Ang Dakilang Pag-Asa

38/44

36—Ang Napipintong Labanan

Mula pa sa pinakasimula ng malaking tunggalian sa langit ay layunin na ni Satanas na ibagsak ang kautusan ng Diyos. Siya ay naghimagsik sa Manlalalang upang maisakatuparan ang layuning ito; at bagaman napalayas siya sa langit, ipinagpatuloy pa rin niya ang pakikipaglabang iyon dito sa lupa. Ang dayain ang mga tao, at sa gayo’y mapalabag sila sa kautusan ng Diyos ay siyang layuning walang-tigil niyang itinataguyod. Maisagawa man ito sa pamamagitan ng pagtatakwil sa buong kautusan, o kaya’y sa isa lang sa mga utos nito, ang kalalabasan sa huli ay pareho lang. Sinumang lumalabag “sa isa” ay nagpapakita ng paghamak sa buong kautusan; ang kanyang impluwensya’t halimbawa ay nasa panig ng paglabag; siya’y “nagkakasala sa lahat” (Santiago 2:10). ADP 333.3

Sa pagsisikap na hamakin ang mga batas ng Diyos, binigyan ni Satanas ng maling pakahulugan ang mga doktrina ng Biblia, at sa gayo’y naisama ang mga kamalian sa pananampalataya ng libu-libong nagsasabing naniniwala sa Kasulatan. Ang huling malaking paglalaban ng katotohanan at kamalian ay pangwakas na pagpupunyagi lamang ng matagal nang tunggalian na may kinalaman sa kautusan ng Diyos. Pumapasok na tayo ngayon sa labanang ito—isang labanan sa pagitan ng mga kautusan ng tao at ng mga utos ni Jehova, sa pagitan ng relihiyon ng Biblia at ng relihiyon ng kasinungalingan at tradisyon. ADP 333.4

Ang mga ahensyang magsasama-sama laban sa katotohanan at katuwiran sa labanang ito ay masigasig na ngayong gumagawa. Ang Banal na Salita ng Diyos, na ipinamana sa atin kapalit ng lubhang paghihirap at dugo, ay hindi gaanong pinahahalagahan. Ang Biblia ay abot-kamay ng lahat, ngunit iilan lang ang talagang tumatanggap dito bilang gabay ng buhay. Ang kawalan ng paniniwala ay lumalaganap sa nakakabahalang lawak, hindi lamang sa sanlibutan, kundi pati na sa loob ng iglesya. Marami na ang ayaw maniwala sa mga doktrinang pinakahaligi ng pananampalatayang Kristiyano. Ang mga dakilang katotohanan ng Paglalang ayon sa ipinahayag ng mga kinasihang manunulat, ang pagkakasala ng tao, ang pagtubos, at ang walang-hanggang pananatili ng kautusan ng Diyos, buo man o bahagi nito, ay talagang itinatakwil ng malaking bahagi ng nagsasabing sanlibutang Kristiyano. Itinuturing ng libu-libong tao na nagmamapuri sa kanilang karunungan at kasarinlan na katibayan ng kahinaan ang maglagak ng lubos na tiwala sa Biblia; inaakala nilang katunayan ng mas mahusay na katalinuhan at kaalaman ang pintasan ang mga Kasulatan, at bigyan ng espirituwal na kahulugan at walaing-kabuluhan ang pinakamahahalagang katotohanan nito. Maraming ministro ang nagtuturo sa kanilang mga kaanib, at maraming propesor at guro ang nagtuturo sa kanilang mga estudyante, na ang kautusan daw ng Diyos ay binago na o kaya’y pinawalang-bisa na; at yung mga kumikilalang may-bisa pa rin hanggang ngayon ang mga utos nito, upang sundin nang walang labis at walang kulang, ay ipinalalagay na karapat-dapat lang na laitin at hamakin. ADP 333.5

Sa pagtakwil sa katotohanan ay itinatakwil ng mga tao ang May-akda nito. Sa pagyurak sa kautusan ng Diyos ay tinatanggihan nila ang kapangyarihan ng Tagapagbigay ng kautusan. Kasindali lang ng paggawa ng diyus-diyosang kahoy o bato ang paggawa ng diyus-diyosang mga maling doktrina at haka-haka. Sa pamamagitan ng maling paglalarawan sa mga katangian ng Diyos ay inaakay ni Satanas ang mga tao na isipin Siya sa isang maling katangian. Sa maraming tao ay nakadambana ang diyus-diyosang pilosopiya kapalit ni Jehova; samantalang ang buhay na Diyos, ayon sa nahahayag sa Kanyang Salita, kay Cristo, at sa mga nilikha, ay sinasamba ng iilan lamang. Libulibong tao ang sumasamba sa kalikasan samantalang itinatakwil nila ang Diyos ng kalikasan. Bagama’t nasa iba’t ibang anyo, ang pagsamba sa diyus-diyosan ay umiiral ngayon sa Kristiyanismo na kasintotoo ng pag-iral nito sa gitna ng sinaunang Israel noong panahon ni Elias. Ang diyos ng karamihang nagpapanggap na matatalinong tao, ng mga pilosoper, makata, pulitiko, mamamahayag—ang diyos ng mga grupong maypinag-aralan at maka-uso, ng maraming kolehiyo at unibersidad, at ng ilan pa ngang institusyon ng teolohiya—ay maganda lang nang kaunti kaysa kay Baal, ang diyos na araw ng mga taga-Phoenicia. ADP 334.1

Wala nang tinanggap na kamalian ang Kristiyanismo na mas mapangahas pang umaatake sa kapamahalaan ng Langit, wala nang mas tuwirang salungat sa mga dikta ng pangangatwiran, wala nang mas nakakapinsala pa ang mga resulta, kaysa sa makabagong doktrinang napakabilis na lumalaganap: na ang kautusan daw ng Diyos ay hindi na dapat sundin ng mga tao. Ang bawat bansa ay may sarili nitong mga batas, na hinihingi ang paggalang at pagsunod; walang pamahalaang puwedeng lumitaw nang wala ang mga ito; at maaari kayang isipin na ang Lumikha ng langit at lupa ay walang kautusang namamahala sa mga nilalang na Kanyang nilikha? Halimbawa kayang hayagang ituro ng mga tanyag na ministro na ang mga batas na namamahala sa kanilang bansa at nagbabantay sa mga karapatan ng mga mamamayan nito ay hindi na kailangan—na hinihigpitan ng mga ito ang kalayaan ng mga tao, at dahil dito’y hindi na dapat sundin; gaano kaya katagal na pahihintulutan sa pulpito ang mga taong iyan? Subalit mas mabigat na kasalanan ba ang bale-walain ang mga batas ng mga gobyerno at mga bansa kaysa yurakan ang mga utos na iyon ng Diyos na siyang saligan ng lahat ng pamahalaan? ADP 334.2

Mas makatwiran pang alisin ng mga bansa ang kanilang mga batas, at hayaan ang mga taong gawin ang gusto nila, kaysa ipawalang-bisa ng Pinuno ng sansinukob ang Kanyang kautusan at hayaang walang pamantayan ang sanlibutan para hatulan ang nagkasala o ipawalang-sala ang masunurin. Gusto ba nating malaman ang resulta ng pagpapawalang-bisa sa kautusan ng Diyos? Nasubukan na ang eksperimentong ito. Kahila-hilakbot ang mga eksenang natanghal sa France nang ang ateismo ay maghari. Naipakita noon sa sanlibutan na ang pag-alis sa mga pagbabawal na inilagay ng Diyos ay pagtanggap sa pamumuno ng pinakamalulupit na pinuno. Kapag isinaisantabi ang pamantayan ng katuwiran, ang daan ay bukas para itatag ng prinsipe ng kasamaan ang kanyang kapangyarihan sa lupa. ADP 334.3

Saan man tinatanggihan ang mga banal na utos, ang kasalanan ay hindi na nagmumukhang masama, o kanais-nais man ang katuwiran. Yung mga ayaw magpasakop sa pamamahala ng Diyos ay lubos na walang-kakayahang pamahalaan ang kanilang sarili. Dahil sa mga mapaminsalang turo nila, ang espiritu ng katigasan ng ulo ay natatanim sa puso ng mga bata’t kabataan, na likas na naiinis sa pagsupil; at ang nagiging resulta ay isang walang-kinikilalang batas at mahalay na kalagayan ng lipunan. Habang kinukutya ang kadaliang maniwala nung mga sumusunod sa mga utos ng Diyos, sabik namang tinatanggap ng karamihan ang mga pagliligaw ni Satanas. Binabayaan nila ang kasakiman, at ginagawa ang mga kasalanang nagdulot ng mga kahatulan sa mga pagano. ADP 335.1

Yung mga nagtuturo sa mga tao na maliitin ang mga utos ng Diyos, ay naghahasik ng kasuwailan, upang umani ng kasuwailan. Alisin lang nang lubusan ang pagbabawal na ipinatutupad ng kautusan ng Diyos, at dimagtatagal ay babale-walain na rin ang mga batas ng tao. Dahil ipinagbabawal ng Diyos ang mga di-tapat na gawain, kasakiman, pagsisinungaling, at pandaraya, ang mga tao’y handang yurakan ang Kanyang mga utos bilang sagabal sa makasanlibutan nilang kasaganaan; ngunit ang mga ibubunga ng pagwawaksi sa mga utos na ito ay magiging kagaya ng di nila inaasahan. Kung ang kautusan ay hindi na umiiral, bakit matatakot ka pang lumabag? Ang mga pag-aari ay hindi na ligtas. Kukunin na ng mga tao ang mga ari-arian ng kapwa nila sa pamamagitan ng dahas; at ang mga pinakamalalakas ang siyang magiging pinakamayayaman. Ang buhay mismo ay hindi na igagalang. Ang sumpaan ng pag-aasawa ay hindi na mananatiling banal na muog na magsasanggalang sa pamilya. Ang merong kapangyarihan, kung gugustuhin niya, ay kukunin ang asawa ng kanyang kapwa sa pamamagitan ng dahas. Ang ikalimang utos ay itatakwil kasama ng ikaapat. Ang mga anak ay hindi na matatakot na patayin ang kanilang mga magulang kung sa ganong paraan ay makukuha nila ang gusto ng tiwali nilang puso. Ang sibilisadong sanlibutan ay magiging kawan ng mga magnanakaw at mamamatay-tao; at ang kapayapaan, katahimikan, at kaligayahan ay mawawala na sa lupa. ADP 335.2

Ngayon pa lang ay pinahina na ng doktrina na ang mga tao ay malaya na raw mula sa pagsunod sa mga utos ng Diyos ang puwersa ng katungkulang moral, at binuksan ang pintuan ng kasamaan sa sanlibutan. Ang kawalang-kautusan, pagkagumon sa kasamaan, at katiwalian ay tumatangay sa atin gaya ng isang napakalakas na agos. Sa pamilya ay gumagawa si Satanas. Ang kanyang bandila ay wumawagayway maging sa mga nagsasabing Kristiyanong sambahayan. Merong inggitan, masamang pagsususpetsa, pagpapakitang-tao, pagkakalayo ng damdamin, hangaring higitan ang iba, pag-aaway, pagtataksil sa banal na tungkulin, pagpapalayaw sa hilig. Ang buong sistema ng mga prinsipyo at doktrinang panrelihiyon, na dapat sanang bumuo sa pundasyon at balangkas ng pamumuhay sa lipunan, ay parang hahapayhapay nang bunton, na malapit nang bumagsak. Ang pinakamasamang kriminal, kapag ipinakulong dahil sa kanilang mga kasalanan, ay kadalasang tumatanggap ng mga regalo at atensyon, na para bang sila’y nagtamo ng nakakainggit na karangalan. Malaking publisidad ang ibinibigay sa kanilang pagkatao at krimen. Inilalathala ng mga pahayagan ang mga nakakarimarim na detalye ng kasamaan, sa ganong paraan ay iminumulat ang iba sa gawain ng pandaraya, pagnanakaw, at pagpatay; at si Satanas ay tuwang-tuwa sa tagumpay ng kanyang mga makademonyong pakana. Ang pagkahaling sa kasamaan, ang walang-awang pagpatay, ang nakakatakot na pagdami ng kawalang-pagpipigil at kasamaan ng lahat ng uri at antas, ay dapat papagtanungin ang lahat ng natatakot sa Diyos kung ano ang maaaring gawin upang pigilan ang agos ng kasamaan. ADP 335.3

Ang mga hukuman ng paglilitis ay tiwali. Ang mga pinuno ay pinakikilos ng paghahangad na makinabang at ng hilig sa mahalay na kalayawan. Pinalabo ng kawalang-pagpipigil ang isipan ng marami, kung kaya't halos lubusan na silang nakokontrol ni Satanas. Ang mga hukom ay baluktot, nasusuhulan, at naililigaw. Ang paglalasing at kasayahan, pagkahumaling, inggit, at lahat na ng uri ng kawalang-katapatan, ay makikita sa mga nagpapatupad ng batas. “Ang katarungan ay tumatalikod, at ang katuwiran ay tumatayo sa malayo; sapagkat ang katotohanan ay nahulog sa lansangan, at hindi makapasok ang katuwiran” (Isaias 59:14). ADP 335.4

Ang kasamaan at espirituwal na kadilimang lumaganap sa ilalim ng paghahari ng Roma ay walang-pagsalang bunga ng pagsugpo niya sa mga Kasulatan; ngunit saan makikita ang sanhi ng palasak na kawalang paniniwala, ng pagtatakwil sa kautusan ng Diyos, at ng kasamaang ibinunga nito, sa ilalim ng buong ningas na liwanag ng ebanghelyo sa panahong ito ng kalayaang relihiyon? Ngayong hindi na mapigilan ni Satanas ang sanlibutan sa ilalim ng kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagkakait sa mga Kasulatan, gumagamit naman siya ng ibang mga paraan upang maisagawa ang ganon ding layunin. Ang sirain ang pananampalataya sa Biblia ay nagagamit sa kanyang layunin na kapareho rin ng pagsira sa Biblia mismo. Sa pagpapasok ng paniniwala na ang kautusan ng Diyos ay hindi na umiiral, ay mahusay din niyang napapalabag ang mga tao na para rin bang sila’y walang kaalam-alam sa mga alituntunin nito. At ngayon, gaya rin noong nakaraang panahon, siya’y gumawa sa pamamagitan ng iglesya upang isulong ang kanyang mga panukala. Ang mga samahang panrelihiyon ng panahong ito ay ayaw makinig sa mga katotohanang hindi laganap na tinatanggap ngunit malinaw na ipinakikita ng mga Kasulatan, at sa paglaban dito’y gumamit sila ng mga paliwanag at tumanggap ng mga paniniwalang malawak na naghahasik sa mga binhi ng pag-aalinlangan. Dahil nanghahawak sa mga kamalian ng kapapahan ukol sa likas na kawalang-kamatayan ng tao at pagkakaroon ng malay pagkamatay, kanilang itinakwil ang tanging sanggalang laban sa mga pandaraya ng espirituwalismo. Ang doktrina tungkol sa walang-hanggang pagpapahirap ang tumulak sa marami na huwag paniwalaan ang Biblia. At habang iginigiit ang mga karapatan ng ikaapat na utos sa mga tao, natutuklasan na ang pangingilin ng ikapitong araw na Sabbath ay ipinag-uutos nga pala; at bilang tanging paraan upang palayain ang kanilang sarili mula sa isang tungkulin na ayaw nilang gawin, sinasabi ng maraming tanyag na tagapagturo na ang kautusan daw ng Diyos ay hindi na umiiral. Sa ganyang paraan ay inaalis nilang magkasama ang kautusan at ang Sabbath. Habang ang gawain ng reporma ukol sa Sabbath ay nagpapatuloy, ang pagtatakwil na ito sa kautusan ng Diyos upang iwasan ang mga hinihingi ng ikaapat na utos ay magiging halos pambuong sanlibutan. Binuksan ng mga turo ng mga lider ng relihiyon ang pintuan para sa kawalang paniniwala, espirituwalismo, at paghamak sa banal na kautusan ng Diyos; at sa mga lider na ito ay nakaatang ang isang nakakatakot na responsibilidad dahil sa kasamaang umiiral sa daigdig ng Kristiyanismo. ADP 336.1

Subalit ang grupong ito mismo ang naghahain ng pahayag na ang mabilis lumaganap na kasamaan daw ay maiuugnay, higit sa lahat, sa paglapastangan sa tinatawag na “sabbath ng mga Kristiyano,” at ang pagpapatupad sa pangingilin ng Linggo ay magpapabuti nang husto sa moralidad ng lipunan. Ang pahayag na ito ay iginigiit lalo na sa America, kung saan pinakamalawak na ipinangangaral ang doktrina tungkol sa tunay na Sabbath. Sa lugar na ito, ang gawain ukol sa pagpipigil, na isa sa mga pinakatanyag at pinakamahalagang repormang pang-moral, ay kadalasang isinasanib sa kilusang ukol sa Linggo, at ang mga tagapagtaguyod ng kilusang ito ay nagpapakitang sila’y gumagawa upang isulong ang pinakamalaking kapakanan ng lipunan; at yung mga ayaw makisama sa kanila ay tinutuligsang kaaway ng pagpipigil at reporma. Ngunit ang katunayan na naugnay sa isang gawaing mabuti ang isang kilusang nagtatatag ng kamalian ay hindi argumentong panig sa kamalian. Maaari nating ilihim ang lason sa pamamagitan ng paglahok nito sa masustansyang pagkain, ngunit hindi natin mababago ang likas nito. Kataliwas nito, mas mapanganib pa nga ito dahil malamang na may makakain nito nang walang kaalam-alam. Isa sa mga pakana ni Satanas ang maglahok sa kasinungalingan ng katamtamang katotohanan upang ito’y magmukhang parang tama. Ang mga lider ng kilusang ukol sa Linggo ay maaaring magtaguyod ng mga repormang kailangan ng mga tao, mga tuntuning kaayon ng Biblia; subalit habang meron ditong ipinagagawang labag sa kautusan ng Diyos, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi maaaring makisama sa kanila. Walang magpapawalang-sala sa kanila sa pagsasaisantabi nila sa mga utos ng Diyos kapalit ng mga utos ng tao. ADP 336.2

Sa pamamagitan ng dalawang malaking kamaliang ito—ang pagiging walangkamatayan ng tao at ang kabanalan ng Linggo—ihahatid ni Satanas ang mga tao sa ilalim ng kanyang mga pandaraya. Samantalang inilalagay nung una ang saligan ng espirituwalismo, yung pangalawa nama’y lumilikha ng tali ng pakikiisa sa Roma. Ang mga Protestante sa Estados Unidos ang mangunguna sa pag-abot ng kanilang kamay patawid sa malaking pagitan upang hawakang mahigpit ang kamay ng espirituwalismo; sila’y dudukhang sa kabila ng kalaliman upang makipagdaupang-palad sa kapangyarihan ng Roma; at sa ilalim ng impluwensya ng tatlong magkakasanib na ito, ang bansang ito ay susunod na sa mga yapak ng Roma sa pagyurak sa mga karapatan ng budhi. ADP 337.1

Habang mas malapit na ginagaya ng espirituwalismo ang naturingang Kristiyanismo ng panahong ito, ito’y may mas malaking kapangyarihan upang mandaya at manilo. Si Satanas mismo ay nabago na ayon sa modernong kaayusan ng mga ba-gay. Siya’y magpapakita na may katangian ng isang anghel ng liwanag. Sa pamamagitan ng espirituwalismo, siya’y gagawa ng mga himala, ang mga maysakit ay mapapagaling, at maraming kababalaghang hindi maitatanggi ang isasagawa. At dahil ang mga espiritu’y nagsasabing sila’y nanini-wala sa Biblia, at nagpapakita ng paggalang sa mga kostumbre ng simbahan, ang kanilang gawain ay tatanggapin bilang kapahayagan ng kapangyarihan ng Diyos. ADP 337.2

Ang guhit ng pagkakaiba sa pagitan ng mga nagsasabing Kristiyano at ng mga hindi maka-Diyos ay halos hindi na ngayon makita nang maigi. Hilig din ng mga kaanib ng iglesya ang mga kinahihiligan ng sanlibutan, at sila’y laan nang makisama sa kanila; kaya’t binabalak ni Satanas na sila’y pagsamahin sa iisang grupo, at sa gayo’y mapapalakas ang kanyang gawain sa pamamagitan ng pagpalis sa lahat ng tao sa panig ng espirituwalismo. Ang mga makapapa na ipinagmamalaking tiyak daw na palatandaan ng tunay na iglesya ang mga himala, ay madaling madadaya ng kapangyarihang ito na gumagawa ng kababalaghan; at ang mga Protestante, dahil naitakwil na ang sanggalang ng katotohanan ay madadaya rin. Ang mga makapapa, mga Protestante, at mga makasanlibutan ay pare-parehong tatanggap sa anyo ng kabanalan na walang kapangyarihan, at sa pagkakaisang ito ay makikita nila ang isang malaking kilusan para sa pagkahikayat ng sanlibutan, at pagsisimula ng matagal nang hinihintay na milenyo. ADP 337.3

Sa pamamagitan ng espirituwalismo, si Satanas ay lumilitaw na tagapagpala ng sangkatauhan, na nagpapagaling ng karamdaman ng mga tao, at nagkukunwaring naghaharap ng isang bago at mas mataas na sistema ng pananampalatayang relihiyon; ngunit kasabay nito’y gumagawa rin siya bilang tagawasak. Inihahatid ng kanyang mga panunukso ang napakaraming tao sa kapahamakan. Inaalis ng kawalang pagtitimpi ang kakayahang mangatwiran; sumusunod naman ang mahalay na kalayawan, pag-aaway, at pagdanak ng dugo. Si Satanas ay nalulugod sa digmaan; sapagkat ginigising nito ang pinakamasasamang damdamin ng kaluluwa, at pagkatapos ay papalisin sa walang-hanggan ang bik-tima nitong tigmak sa kasamaan at dugo. Layunin niyang sulsulan ang mga bansa na makipagdigmaan sa isa’t isa; sapagkat sa gayo’y naibabaling niya ang isipan ng mga tao mula sa gawain ng paghahanda upang makatayo sa araw ng Diyos. ADP 337.4

Si Satanas ay gumagawa rin sa pamamagitan ng mga elemento upang matipon niya ang kanyang naaning mga kaluluwang hindi handa. Pinag-aralan niya ang mga lihim ng mga laboratoryo ng kalikasan, at ginagamit niya ang buo niyang kapangyarihan upang kontrolin ang mga elemento hanggang sa ipinahihintulot sa kanya ng Diyos. Nang siya’y hayaang pahirapan si Job, anong bilis na napalis ang mga kawan ng tupa’t baka, mga alipin, mga bahay, mga anak, sunud-sunod ang sakuna na para bang saglit lang. Ang Diyos ang nagsasanggalang sa Kanyang mga nilikha, at binabakuran sila mula sa kapangyarihan ng tagawasak. Ngunit ang Sangkakristiyanuhan ay nagpakita ng paghamak sa kautusan ni Jehova; at gagawin ng Panginoon kung anong sinabi Niya—babawiin Niya ang Kanyang mga pagpapala sa lupa, at aalisin ang nagsasanggalang Niyang panga-ngalaga doon sa mga naghihimagsik sa Kanyang kautusan, at nagtuturo’t pumipilit sa iba na ganon din ang gawin. Si Satanas ang kumukontrol sa lahat ng hindi espesyal na iniingatan ng Diyos. Tutulungan niya’t pasasaganain ang iba upang maitaguyod ang sarili niyang mga hangarin; at maghahatid naman siya ng kaguluhan sa iba, at papaniwalain ang mga tao na ang Diyos ang nagpapahirap sa kanila. ADP 337.5

Samantalang nagpapakita sa mga tao bilang isang dakilang manggagamot na nakapagpapagaling ng lahat nilang sakit, magdudulot naman siya ng sakit at sakuna, hanggang ang mga mataong siyudad ay maging guho at wasak. Ngayon pa lang ay gumagawa na siya. Sa mga aksidente at mga kalamidad sa dagat at sa lupa, sa malalaking sunog, sa matitinding ipu-ipo’t napakalalakas na pag-ulan ng yelo, sa mga bagyo, baha, buhawi, mga higanteng alon, at mga lindol, sa lahat ng dako at sa libulibong anyo, ay ginagamit ni Satanas ang kanyang kapangyarihan. Sinusuyod niya ang nahihinog nang ani, at kasunod na ang taggutom at kahirapan. Nilalagyan niya ng nakamamatay na karumihan ang hangin at libu-libo ang napapahamak dahil sa salot. Ang mga kapahamakang ito ay magiging mas malimit at mapaminsala. Ang pagkalipol ay sasapit kapwa sa tao at sa hayop. “Ang lupa ay tumatangis at natutuyo,” “ang mapagmataas na bayan...ay lilipas. Ang lupa ay nadumihan ng mga doo’y naninirahan, sapagkat kanilang sinuway ang kautusan, nilabag ang tuntunin, sinira ang walang hanggang tipan” (Isaias 24:4, 5). ADP 338.1

At pagkatapos ay paniniwalain ng dakilang mandarayang ito ang mga tao na yung mga naglilingkod sa Diyos ang sanhi ng mga kasamaang ito. Ipararatang ng mga taong pumukaw sa galit ng Langit ang lahat nilang kabagabagan doon sa mga taong ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay palagiang sumbat sa mga lumalabag dito. Sasabihin nilang ginagalit daw ng mga tao ang Diyos dahil sa paglapastangan sa Linggong sabbath; na ang kasalanang ito raw ang nagdala ng mga kalamidad na hindi titigil hangga’t hindi ipinatutupad nang mahigpit ang pangingilin ng Linggo; at yung mga naglalahad sa mga hinihingi ng ikaapat na utos, na sa ganitong paraan ay sinisira ang paggalang sa Linggo, ay nanggugulo raw sa mga tao, na humahadlang sa pagkakabalik nila sa pabor ng Diyos at sa kasaganaan ng buhay na ito. Kaya’t ang paratang na iginiit noong unang panahon laban sa lingkod ng Diyos ay mauulit, at sa pamamagitan din ng mga katwirang naitatag nang maigi: “Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi ni Ahab sa kanya, ‘Ikaw ba ‘yan, ikaw na nanggugulo sa Israel?’ Siya’y sumagot, ‘Hindi ako ang nanggugulo sa Israel; kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama, sapagkat inyong tinalikuran ang mga utos ng Panginoon, at sumunod sa mga Baal’ ” (1 Hari 18:17, 18). Habang pinupukaw ng mga maling paratang ang galit ng mga tao, sila’y gagawa ng isang hakbang para sa mga kinatawan ng Diyos na katulad na katulad nung ginawa kay Elias ng tumalikod na Israel. ADP 338.2

Ang kapangyarihang gumagawa ng himala na nahayag sa pamamagitan ng espirituwalismo ay gagamit ng impluwensya nito laban doon sa mga pumiling sumunod sa Diyos sa halip na sa mga tao. Ang mga pakikipag-usap sa mga espiritu ay magsasabing sila raw ay isinugo ng Diyos upang kumbinsihin ang mga di-tumanggap sa Linggo na sila’y mali, magpapatotoo na ang mga batas ng pamahalaan ay dapat sundin bilang kautusan ng Diyos. Ipagdadalamhati nila ang malaking kasamaan sa sanlibutan, at papangalawahan ang patotoo ng mga tagapagturo ng relihiyon, na ang mababang kalagayang moral ay sanhi ng paglapastangan sa Linggo. Napakatinding galit ang magigising laban sa lahat ng hindi tatanggap sa kanilang patotoo. ADP 338.3

Ang plataporma ni Satanas sa huling pakikipaglabang ito sa bayan ng Diyos ay kapareho rin ng ginamit niya sa pagsisimula ng malaking tunggalian sa langit. Siya’y nagpanggap na nagsisikap itaguyod ang katatagan ng pamahalaan ng Diyos, habang palihim na ibinubuhos ang lahat ng pagsisikap upang mapabagsak ito. At ang gawain mismong sinisikap niyang maisakatuparan nang ganyan ay ipinararatang niya sa mga tapat na anghel. Ang ganon ding plataporma ng pandaraya ay bakas sa kasaysayan ng Simbahang Romano. Ito’y nagpanggap na gumaganap bilang kahalili ng Langit, samantalang sinisikap na itaas ang sarili nang higit sa Diyos, at baguhin ang Kanyang kautusan. Sa ilalim ng pamumuno ng Roma, yung mga dumanas ng kamatayan dahil sa katapatan nila sa ebanghelyo ay tinuligsa bilang masasamang tao; sinabing sila’y mga kakampi ni Satanas; at lahat ng posibleng paraan ay ginamit upang buntunan sila ng kasiraan, upang sa mata ng mga tao at maging sa sarili nilang paningin ay lumitaw silang pinakamasamang kriminal. Ganyan din naman ngayon. Samantalang sinisikap ni Satanas na lipulin yung mga nagpaparangal sa kautusan ng Diyos, gagawin niyang sila’y maparatangan bilang mga manlalabag ng batas, mga taong lapastangan sa Diyos, at nagdadala ng kahatulan sa sanlibutan. ADP 338.4

Ang Diyos kailanma’y hindi namimilit ng kalooban o konsensya; ngunit ang palaging ginagamit ni Satanas—para makontrol yung mga taong hindi niya masulsulan—ay pamimilit sa pamamagitan ng kalupitan. Sa pamamagitan ng takot at dahas ay sinisikap niyang pamunuan ang konsen-sya, at makuha ang pagsamba sa kanya. Upang maisagawa ito, siya’y gumagawa sa pamamagitan ng pangasiwaan kapwa ng relihiyon at ng pamahalaan, kinikilos sila upang magpatupad ng mga batas ng tao na kasalungat ng kautusan ng Diyos. ADP 339.1

Yung mga nagpaparangal sa Sabbath ng Biblia ay tutuligsain bilang mga kaaway ng batas at katiwasayan, na tumitibag sa mga moral na pamigil ng lipunan, nagdudulot ng laganap na kaguluhan at katiwalian, at tinatawagan ang mga kahatulan ng Diyos sa lupa. Ang nakokonsensyang pag-aalangan nila ay ipapahayag na kasuwailan, katigasan ng ulo, at paglapastangan sa maykapangyarihan. Sila’y aakusahan ng kawalang-malasakit sa pamahalaan. Ang mga ministrong ayaw maniwala sa pananagutan sa banal na kautusan ay ipapahayag sa mga pulpito ang tungkuling sumunod sa mga maykapangyarihan bilang itinalaga ng Diyos. Sa mga bulwagang pambatasan at mga hukuman ng paglilitis, ang mga sumusunod sa kautusan ay sisiraan at kukundenahin. Bibigyan ng maling kulay ang kanilang mga sina-sabi; ang pinakamasamang pakahulugan ay ilalagay sa kanilang mga motibo. ADP 339.2

Habang itinatakwil ng mga iglesyang Protestante ang malilinaw at batay sa Kasulatang argumento bilang pagtatanggol sa kautusan ng Diyos, kasasabikan nilang patahimikin yung mga taong ang pananampalataya ay hindi nila mapabagsak sa pamamagitan ng Biblia. Kahit na bulagin nila ang sarili nilang mata sa katotohanan, sinusundan na nila ngayon ang isang hakbang na mauuwi sa pang-uusig doon sa mga maingat na tumangging gawin ang ginagawa ng iba pa sa Sangkakristiyanuhan, at tumangging kilalanin ang mga karapatan ng sabbath ng kapapahan. ADP 339.3

Ang matataas na pinuno ng simbahan at ng pamahalaan ay magkakaisang suhulan, himukin, o kaya’y pilitin ang lahat ng tao na parangalan ang Linggo. Ang kawalan ng kapamahalaan ng Diyos ay pupunuan ng mga malulupit na pagpapatibay ng batas. Sinisira ng katiwalian sa pulitika ang pagmamahal sa katarungan at pagpapahalaga sa katotohanan; at maging sa malayang America, ang mga pinuno at mambabatas, upang makamit ang pabor ng publiko, ay papayag sa kahilingan ng mga tao para sa isang batas na magpapatupad sa pangingi-lin ng Linggo. Ang kalayaan ng budhi, na nangailangan ng napakalaking sakripisyo, ay hindi na igagalang. Sa papalapit nang labanan ay makikita nating inihahalimbawa ang mga sinabi ng propeta, “Nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang digmain ang nalabi sa binhi ng babae, ang mga tu-mutupad sa mga utos ng Diyos at ang mga may patotoo ni Jesus” (Apocalipsis 12:17). ADP 339.4