Ang Dakilang Pag-Asa
6—Sina Huss at Jerome
Noon pa mang ika-9 na siglo ay naitanim na ang ebanghelyo sa Bohemia. Ang Biblia ay naisalin na, at idinadaos na ang pampublikong pagsamba, at ito’y sa sariling wika ng mga tao. Ngunit habang nadadagdagan ang kapangyarihan ng papa, ang Salita ng Diyos naman ay pinalalabo. Si Gregory VII na inangkin ang tungkuling ibaba ang pagmamataas ng mga hari, ay hangad ding alipinin ang mga tao, at sa gayon isang kautusan ang kanyang ipinalabas na nagbabawal sa pampublikong pagsamba na isinasagawa sa salitang Bohemia. Sinabi ng papa na “nakalulugod sa Makapangyarihan sa lahat na ang pagsamba sa Kanya ay idaos sa wikang hindi alam ng mga tao, kaya nga’t maraming kasamaan at maling paniniwala ang lumabas dahil sa hindi pagsunod sa tuntuning ito.”—Wylie, b. 3, ch. 1. Sa ganyang paraan ay ipinag-utos ng Roma na ang liwanag ng Salita ng Diyos ay dapat patayin at ang mga tao ay dapat panatilihin sa kadiliman. Ngunit ang Langit ay naglaan ng iba pang mga ahensya para ingatan ang iglesya. ADP 58.2
Marami sa mga Waldenses at Albigenses, na itinaboy ng pag-uusig mula sa kanilang mga tahanan sa France at Italy, ay nagpunta sa Bohemia. Bagaman hindi sila nangahas magturo nang hayagan, palihim naman silang gumawa nang masigasig. Kaya ang tunay na pananampalataya ay naingatan sa paglipas ng mga dantaon. ADP 58.3
Bago dumating ang panahon ni Huss, ay may bumangon nang mga tao sa Bohemia upang hayagang batikusin ang katiwalian sa simbahan at ang kabisyuhan ng mga tao. Ang mga paggawa nilang ito ay pumukaw ng laganap na interes. Ang takot ng pamunuan ng simbahan ay nagising, at ang pag-uusig ay nagsimula laban sa mga alagad ng ebanghelyo. Sila’y napilitang sumamba sa mga gubat at kabundukan, pinaghahanap ng mga kawal, at marami ang pinagpapatay. Pagkaraan ng ilang panahon, ipinag-utos na sunugin ang lahat ng humiwalay sa pagsamba ng Roma. Ngunit bagaman isinuko ng mga Kristiyano ang kanilang buhay, sila’y umaasa na magtatagumpay ang kanilang gawain. Isa doon sa mga “nagturo na ang kaligtasan ay matatagpuan lamang sa pamamagitan ng pagsampalataya sa ipinakong Tagapagligtas,” ay nagsabi nang siya’y mamamatay na, “Ang galit ng mga kaaway ng katotohanan ay nananaig ngayon sa amin, ngunit ito’y hindi magpapatuloy magpakailanman; may isang babangon mula sa mga karaniwang tao, wala siyang tabak o kapamahalaan, at laban sa kanya’y hindi sila mananaig.”—Ibid., b. 3, ch. 1. Ang panahon ni Luther ay malayo pa; ngunit meron nang isang bumabangon, na ang patotoo laban sa Roma ay liligalig sa mga bansa. ADP 58.4
Si John Huss ay galing sa isang hamak na pamilya, at maagang naulila sa ama. Ang maka-Diyos niyang ina, na itinuturing na pinakamahahalagang pag-aari ang edukasyon at ang pagkatakot sa Diyos, ay nagsikap na maipamana ang mga ito sa kanyang anak. Si Huss ay nag-aral sa paaralang lalawigan, at pagkatapos ay nagtungo sa unibersidad sa Prague, na tumanggap sa kanya bilang iskolar ng karitas. Sinamahan siya ng kanyang ina sa kanyang paglalakbay papuntang Prague; dahil balo na at mahirap lamang, wala siyang maipagkakaloob na pansanlibutang kayamanan sa kanyang anak, kundi nang malapit na sila sa malaking lunsod, siya’y lumuhod sa tabi ng kabataang anak na ulila na sa ama at hiniling para sa kanya ang pagpapala ng kanilang Ama sa langit. Hindi gaanong nauunawaan ng inang iyon kung papaano tutugunin ang kanyang panalangin. ADP 58.5
Sa unibersidad ay naging kilala agad si Huss dahil sa kanyang walang-pagod na kasipagan sa pag-aaral at mabilis na paghusay, habang ang kanya namang malinis na pamumuhay at ang magalang at kaaya-aya niyang pag-uugali ay kumuha ng mataas na pagtingin ng lahat sa kanya. Siya ay tapat na tagasunod ng Simbahang Romano, at masikap na naghahanap sa mga pagpapalang espirituwal na sinasabi ng simbahang maipagkakaloob nito. Sa okasyon ng isang jubileo, siya’y nangumpisal, ibinayad ang ilang natitirang barya sa kakaunti niyang ipon, at sumali sa prusisyon, upang makabahagi siya sa pangako ng pagpapatawad sa mga kasalanan. Nang matapos na niya ang kanyang kurso sa kolehiyo, pumasok siya sa pagkapari, at dahil mabilis na naging tanyag, madali rin siyang naugnay sa palasyo ng hari. Ginawa rin siyang propesor at pagkatapos ay direktor ng unibersidad na pinagtapusan niya. Sa ilang taon lamang, ang simpleng iskolar ng karitas na ito ay ipinagmamalaki na ng kanyang bansa, at ang kanyang pangalan ay naging kilala sa buong Europa. ADP 59.1
Ngunit si Huss ay nagpasimula sa gawain ng reporma sa ibang larangan. Ilang taon matapos na maordenahan, siya’y nahirang na maging tagapangaral sa kapilya ng Bethlehem. Ang mga nagtatag ng kapilyang ito ay itinaguyod bilang isang napakahalagang bagay ang pangangaral ng Kasulatan sa sariling wika ng mga tao. Sa kabila ng pagtutol ng Roma sa gawaing ito, hindi ito lubusang naipatigil sa Bohemia. Gayon ma’y marami ang walang-alam sa Biblia, at ang napakasasamang bisyo ay laganap sa lahat ng uri ng tao. Ang mga kasamaang ito ay walang-awang binatikos ni Huss, na nananawagan mula sa Salita ng Diyos na ipatupad ang mga prinsipyo ng katotohanan at kalinisan na itinuro niya. ADP 59.2
Si Jerome na isang mamamayan ng Prague, na nang bandang huli ay naging matalik na kasama-sama ni Huss, ay nagdala ng mga isinulat ni Wycliffe sa kanyang pagbalik galing England. Ang reyna ng England, na nahikayat sa mga aral ni Wycliffe ay isang prinsesang taga-Bohemia, at sa pamamagitan din ng kanyang impluwensya, ang mga sinulat ng Repormador ay malawak na kumalat sa kanyang sariling bansa. Ang mga sinulat na ito ay binasa ni Huss nang may pananabik; naniniwala siya na ang sumulat nito ay isang tapat na Kristiyano at nagugustuhan niyang sangayunan ang mga repormang itinaguyod niya. Bagaman hindi niya nalalaman, si Huss ay pumasok na sa isang landasing maghahatid sa kanya palayo sa Roma. ADP 59.3
Noong mga panahong iyon may dalawang dayuhang dumating sa Prague mula sa England, mga taong may pinag-aralan na nakatanggap ng liwanag at pumarito upang ito’y ikalat sa malayong lugar na ito. Sa pagsisimula ng hayagang pagtuligsa sa paghahari ng papa, agad silang pinatahimik ng mga maykapangyarihan; ngunit dahil ayaw talikuran ang kanilang layunin sila’y dumulog sa ibang hakbangin. Sa pagiging pintor at saka mangangaral, sila’y nagpatuloy na gamitin ang kanilang kakayahan. Sa isang lugar na nakikita ng mga tao, sila’y nagdrowing ng dalawang larawan. Ang isa’y naglalarawan sa pagpasok ni Cristo sa Jerusalem, “mapagpakumbaba, at nakasakay sa isang asno,” (Mateo 21:5) at sinusundan ng Kanyang mga alagad na nakapaa at nakasuot ng mga sira-sira nang damit dahil sa paglalakbay. Ang isa namang larawan ay nagpapakita sa isang prusisyon ng papa—ang papa ay nakasuot ng kanyang mariwasang damit at tatlong patong na korona, nakasakay sa isang kabayong napapalamutian nang maganda, sa unahan niya ay ang mga taga-trumpeta, at kasunod niya ay ang mga kardinal at mga pari na may nakakasilaw na gayak. ADP 59.4
Narito ang isang sermon na nakakuha sa pansin ng lahat ng tao. Napakaraming tao ang lumapit upang tingnan ang mga larawan. Walang hindi nakahagip sa liksyon, at marami ang malalim na nakilos ng pagkakaiba sa pagitan ng kaamuan at kapakumbabaan ni Cristo na Panginoon, at ng pagmamalaki at kahambugan ng papa, ang nagsasabing lingkod Niya. Nagkaroon ng malaking pagkakagulo sa Prague, at pagkaraan ng ilang panahon, nakita ng mga dayuhang ito na para sa sarili nilang kaligtasan ay kailangan na silang umalis. Ngunit ang liksyon na kanilang itinuro ay hindi makakalimutan. Ang mga larawan ay naikintal nang malalim sa isipan ni Huss, na naging dahilan upang pag-aralan niyang mabuti ang Biblia at ang mga sinulat ni Wycliffe. Bagaman kahit hanggang ngayon ay hindi pa niya handang tanggapin ang lahat ng repormang itinaguyod ni Wycliffe, mas malinaw na niyang nakita ang tunay na likas ng kapapahan, at sa mas higit na sigasig ay tinuligsa ang pagmamataas, ang paghahangad, at ang katiwalian ng pamunuan ng simbahan. ADP 59.5
Mula sa Bohemia ang liwanag ay nakarating sa Germany; sapagkat dahil sa kaguluhan sa University of Prague daan-daang estudyanteng taga-Germany ang nagsiuwian. Marami sa kanila ay nakatanggap ng kanilang unang kaalaman sa Biblia mula kay Huss, at sa kanilang pag-uwi ay ikinalat nila ang ebanghelyo sa kanilang sariling bansa. ADP 60.1
Ang mga balita tungkol sa nangyayari sa Prague ay nakarating sa Roma, at di-nagtagal ay ipinatawag si Huss para humarap sa papa. Ang pagsunod ay paglalantad ng kanyang sarili sa kamatayan. Ang hari at reyna ng Bohemia, ang unibersidad, ang mga mahal na tao, at ang mga opisyales ng pamahalaan, ay nagkaisa sa pakikiusap sa papa na si Huss ay payagang manatili sa Prague, at managot na lang sa Roma sa pamamagitan ng isang kinatawan. Sa halip na pagbigyan ang kahilingang ito, nilitis at hinatulan ng papa si Huss, at ang lunsod ng Prague ay idineklarang bawal tumanggap ng mga sakramento at serbisyo ng simbahan. ADP 60.2
Noong mga panahong iyon, ang hatol na ito ay lumilikha ng malawakang pangamba kapag binibigkas. Ang mga seremonyang kasama nito ay angkop na angkop upang maghasik ng takot sa mga taong kumikilala sa papa bilang kinatawan ng Diyos mismo, na may hawak sa susi ng langit at ng impiyerno, at nagtataglay ng kapangyarihang tawagan ang sibil at ganon din ang espirituwal na kahatulan. Pinaniniwalaan noon na ang mga pintuan ng langit ay nakasarado sa mga lugar na hinatulan ng pagbabawal; na hangga’t ang papa ay hindi nalulugod na alisin ang pagbabawal, ang mga patay ay hindi nakakapasok sa tahanan ng lubos na kaligayahan. Bilang katibayan ng kakila-kilabot na kalamidad na ito, ang lahat ng serbisyong panrelihiyon ay itinigil. Ang mga simbahan ay isinara. Ang mga kasalan ay isinasagawa sa labas nito. Ang mga patay na pinagkaitang mailibing sa sagradong lupa ay inililibing sa mga kanal o sa mga kaparangan. Kaya sa pamamagitan ng mga hakbanging gumigising sa imahinasyon, ay tinangka ng Roma na kontrolin ang konsensya ng mga tao. ADP 60.3
Ang lunsod ng Prague ay napuno ng kaguluhan. Marami ang nagparatang na si Huss ang sanhi ng lahat ng kalamidad nila, at hininging siya’y isuko sa paghihiganti ng Roma. Upang matahimik ang kaguluhan, ang Repormador ay pansamantalang lumayo at nagpunta sa sarili niyang nayon. Sa sulat niya sa kanyang mga naiwang kaibigan sa Prague, ay kanyang sinabi: “Kung ako man ay umalis sa gitna ninyo, iyon ay para sundin ang utos at halimbawa ni Jesu-Cristo, upang huwag magbigay ng pagkakataong mapalapit sa mga taong may masasamang pag-iisip ang walang-hanggang kapahamakan, at upang hindi maging sanhi ng pagdadalamhati at pag-uusig sa mga taong maka-Diyos. Umalis din ako dahil sa pangambang ituloy pa nang mas mahabang panahon ng masasamang pari ang pagbabawal sa pangangaral ng Salita ng Diyos sa kalagitnaan ninyo; ngunit hindi ko kayo iniwan upang itakwil ang banal na katotohanan, na para dito’y handa akong mamatay, sa tulong ng Diyos.”—Bonnechose, The Reformers Before the Reformation , vol. 1, p. 87. Si Huss ay hindi tumigil sa kanyang paggawa, kundi naglakbay sa mga bayan sa palibot, na nangangaral sa nasasabik na mga tao. Kaya ang mga hakbanging ginamit ng papa upang pigilan ang ebanghelyo ay lalo pang nagpalawak dito. Tayo’y “walang magagawang anuman laban sa katotohanan, kundi tanging para sa katotohanan” (2 Corinto 13:8). ADP 60.4
“Ang isipan ni Huss sa yugtong ito ng kanyang buhay, ay parang tagpo ng mahirap na pakikipagpunyagi. Bagaman sinisikap ng simbahan na siya’y lupigin sa pamamagitan ng mga pagbabanta nito, hindi pa rin niya itinatakwil ang kapamahalaan nito. Ang Simbahang Romano para sa kanya ay asawa pa rin ni Cristo, at ang papa ay kinatawan at kahalili pa rin ng Diyos. Ang nilalabanan ni Huss ay ang abuso sa kapamahalaan, at hindi ang prinsipyo mismo. Ito’y nagdulot ng katakut-takot na pagpupunyagi sa pagitan ng kumbiksyon ng kanyang pagkaunawa at ng mga sinasabi ng kanyang konsensya. Kung ang kapamahalaan nito ay matuwid at hindi nagkakamali gaya ng paniniwala niya, bakit parang napipilitan siyang suwayin ito? Nakita niyang ang sumunod ay ang magkasala; ngunit bakit ang pagsunod sa isang di-nagkakamaling iglesya ay nauuwi sa malubhang isyu? Ito ang problemang hindi niya malutas; ito ang pag-aalinlangang nagpapahirap sa kanya bawat oras. Ang pinakamalapit na kalkulasyon sa solusyong magagawa niya ay yung ito’y nangyari ulit gaya noong kapanahunan ng Tagapagligtas, na ang mga pari ng simbahan ay naging masasamang tao, at ginagamit ang kapamahalaan nilang ayon sa batas para sa mga layuning labag sa batas. Ito ang nagtulak sa kanya na kunin bilang sarili niyang gabay, at ipangaral sa iba para maging gabay din nila ang kasabihan na ang mga alituntunin ng Kasulatang naihatid sa pang-unawa, ang siyang mamamahala sa konsensya; sa ibang salita, ang Diyos na nagsasalita sa pamamagitan ng Biblia, at hindi ang simbahan na nagsasalita sa pamamagitan ng mga pari, ang siyang hindi nagkakamaling gabay.”—Wylie, b. 3, ch. 2. ADP 60.5
Pagkaraan ng ilang panahon at ang ka-guluhan sa Prague ay humupa na, si Huss ay bumalik sa kanyang kapilya sa Bethlehem upang ipagpatuloy nang may mas matinding sigasig at tapang ang pangangaral ng Salita ng Diyos. Ang kanyang mga kaaway ay aktibo at makapangyarihan, ngunit ang reyna at maraming mga maharlika ay kaibigan niya, at maraming bilang ng mga tao ang pumanig sa kanya. Habang inihahambing ang kanyang malinis at nakakapagpabuting mga aral at banal na pamumuhay sa mga nakakapagpasamang paniniwala na ipinangangaral ng mga Romanista, at sa katakawan at kahalayan na ginagawa nila, marami ang nagtuturing na isang karangalan ang pumanig sa kanya. ADP 61.1
Hanggang sa panahong ito’y nag-iisa si Huss sa kanyang paggawa; ngunit ngayon, si Jerome na tumanggap sa mga turo ni Wycliffe noong nasa England pa, ay sumama na sa gawain ng reporma. Mula ngayon, ang dalawang ito ay naging magkasama sa kanilang buong buhay, at sa kamatayan sila ay hindi mapapaghiwalay. Ang kahusayan ng talino, galing sa pagsasalita at kaalaman—mga kaloob na kumukuha sa pagsang-ayon ng mga tao—ay taglay ni Jerome, higit sa lahat; ngunit sa mga katangiang bumubuo sa tunay na tatag ng karakter, si Huss ang mas nakahihigit. Ang mahinahon niyang pagkukuro ay nagsisilbing tagapigil sa pabigla-biglang espiritu ni Jerome, na sa tunay na pagpapakumbaba naman ay nakikita ang kagalingan ni Huss at nagpapasakop sa kanyang mga payo. Sa ilalim ng magkasama nilang paggawa ang reporma ay mas mabilis na napalawak. ADP 61.2
Pinahintulutan ng Diyos na sumilay sa isipan ng mga piniling taong ito ang malaking liwanag, na inihahayag sa kanila ang maraming kamalian ng Roma; ngunit hindi lahat ng liwanag na ibibigay sa sanlibutan ay natanggap nila. Sa pamamagitan ng mga lingkod Niyang ito, inaakay ng Diyos ang mga tao palabas sa kadiliman ng Romanismo; ngunit marami at malalaking hadlang ang dapat nilang kaharapin, at inakay Niya sila, dahan-dahan, hangga’t makakaya nila ito. Hindi sila nakahandang tanggapin ang lahat ng liwanag nang minsanan lang. Gaya ng buong liwanag ng tanghaling-tapat sa mga matagal nang nakatira sa kadiliman, ito sana’y nagpalayo pa sa kanila kung ipinahayag sa kanila. Kaya’t inihayag Niya itong unti-unti sa mga tagapanguna, hangga’t ito’y kayang tang-gapin ng mga tao. Sa paglipas ng mga dantaon, ang iba pang tapat na manggagawa ay susunod, upang pangunahan pa lalo ang mga tao sa landas ng reporma. ADP 61.3
Ang pagkakahati-hati ay nagpatuloy pa rin sa simbahan. Tatlong papa na ngayon ang naglalaban-laban sa paghahari, at sa kanilang pag-aaway ay napuno ng krimen at kaguluhan ang Sangkakristiyanuhan. Hindi pa nakontento sa pagbabatuhan ng mga sumpa, gumamit na sila ng mga sandata. Bawat isa’y nagplano ukol sa pagbili ng mga armas at pagkakaroon ng mga sundalo. Siyempre kailangang may pera; at para makakuha ng pera, ang mga kaloob, posisyon, at pagpapala ng simbahan ay ipinagbibili na. (Tingnan ang Apendiks para sa pahina 36). Pati ang mga pari, na ginagaya ang mga nakatataas sa kanila, ay bumili na rin at nagbenta ng mga sagradong bagay at nakipagdigma upang pasukuin ang kanilang mga kalaban at palakasin ang sarili nilang kapangyarihan. Patapang nang patapang bawat araw, inatake ni Huss ang mga kasuklam-suklam na pinapayagan sa ngalan ng relihiyon; at hayagang inakusahan ng mga tao ang mga lider ng Roma bilang siyang sanhi ng mga kasawiang sumasakmal sa Sangkakristiyanuhan. ADP 61.4
Ang lunsod ng Prague ay parang nasa bingit na naman ng madugong labanan. Gaya ng mga nagdaang panahon, ang lingkod ng Diyos ay inakusahang “nanggugulo sa Israel” (1 Hari 18:17). Ang lunsod ay isinailalim uli sa pagbabawal, at si Huss ay umuwi uli sa sarili niyang nayon. Ang patotoo na may katapatang ibinigay mula sa minamahal niyang kapilya sa Bethlehem ay natapos na. Siya’y magsasalita na sa mas malaking entablado, sa buong Sangkakristiyanuhan, bago niya ibigay ang kanyang buhay bilang saksi sa katotohanan. ADP 62.1
Upang lunasan ang mga kasamaang gumugulo sa Europa, isang pangkalahatang konsilyo ang ipinatawag na magpulong sa Constance. Ang konsilyo ay ipinatawag ng isa sa tatlong magkakalabang papa, ni John XXIII, ayon sa kagustuhan ni emperador Sigismundo. Ang kahilingan para sa isang konsilyo ay malayong tanggapin ni Pope John, na ang likas at palakad ay tiyak na hindi makakapasa sa pag-iimbestiga kahit ng matataas na kawani ng simbahan na ang mga asal ay kasingpabaya ng mga miyembro ng simbahan nang panahong iyon. Gayon ma’y hindi siya nangahas na kalabanin ang kagustuhan ni Sigismundo (Tingnan ang Apendiks). ADP 62.2
Ang pangunahing layuning dapat maisagawa ng konsilyo ay ang ayusin ang pagkakahati-hati sa simbahan at lubusang alisin ang mga maling paniniwala. Kaya ang dalawa pang nag-aangkin ng pagkapapa ay tinawagang humarap dito, ganon din ang nangungunang tagapagpakalat ng mga bagong paniniwala, si John Huss. Ang dalawa, sa pagsasaalang-alang sa kanilang kaligtasan, ay hindi dumalo nang personal, kundi sila’y kinatawanan ng kanilang mga delegado. Si Pope John naman, na siya kunwaring nagpatawag ng konsilyo, ay pumunta doon nang maraming pangamba, na naghihinalang ang emperador ay may lihim na balak na patalsikin siya, at natatakot na baka panagutin sa mga kasamaang nagdulot ng kahihiyan sa korona ng kapapahan, ganon din sa mga krimeng ginawa para makuha ito. Pero pumasok pa rin siya sa lunsod ng Constance nang may malaking karangyaan, kasama ang mga opisyales ng simbahan na pinakamatataas ang katungkulan, at sinusundan ng hanay ng mga tagapaglingkod. Lahat ng pari at mga taong may mataas na katungkulan sa lunsod, kasama ng napakaraming mamamayan, ay lumabas upang salubungin siya. Sa itaas ng kanyang ulo ay may ginintuang kulandong na dala-dala ng apat sa mga punong mahistrado. Sa unahan niya ay may nagdadala ng ostiya, at ang maririwasang kasuotan ng mga kardinal at mahal na tao ay lumikha ng maringal na pagtatanghal. ADP 62.3
Samantala, isa pang manlalakbay ang papalapit na sa Constance. Alam ni Huss ang mga panganib na nagbabanta sa kanya. Nagpaalam siya sa kanyang mga kaibigan na parang hindi na sila magkikita pang muli, at umalis na para sa kanyang paglalakbay na sa pakiramdam niya’y maghahatid sa kanya sa pagsusunugan sa kanya. Bagaman nakakuha na siya ng pases mula sa hari ng Bohemia, at nakatanggap din ng isa pa galing kay emperador Sigismundo, inihanda pa rin niya ang lahat dahil sa posible niyang kamatayan. ADP 62.4
Sa isang sulat na para sa mga kaibigan niya sa Prague ay sinabi niya: “Mga kapatid ko,.. .ako’y aalis na may dalang pases galing sa hari, upang harapin ang napakarami kong mortal na kaaway.... Ipinagkakatiwala ko ang lahat-lahat sa Diyos na makapangyarihan sa lahat, sa aking Tagapagligtas; nagtitiwala akong Siya’y makikinig sa inyong maalab na mga panalangin, na kakasihan Niya ng Kanyang kahinahunan at karunungan ang aking bibig, upang mapaglabanan ko sila; at bibigyan Niya ako ng Kanyang Banal na Espiritu upang mapatatag ako sa Kanyang katotohanan, upang maharap kong may tapang ang mga tukso, ang bilangguan, at kung kinakailangan ay ang isang malupit na kamatayan. Si Jesu-Cristo ay naghirap para sa mga minamahal Niya nang labis; at kung ganon, dapat ba tayong mabigla na iniwan Niya sa atin ang Kanyang halimbawa, upang mismong tayo ay magtiis nang may pagtitiyaga sa lahat ng bagay para sa sarili nating kaligtasan? Siya ay Diyos, at tayo ang Kanyang mga nilalang; Siya ang Panginoon, at tayo ang mga lingkod Niya; Siya ang Panginoon ng sanlibutan, at tayo’y mga napakasasamang tao:—pero naghirap pa rin Siya! Bakit naman hindi tayo dapat magdusa, lalo na kung ang pagdurusa ay para sa ikadadalisay natin? Kaya nga mga minamahal, kung ang kamatayan ko ay dapat na makadagdag sa Kanyang kaluwalhatian, idalangin ninyo na nawa ito’y dumating agad, at tulungan akong maalalayan ng katatagan ang lahat ng malaki kong hirap. Ngunit kung mas mabuting makabalik ako sa inyo, idalangin natin sa Diyos na ako’y makabalik nang walang dungis—ibig sabihin, ay huwag nawa akong makapagkait ng isang katiting ng katotohanan, upang makapag-iwan ako sa aking mga kapatid ng isang napakagandang halimbawang dapat sundan. Siguro’y kung gayon, hindi na ninyo makikita pa ang aking mukha sa Prague; subalit kung marapatin ng kalooban ng Diyos na makapangyarihan sa lahat na ako’y ibalik sa inyo, sumulong naman tayo nang may mas matibay na puso sa pagkaalam at pagmamahal sa Kanyang kautusan.”— Bonnechose, vol. 1, pp. 147, 148. ADP 62.5
Sa isa pang sulat sa isang pari na naging tagasunod ng ebanghelyo, si Huss ay nagsalita nang may malalim na pagpapakumbaba ukol sa sarili niyang mga pagkakamali, na pinararatangan ang kanyang sarili ng “pagkadama ng kaluguran sa pagsusuot ng maririwasang damit, at pagsasayang ng oras sa walang gaanong kabuluhang mga gawain.” Pagkatapos ay idinagdag niya ang mga makabagbag-damdaming paalaalang ito: “Ang kaluwalhatian nawa ng Diyos at ang kaligtasan ng mga kaluluwa ang pumuno sa iyong isipan, at hindi ang pagkakaroon ng kabuhayang mula sa simbahan at ng mga ari-arian. Mag-ingat ka sa higit na paggayak sa iyong bahay kaysa sa iyong kaluluwa; at higit sa lahat, ibigay mo ang iyong pagmamalasakit sa espirituwal na gusali, sa mga tao. Maging maka-Diyos at mapagpakumbaba sa mga mahihirap, at huwag mong ubusin ang iyong kabuhayan sa pagpapakasaya. Kung hindi mo babaguhin ang iyong buhay at titigil sa mga kalabisan, natatakot akong ikaw ay didisiplinahin nang husto, gaya ng nangyari sa akin.... Alam mo ang aking mga doktrina, dahil natanggap mo ang aking mga turo mula pa pagkabata; wala nang silbi kung gayon, ang sumulat pa ako sa iyo. Ngunit nananawagan ako sa iyo, sa kahabagan ng ating Panginoon, na huwag mo akong gayahin sa anumang kapalaluan na nakita mong ako’y nagkasala.” Sa labas ng sulat ay idinagdag niya, “Ipinapakiusap ko sa iyo, kaibigan, na huwag mo munang sirain ang pagkakasara nito hanggang matamo mo ang katiyakan na ako ay patay na.”—Ibid., vol. 1, pp. 148, 149. ADP 63.1
Sa kanyang paglalakbay, nakita ni Huss kahit saan ang mga palatandaan ng paglaganap ng kanyang mga aral, at ang pagtangkilik na siyang pagpapahalaga sa kanyang gawain. Ang mga tao ay nagdagsaan upang sumalubong sa kanya, at sa ilang bayan ay may mga mahistradong nagsisama sa kanya sa kanilang mga lansangan. ADP 63.2
Pagdating sa Constance, si Huss ay pinagkalooban ng buong kalayaan. Sa pases na ibinigay ng emperador ay idinagdag pa ang personal na pagtiyak ng papa sa proteksyon. Ngunit bilang paglabag sa pormal at paulit-ulit na mga pahayag na ito, sa maikling panahon ay ipinadakip ang Repormador sa utos ng papa at ng mga kardinal, at ipinasok sa isang nakakadiring bartolina. Nang bandang huli siya’y inilipat sa isang matibay na kastilyo sa kabila ng ilog ng Rhine, at doon ibinilanggo. Ang papa, na hindi gaanong nakinabang dahil sa kanyang kataksilan, ay ipinasok din di-katagalan sa bilangguang iyon. Ibid., vol. 1, p. 247. Napatunayan sa konsilyo na siya’y nagkasala ng mga pinakakahiya-hiyang krimen, bukod pa sa pamamaslang, pamemera, at pangangalunya, “mga kasalanang hindi na dapat pangalanan pa.” Ganyan ang idineklara ng konsilyo mismo; at sa wakas ay binawi sa kanya ang korona ng pagkapapa, at siya’y ipinatapon sa bilangguan. Ang dalawang nag-aangkin sa pagkapapa ay pinatalsik din, at sila’y pumili ng bagong papa. ADP 63.3
Bagaman ang papa mismo ay nagkasala ng mas malalaking krimen kaysa sa mga naiparatang ni Huss sa mga pari, na sa mga ito’y hinihiling niya ang repormasyon, ang konsilyong iyon na nagpababa sa papa ay itinuloy din ang pagpapatahimik sa Repormador. Ang pagbilanggo kay Huss ay pumukaw ng galit sa Bohemia. Ang mga makapangyarihang maharlika ay pormal na naghain ng isang tapat na protesta laban sa kalupitang ito. Ang emperador na ayaw pahintulutan ang paglabag sa pases ay tumutol sa paglilitis laban sa kanya. Ngunit ang mga kaaway ng Repormador ay talagang napakasama na at disidido. Pinukaw nila ang mga masasamang iniisip ng emperador, ang kanyang mga kinatatakutan, ang kanyang sigasig para sa simbahan. Sila’y nagharap ng mga walang katapusang argumento upang patunayan na “hindi dapat tuparin ang pangako sa mga erehe, ni sa mga taong pinagdududahan ng pagiging erehe, kahit na sila’y nabigyan ng mga pases ng emperador at ng mga hari.”—Jacques Lenfant, History of the Council of Constance, vol. 1, p. 516. Sa gayon, sila’y nanaig. ADP 63.4
Sa wakas ay iniharap na sa konsilyo si Huss, na pinanghina na ng sakit at pagkakabilanggo—dahil ang malamig at mabahong hangin sa kanyang bartolina ay nagdulot sa kanya ng lagnat na halos ikamatay na niya. Nakagapos pa sa mabibigat na kadena, siya’y tumayo sa harapan ng emperador na ang karangalan at katapatan ay naipangako upang protektahan siya. Sa panahon ng mahabang paglilitis sa kanya, matatag niyang pinanindigan ang katotohanan, at sa presensya ng mga nagkakatipong may matataas na katungkulan sa simbahan at pamahalaan, siya’y bumigkas ng isang taimtim at tapat na pagtutol laban sa katiwalian ng mga namumuno sa simbahan. Nang ipag-utos na pumili kung tatalikuran ba niya ang kanyang mga aral o magdaranas ng kamatayan, tinanggap niya ang kapalaran ng isang martir. ADP 64.1
Inalalayan siya ng biyaya ng Diyos. Sa panahon ng ilang linggo ng paghihirap na dumaan bago ang huling hatol sa kanya, nilipos ng kapayapaan ng langit ang kanyang kaluluwa. Sabi niya sa isang kaibigan, “Sinusulat ko ang liham na ito sa aking bilangguan, habang ang mga kamay ko’y nakatanikala, na inaasahan ang hatol na kamatayan sa akin bukas.... Kung sa tulong ni Jesu-Cristo ay magkikita tayong muli sa napakasarap na kapayapaan ng buhay sa hinaharap, malalaman mo kung gaanong kahabagan ang ipinakita ng Diyos sa akin, kung gaano kahusay Niya akong tinulungan sa gitna ng mga tukso at pagsubok sa akin.”—Bonnechose, vol. 2, p. 67. ADP 64.2
Sa kapanglawan ng kanyang bartolina ay nakinita niya ang pagtatagumpay ng tunay na pananampalataya. Sa kanyang mga panaginip, pabalik sa kapilyang nasa Prague kung saan niya ipinangaral ang ebanghelyo, nakita niyang binubura ng papa at ng mga obispo ang mga larawan ni Cristo na kanyang ipininta sa mga dingding nito. “Binagabag siya ng panaginip na ito: pero nang sumunod na araw nakita niya ang maraming pintor na abalang-abala sa muling pagpipinta sa mga larawang ito nang mas marami pa at may matitingkad na kulay. At nang matapos na nila ang kanilang ginagawa, ang mga pintor na napapalibutan ng napakaraming tao, ay bumulalas, ‘Ngayon pumunta ang papa at ang mga obispo rito; hindi na nila mabubura pa ang mga ito!’ ” Ang sabi ng Repormador habang ikinukuwento niya ang kanyang panaginip, “Tunay na pinaninindigan ko ito, na ang larawan ni Cristo ay hindi mapapawi. Binalak nilang ito’y sirain, ngunit sa lahat ng puso ito’y muling maipipinta ng mas mahuhusay na mangangaral kaysa sa akin.”—D’Aubigné, b. 1, ch. 6. ADP 64.3
Sa huling pagkakataon, ay iniharap si Huss sa konsilyo. Iyon ay isang malaki at marangal na kapulungan na binubuo ng emperador, mga prinsipe ng imperyo, mga kinatawan ng mga hari, mga kardinal, mga obispo, at mga pari, at napakaraming mga tao na dumalo upang manood sa mangyayari sa araw na iyon. Mula sa lahat ng bahagi ng Sangkakristiyanuhan ay nagtipon ang mga saksi ng unang dakilang sakripisyong ito sa matagal na pagpupunyagi upang makuha ang kalayaan ng konsensya. ADP 64.4
Nang tawagan para sa kanyang huling kapasyahan, idineklara ni Huss ang kanyang pagtangging tumalikod, at habang nakapako ang tumatagos na titig sa emperador na walang kahiya-hiyang sumira sa pangako, ay sinabi niya, “Ipinasya ko, sa sarili kong kagustuhan na humarap sa konsilyong ito, sa ilalim ng hayagang proteksyon at pangako ng emperador na narito ngayon.”—Bonnechose, vol. 2, p. 84. Namula nang husto ang mukha ni Sigismundo nang ang lahat ng mata sa kapulungan ay bumaling sa kanya. ADP 64.5
Pagkatapos na bigkasin ang hatol, ang seremonya ng panghahamak ay nagsimula na. Dinamitan ng mga obispo ang kanilang preso ng abitong pampari, at habang isinusuot niya ang kasuotan ng pari ay sinabi niya, “Ang ating Panginoong Jesu-Cristo ay sinuutan ng puting damit bilang paginsulto, nang ipahatid Siya ni Herodes kay Pilato.”—Ibid., vol. 2, p. 86. Nang muli siyang payuhan na tumalikod na lang sa kanyang paniniwala, siya’y humarap sa mga tao at nagsabi: “Sa anong mukha ko, kung gayon, haharapin ang kalangitan? Paano ako makakatingin sa napakaraming taong iyon na pinangaralan ko ng malinis na ebanghelyo? Hindi; mas pinahahalagahan ko ang kanilang kaligtasan kaysa sa hamak na katawang ito, na ngayon ay nakatakda nang mamatay.” Ang mga kasuotan ay isaisang hinubad, bawat obispo ay bumibigkas ng sumpa habang ginagampanan niya ang kanyang bahagi sa seremonya. At sa huli, “sila’y naglagay sa kanyang ulo ng isang sumbrero o isang patulis na turbante na yari sa papel na may nakapintang mga nakakatakot na hitsura ng demonyo, na may nakasulat na ‘Punong Erehe’ na basang-basa sa harapan. Sabi ni Huss, ‘Buong kagalakan kong isusuot ang koronang ito ng kahihiyan alang-alang sa Iyo, O Jesus, na nagsuot ng koronang tinik para sa akin.’ ” ADP 64.6
Nang siya’y naayusan na nang ganon, “sinabi ng matataas na kawani ng simbahan, ‘Ngayon ay itinatalaga na namin ang iyong kaluluwa sa diyablo.’ ‘At ako naman,’ sabi ni John Huss, na nakatingin sa langit, ‘ay inihahabilin ang aking espiritu sa mga kamay Mo, O Panginoong Jesus, sapagkat Ikaw ang tumubos sa akin.’ “— Wylie, b. 3, ch. 7. ADP 65.1
Siya ngayon ay ibinigay sa mga maykapangyarihan, at dinala na sa lugar na kanyang kamamatayan. Sumunod ang napakahabang prusisyon, daan-daang mga sundalo, mga pari at obispo na may mga mamahaling kasuotan, at ang mga nakatira sa Constance. Nang siya’y naigapos na sa posteng pagsusunugan, at lahat ay handa na para sindihan ang apoy, ang martir ay hinimok muli na iligtas ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtatakwil sa kanyang mga kamalian. “Anong mga kamalian ang itatakwil ko?” sabi ni Huss. Alam kong wala akong kasalanan. Tinatawagan ko ang Diyos upang sumaksi na ang lahat ng isinulat at ipinangaral ko ay may hangaring iligtas ang mga kaluluwa sa kasalanan at kapahamakan; kung kaya’t, buong kagalakan kong pinagtitibay ng aking dugo ang katotohanang iyon na aking isinulat at ipinangaral.”—Ibid., b. 3, ch. 7. Nang magliyab na ang apoy sa palibot niya, siya ay nagsimulang umawit, “Jesus, Ikaw na Anak ni David, mahabag Ka sa akin,” at ito’y nagpatuloy hanggang sa ang kanyang tinig ay mapatahimik magpakailanman. ADP 65.2
Maging ang mga kaaway niya ay nabigla sa magiting niyang kilos. Sa paglalarawan sa pagkamartir ni Huss, at ni Jerome na di-nagtagal ay pinatay din pagkatapos niya, isang masigasig na makapapa ang nagsabi: “Pareho nilang taglay ang hindi nagbabagong isipan nang dumating na ang huling sandali nila. Handa sila sa apoy na para bang dadalo sila sa isang kasalan. Hindi sila pumalahaw sa sakit. Nang lumaki ang apoy, sila’y nagsimulang umawit ng mga awitin; at bahagya nang mapatigil ng matinding apoy ang pag-awit nila.”—Ibid., b. 3, ch. 7. ADP 65.3
Nang ang katawan ni Huss ay lubos na matupok, ang kanyang abo, pati na ang lupang kinalagyan nito ay kinuha at itinapon sa ilog ng Rhine, at sa gayon ay nadala ito sa karagatan. May kapalaluang inakala ng mga umusig sa kanya na naalis na nila ang katotohanang ipinangaral niya. Hindi man lang nila pinangarap na ang mga abong nadala sa dagat nang araw na iyon ay magiging parang mga binhi na kakalat sa lahat ng bansa sa lupa; na sa mga lupaing hindi pa nalalaman noon, ito’y magbubunga nang masagana bilang mga saksi sa katotohanan. Ang tinig na nagsalita sa konsilyo ng Constance ay pumukaw ng mga alingawngaw na maririnig hanggang sa lahat ng darating na mga panahon. Wala na si Huss, ngunit ang mga katotohanang dahilan ng kamatayan niya ay hindi malilipol. Ang inihalimbawa niyang pananampalataya at katatagan ay magpapalakas ng loob sa maraming tao upang manindigang matibay para sa katotohanan, sa kabila ng pagpapahirap at kamatayan. Ipinakita sa buong sanlibutan ng pagkakapatay sa kanya, ang taksil na kalupitan ng Roma. Bagaman hindi nila alam, lalo pang pinalalawak ng mga kaaway ng katotohanan ang gawaing walang-saysay nilang sinisikap na lipulin. ADP 65.4
Pero may isa pang posteng pagsusunugan na itatayo sa Constance. Ang dugo ng isa pang saksi ay dapat na magpatotoo sa katotohanan. Si Jerome, na noong magpaalam na kay Huss pag-alis nito papuntang konsilyo ay hinimok siyang magpakatapang at magpakatatag, at sinabi na kung si Huss man ay manganib, siya mismo ay maglalakbay upang tulungan siya. Nang mabalitaan niya ang pagkabilanggo ng Repormador, ang tapat na alagad ay agad na naghandang tuparin ang kanyang pangako. Pumunta siya sa Constance nang walang pases, at may isang kasama lang. Nang makarating siya roon, kumbinsido siyang inilantad lang niya ang kanyang sarili sa panganib, walang posibilidad na may magagawa siyang anuman upang mailigtas si Huss. Tumakas siya mula sa lunsod, ngunit siya’y inaresto sa kanyang paglalakbay pauwi, at dinalang pabalik na nakagapos na sa kadena, at nasa pangangalaga ng isang grupo ng mga sundalo. Sa una niyang pagharap sa konsilyo, ang pagsisikap niyang sagutin ang mga ipinaratang sa kanya ay sinalubong ng sigawan na, “ Sunugin iyan! Sunugin!”—Bonnechose, vol. 1, p. 234. Sa gayo’y ipinasok siya sa bartolina, iginapos siya sa isang posisyong nagdulot sa kanya ng malaking hirap; tinapay at tubig lang ang ipinakain sa kanya. Pagkatapos ng ilang buwan, ang kalupitan ng pagkakabilanggo kay Jerome ay nagdulot sa kanya ng isang sakit na nagsapanganib sa kanyang buhay, at dahil nag-aalala ang kanyang mga kaaway na baka siya’y mamatay agad, hindi na nila siya gaanong pinagmalupitan, bagaman isang taon pa rin siya sa bilangguan. ADP 65.5
Ang kamatayan ni Huss ay hindi humantong sa inaasahan ng mga makapapa. Ang paglabag sa kanyang pases ay pumukaw ng matinding galit, at bilang mas ligtas na paraan ay ipinasya ng konsilyo na sa halip na sunugin si Jerome, ay puwersahin na lang siyang tumalikod hangga’t maaari. Siya’y iniharap sa kapulungan, at binigyan ng pagpili na itakwil ang kanyang pananampalataya, o mamatay sa apoy. Ang kamatayan sa simula pa lang ng kanyang pagkabilanggo ay magiging isang kahabagan sana, kung ihahambing sa napakatinding hirap na dinanas niya; pero ngayon, na siya’y pinanghina na ng karamdaman, ng kalupitan ng kanyang pagkabilanggo, at ng pasakit ng pag-aalala at kawalang-katiyakan, malayo sa mga kaibigan, at nawalan ng pag-asa dahil sa kamatayan ni Huss, ang tibay ng loob ni Jerome ay bumigay, at siya’y pumayag na magpasakop sa konsilyo. Ipinangako niya na siya’y mananatili sa pananampalatayang Katoliko, at tinanggap ang pagkundena ng konsilyo sa mga doktrina nina Wycliffe at Huss, maliban lang sa “mga banal na katotohanan” na itinuro nila.—Ibid., vol. 2, p. 141. ADP 66.1
Sa ganitong paraan, sinikap ni Jerome na patahimikin ang tinig ng konsensya at takasan ang kanyang kamatayan. Ngunit sa pag-iisa niya sa kanyang bartolina ay mas malinaw niyang nakita kung anong ginawa niya. Naisip niya ang katapangan at katapatan ni Huss, at bilang paghahambing ay binulay-bulay niya ang sarili niyang pagtatakwil sa katotohanan. Naisip niya ang banal na Panginoon na pinangakuan niyang paglilingkuran, na alang-alang sa kanya ay tiniis ang kamatayan sa krus. Bago siya tumalikod ay meron siyang kaaliwan sa katiyakan ng pagsang-ayon ng Diyos, sa kabila ng mga hirap; ngunit ngayo’y pinahihirapan ng pagsisisi at pagaalinlangan ang kanyang kaluluwa. Alam niyang may iba pang pagbawing kinakailangang gawin bago niya makakasundo ang Roma. Ang daang pinapasok niya ay magtatapos lamang sa lubos na pagtalikod. Siya’y nagpasya: hindi niya itatakwil ang kanyang Panginoon para lamang matakasan ang saglit na panahon ng paghihirap. ADP 66.2
Di nagtagal ay iniharap uli siya sa konsilyo. Hindi pa nasiyahan ang mga hukom sa kanyang pagpapasakop. Ang uhaw nila sa dugo na ginising ng pagkamatay ni Huss ay humihingi pa ng mga panibagong biktima. Sa pamamagitan lamang ng walang-pasubaling pagsuko maililigtas ni Jerome ang kanyang buhay. Ngunit determinado siyang ipahayag nang tahasan ang kanyang pananampalataya, at sundan ang kapatid niyang martir sa apoy. ADP 66.3
Binawi niya ang dati niyang pagtatakwil sa kanyang pananampalataya, at bilang isang taong malapit nang mamatay, pormal siyang humingi ng pagkakataong maipagtanggol ang kanyang sarili. Dahil takot sa magiging epekto ng kanyang sasabihin, iginiit ng matataas na kawani ng simbahan na umamin lang siya o kaya’y tumanggi sa mga paratang na isinampa laban sa kanya. Tumutol si Jerome sa ganong kalupitan at kawalang-katarungan. Ang sabi niya, “Kinulong ninyo ako ng 340 araw sa nakakatakot na bilangguan, sa gitna ng dumi, ingay, at baho, at ng sukdulang pangangailangan ng lahat ng bagay; at pagkatapos ay inilabas ninyo ako upang humarap sa inyo, at habang pinakikinggan ninyo ang aking mga mortal na kaaway ay ayaw n’yo namang makinig sa akin.... Kung talaga ngang matatalinong tao kayo, at mga ilaw kayo ng sanlibutan, mag-ingat kayo na huwag kayong magkasala laban sa katarungan. Tungkol naman sa akin, ako’y isang mahinang tao lang; ang aking buhay ay walang halaga; at kapag pinapayuhan ko kayo na huwag magbigay ng hindi matuwid na hatol, ay hindi ako gaanong nagsasalita para sa aking sarili kundi lalo na para sa inyo.”—Ibid., vol. 2, pp. 146, 147. ADP 66.4
Sa wakas ay pinagbigyan din ang kahilingan niya. Sa presensya ng mga huhukom sa kanya, si Jerome ay lumuhod at nanalangin na nawa’y ang banal na Espiritu ang kumuntrol sa kanyang mga iniisip at salita, upang wala siyang masabing anuman na taliwas sa katotohanan o kaya’y hindi karapat-dapat sa kanyang Panginoon. Sa kanya ay natupad nang araw na iyon ang pangako ng Diyos sa mga unang alagad: “At kakaladkarin nila kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa Akin.... Ngunit kapag kayo’y naibigay na nila, huwag kayong mangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin; sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo” (Mateo 10:18-20). ADP 67.1
Ang mga salita ni Jerome ay pumukaw sa pagkamangha at paghanga kahit ng kanyang mga kaaway. Isang buong taon siyang ikinulong sa bartolina, na hindi makabasa o makakita dahil sa lubhang parusa sa katawan at kabalisahan ng isipan. Pero iniharap niya nang napakalinaw at napakatindi ang kanyang mga pangangatwiran na para bang siya’y nagkaroon ng tahimik na pagkakataon para mag-aral. Itinuro niya ang kanyang mga tagapakinig sa napakahabang hanay ng mga banal na tao na hinatulan ng mga hindi makatarungang hukom. Sa halos bawat henerasyon ay may mga taong, habang sinisikap na iangat ang mga tao sa kanilang kapanahunan, ay siniraan at itinaboy, ngunit sa bandang huli ay nakitang karapat-dapat na maparangalan. Si Cristo mismo ay hinatulang kriminal ng isang hukumang hindi matuwid. ADP 67.2
Sa kanyang pagtalikod dati sa kanyang pananampalataya, ay sumang-ayon si Jerome sa pagiging matuwid ng hatol na pagkundena kay Huss; ngayon nama’y ipinahahayag niya ang kanyang pagsisisi, at tumestigo siya sa pagiging walang-kasalanan at sa kabanalan ng martir. “Kilala ko siya mula pa pagkabata,” sabi niya. “Siya ay isang napakahusay na tao, matuwid at banal; siya ay hinatulan sa kabila ng pagiging walang kasalanan niya.... Ako rin—ako’y handang mamatay: hindi ako uurong sa mga pahirap na inihanda sa akin ng aking mga kaaway at ng mga bulaang saksi, na balang araw ay ipagsusulit ang kanilang mga pagkukunwari sa dakilang Diyos na walang sinumang makakadaya.”—Bonnechose, vol. 2, p. 151. ADP 67.3
Sa paninisi sa sarili dahil sa kanyang pagtatakwil sa katotohanan, si Jerome ay nagpatuloy: “Sa lahat ng kasalanang nagawa ko Simula pagkabata, wala nang mas mabigat pa sa isipan ko, at nagdulot sa akin ng ganon katinding pagsisisi, kaysa sa nagawa ko sa nakamamatay na dakong ito, nang sang-ayunan ko ang napakawalangkatarungang hatol na ibinigay laban kay Wycliffe, at laban sa banal na martir na si John Huss, ang patnugot ko’t kaibigan. Oo! Ipinagtatapat ko ito mula sa aking puso, at may pangingilabot kong sinasabi na ako’y nawalan ng loob noong kundenahin ko ang mga doktrina nila dahil sa takot na mamatay. Kaya’t isinasamo ko...Makapangyarihang Diyos na marapatin Mo pong ipagpatawad sa akin ang aking mga kasalanan, at lalo na ang isang ito na pinakamasama sa lahat.” At habang nakaturo sa mga huhukom sa kanya, ay matatag niyang sinabi: “Hinatulan ninyo ni Wycliffe at si John Huss, hindi dahil sa pagyanig nila sa doktrina ng simbahan, kundi dahil lamang sa mapagdusta nilang pinangalanan ang mga kahihiyang nanggagaling sa mga alagad ng simbahan—ang kanilang karangyaan, pagmamataas, at ang lahat ng mga bisyo ng matataas na kagawad ng simbahan at ng mga pari. Ang mga bagay na kanilang pinatunayan, at hindi mapapabulaanan, ay pinaniniwalaan ko rin at ipinahahayag gaya nila.” ADP 67.4
Ang kanyang mga salita ay naudlot. Ang matataas na alagad ng simbahan, na nanginginig sa galit ay sumigaw, “Ano pang katibayan ang kinakailangan? Nakikita ng sarili nating mga mata ang pinakamatigas ang ulo sa lahat ng mga erehe!” ADP 68.1
Hindi natinag ng bugso ng galit, si Jerome ay sumigaw: “Ano! Inaakala n’yo bang takot akong mamatay? Isang taon ninyo akong kinulong sa nakakatakot na bartolina, na mas kalagim-lagim pa kaysa sa kamatayan mismo. Trinato ninyo ako na mas malupit pa kaysa sa isang Turko, Judio, o pagano, at ang aking laman ay literal na nabulok nang buhay sa aking mga buto; pero hindi ako dumaing, sapagkat pinahihina ng pananangis ang isang taong may lakas ng loob at tapang; pero wala akong magawa kundi ang ipahayag ang aking pagkabigla sa ganon kalubhang kalupitan sa isang Kristiyano.”—Ibid., vol. 2, pp. 151-153. ADP 68.2
Muling sumabog ang matinding galit, at si Jerome ay mabilis na ibinalik sa bilangguan. Pero may ilan sa kapulungan na malalim na nakintalan ng kanyang mga salita, at gustong iligtas ang kanyang buhay. Siya’y dinalaw ng mga matataas na opisyales ng simbahan at hinimok na magpasakop sa konsilyo. Ipinakita sa kanya ang pinakamagagandang pagkakataon bilang gantimpala ng pagtalikod sa pakikilaban sa Roma. Ngunit gaya ng kanyang Panginoon nang alukin ng kaluwalhatian ng sanlibutan, si Jerome ay nanatiling matibay. ADP 68.3
“Patunayan ninyo sa akin mula sa mga Banal na kasulatan na ako’y mali, at itatakwil ko iyon,” sabi niya. ADP 68.4
“Mga Banal na Kasulatan!” sigaw ng isa sa mga tumutukso sa kanya, “ang lahat ba kung gayon ay dapat na suriin ng mga ito? Sinong makakaunawa nito malibang ipaliwanag ito ng simbahan?” ADP 68.5
“Ang mga tradisyon ba ng tao ay mas nararapat na sampalatayanan kaysa sa ebanghelyo ng ating Tagapagligtas?” tugon ni Jerome. “Hindi hinimok ni Pablo yung mga sinulatan niya na makinig sa mga tradisyon ng tao, kundi ang sabi niya, ‘Saliksikin ninyo ang mga Kasulatan.’ ” ADP 68.6
“Erehe!” ang siyang naging tugon. “Pinagsisisihan ko na ako’y matagal na na-kiusap sa iyo. Nakikita kong ikaw ay sinusulsulan ng diyablo.”—Wylie, b. 3, ch. 10. ADP 68.7
Di at nagtagal iginawad na sa kanya ang hatol. Siya’y dinala rin doon sa lugar na kinamatayan ni Huss. Siya’y umaawit habang lumalakad, ang kanyang mukha ay nagliwanag sa katuwaan at kapayapaan. Ang kanyang titig ay nakapako kay Cristo, at sa kanya’y nawalan ng lagim ang kamatayan. Nang ang berdugo ay pumunta na sa kanyang likuran para sindihan na ang gatong, ang martir ay nagsabi, “Humarap kang may katapangan; sa harapan mo sindihan ang apoy. Kung ako’y natatakot, hindi sana ako narito.” ADP 68.8
Ang kanyang huling salita na binigkas habang ang apoy ay lumalaki sa palibot niya ay isang panalangin. “Panginoon, Makapangyarihang Ama,” ang sigaw niya, “maawa Ka sa akin, at patawarin Mo po ang aking mga kasalanan; sapagkat alam Mong sa buong panahon ay minamahal ko ang Iyong katotohanan.”—Bonnechose, vol. 2, p. 168. Nawala na ang kanyang tinig, pero ang kanyang mga labi ay gumagalaw pa rin sa pananalangin. Nang matapos na ng apoy ang gawain nito, ang mga abo ng martir, pati na ang lupang kinalagyan nito ay inipon at itinapon sa ilog ng Rhine kagaya nung kay Huss. ADP 68.9
Ganyan namatay ang mga tapat na tagapagdala ng liwanag ng Diyos. Ngunit ang liwanag ng mga katotohanang ipinahayag nila—ang liwanag ng magiting na halimbawa nila—ay hindi mapapatay. Maaari na ring tangkain ng mga tao na pigilan ang araw sa pagkilos nito kung mapipigilan nila ang pagbubukang-liwayway ng araw na iyon na kahit noon pa mang panahong iyon ay sumisikat na sa sanlibutan. ADP 68.10
Ang pagpatay kay Huss ay nagpaalab sa galit at pagkamuhi ng Bohemia. Naramdaman ng buong bansa na siya’y naging biktima ng masamang hangarin ng mga pari at ng pagtatraydor ng emperador. Siya’y idineklara ng mga taga-Bohemia na isang tagapagturo ng katotohanan, at ang konsilyong nagpapatay sa kanya ay inakusahan nila ng kasalanang pagpatay. Ang kanyang mga doktrina ay nakakuha ngayon ng mas malaking atensyon kaysa dati. Dahil sa mga utos ng papa, ang mga sinulat ni Wycliffe ay pinagsusunog. Ngunit yung mga nakaligtas sa pagkalipol ay inilabas na ngayon sa mga pinagtataguan dito, at ito’y pinag-aralan kaugnay ng Biblia o kaya’y ng mga bahagi nito na nakuha ng mga tao, at sa gayo’y marami ang naakay na tanggapin ang bagong pananampalataya. ADP 68.11
Ang mga pumatay kay Huss ay hindi tahimik na nagpatayu-tayo at tiningnan na lang ang pagtatagumpay ng kanyang layunin. Ang papa at ang emperador ay nagsanib upang durugin ang kilusan, at ang mga sundalo ni Sigismundo ay ipinadala sa Bohemia. ADP 69.1
Ngunit isang tagapagligtas ang ibinangon. Si Ziska, na naging ganap na bulag di-katagalan pagkatapos na sumiklab ang digmaan, ngunit isa sa pinakamagagaling na heneral noong kapanahunan niya, ay siyang lider ng mga taga-Bohemia. Samantalang nagtitiwala sa tulong ng Diyos at sa katuwiran ng kanilang ipinaglalaban, nakaya ng mga taong ito ang pinakamalakas na hukbong maihaharap sa kanila. Paulit-ulit na bumuo ng bagong hukbo ang emperador at sinakop ang Bohemia para lamang kahiya-hiyang itaboy. Ang mga Hussite ay iniangat sa ibabaw ng takot sa kamatayan, at walang makatagal laban sa kanila. Mga ilang taon pagkatapos ng pagsiklab ng digmaan, ang matapang na si Ziska ay namatay; ngunit pinalitan siya ni Procopius na isang matapang at mahusay ding heneral, at sa ilang kaparaanan ay mas mahusay na lider. ADP 69.2
Ang mga kaaway ng mga taga-Bohemia, dahil alam na patay na ang bulag na mandirigma, ay inakalang maganda itong pagka-kataon upang bawiin ang lahat ng nawala sa kanila. Ang papa ay nagpahayag na ngayon ng isang krusada laban sa mga Hussite, at isang napakalaking hukbo uli ang lumusob sa Bohemia, ngunit para lamang dumanas ng isang malubhang pagkatalo. Isa uling krusada ang ipinatalastas. Sa lahat ng bansa sa Europa na hawak ng papa, ang mga tao, pera, at kagamitang-pandigma ay kinalap. Napakaraming tao ang nagtipon sa ilalim ng bandila ng papa, na nakatitiyak na sa wakas ay katapusan na ng mga ereheng Hussite. Tiwalang magtatagumpay, ang napakalaking hukbo ay nagtungo sa Bohemia. Ang mga tao sa Bohemia ay nagtipun-tipon upang sila’y mapaurong. Ang dalawang hukbo ay nagsalubong palapit nang palapit, hanggang isang ilog na lang ang namamagitan sa kanila. “Ang mga nagkrusada ay lubhang nakalalamang sa lakas, ngunit sa halip na sumalakay patawid sa ilog, at lumapit para makipaglaban sa mga Hussite na pinuntahan pa nila nang ganon kalayo para sagupain, sila’y nakatayo lang doon at nakatingin sa mga mandirigmang iyon.”—Wylie, b. 3, ch. 17. At pagkatapos, biglang isang misteryosong lagim ang sumapit sa hukbong iyon. Hindi pa man lang nakakataga, ang napakalaking hukbo ay nagkawatak-watak na at nangalat, na para bagang ikinalat sila ng isang hindi nakikitang kapangyarihan. Napakarami ang napatay ng mga kawal ng Hussite, na humabol sa mga tumatakas, at napakaraming samsam ang napasakamay ng mga nagtagumpay, at dahil dito ang digmaan sa halip na magpahirap ay nagpayaman pa sa mga taga-Bohemia. ADP 69.3
Pagkalipas ng ilang taon, sa ilalim ng bagong papa, isa na namang krusada ang pinasimulan. Gaya ng dati, ang mga tao at mga kayamanan ay kinuha galing sa lahat ng bansa sa Europa na hawak ng papa. Napakaraming inialok sa mga sasama sa napakamapanganib na gawaing ito. Ang lubos na kapatawaran sa pinakamasasamang krimen ay tiniyak sa bawat kasapi ng krusada. Lahat ng namatay sa pakikidigma ay pinangakuan ng masaganang gantimpala sa langit, at yung mga matitirang buhay ay aani ng karangalan at mga kayamanan sa larangan ng digmaan. Isang napakalaking hukbo uli ang natipon, at pagkatawid sa hangganan, sila’y pumasok na sa Bohemia. Ang mga Hussite ay umatras sa harapan nila, sa gayo’y pinalapit papasok nang papasok sa bansa ang mga lumulusob, at nahimok silang ipalagay na sila’y nanalo na. Sa wakas ay kumilos na ang hukbo ni Procopius, at pagbaling sa mga kalaban, sila’y sumugod upang sila’y sagupain. Ang mga nagkrusada, na ngayo’y natuklasang sila pala’y nagkamali, ay kinuha na’t iniligpit ang kanilang kampamento habang hinihintay ang pagsalakay. Nang marinig ang ugong ng paparating na hukbo, ay nagkagulo na naman ang mga nagkrusada, bago pa nila makita ang mga Hussite. Ang mga prinsipe, heneral, at karaniwang mga kawal, na pinagtatapon ang kanilang mga sandata, ay nagsitakas sa iba’t ibang direksyon. Ang kinatawan ng papa, na siyang lider ng pananakop, ay nagsikap na tipunin ang nasindak at nagkagulo niyang hukbo, ngunit walang nangyari. Sa kabila ng sukdulan niyang pagsisikap, siya mismo ay napasama na rin sa mga nagsisitakas. Ganap ang pagkalupig, at napakaraming samsam na naman ang napasakamay ng mga nagtagumpay. ADP 69.4
Kaya sa ikalawang pagkakataon, isa na namang napakalaking hukbo, na ipinadala ng pinakamakapangyarihang mga bansa sa Europa, isang hukbo na may matatapang at mapanghamok na kawal, sinanay at sinandatahan para sa digmaan, ay nagsitakas nang hindi man lang nakataga, sa harapan ng mga nagtanggol sa isang maliit at hanggang ngayon ay mahina pa ring bansa. Narito ang kapahayagan ng kapangyarihan ng Diyos. Ang mga nanlusob ay nilukuban ng higit pa sa karaniwang takot. Siya na lumupig sa mga hukbo ni Faraon sa Dagat na Pula, Siyang dahilan ng pagtakas ng mga sundalong Midian sa harapan ni Gideon at ng kanyang 300 kawal, Siyang sa isang gabi lang ay nagpatumba sa mga hukbo ng mapagmataas na hari ng Asiria, ay iniunat uli ang Kanyang kamay upang tuyuin ang kapangyarihan ng nang-aapi. “Doon sila’y nasa matinding takot, na kung saan ay walang dapat ikatakot. Sapagkat ikinalat ng Diyos ang mga buto nilang kumukubkob sa iyo, sila’y inilagay mo sa kahihiyan, sapagkat itinakwil sila ng Diyos” (Awit 53:5). ADP 70.1
Ang mga lider ng kapapahan na nawawalan na ng pag-asang magtatagumpay pa sa pamamagitan ng dahas, ay napilitan na lang gumamit ng diplomasya sa wakas. Pumasok sila sa isang kompromiso, na samantalang parang nagbibigay ng kalayaan ng budhi sa mga taga-Bohemia, ay nagpapahamak talaga sa kanila sa kapangyarihan ng Roma. Ang mga taga-Bohemia ay bumanggit ng apat na puntos bilang kondisyon ng pakikipagkasundo sa Roma: Ang malayang pangangaral ng Biblia; ang karapatan ng buong iglesya kapwa sa tinapay at sa alak kapag komunyon, at paggamit ng sarili nilang wika sa banal na pagsamba; ang di-pakikialam ng mga kawani ng simbahan sa lahat ng tungkulin at kapamahalaan ng pamahalaan; at sa mga krimen, ang hukumang sibil ang may kapangyarihan kapwa sa mga opisyales at kaanib ng simbahan. Sa wakas, ang mga kinatawan ng papa ay “pumayag na tanggapin ang apat na kondisyon ng mga Hussite, pero ang karapatang magpaliwanag nito, ibig sabihin, kung ano talaga ang eksaktong kahulugan nito, ay karapatan lang ng konsilyo—sa ibang salita, ay nasa papa at emperador na.”—Wylie, b. 3, ch. 18. Sa batayang ito ay pumasok sila sa isang kasunduan, at nakuha ng Roma sa pamamagitan ng pagkukunwari at pandaraya ang hindi niya nakuha sa pamamagitan ng labanan; sapagkat, sa pagbibigay ng sarili niyang pakahulugan sa mga kondisyong ibinigay ng mga Hussite, gaya rin ng ginagawa niya sa Biblia, ay kaya niyang baluktutin ang ibig sabihin ng mga ito upang umangkop sa kanyang mga binabalak. ADP 70.2
Isang malaking grupo sa Bohemia ang ayaw pumayag sa kasunduan, dahil nakikitang ipagkakanulo nito ang kanilang mga kalayaan. Nagkaroon ng awayan at pagkakahati-hati na nauwi sa paglalaban-laban at pagpapatayan nila. Sa labanang ito namatay ang marangal na si Procopius, at ang mga kalayaan ng Bohemia ay naglaho. ADP 70.3
Si Sigismundo, na siyang nagtraydor kina Huss at Jerome, ay naging hari na ngayon ng Bohemia, at sa kabila ng kanyang panunumpa na susuportahan ang mga karapatan ng mga taga-Bohemia, siya’y kumilos at itinuloy ang pagtatatag sa kapapahan. Pero hindi siya gaanong nakinabang sa kanyang pagiging sunudsunuran sa Roma. Sa loob ng 20 taon, ang kanyang buhay ay punung-puno ng trabaho at panganib. Ang kanyang mga sundalo ay naubos at ang kabang-yaman niya ay nasaid dahil sa napakahaba at walangkuwentang labanan; at ngayon, pagkatapos ng isang taon lang na panunungkulan, siya ay namatay, at iniwan ang kanyang kaharian sa bingit ng digmaang sibil, at nagiwan sa susunod na lahi ng isang pangalang natatatakan ng kawalang-hiyaan. ADP 70.4
Ang mga kaguluhan, paglalaban-laban, at patayan ay tumagal. Ang Bohemia ay muling sinakop ng mga hukbong tagaibang bayan, at ang bansa ay patuloy na ginugulo ng panloob na pag-aaway-away. Yung mga nanatiling tapat sa ebanghelyo ay pinagdanas ng madugong pag-uusig. ADP 70.5
Habang ang mga dati nilang kapatiran ay nakikipagkasundo sa Roma, at natuto na ng mga kamalian nito, yung mga umaayon sa sinaunang pananampalataya ay binuo ang kanilang sarili sa isang naiibang iglesya at pinangalanan itong “Nagkakaisang Kapatiran.” Ang pagkilos na ito ay naging dahilan upang sila’y sumpain ng lahat ng tao. Ngunit ang kanilang katatagan ay hindi natinag. Bagaman napilitang humanap ng kanlungan sa mga kakahuyan at mga kuweba, sila’y nagtitipon pa rin upang basahin ang Salita ng Diyos at nagsamasama para sa pagsamba sa Kanya. ADP 70.6
Sa pamamagitan ng mga sugong palihim na ipinadadala sa iba’t ibang bansa, nalaman nilang kahit saan ay meron palang “hiwa-hiwalay na nagpapahayag ng katotohanan, may ilan sa lunsod na ito at may ilan sa lunsod na iyon, na gaya nila ay pinaguusig din; at sa gitna ng mga kabundukan ng Alps ay merong sinaunang iglesya, na nakasalig sa mga saligan ng Kasulatan, at tumututol sa mapagsamba sa diyus-diyosang katiwalian ng Roma.”—Wylie, b. 3, ch. 19. Ang pagkabatid na ito ay tinanggap nang may malaking katuwaan, at sinimulan nilang makipagsulatan sa mga Kristiyanong Waldensian. ADP 71.1
Tapat sa ebanghelyong naghintay ang mga taga-Bohemia sa buong gabi ng panguusig sa kanila, sa pinakamadilim na oras ay itinatanaw pa rin ang kanilang mga mata sa silangan na gaya ng mga taong nag-aantay sa pag-uumaga. “Ang kanilang kapalaran ay natapat sa panahon ng kasamaan, ngunit. . . naalala nila ang mga salitang unang sinabi ni Huss, at inulit ni Jerome, na isang dantaon pa ang dapat munang umikot bago dumating ang umaga. Ito sa mga Taborites [Hussites] ay kagaya ng mga sinabi ni Jose sa mga tribung nasa lupain ng pagkaalipin: ‘Ako’y malapit nang mamatay, ngunit kayo’y tiyak na dadalawin ng Diyos, at dadalhin kayo mula sa lupaing ito.’ “—Ibid., b. 3, ch. 19. “ Nasaksihan sa pagtatapos ng ika-15 siglo ang mabagal ngunit tiyak na pagsulong ng mga iglesya ng Kapatiran. Bagaman hindi malayong sila’y guluhin, nagtamasa pa rin sila ng sapat na kapahingahan. Sa pagsisimula ng ika-16 na siglo, ang kanilang mga iglesya ay umabot na sa 200 sa Bohemia at Moravia”—Ezra Hall Gillet, Life and Times of John Huss, vol. 2, p. 570. “Talagang napakaganda na ang mga natira, na nakatakas sa mapangwasak na galit ng apoy at tabak ay pinahintulutang makita ang pagbubukang-liwayway ng araw na iyon na inihula ni Huss”—Wylie, b. 3, ch. 19. ADP 71.2