Ang Dakilang Pag-Asa
40—Iniligtas ang Bayan ng Diyos
Kapag inalis na ang proteksyon ng mga batas ng tao sa mga nagpaparangal sa kautusan ng Diyos, magkakaroon ng sabay-sabay na pagkilos sa iba’t ibang lupain para sila’y patayin. Habang papalapit ang panahong itinakda ng batas, ang mga tao ay magsasabwatan upang lipulin ang kinamumuhiang sekta. Pagpapasyahang ibigay sa isang gabi lang ang pantapos na dagok, na lubusang magpapatahimik sa tinig ng pagtutol at pagsumbat. ADP 363.3
Ang bayan ng Diyos—na ang iba’y nasa bilangguan, ang iba’y nagtatago sa mapapanglaw na taguan sa mga kagubata’t kabundukan—ay nagsusumamo pa rin para sa proteksyon ng Diyos, samantalang sa lahat ng dako ay naghahanda para sa gawain ng pagpatay ang grupu-grupong armadong tao, na sinusulsulan ng mga hukbo ng masasamang anghel. Ngayon na, sa panahon nang ito ng napakatinding panganib mamamagitan ang Diyos ng Israel para iligtas ang Kanyang piniling bayan. Ang sabi ng Panginoon: “Kayo’y magkakaroon ng awit na gaya ng sa gabi kapag ang banal na kapistahan ay ipinagdiriwang; at kasayahan ng puso, na gaya ng humahayo...upang pumunta sa bundok ng Panginoon, sa Malaking Bato ng Israel. At iparirinig ng Panginoon ang Kanyang maluwalhating tinig, at ipapakita ang bumababang dagok ng Kanyang bisig, sa matinding galit, at liyab ng tumutupok na apoy, na may bugso ng ulan, at bagyo, at granizo” (Isaias 30:29, 30). ADP 363.4
Sa sigaw ng pagwawagi, panunuya, at pagsumpa, ang katakut-takot na kapal ng masasamang tao ay susugod na sana sa kanilang mga biktima, nang biglang, naku, isang makapal na kadiliman, na mas makapal pa sa kadiliman ng gabi, ang bumalot sa lupa. At pagkatapos isang bahaghari na nagliliwanag sa kaluwalhatiang mula sa trono ng Diyos, ang umarko sa kalangitan at waring pumapalibot sa bawat grupong nananalangin. Ang nagagalit na karamihan ay biglang natigilan. Ang nangungutya nilang sigawan ay natahimik. Nalimutan nila ang mga pinag-uukulan ng nakamamatay nilang galit. May takot at kaba nilang tinitigan ang simbolo ng tipan ng Diyos, at hinangad na matakpan mula sa napakatinding liwanag nito. ADP 364.1
Ang bayan ng Diyos ay nakarinig ng isang malinaw at malambing na tinig, na nagsasabi, “Tumingala kayo,” at pagtingin nila sa kalangitan ay nakita nila ang bahaghari ng pangako. Ang maitim at nagngangalit na mga ulap na bumalot sa buong kalawakan ay nahawi, at kagaya ni Esteban, sila’y tumitig sa langit, at nakita nila ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang Anak ng Tao na nakaupo sa Kanyang trono. Sa Kanyang banal na anyo ay naaaninaw nila ang mga bakas ng Kanyang pagpapakababa; at mula sa Kanyang mga labi ay narinig nilang inihaharap sa Kanyang Ama at sa mga banal na anghel ang kahilingan, “Nais Kong ang mga ibinigay Mo sa Akin ay makasama Ko kung saan Ako naroroon” (Juan 17:24). Muli’y isang malambing at matagumpay na tinig ang narinig na nagsasabi, “Sila’y dumarating! Sila’y dumarating! Banal, di-nakakasakit, at walang dungis. Tinupad nila ang salita ng Aking pagtitiis, kaya’t sila’y lalakad kasama ng mga anghel;” at ang mapuputla’t nanginginig na mga labi nung mga nanghawak nang matibay sa kanilang pananampalataya ay humiyaw ng sigaw ng pagtatagumpay. ADP 364.2
Hatinggabi nang ihayag ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan para sa kaligtasan ng Kanyang bayan. Ang araw ay sumikat na, nagliliwanag na sa tindi nito. Sumunod ang mga tanda’t kababalaghang mabilis na nagsunud-sunod. May malaking takot at pagkamanghang tinunghayan ng mga makasalanan ang tagpong iyon, samantalang may banal na kagalakang minasdan ng mga matuwid ang mga tanda ng kanilang kaligtasan. Ang bawat bagay sa kalikasan ay waring lumihis sa karaniwang takbo nito. Ang mga batis ay tumigil sa pagdaloy. Ang maiitim at makakapal na ulap ay pumailanglang at nagbanggaan. Sa gitna ng nagngangalit na kalangitan ay may isang siwang na may di-mailarawang kaluwalhatian, kung saan nanggagaling ang tinig ng Diyos na gaya ng tunog ng maraming tubig, na nagsasabi, “Naganap na!” (Apocalipsis 16:17). ADP 364.3
Niyanig ng tinig na iyon ang kalangitan at ang lupa. Nagkaroon ng napakalakas na lindol, “na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng tao sa lupa, isang napakalakas na lindol” (talatang 18). Ang kalawakan ay parang nagbubukas-sara. Ang kaluwalhatiang mula sa trono ng Diyos ay parang kumikislap sa lahat ng dako. Ang mga bundok ay umuugoy gaya ng halamang tambo sa hihip ng hangin, at ang magagaspang na mga bato ay nangalat sa lahat ng panig. May naririnig na hugong ng parang paparating na bagyo. Ang dagat ay humahampas sa pagngangalit. May naririnig na ugong ng malakas na unos, na gaya ng tinig ng mga demonyong may misyong mangwasak. Ang buong lupa ay tumataas-baba at umuumbok gaya ng mga alon sa dagat. Ang ibabaw nito ay nagbibitak-bitak. Ang mga pinakasaligan nito ay parang bibigay na. Ang hilera ng mga kabundukan ay lumulubog. Ang mga islang may nakatirang mga tao ay nangaglalaho. Ang mga daungang naging parang Sodoma dahil sa kasamaan ay nilamon ng nagngangalit na tubig. Naalala ng Diyos ang dakilang Babilonia, upang bigyan “Niya ito ng kopa ng alak ng kabagsikan ng Kanyang poot.” Ang malalaking ulan ng yelo, na ang bigat ng bawat isa’y “halos isandaang libra (45 kilo),” ay isinasagawa ang kanilang gawain ng pagwasak (talatang 19, 21). Ang mga pinakamapagmalaking lunsod sa lupa ay napatag. Ang mga makaharing palasyo, na pinag-aksayahan ng mga dakilang tao sa sanlibutan ng kayamanan nila upang luwalhatiin ang kanilang sarili ay nagsiguho sa harapan nila. Ang mga pader ng bilangguan ay nadurog nang pira-piraso, at ang mga anak ng Diyos na ibinilanggo dahil sa kanilang pananampalataya ay nakalaya. ADP 364.4
Ang mga libingan ay nangabuksan, at “marami sa mga natutulog sa alabok ng lupa” ay nagising “ang iba’y tungo sa buhay na walang hanggan, at ang iba’y tungo sa kahihiyan at sa walang hanggang paghamak” (Daniel 12:2). Ang lahat ng namatay na sumasampalataya sa mensahe ng ikatlong anghel ay lalabas sa libingan na naluwalhati, upang marinig ang tipan ng kapayapaan ng Diyos sa mga tumutupad ng Kanyang kautusan. At sila rin na “mga umulos sa Kanya” (Apocalipsis 1:7), yung mga humamak at lumibak sa matitinding hirap ng paghihingalo ni Cristo sa krus, at pinakamatitinding kalaban ng Kanyang katotohanan at ng Kanyang bayan, ay bubuhayin upang makita Siya sa Kanyang kaluwalhatian, at upang makita ang karangalang ipagkakaloob sa mga tapat at masunurin. ADP 365.1
Binabalot pa rin ng makakapal na ulap ang himpapawid; ngunit paminsan-minsa’y tumatagos ang araw, parang naghihiganting mata ni Jehova. Napakatitinding kidlat ang nanggaling sa kalangitan at binalot ng mga pilas ng apoy ang mundo. Sa ibabaw ng kakila-kilabot na dagundong ng kulog, may mga tinig na mahiwaga’t nakakapangilabot, na ipinahahayag ang wakas ng mga masasama. Ang mga salitang sinabi ay hindi naunawaan ng lahat; ngunit ang mga ito’y malinaw na naunawaan ng mga bulaang tagapagturo. Yung mga kani-kanina lang ay napakawalang-ingat, napakayabang at napakapalaban, na talagang tuwang-tuwa sa kanilang kalupitan sa bayan ng Diyos na tumutupad sa mga utos, ay sinakmal ngayon ng pangingilabot at pangangatog sa takot. Ang mga hagulhol nila ay maririnig na nangingibabaw sa dagundong ng mga elemento ng kalikasan. Kinilala ng mga demonyo ang pagka-Diyos ni Cristo, at nanginig sa harap ng Kanyang kapangyarihan, habang ang mga tao’y nagsusumamo para sa kahabagan at naglulumuhod sa kaawa-awang pagkatakot. ADP 365.2
Ang sabi ng mga propeta noong unang panahon nang makita nila sa banal na pangitain ang araw ng Diyos: “Manangis kayo, sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na; ito’y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat!” (Isaias 13:6). “Pumasok ka sa malaking bato, at magkubli ka sa alabok, mula sa pagkatakot sa Panginoon at sa karangalan ng Kanyang kamahalan. Ang mga tinging mapagmataas ng tao ay ibababa, at ang kapalaluan ng mga tao ay pangungumbabain, at ang Panginoon lamang ang itataas sa araw na iyon. Sapagkat ang araw ng Panginoon ng mga hukbo ay laban sa lahat ng palalo at mapagmataas, laban sa lahat ng itinaas at ito’y ibababa.” “Sa araw na iyon ay ihahagis ng mga tao ang kanilang mga diyus-diyosang pilak, at ang kanilang mga diyusdiyosang ginto, na kanilang ginawa upang sambahin, sa mga daga at mga paniki; upang pumasok sa mga siwang ng malalaking bato, at sa mga bitak ng mga bangin, sa harapan ng pagkatakot sa Panginoon, at sa karangalan ng Kanyang kamahalan, kapag Siya’y bumangon upang yanigin ang lupa” (Isaias 2:10-12, 21). ADP 365.3
Sa isang siwang sa mga ulap ay may sumilay na isang bituin na apat na beses ang ningning kataliwas sa kadiliman. Ito’y nagpapahayag ng pag-asa at kagalakan sa mga tapat, ngunit kabagsikan at galit sa mga sumusuway sa kautusan ng Diyos. Yung mga nagsakripisyo ng lahat para kay Cristo ay ligtas na ngayon, nakatago, na para bang sa kublihan ng pabilyon ng Panginoon. Sila’y sinubok, at sa harap ng sanlibutan at ng mga humahamak sa katotohanan ay ipinakita nila ang kanilang katapatan sa Kanya na namatay para sa kanila. Isang kahanga-hangang pagbabago ang nangyari sa mga nanindigang matibay sa kanilang katapatan sa harap mismo ng kamatayan. Sila’y biglang iniligtas sa nagbabanta’t nakakatakot na kalupitan ng mga taong nagsademonyo. Ang kanilang mga mukha, na kamakailan lang ay namumutla, nababahala at mukhang pagod na pagod, ay nagliliwanag na ngayon sa pagkamangha, pananampalataya, at pagibig. Ang kanilang tinig ay pumailanglang sa awit ng pagtatagumpay: “Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan, isang handang saklolo sa kabagabagan. Kaya’t hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa, bagaman ang mga bundok ay dumulas sa pusod ng dagat, bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong, bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon” (Awit 46:1-3). ADP 365.4
Habang pumapailanglang sa Diyos ang mga salitang ito ng banal na pagtitiwala, ang mga ulap ay nahawi, at ang mabituing kalangitan ay nakita, na hindi mailarawan ang kaluwalhatian kumpara sa maitim at nagngangalit na himpapawid sa magkabilang panig. Ang kaluwalhatian ng makalangit na lunsod ay lumiliwanag mula sa mga pintuang nakabukas. At pagkatapos ay lumabas sa kalawakan ang isang kamay na may hawak na dalawang tapyas ng batong magkatiklop. Ang sabi ng propeta, “Ang langit ay nagpapahayag ng Kanyang katuwiran; sapagkat ang Diyos ay siyang hukom!” (Awit 50:6). Ang banal na kautusang iyon, ang katuwiran ng Diyos, na sa gitna ng kulog at apoy ay ipinahayag sa Sinai bilang gabay ng buhay, ay mahahayag ngayon sa mga tao bilang pamantayan ng paghuhukom. Binuksan ng kamay ang mga tapyas ng bato, at doo’y nakita ang mga alituntunin ng Sampung Utos, na parang binakas ng panulat na apoy. Napakalinaw ng mga pangungusap, anupa’t nababasa ito ng lahat. Ang alaala ay nagising, ang kadiliman ng pamahiin at maling paniniwala ay napalis sa bawat isipan at ang sampung pangungusap ng Diyos, maikli, masaklaw, at makapangyarihan ay iniharap sa paningin ng lahat ng naninirahan sa lupa. ADP 366.1
Imposibleng mailarawan ang malaking takot at kawalang pag-asa nung mga yumurak sa mga banal na utos ng Diyos. Ibinigay sa kanila ng Panginoon ang Kanyang kautusan; naihambing sana nila ang kanilang karakter dito, at nakita ang kanilang kapintasan samantalang meron pang pagkakataon para magsisi’t magbago; ngunit upang makuha ang pagsang-ayon ng sanlibutan, ay isinaisantabi nila ang mga alituntunin nito at tinuruang sumalangsang ang iba. Sinikap nilang pilitin ang bayan ng Diyos na lapastanganin ang Kanyang Sabbath. Ngayon sila’y hinahatulan ng kautusang iyon na kanilang hinamak. Sa kakila-kilabot na linaw ay nakita nilang sila’y walang maidadahilan. Pinili na nila kung sino ang kanilang paglilingkuran at sasambahin. “At minsan pa ay makikilala ninyo ang pagkakaiba ng taong matuwid at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa Kanya” (Malakias 3:18). ADP 366.2
Ang mga kaaway ng kautusan ng Diyos, mula sa mga ministro hanggang sa mga pinakahamak sa kanila, ay nagkaroon ng bagong pagkaunawa ukol sa katotohanan at sa tungkulin. Huli na nang kanilang makita na ang Sabbath ng ikaapat na utos ay siyang tatak ng buhay na Diyos. Huli na nang kanilang makita ang tunay na likas ng huwad nilang sabbath, at ang mabuway na sandigang matagal nilang pinagtatayuan. Natuklasan nilang sila pala’y kumakalaban sa Diyos. Inakay ng mga tagapagturo ng relihiyon ang mga kaluluwa sa kapahamakan samantalang sinasabing ginagabayan nila sila sa pintuan ng Paraiso. Sa araw lamang ng huling pagtutuos malalaman kung gaano kalaki ang pananagutan ng mga taong nasa banal na tungkulin, at kung gaano kakila-kilabot ang mga resulta ng kawalan nila ng katapatan. Sa walanghanggan lamang natin makakalkula nang tama ang pagkapahamak ng isang kaluluwa. Nakakatakot ang magiging katapusan ng pagsasabihan ng Diyos na, “Lumayo ka, ikaw na masamang alipin.” ADP 366.3
Ang tinig ng Diyos ay narinig mula sa langit, na sinasabi ang araw at oras ng pagdating ni Jesus, at inihahatid ang walang-hanggang tipan sa Kanyang bayan. Gaya ng pagdagundong ng pinakamalakas na kulog, ang Kanyang mga salita ay umugong sa buong lupa. Ang Israel ng Diyos ay nangakatayong nakikinig, ang kanilang mga mata’y nakatitig sa itaas. Ang kanilang mga mukha ay nagliliwanag sa Kanyang kaluwalhatian, at nagniningning gaya ng mukha ni Moises noong siya’y bumaba sa Sinai. Ang mga masasama ay hindi makatingin sa kanila. At nang bigkasin ang pagpapala sa mga nagparangal sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapanatiling banal sa Sabbath, ay nagkaroon ng isang malakas na sigawan ng pagtatagumpay. ADP 366.4
Hindi nagtagal ay may lumitaw na isang maliit na itim na ulap sa silangan, na ang laki’y kalahati ng palad ng tao. Iyon ang ulap na pumapalibot sa Tagapagligtas, na sa malayo’y parang nababalot ng kadiliman. Alam ng bayan ng Diyos na ito’y tanda ng Anak ng Tao. Sa isang taimtim na katahimikan ay tumitig sila rito habang ito’y palapit nang palapit sa daigdig, na nagiging mas maliwanag at mas maluwalhati, hanggang sa ito’y maging napaka-laking puting ulap, na ang ibaba’y isang kaluwalhatiang gaya ng tumutupok na apoy, at sa itaas nito ay ang bahaghari ng tipanan. Si Jesus ay nakasakay doon bilang makapangyarihang mananakop. Hindi na ngayon isang “tao ng kalungkutan,” na iinom sa mapait na kopa ng kahihiyan at kasawian, Siya’y dumarating, nagtagumpay sa langit at sa lupa, upang hatulan ang mga buhay at ang mga patay. “Tapat at Totoo,” “sa katuwiran Siya’y humahatol at nakikipagdigma.” At “ang mga hukbo ng langit ay sumusunod sa Kanya” (Apocalipsis 19:11, 14). Ang mga banal na anghel, na napakarami, at hindi mabilang sa kapal, ay kasama Niya sa Kanyang pagdating, na may mga awitin ng papuri at mga makalangit na himig. Ang buong papawirin ay parang napuno ng mga nagniningning na anyo—“milyun-milyon at libu-libo.” Walang panulat ng tao ang maaaring makapaglarawan sa tagpong iyon; walang isipan ng tao ang sapat para maisaisip ang kaluwalhatian nito. “Ang Kanyang kaluwalhatia’y tumakip sa mga langit, at ang lupa’y puno ng Kanyang kapurihan. Ang Kanyang ningning ay parang liwanag” (Habakuk 3:3, 4). Habang ang buhay na ulap ay palapit nang palapit pa rin, pinagmasdan ng bawat mata ang Prinsipe ng buhay. Wala na ngayong koronang tinik na pumipinsala sa banal na ulo, kundi isang diyadema ng kaluwalhatian ang nakapatong sa Kanyang banal na noo. Ang Kanyang mukha ay mas maningning pa sa nakasisilaw na liwanag ng araw sa katanghaliang tapat. “At Siya’y mayroong isang pangalang nakasulat sa Kanyang damit at sa Kanyang hita, ‘ Hari ng mga hari at Panginoon ng mga Panginoon’ ” (Apocalipsis 19:16). ADP 367.1
Sa harapan Niya, “ang bawat mukha ay namumutla;” sa mga taong tumanggi sa kahabagan ng Diyos ay lumukob ang malaking takot at walang-hanggang kawalang pag-asa. “Ang mga puso ay nanghihina, at ang mga tuhod ay nanginginig,” “ang lahat ng mga mukha ay namumutla” (Jeremias 30:6; Nahum 2:10). Ang mga matuwid ay sumigaw na nanginginig: “Sino ang makakatagal?” (Apocalipsis 6:17). Tumigil ang awitan ng mga anghel, at nagkaroon ng makapanindig-balahibong katahimikan. At saka narinig ang tinig ni Jesus na nagsasabi: “Ang Aking biyaya ay sapat na sa inyo.” Nagliwanag ang mukha ng mga matuwid, at napuspos ng kagalakan ang bawat puso. Kinalabit ng mga anghel ang mas mataas na nota at muling nag-awitan habang sila’y papalapit pa rin sa lupa. ADP 367.2
Ang Hari ng mga hari ay bumababa sa mga alapaap, na nababalot ng nagniningas na apoy Ang kalangitan ay nalulon gaya ng isang balumbon ng papel, at ang lupa ay yumayanig sa harapan Niya, at ang bawat bundok at isla ay nawala sa kanilang kinalalagyan. “Ang aming Diyos ay dumarating at hindi Siya tatahimik; nasa harapan Niya ang apoy na tumutupok, at malakas na bagyo sa Kanyang palibot. Siya’y tumatawag sa langit sa kaitaasan, at sa lupa upang hatulan Niya ang Kanyang bayan” (Awit 50:3, 4). ADP 367.3
“Ang mga hari sa lupa, ang mga prinsipe, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang malalakas at ang bawat alipin at ang bawat malaya, ay nagtago sa mga yungib, sa mga bato at sa mga bundok; at sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, ‘Mahulog kayo sa amin at itago ninyo kami mula sa mukha ng nakaupo sa trono, at mula sa poot ng Kordero; sapagkat dumating na ang dakilang araw ng Kanilang pagkapoot, at sino ang makakatagal?” (Apocalipsis 6:15-17). ADP 367.4
Ang mga mapanuyang pagbibiro ay tumigil na. Ang mga sinungaling na labi ay natahimik. Ang kalantog ng mga armas, ang ingay ng digmaan, na may natatarantang kaguluhan “at...mga kasuotang tigmak ng dugo” (Isaias 9:5), ay natigil. Wala na ngayong naririnig kundi tinig ng pagsamo at tunog ng iyakan at pananangis. Ang sigaw ay biglang narinig sa mga labing kamakailan lang ay nanlilibak, “Dumating na ang dakilang araw ng Kanilang pagkapoot, at sino ang makakatagal?” Isinamo ng mga masasama na sila’y malibing sa ilalim ng malalaking bato ng mga bundok, sa halip na makaharap ang mukha Niyang hinamak nila’t tinanggihan. ADP 367.5
Kilala nila ang tinig na iyon na tumatagos sa tainga ng mga patay. Napakalimit na sila’y tinatawagan sa pagsisisi ng nalulumbay at mapagmahal na tono nito. Napakalimit na ito’y naririnig sa makabagbag-damdaming pamamanhik ng isang kaibigan, isang kapatid, isang Manunubos. Para sa mga tumanggi sa Kanyang biyaya, wala nang iba pang punung-puno ng pagkundena at sobrang bigat sa pagsumbat kaysa sa tinig na iyon na matagal nang nananawagan, “Manumbalik kayo, manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad; sapagkat bakit kayo mamamatay” (Ezekiel 33:11). O sana’y tinig na lang iyon ng isang estranghero! Ang sabi ni Jesus: “Ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi, iniunat Ko ang Aking kamay, at walang nakinig;... ang lahat Kong payo ay winalan ninyong saysay, at ayaw ninyong tanggapin ang Aking saway” (Kawikaan 1:24, 25). Ang tinig na iyon ang gumising sa mga alaala na gusto nilang mapawi—mga babalang hinamak, mga paanyayang tinanggihan, at mga pribilehiyong minaliit. ADP 368.1
Naroon din yung mga kumutya kay Cristo noong Siya’y dinudusta. Sa nakakapanginig na tindi ay naalala nila ang mga sinabi ng Taong Nagdurusa, noong matapos utusang magsalita ng punong saserdote, ay sabihin Niya: “Mula ngayon ay inyong makikita ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa mga ulap ng langit” (Mateo 26:64). Ngayo’y nakikita nila Siya sa Kanyang kaluwalhatian, at makikita pa lang nila Siyang nakaupo sa kanan ng kapangyarihan. ADP 368.2
Yung mga nagtawa sa sinabi Niyang Siya’y Anak ng Diyos ay hindi na ngayon makapagsalita. Naroon ang mayabang na si Herodes na lumibak sa Kanyang pagkahari, at nag-utos sa mga nanlalait na kawal na koronahan Siya bilang hari. Naroon yung mga mismong tao na ang lapastangang mga kamay ay siyang nagsuot ng kulay-ubeng balabal sa Kanyang katawan, ng koronang tinik sa Kanyang banal na noo, at ng kunwaring setro sa di-lumalaban Niyang kamay, at yumukod sa Kanya sa lapastangang panunuya. Ang mga taong sumampal at dumura sa Prinsipe ng buhay, ay umiwas ngayon sa Kanyang tumatagos na tingin, at sinikap na makatakas sa makapangyarihang kaluwalhatian ng Kanyang presensya. Yung mga nagbaon ng pako sa Kanyang mga kamay at paa, ang kawal na tumusok sa Kanyang tagiliran, ay minasdan ang mga markang ito nang may malaking takot at pagsisisi. ADP 368.3
Sa makapanindig-balahibong kalinawan ay talagang nagunita ng mga pari at pinuno ang mga pangyayari doon sa Kalbaryo. Sa nanginginig na pangingilabot ay naalala nila kung paano nilang isinigaw, habang iniiling-iling ang kanilang ulo sa makademonyong katuwaan: “Nagligtas Siya ng iba; hindi Niya mailigtas ang Kanyang sarili. Siya ang Hari ng Israel; bumaba Siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa Kanya. Nagtiwala siya sa Diyos; Kanyang iligtas Siya ngayon kung ibig Niya” (Mateo 27:42, 43). ADP 368.4
Malinaw nilang naalala ang talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa mga magbubukid na ayaw ibigay sa kanilang panginoon ang bunga ng ubasan, na nagmalupit sa kanyang mga alipin at pumatay sa kanyang anak. Naalala rin nila ang hatol na sila mismo ang naggawad: Ang panginoon ng ubasan ay “dadalhin...ang mga masasamang taong iyon sa kakila-kilabot na kamatayan” (Mateo 21:41). Sa kasalanan at kaparusahan nung mga masasamang taong iyon, ay nakita ng mga pari at ng matatanda sa Israel ang sarili nilang gawain at ang sarili nilang makatwirang kahatulan. At ngayo’y may pumailanglang na sigawan ng matinding paghihirap ng damdamin. Mas malakas pa sa sigawang, “Ipako Siya sa krus! Ipako Siya sa krus!” na umalingawngaw sa mga lansangan ng Jerusalem, ang sa ngayo’y napakalakas na isinisigaw ang kalagim-lagim at nawawalan ng pag-asang pagtaghoy, “Siya nga ang Anak ng Diyos! Siya nga ang tunay na Mesiyas!” Sinikap nilang makatakas sa presensya ng Hari ng mga hari. Sa malalalim na hukay ng lupa, na nagkabitakbitak dahil sa paglalaban-laban ng mga elemento, ay walang-kabuluhan nilang tinangkang magtago. ADP 368.5
Sa buhay ng lahat ng nagsisitanggi sa katotohanan ay may mga sandaling nagigising ang budhi, na ang alaala ay naghaharap ng nagpapahirap na gunita ng isang buhay ng pagkukunwari, at ang kaluluwa ay nililigalig ng walang-kabuluhang panghihinayang. Ngunit ano ang mga ito kumpara sa panghihinayang sa araw na iyon kapag “ang takot ay dumating...na parang bagyo,” kapag “ang...kapahamakan ay dumating na parang ipu-ipo”! (Kawikaan 1:27). Nasaksihan ngayon nung mga gustong pumatay kay Cristo at sa Kanyang bayan ang kaluwalhatiang sumasakanila. Sa gitna ng kanilang pagkatakot ay narinig nila ang tinig ng mga banal sa masayang awitan, na sumisigaw, “Ito’y ating Diyos; hinintay natin Siya at ililigtas Niya tayo” (Isaias 25:9). ADP 369.1
Sa gitna ng paggiwang-giwang ng lupa, ng kislapan ng kidlat, at ng dagundong ng kulog, tinawagan ng tinig ng Anak ng Diyos ang mga nahihimbing na banal. Tiningnan Niya ang libingan ng mga matutuwid, at habang itinataas ang Kanyang mga kamay sa langit, Siya’y sumigaw, “Gising, gising, gising, kayong mga nangatutulog sa alabok, at kayo’y magsibangon!” Sa buong lapad at lawak ng lupa, ay maririnig ng mga patay ang tinig na iyon; at ang mga nakarinig ay mangabubuhay. At ang buong lupa ay uugong sa yabag ng napakalaking hukbo na mula sa bawat bansa, lipi, wika, at bayan. Mula sa bilangguan ng kamatayan ay nagsilabas sila, na nararamtan ng walang-kamatayang kaluwalhatian, na sumisigaw, “O kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay? O kamatayan, nasaan ang iyong tibo?” (1 Corinto 15:55). At pinagsama ng mga nabubuhay na matuwid at ng mga binuhay na banal ang kanilang tinig sa isang mahaba’t masayang sigawan ng pagtatagumpay. ADP 369.2
Lahat ay lumabas sa kanilang libingan na ganon pa rin ang taas noong sila’y nahimlay sa kanilang puntod. Si Adan na nakatayo kasama ng binuhay na karamihan, ay napakatangkad at marangal ang anyo, mababa lang nang kaunti sa Anak ng Diyos. Ipinapakita niya ang kapansinpansing kaibahan sa mga tao ng mas huling henerasyon; sa isang bagay na ito ay ipinapakita ang napakalaking inilubha ng sangkatauhan. Ngunit ang lahat ay bumangong taglay ang kasiglaha’t lakas ng walang-hanggang kabataan. Nang pasimula, ang tao ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos, hindi lamang sa karakter, kundi pati sa anyo at hitsura. Ang banal na larawan ay sinira at halos pawiin na ng kasalanan; ngunit si Cristo ay dumating upang ibalik kung anong nawala. Babaguhin Niya ang hamak nating katawan, at gagawin itong katulad ng Kanyang maluwalhating katawan. Ang may-kamataya’t nabubulok na anyo, na walang kagandahan, at dati’y marumi dahil sa kasalanan, ay magiging sakdal, maganda, at walang-kamatayan. Lahat ng kapintasan at kapangitan ay maiiwan sa libingan. Kapag naibalik na sa puno ng buhay sa matagal nang nawalang Eden, ang mga natubos ay lalago tungo sa buong antas ng kakayahan ng sangkatauhan noong kauna-unahang kaluwalhatian nito. Ang huling nananatiling bakas ng sumpa ng kasalanan ay aalisin na, at ang mga tapat na mananampalataya ni Cristo ay lilitaw sa “kagandahan ng Panginoong aming Diyos” (Awit 90:17), sa isipan at kaluluwa at katawan ay ipinapakita ang sakdal na larawan ng kanilang Panginoon. O kahanga-hangang pagtubos! Matagal na pinag-uusapan, matagal na inaasahan, binubulay-bulay nang may nananabik na paghihintay, ngunit hindi lubos na nauunawaan. ADP 369.3
Ang mga nabubuhay na matuwid ay binago “sa isang saglit, sa isang kisapmata” (1 Corinto 15:52). Sa tinig ng Diyos sila’y naluwalhati; ngayon sila’y ginawang walang-kamatayan, at kasama ng mga banal na binuhay ay inagaw upang salubungin ang kanilang Panginoon sa papawirin. Tinipon ng mga anghel “ang Kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila” (Mateo 24:31). Ang mga maliliit na bata ay dinala ng mga banal na anghel sa bisig ng kani-kanilang nanay. Ang mga magkakaibigang matagal na pinaghiwalay ng kamatayan ay muling nagsama-sama, hindi na magkakahiwalay pa kailanman, at magkakasamang nagsiakyat sa lunsod ng Diyos nang may awit ng kagalakan. ADP 369.4
Sa magkabilang gilid ng alapaap na karwahe ay may mga pakpak, at sa ilalim nito ay may mga buhay na gulong; at habang ang karwahe ay gumugulong paitaas, ang mga gulong na ito ay sumisigaw, “Banal,” at ang mga pakpak habang pumapagaspas ay sumisigaw, “Banal,” at ang mga abay na anghel ay sumisigaw, “Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa Lahat.” At ang mga natubos ay sumisigaw ng, “Aleluia!” habang ang karwahe ay patuloy na umaandar patungong Bagong Jerusalem. ADP 370.1
Bago pumasok sa lunsod ng Diyos, ipinagkaloob ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tagasunod ang mga simbolo ng pagtatagumpay, at sinuutan sila ng sagisag ng kanilang makaharing katayuan. Ang mga nagkikislapang hanay ay parisukat na inihilera sa palibot ng kanilang Hari, na ang anyo ay mas mataas at marangal kaysa mga banal at mga anghel, at ang mukha ay nakangiti sa kanila na puspos ng mabiyayang pag-ibig. Sa buong di-mabilang na karamihan ng mga natubos, ang bawat titig ay nakapako sa Kanya, bawat mata ay minasdan ang Kanyang kaluwalhatian na “ang...anyo ay napinsalang lubha, halos hindi na anyo ng tao, na hindi makilalang tao, at ang Kanyang hugis ay higit kaysa mga anak ng tao” (Isaias 52:14). At sa ulo ng mga nagtagumpay ay inilagay ng sariling kanang kamay ni Jesus ang korona ng kaluwalhatian. Para sa bawat isa ay may isang korona, na nagtataglay ng sarili niyang “bagong pangalan” (Apocalipsis 2:17), at may nakaukit na, “Banal sa Panginoon.” Sa bawat kamay ay inilagay ang palma ng nagtagumpay at ang kumikinang na alpa. At nang kalabitin ng mga namumunong anghel ang nota, ang bawat kamay ay buong kahusayang kinalabit ang mga kuwerdas ng kanyang alpa, naglabas ng kalugud-lugod na musika sa maringal at matamis na himig. Pinuspos ng di-mabigkas na katuwaan ang bawat puso, at ang bawat tinig ay inilakas sa nagpapasalamat na pagpupuri: “Doon sa umiibig sa atin, at sa nagpalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang dugo; at ginawa tayong kaharian, mga pari sa Kanyang Diyos at Ama; sumakanya ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailanpaman” (Apocalipsis 1:5, 6). ADP 370.2
Nasa harapan ng napakaraming taong tinubos ang banal na lunsod. Maluwang na binuksan ni Jesus ang mga pintuang perlas, at ang mga taong nag-ingat sa katotohanan ay nagsipasok. Doo’y namasdan nila ang Paraiso ng Diyos, ang tahanan ni Adan noong hindi pa siya nagkakasala. At pagkatapos, ang tinig na iyon, na napakalamig kaysa alinmang musikang napakinggan ng tao ay narinig na nagsasabi, “Ang pakikilaban ninyo ay tapos na.” “Halikayo, mga pinagpala ng Aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan” (Mateo 25:34). ADP 370.3
Ngayon ay natupad na ang panalangin ng Tagapagligtas para sa Kanyang mga alagad. “Nais Kong ang mga ibinigay Mo sa Akin ay makasama Ko kung saan Ako naroroon.” “Walang kapintasan sa harapan ng Kanyang kaluwalhatian na may malaking kagalakan” (Judas 24). Iniharap ni Cristo sa Ama ang mga binili ng Kanyang dugo, na nagsasabi, “Narito Ako, at ang mga anak na ibinigay Mo sa Akin.” “Iningatan Ko...sila na ibinigay Mo sa Akin” (Juan 17:12). O, kahanga-hangang tumutubos na pag-ibig! Anong labis na kagalakan ng oras na iyon kapag napagmasdan ng walang-hanggang Ama ang Kanyang larawan pagkatingin sa mga tinubos, ang sigalot ng kasalanan ay napawi na, ang dungis nito ay inalis na, at ang tao ay kaayon na uli ng Diyos. ADP 370.4
Taglay ang di-mabigkas na pag-ibig, inanyayahan ni Jesus ang mga tapat niyang anak sa “kagalakan ng kanilang Panginoon.” Ang kagalakan ng Tagapagligtas ay ang makita sa kaharian ng kaluwalhatian ang mga kaluluwang nailigtas ng Kanyang paghihirap at pagpapakababa. At ang mga tinubos ay makikibahagi sa Kanyang kagalakan kapag nakita nilang kasama sa mga pinagpala yung mga nahikayat nila kay Cristo sa pamamagitan ng kanilang mga panalangin, ng kanilang mga paglilingkod, at ng mapagmahal nilang pagsasakripisyo. Habang sila’y nagtitipon sa palibot ng malaking puting trono, di-maipahayag na katuwaan ang pumuno sa kanilang puso, nang makita nila yung mga nahikayat nila kay Cristo, at malaman na ang isa ay nakahikayat ng iba pa, at ang ibang ito’y nakahikayat ng iba pa rin, at silang lahat ay naisama sa santuwaryo ng kapayapaan, upang doo’y ilapag ang kanilang mga korona sa paanan ni Jesus, at purihin Siya sa buong walang-katapusang pag-inog ng walang-hanggan. ADP 370.5
Samantalang malugod na tinatanggap sa lunsod ng Diyos ang mga natubos, may isang napakasayang sigaw ng pagsamba na umalingawngaw sa papawirin. Ang dalawang Adan ay magkikita na. Ang Anak ng Diyos ay nakatayo na nakaunat ang mga kamay upang tanggapin ang ama ng ating lahi—ang taong nilikha Niya, na nagkasala sa Lumikha sa kanya, at dahil sa kanyang kasalanan ay tinaglay ng Tagapagligtas sa Kanyang katawan ang mga bakas ng pagkapako sa krus. Nang makita ni Adan ang mga bakas ng malulupit na pako, hindi niya niyakap ang kanyang Panginoon kundi sa pagpapakumbaba ay nagpatirapa siya sa Kanyang paanan, na sumisigaw, “Karapat-dapat, karapat-dapat ang Korderong pinatay!” Buong pagmamahal siyang itinindig ng Tagapagligtas, at hiniling na pagmasdan niyang muli ang tahanang Eden na dito’y napakatagal nang panahong siya’y napalayas. ADP 371.1
Nang siya’y mapalayas sa Eden, ang buhay ni Adan sa lupa ay nalipos ng kalungkutan. Ang bawat natutuyong dahon, bawat handog na isinasakripisyo, bawat kasiraan sa napakagandang mukha ng kalikasan, bawat bahid sa kalinisan ng tao, ay isang sariwang paalaala sa kanyang kasalanan. Napakatindi ng kirot ng pagsisisi habang nakikita niya ang pagsagana ng kasamaan, at bilang tugon sa kanyang mga babala, siya’y sinalubong ng mga paninising ibinato sa kanya dahil sa pagiging sanhi ng kasalanan. Sa mapagtiis na kapakumbabaan ay binata niya ang kaparusahan ng pagsalangsang sa loob ng halos 1,000 taon. Buong katapatan niyang pinagsisihan ang kanyang kasalanan, at nagtiwala sa mga kakamtin ng ipinangakong Tagapagligtas, at siya’y namatay nang may pag-asa sa pagkabuhay na muli. Tinubos ng Anak ng Diyos ang kabiguan at pagkakasala ng tao; at ngayon, sa pamamagitan ng gawain ng pagtubos, si Adan ay muling ibinalik sa dati niyang pamamahala. ADP 371.2
Lipos ng kagalakan, pinagmasdan niya ang mga punungkahoy na dati’y malaki niyang kasiyahan—ang mga punungkahoy mismo na ang bunga’y siya mismo ang pumipitas noong mga panahon ng kagalaka’t kawalang-kasalanan niya. Nakita niya ang mga baging na sariling kamay niya ang nag-alaga, ang mga bulaklak mismo na dati’y gustung-gusto niyang alagaan. Nahagip ng kanyang isipan ang realidad ng tagpong iyon; naunawaan niya na ito nga ang dating Eden na muling ibinalik, mas maganda ngayon kaysa noong siya’y palayasin dito. Dinala siya ng Tagapagligtas sa puno ng buhay, at pumitas ng maluwalhating bunga nito at sinabihan siyang kumain. Tumingin siya sa palibot at nakita ang napakaraming kapamilya niya na natubos, nakatayo sa Paraiso ng Panginoon. Pagkatapos ay inilapag niya ang kumikinang niyang korona sa paanan ni Jesus at yumakap sa dibdib ng Manunubos. Kinalabit niya ang gintong alpa, at sa buong kalangitan ay umalingawngaw ang matagumpay na awit: “Karapat-dapat, karapat-dapat, karapat-dapat ang Kordero na pinatay, at muling nabuhay!” Ipinagpatuloy ng pamilya ni Adan ang pag-awit, at inilapag ang kanilang mga korona sa paanan ng Tagapagligtas habang sila’y yumuyukod sa Kanya bilang pagsamba. ADP 371.3
Ang pagkikita-kitang ito ay nasaksihan ng mga anghel na umiyak dahil sa pagkakasala ni Adan, at nagdiwang nang si Jesus ay umakyat sa langit pagkatapos ng muling pagkabuhay, nang mabuksan ang libingan para sa lahat ng sasampalataya sa Kanyang pangalan. Ngayo’y nakita nilang tapos na ang gawain ng pagtubos, at sila’y nakisama sa awitin ng pagpupuri. ADP 371.4
Sa ibabaw ng dagat na kristal na nasa harapan ng trono, ang dagat na bubog na iyon na parang nahahaluan ng apoy—na napakakinang sa kaluwalhatian ng Diyos—ay nagtipun-tipon ang grupo ng “mga dumaig sa [hayop] at sa larawan nito, at sa bilang ng pangalan nito.” Kasama ng Kordero ay tumayo sila sa Bundok ng Zion, “may hawak na mga alpa ng Diyos,” ang 144,000 na tinubos mula sa mga tao; at doo’y narinig ang “mga manunugtog na tumutugtog ng kanilang mga alpa,” na gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malakas na kulog. At sila’y umawit ng “isang bagong awit” sa harapan ng trono, isang awit na walang sinuman ang makakaalam maliban sa 144,000. Iyon ay ang awit ni Moises at ng Kordero—isang awit ng pagliligtas. Wala nang iba kundi ang 144,000 lang ang makakaalam ng awit na iyon; sapagkat ito’y awit ng kanilang karanasan—isang karanasang hindi kailanman naranasan ng ibang grupo. “Ang mga ito’y ang mga sumusunod sa Kordero saan man Siya magtungo.” Ang mga ito, palibhasa’y dinalang buhay sa langit mula sa lupa, ay ibinilang na “unang bunga sa Diyos at sa Kordero” (Apocalipsis 15:2, 3; 14:1-5). “Ang mga ito ang nanggaling sa malaking kapighatian;” sila’y dumaan sa panahon ng kaguluhan na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng bansa; tiniis nila ang matinding hirap ng panahon ng kabagabagan ni Jacob; sila’y tumayo nang walang tagapamagitan hanggang sa huling pagbuhos ng mga kahatulan ng Diyos. Ngunit sila’y iniligtas, sapagkat sila’y “naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero.” “Sa kanilang bibig ay walang natagpuang kasinungalingan; sila’y mga walang dungis” sa harap ng Diyos. “Kaya’t sila’y nasa harapan ng trono ng Diyos at naglilingkod sa Kanya araw at gabi sa Kanyang templo; at Siyang nakaupo sa trono ay kakanlungan sila.” Nakita nila kung paano winasak ng taggutom at salot ang lupa, ang araw na may kapangyarihang pasuin ang mga tao sa pamamagitan ng matinding init, at sila mismo ay nagtiis ng paghihirap, gutom, at uhaw. Subalit “sila’y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw man; ni...tatamaan ng araw, o ng anumang nakakapasong init, sapagkat ang Kordero na nasa gitna ng trono ay Siyang magiging pastol nila, at sila’y papatnubayan patungo sa mga bukal ng tubig ng buhay; at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata” (Apocalipsis 7:14-17). ADP 371.5
Sa lahat ng panahon, ang lahat ng pinili ng Tagapagligtas ay tinuruan at sinanay sa paaralan ng pagsubok. Sila’y lumakad sa masisikip na landas sa lupa; sila’y dinalisay sa hurno ng paghihirap. Alang-alang kay Jesus ay pinagtiisan nila ang pagsalungat, pagkamuhi, at paninirang-puri. Sila’y sumunod sa Kanya hanggang sa matitinding labanan; nagtiis sila ng pagtanggi sa sarili at dumanas ng masasaklap na kabiguan. Sa pamamagitan ng sarili nilang masasaklap na karanasan ay nalaman nila ang kasa-maan ng kasalanan, ang kapangyarihan nito, ang bigat nito, at kasawian nito; at kinasuklaman nila ito. Ang pagkadama sa sukdulang sakripisyong ginawa upang lunasan ito, ay nagpababa sa kanila sa sarili nilang paningin, at pumuno sa kanilang puso ng pagpapasalamat at pagpupuri, na hindi maunawaan nung mga hindi nagkasala. Sila’y nagmamahal nang labis, sapagkat sila’y pinatawad nang labis. Yamang naging kabahagi ng mga pagdurusa ni Cristo, sila’y angkop na makabahagi Niya sa Kanyang kaluwalhatian. ADP 372.1
Ang mga tagapagmana ng Diyos ay galing sa mga taguan, sa mga dampa, sa mga bilangguan, sa mga bitayan, sa mga kabundukan, sa mga ilang, sa mga yungib ng lupa, at sa mga kuweba sa dagat. Dito sa mundo sila’y “naghihirap, pinag-uusig, inaapi.” Milyun-milyon ang nahimlay na binuntunan ng kawalang-hiyaan, dahil matibay silang tumangging padaig sa mga mapandayang sinasabi ni Satanas. Sila’y hinatulan ng mga hukuman sa lupa bilang pinakamasama sa lahat ng kriminal. Ngunit ngayon “ang Diyos ay Siyang hukom” (Awit 50:6). Ang mga desisyon ng mundo ay nabaligtad ngayon. “Ang paghamak sa Kanyang bayan ay maaalis sa buong lupa” (Isaias 25:8). “At sila’y tatawaging ‘Ang banal na bayan, Ang tinubos ng Panginoon’ ” (Isaias 62:12). Itinakda Niyang “bigyan sila ng putong na bulaklak sa halip na mga abo, sa halip na pagtangis ay langis ng kagalakan, sa halip na lupaypay na diwa ay damit ng kapurihan” (Isaias 61:3). Hindi na sila mahihina, pinahihirapan, kalat-kalat, at inaapi. Mula ngayon ay kapiling na sila ng Panginoon magpakailanman. Nakatayo sila sa harapan ng trono na nakasuot ng mas maririwasang damit kaysa sa naisuot ng mga pinakamarangal na tao sa lupa. Kinoronahan sila ng mga diyademang mas maringal kaysa sa anumang nailagay sa ulo ng mga hari sa lupa. Ang panahon ng paghihirap at pagtangis ay tapos na kailanpaman. Pinahid na ng Hari ng kaluwalhatian ang mga luha sa lahat ng pisngi; bawat dahilan ng kalungkutan ay inalis na. Sa gitna ng pagwawagayway ng mga palapa ng palma ay ibinuhos nila ang awit ng pagpuri, malinaw, masarap pakinggan, at walang sintunado; bawat tinig ay sumama sa pag-awit hanggang sa mapuno ang buong kalangitan ng awitin, “Ang pagliligtas ay sa aming Diyos na nakaupo sa trono, at sa Kordero!” At ang lahat ng naninirahan sa langit ay tumugon sa pagpaparangal na ito, “Amen! Ang pagpapala, kaluwalhatian, karunungan, pagpapasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan, ay sa aming Diyos magpakailanpaman” (Apocalipsis 7:10, 12). ADP 372.2
Sa buhay na ito ay simula pa lamang nating nauunawaan ang kahanga-hangang paksa ng pagtubos. Sa pamamagitan ng may-hangganan nating kaunawaan ay maaari nating pinakataimtim na pag-aralan ang kahihiyan at ang kaluwalhatian, ang buhay at ang kamatayan, ang katarungan at ang kahabagan, na nagsalubong sa krus; ngunit sa sukdulang maaabot ng kakayahan ng ating isipan ay hindi natin maunawaan ang buong kabuluhan nito. Ang haba’t luwang, ang lalim at taas, ng tumutubos na pag-ibig ay bahagya lamang na nauunawaan. Ang panukala ng pagtubos ay hindi lubusang mauunawaan, maging sa panahong ang mga tinubos ay makakita kung paanong sila’y nakita at makakilala kung paanong sila’y nakilala; subalit sa buong walang-hanggang panahon, ang bagong katotohanan ay patuloy na mabubuksan sa nagtataka at naliligayahang isipan. Bagama’t tapos na ang mga kalungkutan at mga paghihirap at mga tukso sa lupa, at naalis na rin ang sanhi nito, ang bayan ng Diyos ay magkakaroon magpakailanman ng isang malinaw at matalinong pagkaalam sa naging halaga ng kanilang kaligtasan. ADP 373.1
Ang krus ni Cristo ang siyang magiging siyensya at awit ng mga natubos sa buong walang-hanggan. Sa Cristong niluwalhati ay makikita nila ang Cristong napako. Hindi malilimutan kailanman, na Siyang may kapangyarihang lumikha at umalalay sa di-mabilang na daigdig sa napakalaking sakop ng kalawakan, ang Pinakamamahal ng Diyos, ang Kamahalan ng langit, Siyang kinalulugdang sambahin ng mga kerubin at ng mga kumikinang na serafin—ay nagpakababa upang iangat ang nagkasalang tao; hindi malilimutan na Kanyang binata ang bigat at kahihiyan ng kasalanan, at ang pagkukubli ng mukha ng Kanyang Ama, hanggang durugin ng mga kasawian ng isang napahamak na sanlibutan ang Kanyang puso, at kitilin ang Kanyang buhay doon sa krus ng Kalbaryo. Ang katotohanang iiwanan ng Lumikha ng lahat ng daigdig, ng Tagapagpasya ng lahat ng kahahantungan, ang Kanyang kaluwalhatian, at ibababa ang Kanyang sarili dahil sa pag-ibig Niya sa tao, ay palaging gigising sa pagkamangha at pagsamba ng sansinukob. Habang nakatingin ang buong bayan ng naligtas sa kanilang Manunubos, at minamasdan ang walang-hanggang kaluwalhatian ng Ama na nagliliwanag sa Kanyang mukha; habang minamasdan nila ang Kanyang tronong mula sa walang-hanggan hanggang sa walang-hanggan, at nalalamang ang Kanyang kaharian ay hindi magwawakas, sila’y bumulalas sa napakaligayang awitan, “Karapat-dapat, karapat-dapat ang Korderong pinatay, at tinubos tayo sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang napakahalagang dugo!” ADP 373.2
Ang hiwaga ng krus ang nagpapaliwanag sa lahat ng iba pang hiwaga. Sa liwanag na nagmumula sa Kalbaryo, ang mga katangian ng Diyos na lumipos sa atin ng takot at sindak ay lumilitaw na napakaganda at kaakit-akit. Ang kahabagan, kabaitan, at pagmamahal na gaya ng sa magulang ay nakikitang kahalo ng kabanalan, katarungan, at kapangyarihan. Samantalang minamasdan natin ang kadakilaan ng Kanyang trono, na mataas at nakaangat, ay makikita natin ang Kanyang karakter sa mga mabiyayang pagtatanghal nito, at ngayon lang mauunawaan, ang kabuluhan ng mapagmahal na taguring iyon na, “Ama Namin.” ADP 373.3
Doo’y makikita, na Siyang walanghanggan sa karunungan, ay wala nang ibang panukalang magagawa para sa kaligtasan natin maliban sa pagsasakripisyo sa Kanyang Anak. Ang kapalit ng pagsasakripisyong ito ay ang kaligayahan na makitang ang lupa ay pinaninirahan ng mga taong natubos, banal, maligaya, at walang-kamatayan. Ang bunga ng pakikilaban ng Tagapagligtas sa mga kapangyarihan ng kadiliman ay ang kaligayahan ng mga tinubos, na magdudulot ng kaluwalhatian sa Diyos sa buong walang-hanggan. At ganon na lamang ang halaga ng isang kaluluwa anupa’t ang Ama ay nasiyahan sa halagang ibinayad; at si Cristo mismo, pagkakita sa mga bunga ng Kanyang dakilang sakripisyo, ay nasiyahan. ADP 373.4