Hindi pa siya natatagalang nakaalis sa Worms, nang mahimok ng mga makapapa ang emperador na magpalabas ng isang utos laban sa kanya. Sa kautusang ito, si Luther ay tinuligsang “si Satanas mismo na nasa anyo ng isang tao at nakasuot ng abito ng isang monghe.”—D’Aubigné, b. 7, ch. 11. Ipinag-utos na gumawa ng mga hakbang upang mapatigil ang kanyang gawain, sa sandaling matapos na ang kanyang pases. Lahat ng tao ay binawalang siya’y patuluyin, bigyan ng pagkain at inumin, o kaya'y saklolohan o tulungan siya, sa salita man o kilos, lantaran man o lihim. Siya’y dapat na dakpin saanman siya naroon, at dalhin sa mga maykapangyarihan. Ang mga tagasunod niya ay dapat ding ikulong at samsamin ang kanilang mga ari-arian. Ang kanyang mga isinulat ay dapat na sirain, at panghuli, ang lahat ng mangangahas na kumilos taliwas sa kautusang ito ay saklaw sa kaparusahan nito. Ang elektor ng Saxony at ang mga prinsipeng pinakamabait kay Luther ay umalis rin sa Worms pagkaalis niya, kaya’t ang kautusan ng emperador ay nakatanggap ng pagpapatibay ng Konseho. Tuwang-tuwa ngayon ang mga Romanista. Inakala nilang ang kapalaran ng Repormasyon ay sarado na. ADP 99.2
Ang Diyos ay naglaan ng matatakasan para sa Kanyang lingkod sa oras na ito ng panganib. Isang mapagmasid na mata ang sumusubaybay sa mga galaw ni Luther, at isang tapat at marangal na puso ang nagpasyang sumaklolo sa kanya. Malinaw na ang Roma ay sa kamatayan lamang niya masisiyahan; at sa pagkukubli lamang siya maaaring mailigtas mula sa mga pangil ng leon. Ang Diyos ay nagbigay ng karunungan kay Frederick ng Saxony upang makagawa ng isang piano para ingatan ang Repormador. Sa tulong ng mga tunay na kaibigan, ang panukala ng elektor ay naisagawa, at si Luther ay mahusay na naitago mula sa mga kaibigan at mga kaaway. Sa paglalakbay niya pauwi ay dinakip siya, inihiwalay sa kanyang mga kasamahan, at mabilis na idinaan sa kagubatan patungo sa kastilyo ng Wartburg, isang liblib na kuta sa bundok. Ang pagkadakip at pagkakatago sa kanya ay parehong napapalooban talaga ng hiwaga anupa’t kahit si Frederick mismo sa mahabang panahon ay walang alam kung saan siya dinala. Ang kawalang-alam na ito ay may layunin; hangga’t walang nalalaman ang elektor kung nasaan si Luther, wala siyang anumang maibubunyag. Ikinasiya na niya na ang Repormador ay ligtas, at sa kaalamang ito siya’y kontento na. ADP 99.3
Ang tagsibol, tag-araw at taglagas ay lumipas na, at sumapit na ang taglamig, at si Luther ay bihag pa rin. Si Aleander at ang mga kapanalig niya ay nagdiwang habang ang ebanghelyo ay parang namamatay na. Subalit sa halip na ganito, pinupuno ng Repormador ang kanyang ilawan mula sa imbakan ng katotohanan; at ang liwanag nito ay sisikat nang may mas maliwanag na kaningningan. ADP 99.4
Sa maamong katiwasayan ng Wartburg, si Luther ay pansamantalang nasiyahan sa paglaya niya mula sa sidhi at kaguluhan ng labanan. Ngunit hindi siya matagal na nasi-yahan sa katahimikan at pamamahinga. Dahil sanay sa buhay na may ginagawa at mahigpit na labanan, halos hindi niya matagalan ang manatiling walang ginagawa. Sa mga araw na iyon ng pag-iisa, ang kalagayan ng iglesya ay bumangon sa harapan niya, at sa kawalan ng pag-asa ay napasigaw siya: “Nakakalungkot! Walang sinuman sa huling kapanahunang ito ng Kanyang galit ang tatayong gaya ng isang pader sa harapan ng Panginoon, at magliligtas sa Israel!”—Ibid., b. 9, ch. 2. At muli, ang isipan niya ay bumalik sa kanyang sarili, at siya’y natakot na maparatangang duwag dahil sa pag-urong sa laban. Pagkatapos ay sinisi niya ang kanyang sarili dahil sa kanyang katamaran at pagpapalayaw sa sarili. Gayon ma’y araw-araw siyang nakakatapos ng higit pa sa parang posibleng magawa ng isang tao. Ang kanyang panulat ay laging may ginagawa. Samantalang pinapaniwala ng kanyang mga kaaway ang kanilang sarili na siya’y napatahimik na, sila’y labis na pinagtaka at nilito ng nadaramang katibayan na siya’y kumikilos pa rin. Maraming polyeto, na galing sa kanyang panulat, ang kumalat sa buong Germany. Nakagawa rin siya ng pinakamahalagang paglilingkod para sa kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng pagsasalin ng Bagong Tipan sa wikang German. Mula sa kanyang mabatong Patmos ay halos isang buong taon siyang nagpatuloy na ipahayag ang ebanghelyo at tuligsain ang mga kasalanan at kamalian ng panahong iyon. Ngunit hindi lamang para iligtas si Luther mula sa galit ng kanyang mga kaaway, o bigyan man siya ng isang panahon ng katahimikan para sa mahahalagang gawaing ito, kung bakit inilayo ng Diyos ang Kanyang lingkod sa entablado ng hayag na pamumuhay. May mga resultang mas mahalaga pa kaysa mga ito na dapat matamo. Sa pag-iisa at karimlan ng bundok na kanyang taguan, si Luther ay inalis sa mga makalupang tulong at inilayo sa papuri ng mga tao. Sa gayon siya’y nailigtas sa pagmamalaki at pagtitiwala sa sarili na napakadalas na idinudulot ng pagtatagumpay. Sa pamamagitan ng paghihirap at pagkakababa siya’y muling inihandang lumakad nang ligtas sa nakakahilong tayog kung saan siya’y talagang biglang itinaas. ADP 99.5
Habang ang mga tao ay nasisiyahan sa kalayaan na dala sa kanila ng katotohanan, sila’y nakahilig na itaas yung mga ginamit ng Diyos upang lagutin ang mga kadena ng kamalian at pamahiin. Sinisikap ni Satanas na ibaling ang isipan at pagmamahal ng tao mula sa Diyos, at ipako ito sa mga kinatawang tao; inaakay niya sila na parangalan yung naging instrumento lamang, at bale-walain ang Kamay na namahala sa lahat ng pangyayaring kalooban ng Diyos. Napakadalas na ang mga lider ng relihiyon na pinupuri at pinararangalan nang ganon ay nalilimutan ang pagkakadepende nila sa Diyos, at nahihimok na magtiwala sa kanilang sarili. Bilang bunga ay sinisikap nilang kontrolin ang isipan at budhi ng mga tao, na nakahandang umasa sa kanila para sa pamamatnubay sa halip na umasa sa Salita ng Diyos. Ang gawain ng reporma ay madalas na nababalam dahil sa espiritung ito na pinagbibigyan ng mga tagatangkilik nito. Sa panganib na ito ay nais ng Diyos na bantayan ang layunin ng Repormasyon. Gusto niya na ang gawaing iyan ay makatanggap, hindi ng tatak ng tao, kundi ng Diyos. Ang mata ng mga tao ay nabaling kay Luther bilang tagapagpaliwanag ng katotohanan; siya’y inalis upang ang lahat ng mata ay matuon sa walanghanggang May-akda ng katotohanan. ADP 100.1