Ang Dakilang Pag-Asa
4—Ang mga Waldenses
Sa gitna ng kadilimang namalagi sa lupa noong mahabang panahon ng paghahari ng kapapahan, ang liwanag ng katotohanan ay hindi kayang mapawi nang lubusan. Sa bawat panahon ay merong mga saksi para sa Diyos—mga taong pinakaingatan ang pagsampalataya kay Cristo bilang tanging tagapamagitan ng Diyos at ng tao, na pinanghawakan ang Biblia bilang tanging tuntunin ng buhay, at ipinangilin ang tunay na Sabbath. Kung gaano kalaki ang utang ng sanlibutan sa mga taong ito, ay hindi malalaman ng lahat ng susunod na lahi. Sila’y tinawag na mga erehe, ang kanilang mga hangarin ay tinuligsa, ang kanilang mga pagkatao ay siniraan, at ang kanilang mga sinulat ay sinugpo, pinasinungalingan, o kaya’y pinagpupunit. Ngunit sila’y tumayong matatag, at sa paglipas ng panahon ay pinanatili ang kanilang pananampalataya sa kalinisan nito bilang isang banal na pamana sa mga susunod na henerasyon. ADP 38.1
Ang kasaysayan ng bayan ng Diyos noong mga panahon ng kadilimang sumunod sa paghahari ng Roma ay nakasulat sa langit, ngunit ang mga ito’y may kaunting lugar lamang sa mga sinulat ng tao. Kaunting bakas lamang ng kanilang pamumuhay ang makikita, maliban sa mga paratang ng mga nang-uusig sa kanila. Patakaran ng Roma ang burahin ang bawat bakas ng di pagsang-ayon sa kanyang mga doktrina o batas. Ang lahat ng bagay na laban sa simbahan, tao man o kasulatan, ay sinikap niyang lipulin. Ang mga pagpapahayag ng pag-aalinlangan, o mga pagtatanong tungkol sa kapamahalaan ng mga turo ng kapapahan, ay sapat na upang maging kapalit ang buhay ng mga mayayaman o mahihirap, matataas o mabababa. Sinikap din ng Roma na lipulin ang bawat tala ng kanyang kalupitan sa mga di sumasangayon. Iniutos ng mga konsilyo ng kapapahan na ang mga aklat at mga sinulat na naglalaman ng ganyang mga kasaysayan ay dapat sunugin. Bago maimbento ang paglilimbag, ang mga aklat ay kaunti lang; at nasa isang anyong hindi mapapanatili nang matagal; kaya halos walang hadlang sa mga Romanista na maisagawa ang kanilang layunin. ADP 38.2
Walang iglesya sa loob ng nasasakupan ng pamamahala ng Roma ang matagal na hinayaang di nagagambala sa pagtatamasa ng kalayaan ng budhi. Nang magkaroon ng kapangyarihan ang kapapahan, iniunat agad niya ang kanyang mga kamay upang durugin ang lahat ng ayaw kumilala sa kanyang pamamahala; at isa-isang nagpasakop sa kanyang kapangyarihan ang mga iglesya. ADP 38.3
Sa Great Britain, ang kauna-unahang Kristiyanismo ay napakaagang nag-ugat. Ang ebanghelyong tinanggap ng mga Briton noong mga unang dantaon ay hindi pa noon nasisira ng pagtalikod ng Roma. Ang pang-uusig ng mga paganong emperador, na nakaabot kahit sa mga napakalalayong baybaying ito, ay siyang tanging regalong natanggap ng mga unang iglesya ng Britain mula sa Roma. Marami sa mga Kristiyano na tumakas dahil sa pag-uusig sa England ay nakasumpong ng kanlungan sa Scotland; buhat doon ay nadala ang katotohanan sa Ireland, at sa lahat ng mga bansang ito, ay tinanggap itong may kagalakan. ADP 38.4
Nang sakupin ng mga Saxon ang Britain, ang paganismo ay naghari. Ayaw ng mga mananakop na sila’y tinuturuan ng kanilang mga alipin, at ang mga Kristiyano ay napilitang magtago sa mga kabundukan at masusukal na latian. Ngunit ang liwanag na pansamantalang nalingid ay patuloy na nagningas. Sa Scotland, isandaang taon ang nakalipas, ito’y sumikat na may isang kaliwanagang nakaabot sa malalayong lupain. Mula sa Ireland ay dumating ang maka-Diyos na si Columba at ang kanyang mga kamanggagawa, na matapos tipunin sa mapanglaw na pulo ng Iona ang mga nangalat na mananampalataya sa buong paligid nila, ay ginawa itong sentro ng kanilang mga paggawang misyonero. Kabilang sa mga mangangaral na ito ay isang nangingilin ng Sabbath ng Biblia, kung kaya’t ang katotohanang ito ay naipakilala sa mga tao. Isang paaralan ang itinayo sa Iona, na mula rito’y humayo ang mga misyonero hindi lamang sa Scotland at England, kundi pati na rin sa Germany, Switzerland, at Italy. ADP 38.5
Ngunit ipinako ng Roma ang kanyang mga mata sa Britain at ipinasyang ipailalim ito sa kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Noong ikaanim na siglo, ang kanyang mga misyonero ay nagsagawa ng panghihikayat sa mga paganong Saxon. Sila’y tinanggap na may pagsang-ayon ng mga natutuwang barbaro, at kanilang hinikayat ang libu-libong tao na tanggapin ang relihiyong Romano. Habang sumusulong ang gawain, hinarap ng mga lider ng kapapahan at ng kanilang mga nahikayat ang mga kauna-unahang Kristiyano. Isang kapansin-pansing pagkakaiba ang nakita dito. Yung huli ay simple, mapagpakumbaba, at batay sa Kasulatan ang pagkatao, doktrina at mga ugali, samantalang yung una ay kakakakitaan ng pagkamapamahiin, karangyaan, at pagmamalaki ng kapapahan. Ipinag-utos ng mga sugo ng Roma na kilalanin ng mga Kristiyanong iglesyang ito ang paghahari ng kataas-taasang papa. Ang mga Briton ay mapagpakumbabang tumugon na nais nilang mahalin ang lahat ng tao, ngunit ang papa, sabi nila, ay hindi binigyang-karapatan na mangibabaw sa iglesya, at ang maibibigay lamang nila sa kanya ay yung pagpapasakop na nararapat sa bawat tagasunod ni Cristo. Paulit-ulit na pagtatangka ang ginawa upang makuha ang kanilang katapatan sa Roma; ngunit ang mga mapagpakumbabang Kristiyanong ito, na nabigla sa pagmamataas na ipinakita ng mga sugo nito, ay matatag na tumugon na wala silang ibang kilalang Panginoon maliban kay Cristo. Ang tunay na espiritu ng kapapahan ay nalantad ngayon. Sabi ng Romanong lider: “Kung hindi ninyo tatanggapin ang mga kapatid na nagdadala sa inyo ng kapayapaan, ang tatanggapin ninyo ay mga kaaway na magdadala sa inyo ng digmaan. Kung hindi kayo makikiisa sa amin sa pagpapakita ng daan ng buhay sa mga Saxon, tatanggapin ninyo mula sa kanila ang hagupit ng kamatayan.”—J.H. Merle D’Aubigne, History of the Reformation of the Sixteenth Century, b. 17, ch. 2. Ang mga ito’y hindi pagbabantang walang-saysay. Ang digmaan, sabwatan, at pandaraya ay ginamit laban sa mga saksing ito ng pananampalatayang ayon sa Biblia, hanggang sa malipol ang mga iglesya sa Britain, o mapilitang magpasakop sa kapangyarihan ng papa. ADP 39.1
Sa mga lupaing hindi sakop ng Roma ay merong mga grupo ng Kristiyano sa loob ng maraming dantaon, na nanatiling halos lubusang ligtas sa katiwalian ng kapapahan. Sila’y napapalibutan ng paganismo, at sa paglipas ng mga panahon ay naapektuhan ng mga kamalian nito; ngunit sila’y nagpatuloy na ituring ang Biblia bilang siyang tanging panuntunan ng pananampalataya at nanindigan sa maraming katotohanan nito. Ang mga Kristiyanong ito ay naniniwala sa panghabampanahong pag-iral ng kautusan ng Diyos at ipinangingilin nila ang Sabbath ng ikaapat na utos. Ang mga iglesyang nanghawak sa pananampalataya at pamumuhay na ito ay nabuhay sa Gitnang Africa at sa gitna ng mga Armenian sa Asia. ADP 39.2
Ngunit doon sa mga lumaban sa mga panghihimasok ng kapangyarihan ng papa, ang mga Waldenses ang siyang nangunguna sa lahat. Mismong sa lupaing kung saan inilagay ng kapapahan ang luklukan nito, doon pinakamatatag na nilabanan ang kasinungalingan at katiwalian nito. Sa loob ng daan-daang taon ay napanatili ng mga iglesya sa Piedmont ang kanilang kalayaan; ngunit sa wakas ay dumating din ang panahon na ipinagpilitan ng Roma ang pagpapasakop nila. Pagkatapos ng mga walang-saysay na pakikipagpunyagi laban sa kalupitan ng Roma, ang mga pinuno ng mga iglesyang ito ay atubiling kinilala ang paghahari ng kapangyarihan na tila pinag-uukulan ng paggalang ng buong sanlibutan. Gayon man, merong ilang tumangging magpasakop sa kapamahalaan ng papa o ng matataas na alagad ng simbahan. Buo ang loob nila na panatilihin ang kanilang katapatan sa Diyos at ingatan ang kalinisan at kasimplihan ng kanilang pananampalataya. Isang paghihiwalay ang naganap. Yung mga dating nanindigan sa sinaunang pananampalataya ay umurong na ngayon; ang ibang umalis sa mga kinagisnan nilang kabundukan, ay itinaas ang bandila ng katotohanan sa ibang mga lupain; ang iba nama’y nagtago sa mga liblib na lambak at sa mababatong muog sa mga kabundukan, at doo’y napanatili ang kalayaan nilang sumamba sa Diyos. ADP 39.3
Ang pananampalataya na sa loob ng maraming dantaon ay pinanghawakan at itinuro ng mga Kristiyanong Waldensian ay may malaking pagkakaiba sa mga maling doktrinang lumalabas sa Roma. Ang kanilang paniniwala sa relihiyon ay nakabatay sa nasusulat na Salita ng Diyos, ang tunay na panuntunan ng Kristiyanismo. Ngunit yung mga hamak na magbubukid na iyon, sa kanilang nakakubling taguan, hiwalay sa sanlibutan, at nakatalagang magtrabaho araw-araw sa kanilang mga kawan at sa kanilang mga ubasan, ay hindi nakarating sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang sarili bilang pakikilaban sa mga doktrina at maling paniniwala ng tumalikod na iglesya. Ang kanilang pananampalataya ay hindi pananampalatayang katatanggap pa lang. Ang kanilang paniniwalang panrelihiyon ay pamana sa kanila ng kanilang mga magulang. Kanilang ipinaglaban ang pananampalataya ng iglesya ng mga apostol—“ang pananampalataya na minsanang ibinigay sa mga banal” (Judas 3). “Ang iglesya sa ilang,” at hindi ang mapagmataas na pamunuan na nakaluklok sa tanyag na kabisera ng sanlibutan, ang siyang tunay na iglesya ni Cristo, ang tagapagbantay ng kayamanan ng katotohanan na ipinagkatiwala ng Diyos sa Kanyang bayan para ibigay sa sanlibutan. ADP 39.4
Kasama sa mga pangunahing dahilan na nauwi sa paghiwalay ng tunay na iglesya sa Roma, ay ang galit ng Roma sa Sabbath ng Biblia. Gaya ng inihula sa propesiya, ibinagsak ng kapangyarihan ng kapapahan ang katotohanan sa lupa. Ang kautusan ng Diyos ay niyurakan sa alikabok, samantalang ang mga tradisyon at mga kaugalian ng tao ay itinaas. Ang mga iglesya na nasa ilalim ng pamamahala ng kapapahan ay maagang pinilit na igalang ang Linggo bilang isang banal na araw. Sa gitna ng laganap na kamalian at pamahiin, marami kahit sa tunay na bayan ng Diyos, ang talagang nalito anupa’t samantalang ipinangingilin nila ang Sabbath, ay tumigil din sila sa pagtatrabaho kung Linggo. Ngunit hindi rito nasiyahan ang mga lider ng kapapahan. Kanilang ipinag-utos na hindi lang dapat pabanalin ang Linggo; kundi ang Sabbath ay lapastanganin; at kanilang tinuligsa sa pinakamasasakit na pananalita yung mga mangangahas na pakitaan ito ng paggalang. Sa pamamagitan lamang ng pagtakas sa kapangyarihan ng Roma maaaring masunod ninuman ang kautusan ng Diyos nang mapayapa. (Tingnan ang Apendiks). ADP 40.1
Ang mga Waldenses ay isa sa mga unang tao sa Europa na nagkaroon ng isang salin ng Banal na Kasulatan. (Tingnan ang Apendiks). Daan-daang mga taon pa bago ang Repormasyon, nagkaroon na sila ng manuskrito ng Biblia na nasa sarili nilang wika. Nasa kanila ang katotohanang dalisay, at ito ang dahilan kung bakit sila’y naging natatanging tuon ng pagkamuhi at pag-uusig. Ipinahayag nila na ang Simbahan ng Roma ay ang tumalikod na Babilonia ng Apocalipsis, at kahit manganib ang kanilang buhay, sila’y nanindigan upang labanan ang mga katiwalian nito. Habang ikinukompromiso na ng iba ang kanilang pananampalataya dahil sa hirap ng pag-uusig na matagal nang ipinagpapatuloy, na unti-unti nang isinusuko ang mga naiibang prinsipyo nito, ang iba nama’y nanghawak nang matibay sa katotohanan. Sa mga panahon ng kadiliman at pagtalikod merong mga Waldenses na ayaw tumanggap sa pag-hahari ng Roma, itinakwil ang pagsamba sa mga imahen na pawang pagsamba sa diyus-diyosan, at iningatan ang tunay na Sabbath. Sa ilalim ng pinakamalulupit na bugso ng pagsalungat ay pinanatili nila ang kanilang pananampalataya. Kahit na hiwain ng tabak ng Savoyard, at sunugin ng mga gatong ng Roma, sila’y tumayong hindi natitinag para sa Salita ng Diyos at para sa Kanyang karangalan. ADP 40.2
Sa likod ng matatayog na muog ng mga kabundukan—na sa lahat ng kapanahunan ay kanlungan ng mga inuusig at inaapi— ang mga Waldenses ay nakasumpong ng isang kublihan. Dito iningatang nagniningas ang liwanag ng katotohanan sa gitna ng kadiliman ng Middle Ages. Dito pinanatili ng mga saksi para sa katotohanan ang sinaunang pananampalataya sa loob ng libu-libong taon. ADP 40.3
Ang Diyos ay naglaan para sa Kanyang bayan ng isang kanlungang kamanghamangha ang kadakilaan, at bagay na bagay sa mga makapangyarihang katotohanang ipinagkatiwala sa kanilang pag-iingat. Para sa mga tapat na napalayas na ito, ang mga bundok ay isang sagisag ng di-nagbabagong katuwiran ni Jehova. Itinuro nila sa kanilang mga anak ang napakatayog na tuktok sa itaas nila na may di-nagbabagong karingalan, at sinabi sa kanila ang tungkol sa Kanya na walang pag-iiba, o anino man ng pagbabago, sa Kanya na ang salita ay tumatagal gaya ng walang-hanggang mga burol. Itinayong matatag ng Diyos ang mga bundok at binigkisan sila ng tibay; walang bisig maliban sa bisig ng Walang-Hanggang Kapangyarihan ang makakapagpalipat sa mga ito. Sa ganon ding paraan ay itinatag Niya ang Kanyang kautusan, ang saligan ng Kanyang pamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa. Maaaring abutin ng bisig ng tao ang mga kapwa niya tao at sirain ang kanilang buhay; ngunit kung mababago ng bisig na iyan ang isa mang utos sa kautusan ni Jehova, o maaalis ang isa man sa mga pangako Niya para sa mga gumaganap ng Kanyang kalooban, makakaya na rin nitong alisin ang mga bundok mula sa mga pundasyon nito, at ihagis ang mga ito sa dagat. Sa kanilang pagtatapat sa Kanyang kautusan, ang mga lingkod ng Diyos ay dapat na kasintibay ng di-nagbabagong mga burol. ADP 40.4
Ang mga bundok na pumapalibot sa mga mabababang lambak nito ay palaging saksi sa kapangyarihang lumikha ng Diyos, at hindi nagmamaliw na katiyakan ng Kanyang pangangalagang nagsasanggalang. Ang mga manlalakbay na iyon ay natutunang mahalin ang mga tahimik na simbolo ng presensya ni Jehova. Hindi sila nagreklamo dahil sa mga kahirapan ng kanilang kapalaran; hindi sila naging malungkot sa gitna ng mga kapanglawan sa kabundukan. Pinasalamatan nila ang Diyos sa paglalaan para sa kanila ng isang kanlungan mula sa galit at kalupitan ng mga tao. Sila’y nagalak sa kanilang kalayaang sumamba sa harap Niya. Kadalasan, kapag tinutugis ng kanilang mga kaaway, ang tibay ng mga burol ay napapatunayang matatag na sanggalang. Mula sa maraming matatayog na malalaking bato, sila’y umaawit ng papuri sa Diyos, at hindi mapatigil ng mga kawal ng Roma ang mga awitin nila ng pasasalamat. ADP 41.1
Dalisay, simple, at maalab ang kabanalan ng mga tagasunod na ito ni Cristo. Ang mga prinsipyo ng katotohanan ay pinahalagahan nila ng higit kaysa mga bahay at mga lupain, mga kaibigan, kamag-anak, at kahit sa buhay nila mismo. Ang mga prinsipyong ito ay masigasig nilang sinikap na maikintal sa puso ng mga kabataan. Mula pagkabata, ang mga kabataan ay tinuturuan na sa mga Kasulatan at tinuruang ituring nang may kabanalan ang mga sinasabi ng kautusan ng Diyos. Bibihira ang mga kopya ng Biblia; kaya ang mga napakahalagang salita nito ay sinasaulo. Marami ang nakakabigkas ng malalaking bahagi kapwa ng Luma at Bagong Tipan. Ang mga kaisipan tungkol sa Diyos ay iniuugnay kapwa sa napakagandang tanawin ng kalikasan at sa mga simpleng pagpapala sa araw-araw na buhay. Ang maliliit na bata ay natutong tuminging may pagpapasalamat sa Diyos bilang Siyang tagapagbigay ng bawat tulong at bawat kaginhawahan. ADP 41.2
Ang mga magulang, na mababait at mapagmahal gaya ng dati, ay napakatalinong minamahal ang kanilang mga anak para sanayin sa pagpapalayaw sa sarili. Nasa harapan nila ang isang buhay ng pagsubok at kahirapan, at marahil ay kamatayan ng isang martir. Sila’y naturuan mula pagkabata na magtiis ng hirap, na magpasakop sa pagsupil, gayunma’y mag-isip pa rin at kumilos para sa kanilang sarili. Sila’y napakaagang tinuruan na humawak ng mga responsibilidad, na bantayan ang pagsasalita, at unawain ang karunungan ng pagiging tahimik. Ang isang walang-ingat na salita na di-sinasadyang nabanggit sa pandinig ng kanilang mga kaaway ay maaaring magsapanganib hindi lamang sa buhay ng nagsalita, kundi pati na sa mga buhay ng daan-daan niyang kapatiran; sapagkat gaya ng mga asong-gubat na naghahanap ng kanilang mabibiktima ay tinutugis ng mga kaaway ng katotohanan yung mga nangangahas na mag-angkin ng kalayaan sa pananampalatayang panrelihiyon. ADP 41.3
Isinakripisyo ng mga Waldenses ang kanilang makasanlibutang kasaganaan alang-alang sa katotohanan, at sa matiyagang pagtitiis sila’y nagpagal para sa kanilang pagkain. Bawat lugar ng lupang maaaring pagtamnan sa mga kabundukan ay maingat na pinagbuti; at ang mga lambak at ang di-gaanong matabang gilid ng mga burol ay pinagbunga. Ang pagtitipid at mahigpit na pagkakait sa sarili ay bumubuo sa isang bahagi ng edukasyon na tinanggap ng mga bata bilang tangi nilang pamana. Sila’y tinuruan na ginawa ng Diyos ang buhay bilang isang disiplina, at ang kanilang mga kailangan ay masasapatan lamang sa pamamagitan ng personal na paggawa, sa pagpaplano para sa hinaharap, pag-aasikaso at pananampalataya. Ang pamamaraan ay matrabaho’t nakakapagod, ngunit ito’y kapaki-pakinabang, na sadyang kailangan ng tao sa nagkasalang kalagayan niya, paaralang inilaan ng Diyos para sa pagsasanay at paghubog sa kanya. Bagaman sinasanay ang mga kabataan sa pagtatrabaho at kahirapan, ang kasanayang pangkaisipan ay hindi pinabayaan. Sila’y tinuruan na ang lahat nilang lakas ay sa Diyos, at ang lahat ay dapat pagbutihin at hubugin para sa paglilingkod sa Kanya. ADP 41.4
Ang mga iglesya ng Vaudois, sa kalinisan at kasimplihan ng mga ito, ay katulad ng iglesya noong panahon ng mga apostol. Sa di-pagtanggap sa kataas-taasang kapangyarihan ng papa at ng matataas na kagawad ng simbahan, pinanghawakan nila ang Biblia bilang siya lamang pinakamataas at hindi nagkakamaling kapamahalaan. Ang kanilang mga pastor, di gaya ng mga mapagmataas na pari ng Roma, ay sumusunod sa halimbawa ng kanilang Guro, na “naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod” (Marcos 10:45). Pinakain nila ang kawan ng Diyos, sila’y inaakay sa mga luntiang pastulan at buhay na bukal ng Kanyang Banal na Salita. Kabaligtaran ng mga monumento ng karangyaan at pagmamataas ng tao, ang mga taong ito ay nagtitipon, hindi sa mararangyang simbahan o mariringal na katedral, kundi sa ilalim ng lilim ng mga bundok, sa mga lambak ng Alps, o kapag panahon ng panganib, ay sa ilang matibay at mabatong muog, upang makinig sa mga salita ng katotohanan mula sa mga lingkod ni Cristo. Ang mga pastor ay hindi lamang nangaral ng ebanghelyo, kundi sila’y dumalaw sa mga maysakit, inaralan ang mga bata, pinayuhan ang mga nagkamali, at nagsikap upang ayusin ang mga pagtatalo at itinaguyod ang pagkakaisa at pagmamahalang magkakapatid. Sa panahon ng kapayapaan sila’y sinasapatan ng malayang paghahandog ng mga tao; ngunit, tulad ni Pablo na tagagawa ng tolda, ang bawat isa’y nag-aral ng iba’t ibang mga gawain o trabaho na sa pamamagitan nito, ay makapaglaan para sa sarili niyang panustos kung kinakailangan. ADP 42.1
Mula sa kanilang mga pastor, ay tumanggap ng turo ang mga kabataan. Samantalang pinag-uukulan ng pansin ang mga sangay ng pangkalahatang pag-aaral, ang Biblia ang siyang ginawang pangunahing aralin. Ang Ebanghelyo ni Mateo at Juan ay sinasaulo; pati na rin ang karamihan sa mga sulat ng mga apostol. Ginamit din ang mga ito sa pagkopya ng Banal na Kasulatan. Ang iba sa mga sulat-kamay ay naglalaman ng buong Biblia, ang iba nama’y maiiksing napili lamang, kung saan ay idinagdag nung mga kayang magpaliwanag ng Kasulatan ang ilang simpleng paliwanag sa talata. Sa gayon ay nailabas ang mga kayamanan ng katotohanang matagal nang itinatago nung mga nagsisikap na itaas ang kanilang sarili higit sa Diyos. ADP 42.2
Sa pamamagitan ng matiy aga at walang kapagurang paggawa, na kung minsa’y sa malalalim at madidilim na kuweba sa lupa, sa pamamagitan ng liwanag ng mga sulo, ang banal na Kasulatan ay naisulat, talata sa talata, kapitulo sa kapitulo. Ganyan nagpatuloy ang gawain, na ang hayag na kalooban ng Diyos ay nagliliwanag gaya ng purong ginto; kung mas gaano kaliwanag, kalinaw, at kamakapangyarihan dahil sa mga pagsubok na dinanas alang-alang dito, ay tanging yung mga sangkot lamang sa gawaing ito ang makakaalam. Pinaliligiran ng mga anghel mula sa kalangitan ang mga tapat na manggagawang ito. ADP 42.3
Hinimok ni Satanas ang mga pari’t obispo ng kapapahan na ibaon ang Salita ng katotohanan sa ilalim ng basura ng kamalian, maling paniniwala, at pamahiin; ngunit sa isang pinakakahanga-hangang paraan ito’y naingatang dalisay sa buong panahon ng kadiliman. Hindi nito taglay ang tatak ng tao, kundi ang tatak ng Diyos. Ang mga tao ay walang-pagod sa kanilang mga pagsisikap na palabuin ang malinaw, at simpleng kahulugan ng mga Kasulatan, at gawing salungat ang mga ito sa sariling patotoo nito; ngunit gaya ng arka sa maalong karagatan, ang Salita ng Diyos ay nakakatagal sa mga bagyong nagbabanta rito ng pagkawasak. Kung paanong ang minahan ay may mayayamang bitak ng bato na puno ng mga ginto at pilak na nakatago sa ilalim ng lupa, para ang lahat ng gustong makatuklas ng mahahalagang imbak nito ay dapat maghukay, ganon din naman ang Banal na Kasulatan ay may mga kayamanan ng katotohanan na nahahayag lamang sa mga masikap, mapagpakumbaba, at mapanalangining naghahanap dito. Binalangkas ng Diyos ang Biblia upang maging aralingaklat para sa lahat ng tao, sa pagkabata, pagiging kabataan, at kahustuhang-gulang, at upang pag-aralan sa lahat ng panahon. Ibinigay Niya ang Kanyang Salita sa mga tao bilang kapahayagan ng Kanyang sarili. Bawat bagong katotohanang naunawaan ay isang sariwang paghahayag sa karakter ng May-akda nito. Ang pag-aaral ng Kasulatan ay siyang pamamaraang itinalaga ng Diyos upang dalhin ang mga tao sa mas malapit na ugnayan sa Lumikha sa kanila at upang bigyan sila ng mas maliwanag na kaalaman tungkol sa Kanyang kalooban. Ito ang paraan ng komunikasyon sa pagitan ng Diyos at ng tao. ADP 42.4
Samantalang pinahahalagahan ng mga Waldenses ang pagkatakot sa Diyos bilang pasimula ng karunungan, hindi sila bulag sa kahalagahan ng pakikiharap sa sanlibutan, ng kaalaman sa mga tao at sa aktibong buhay, para sa pagpapalawak ng isipan at pagpapatalas ng pang-unawa. Mula sa kanilang mga paaralan sa kabundukan, ang iba sa mga kabataan ay ipinadadala sa mga institusyon ng pag-aaral sa mga lunsod ng France at Italy, kung saan ang larangan ng pag-aaral, pag-iisip, at obserbasyon ay mas malawak kaysa sa katutubong kabundukan nila. Ang mga kabataang ipinadala nang ganyan ay lantad sa mga tukso, nasaksihan nila ang mga bisyo, nakaharap nila ang mga tusong kinatawan ni Satanas na naggiit sa kanila ng mga pinakatusong maling paniniwala at pinakamapapanganib na pandaraya. Ngunit ang kanilang edukasyon mula sa pagkabata ay may katangiang maghahanda sa kanila sa lahat ng ito. ADP 43.1
Sa mga paaralang pinapasukan nila ay hindi sila dapat magtiwala kanino man. Ang kanilang mga kasuotan ay sadyang ginawa upang itago ang kanilang pinakadakilang kayamanan—ang mahahalagang manuskrito ng Kasulatan. Ang mga ito, na bunga ng mga buwan at mga taong pagpapakasakit ay dala-dala nila, at kapag magagawa nila nang hindi mapapaghinalaan, maingat nilang inilalagay ang ilang bahagi nito sa mapapansin nung mga taong mukhang bukas ang puso sa pagtanggap ng katotohanan. Mula pa sa kandungan ng kanilang ina, ang mga kabataang Waldenses ay sinanay, na ang layuning ito ang nasa pananaw; naunawaan nila ang kanilang gawain, at ito’y tapat nilang isinagawa. Sa mga institusyong ito ng pag-aaral ay may mga nahikayat sa tunay na pananampalataya, at kadalasan, ang mga prinsipyo nito ay nakikitang laganap sa buong paaralan; ngunit, kahit sa pinakamahigpit na pagsisiyasat ay hindi matunton ng mga lider ng kapapahan ang pinagmulan ng tinatawag nilang erehiya na nakakapagpasama. ADP 43.2
Ang espiritu ni Cristo ay espiritung misyonero. Ang pinakaunang udyok ng nabagong puso ay ang dalhin din ang iba sa Tagapagligtas. Ganyan ang espiritu ng mga Kristiyanong Vaudois. Nadama nila na ang nais ng Diyos para sa kanila ay higit pa kaysa sa pagpapanatili lamang ng katotohanan sa kadalisayan nito sa kani-kanilang mga iglesya, na meron silang isang dakilang katungkulan na pagliwanagin ang kanilang ilawan doon sa mga nasa kadiliman; sa pamamagitan ng napakalakas na kapangyarihan ng Salita ng Diyos, sinikap nilang makawala sa pang-aalipin na inilagay ng Roma. Ang mga ministrong Vaudois ay sinanay bilang mga misyonero, na ang bawat umaasang makapasok sa ministeryo ay kinakailangan munang magkaroon ng karanasan bilang mangangaral. Bawat isa’y dapat maglingkod ng tatlong taon sa alinmang bukiran ng misyon bago mangasiwa ng isang iglesya sa kanyang sariling lugar. Ang paglilingkod na ito, na sa una pa lang ay nangangailangan na ng pagtanggi sa sarili at pagsasakripisyo, ay isang angkop na paghahanda sa buhay ng pastor sa mga panahong iyon na sumubok sa kaluluwa ng mga tao. Ang nakita sa hinaharap ng mga kabataang tumanggap ng ordinasyon sa banal na katungkulan ay hindi ang pag-asa sa makalupang kayamanan at kaluwalhatian, kundi isang buhay ng paggawa at panganib, at posibleng kapalaran pa nga ng isang martir. Ang mga misyonero ay lumalabas nang dala-dalawa tulad ng pagsugo ni Jesus sa Kanyang mga alagad. Sa bawat kabataan ay karaniwang isinasama ang isang meron nang edad at karanasan, at ang kabataan ay nasa ilalim ng patnubay ng kanyang kasama, na siyang responsable sa pagsasanay sa kanya, na ang tagubilin ay dapat niyang pakinggan. Ang mga magkamanggagawang ito ay hindi laging magkasama ngunit malimit na nagkikita para sa pananalangin at pagpapayuhan, sa gayon ay pinalalakas ang isa’t isa sa pananampalataya. ADP 43.3
Ang ipaalam ang layunin ng kanilang misyon ay titiyak sa kabiguan nito; kaya maingat nilang ikinubli ang tunay nilang pagkatao. Bawat ministro ay may kaalaman sa ilang hanapbuhay o trabaho, at isinagawa ng mga misyonero ang kanilang gawain na nagkukubli sa sekyular na gawain. Malimit ay pinipili nila ang pagiging negosyante o tagapaglako. “Nagdala sila ng mga seda, mga alahas, at iba pang mga kalakal na sa mga panahong iyon ay hindi madaling mabili maliban na lang sa malalayong pamilihan; at sila'y malugod na tinanggap bilang mga negosyante kung saan ay tinanggihan sana sila bilang mga misyonero.”—Wylie, b. 1, ch. 7. Sa lahat ng sandali ay nakataas sa Diyos ang kanilang mga puso para sa kar unungan na maibigay ang kayamanang mas mahalaga pa kaysa sa ginto o mga hiyas. Palihim silang nagdadala ng mga kopya ng Biblia, buo man o kahit kapiraso lang; at kapag nagkaroon ng pagkakataon, tinatawag nila ang pansin ng kanilang mga mamimili sa mga sulat-kamay na ito. Madalas na ang interes na makabasa ng Salita ng Diyos ay napupukaw sa ganon, at ang ilang kapiraso ay malugod na iniiwan sa mga gustong tumanggap nito. ADP 44.1
Ang gawain ng mga misyonerong ito ay nagsimula sa mga kapatagan at lambak sa paanan ng sarili nilang kabundukan, ngunit ito’y nakaabot lampas pa sa mga hangganang ito. Nakapaa lang at nakasuot ng mga damit na magagaspang at narumihan ng paglalakbay gaya nung sa kanilang Panginoon, sila’y dumaan sa malalaking lunsod at pinasok ang malalayong lupain. Isinabog nila ang mahahalagang binhi kahit saan. Ang mga bahay-sambahan ay nagsulputan sa kanilang mga dinaanan at ang dugo ng mga martir ay sumaksi para sa katotohanan. Ihahayag sa araw ng Diyos ang isang masaganang ani ng mga kaluluwa na natipon sa pamamagitan ng mga paggawa ng mga tapat na taong ito. Palihim at tahimik, ang Salita ng Diyos ay pumapasok sa Sangkakristiyanuhan at sinasalubong ng magalak na pagtanggap sa mga tahanan at sa mga puso ng mga tao. ADP 44.2
Sa mga Waldenses, ang Kasulatan ay hindi lamang kasaysayan ng pakikitungo ng Diyos sa mga tao sa nakaraan at di lang isang paghahayag ng mga responsibilidad at katungkulan sa kasalukuyan, kundi isang pagbubunyag ng mga panganib at kaluwalhatian sa hinaharap. Naniniwala sila na ang wakas ng lahat ng mga bagay ay hindi na nalalayo; at habang pinagaaralan nila ang Biblia nang may pananalangin at pagluha, mas malalim silang nakikilos ng mahahalagang sinasabi nito, at ng kanilang tungkuling ipaalam sa iba ang nagliligtas na mga katotohanan nito. Nakita nilang maliwanag na nahahayag ang panukala ng kaligtasan sa mga banal na pahina nito, at nakasumpong sila ng kaaliwan, pag-asa, at kapayapaan sa pagsampalataya kay Jesus. Habang tinatanglawan ng liwanag ang kanilang pang-unawa at pinasasaya ang kanilang mga puso, sila’y nananabik na tanglawan ng mga sinag nito yung mga nasa kadiliman ng mga kamalian ng kapapahan. ADP 44.3
Nakita nilang sa ilalim ng pagpatnubay ng papa at ng mga pari, napakarami ang walang-kabuluhang nagsisikap na magtamo ng kapatawaran sa pamamagitan ng pagpapahirap sa kanilang katawan para sa kasalanan ng kanilang kaluluwa. Dahil tinuruang magtiwala sa kanilang mabubuting gawa para magligtas sa kanila, lagi nilang tinitingnan ang kanilang sarili, iniisip nila ang kanilang makasalanang kalagayan, na nakikitang lantad ang kanilang sarili sa galit ng Diyos, pinahihirapan ang kaluluwa at katawan, gayunma’y hindi nakakasumpong ng kaginhawahan. Kaya ang mga tapat na kaluluwa ay iginagapos ng mga doktrina ng Roma. Libu-libo ang nag-iwan sa mga kaibigan at kaanak, at ginugol ang buhay nila sa mga silid ng kumbento. Sa pamamagitan ng madalas ulit-uliting pagaayuno at malupit na paglatigo sa sarili, ng pagpupuyat sa hatinggabi, ng ilang oras ng nakakapagod na pagpapatirapa sa malamig at mamasa-masang semento ng kanilang malungkot na tirahan, ng mahahabang paglalakbay, ng nakakawalang-dangal na penitensya at nakakatakot na pagpapahirap, libu-libo ang walang-kabuluhang naghangad na magtamo ng kapayapaan ng konsensya. Nabibigatan sa pagkadama ng kasalanan at laging dinadalaw ng takot sa mapaghiganting galit ng Diyos, marami ang patuloy na naghirap, hanggang bumigay na ang pagod na pagod nang pagkatao, at sila’y humantong sa libingan nang wala ni isa mang sinag ng liwanag o pag-asa. ADP 44.4
Ang mga Waldenses ay nasasabik na putul-putulin sa mga gutom na kaluluwang ito ang tinapay ng buhay, na buksan sa kanila ang mga mensahe ng kapayapaan sa mga pangako ng Diyos, at ituro sila kay Cristo bilang siyang tanging pag-asa ng kanilang kaligtasan. Ang doktrina na ang mabubuting gawa ay makakabayad sa pagsalangsang sa kautusan ng Diyos, ay pinanindigan nilang nakabatay sa kasinungalingan. Hinaharangan ng pagtitiwala sa magagawa ng tao ang pagtanaw sa walang-hanggang pag-ibig ni Cristo. Si Jesus ay namatay bilang sakripisyo para sa tao sapagkat walang magagawa ang nagkasalang sangkatauhan para irekomenda ang kanilang sarili sa Diyos. Ang mga ginawa ng ipinako at muling nabuhay na Tagapagligtas ay siyang pundasyon ng pananampalataya ng Kristiyano. Ang pagtitiwala ng kaluluwa kay Cristo, at ang kaugnayan nito sa Kanya ay dapat kasintotoo at kasinglapit ng bisig sa katawan o ng isang sanga sa puno ng ubas. ADP 45.1
Ang mga itinuturo ng mga papa at mga pari ang naging daan para tingnan ng mga tao ang karakter ng Diyos, at maging ni Cristo, bilang mabagsik, makulimlim, at nakakatakot. Ang Tagapagligtas ay inilalarawan na talagang walang habag sa tao sa nagkasalang kalagayan niya anupa’t kailangan pang hingin ang tulong ng mga pari at mga santo para mamagitan. Yung mga isipang naliwanagan ng Salita ng Diyos ay nasasabik na ituro ang mga kaluluwang ito kay Jesus bilang kanilang mahabagin at mapagmahal na Tagapagligtas, na nakatayo at nakaunat ang mga kamay, na inaanyayahan ang lahat na lumapit sa Kanya dala ang pasanin nilang kasalanan, ang kanilang alalahanin at kapaguran. Nasasabik silang alisin ang mga harang na itinambak ni Satanas upang huwag makita ng mga tao ang mga pangako, at lumapit nang diretso sa Diyos, na ipinahahayag ang kanilang mga kasalanan, at nagtatamo ng kapatawaran at kapayapaan. ADP 45.2
May pananabik na inilahad ng misyonerong Vaudois ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo sa mga nagsasaliksik na isipan. Maingat niyang inilabas ang mga piraso ng Banal na Kasulatan na isinulat nang maigi. Pinakamalaking kaligayahan niya ang magbigay ng pag-asa sa kalulu wang tapat at binabagabag ng kasalanan, na ang nakikita lamang ay isang mapaghiganting Diyos na naghihintay na ipatupad ang katarungan. Malimit na nakaluhod, nanginginig ang mga labi at luhaan ang mga mata, inilalahad niya sa kanyang mga kapatid ang mahahalagang pangako na naghahayag sa tanging pag-asa ng makasalanan. Sa gayon, ang liwanag ng katotohanan ay nakapasok sa maraming nadidilimang isipan, na hinahawi ang ulap ng kalungkutan, hanggang ang Araw ng Katuwiran ay sumikat sa mga puso na may dalang kagamutan sa Kanyang mga sinag. Kadalasang nangyayari na ang ilan sa mga bahagi ng Kasulatan ay paulit-ulit na binabasa dahil gusto itong ipaulit ng nakikinig na para bang gusto niyang matiyak sa kanyang sarili na tama nga ang kanyang narinig. Kinasasabikang ulit-ulitin lalo na ang mga salitang ito: “Ang dugo ni Jesus na Kanyang Anak ang lumilinis sa atin sa lahat ng kasalanan” (1 Juan 1:7). “Kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, kailangan din namang itaas ang Anak ng Tao; upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:14, 15). ADP 45.3
Marami ang hindi nadaya ukol sa mga sinasabi ng Roma. Nakita nila kung gaano kawalang-kabuluhan ang pamamagitan ng mga tao o ng mga anghel para sa makasalanan. Nang sumilay ang tunay na liwanag sa kanilang mga isipan, sila’y sumigaw nang may kagalakan: “Si Cristo ang aking pari; ang dugo Niya ang aking alay; ang Kanyang altar ang aking kumpisalan.” Lubos nilang ipinagkatiwala ang kanilang sarili sa mga ginawa ni Jesus, na inuulit-ulit ang mga salitang ito: “Kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos” (Hebreo 11:6). “Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao, na ating ikaliligtas” (Gawa 4:12). ADP 45.4
Ang katiyakan ng pag-ibig ng isang Taga-pagligtas ay parang labis-labis na para maunawaan ng mga kaawa-awang kaluluwang ito na sinisiklot ng bagyo. Kaylaki ng kaginhawahang dulot nito, ang gayong baha ng liwanag ay ibinuhos sa kanila, anupa’t sila’y parang tinatangay palangit. Ang kanilang mga kamay ay may pagtitiwalang nakahawak sa kamay ni Cristo; ang kanilang mga paa ay nakatayo sa Malaking Bato ng mga Panahon. Ang lahat ng takot sa kamatayan ay nawala. Hangad na nila ngayon ang bilangguan at ang pagkasunog kung sa ganitong paraan ay mapaparangalan nila ang pangalan ng kanilang Manunubos. ADP 45.5
Sa mga lihim na lugar, ang Salita ng Diyos ay dinadala at binabasa nang ganyan, minsan ay sa iisang kaluluwa at minsa’y sa isang maliit na grupo na nananabik sa liwanag at katotohanan. Kalimitan ang buong gabi ay ginugugol sa ganitong paraan. Napakalaki ng pagkamangha ng mga nakikinig anupa’t ang tagapagbalita ng kahabagan ay madalas na pinahihinto muna sa kanyang pagbabasa hanggang sa maintindihan ng isipan ang pabalita ng kaligtasan. Malimit na sinasabi ang mga salitang tulad nito: “Talaga bang tatanggapin ng Diyos ang aking handog? Ngingiti kaya Siya sa akin? Patatawarin kaya Niya ako?” Ang kasagutan ay binabasa: “Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan Ko ng kapahingahan” (Mateo 11:28). ADP 46.1
Pinanghawakan ng pananampalataya ang pangako, at ang maligayang tugon ay narinig: “Wala nang mahahabang paglalakbay na gagawin; wala nang mahihirap na paglalakbay sa mga banal na lugar. Maaari akong lumapit kay Jesus kung ano ako, makasalanan at hindi banal, at hindi Niya tatanggihan ang panalanging may pagsisisi. ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.’ Ang kasalanan ko, maging ang kasalanan ko ay mapapatawad din!” ADP 46.2
Isang agos ng banal na katuwaan ang pumupuno sa puso, at ang pangalan ni Jesus ay dinadakila sa pamamagitan ng papuri at pasasalamat. Ang masasayang kaluluwang iyon ay umuwi sa kanilang mga tahanan upang ikalat ang liwanag, upang sabihin sa iba ang kanilang bagong karanasan sa pinakamaigi nilang magagawa; na natagpuan na nila ang tunay at buhay na Daan. May kakaiba at dakilang kapangyarihan sa mga salita ng Kasulatan na tuwirang nagsasalita sa puso ng mga nananabik sa katotohanan. Iyon ay tinig ng Diyos, at ito’y naghatid ng kumbiksyon sa mga nakarinig. ADP 46.3
Ang tagapagdala ng pabalita ay umalis na; ngunit ang kanyang anyo ng kapakumbabaan, ang kanyang katapatan, ang kanyang sigasig at malalim na malasakit ay paksa ng madalas na pagbanggit. Sa maraming pagkakataon ay hindi nagtatanong ang kanyang mga tagapakinig kung saan siya galing at kung saan siya papunta. Sila’y lipos na lipos ng pagtataka sa una, at pagkatapos ay pasasalamat at kagalakan, anupa’t hindi na nila naisip pang tanungin siya. Nang pakiusapan nila siyang sumama sa kanila sa kanilang tahanan, isinagot niyang dapat pa niyang dalawin ang mga nawawalang tupa ng kawan. “Hindi kaya siya’y isang anghel mula sa langit?” naitanong nila. ADP 46.4
Sa maraming pagkakataon ang tagapagdala ng katotohanan ay hindi na nakikita uli. Nagtungo na siya sa ibang bayan, o kaya’y ginugugol na niya ang kanyang buhay sa hindi malamang bartolina, o baka ang kan-yang mga buto ay namumuti na sa lugar kung saan siya’y sumaksi para sa katotohanan. Ngunit ang mga salitang kanyang iniwan ay hindi mahahadlangan. Ginagawa ng mga ito ang kanilang gawain sa puso ng mga tao; ang pinagpalang resulta ay lubos na malalaman lamang sa araw ng paghuhukom. ADP 46.5
Sinasakop na ng mga misyonerong Waldenses ang kaharian ni Satanas, kaya’t ang mga kapangyarihan ng kadiliman ay kumilos sa mas higit na pagbabantay. Bawat pagsisikap na pasulungin ang katotohanan ay minamatyagan ng prinsipe ng kasamaan at kanyang ginising ang takot ng kanyang mga alagad. Nakita ng mga pinuno ng kapapahan sa mga paggawa ng mga hamak na naglilibot na ito ang isang babala ng panganib sa kanilang layunin. Kapag ang liwanag ng katotohanan ay binayaang magliwanag nang hindi nahaharangan, papawiin nito ang makakapal na ulap ng kamalian na bumabalot sa mga tao; sa Diyos lamang nito ituturo ang isipan ng mga tao, at sa wakas ay titibagin ang paghahari ng Roma. ADP 46.6
Ang pagkakaroon mismo ng ganitong mga tao, na hawak ang pananampalataya ng unang iglesya, ay palagiang patotoo sa pagtalikod ng Roma at sa gayo’y pinukaw ang pinakamatinding galit at pag-uusig. Ang pagtanggi nilang isuko ang Kasulatan ay isa pa ring kasalanan na hindi mapapahintulutan ng Roma. Siya’y disididong pawiin ito sa lupa. Nagsimula ngayon ang pinakakakila-kilabot na krusada laban sa bayan ng Diyos sa kanilang mga tahanan sa bundok. Ang mga inkisitor ay iniharang sa kanilang landas at ang eksena ng pagbagsak ng walang-kasalanang si Abel sa harapan ng mamamatay-taong si Cain ay madalas na naulit. ADP 46.7
Paulit-ulit na napinsala ang matataba nilang lupain, ang kanilang mga tirahan at kapilya ay sinuyod, anupa’t kung saan dati’y may umuunlad na bukiran at kabahayan ng mga walang-kasalanan at masisipag na tao, ang natira na lamang doon ay isang kasukalan. Kung paanong ang mabangis na hayop na gutom na gutom ay mas nagngangalit kapag nakatikim ng dugo, ganon din nagalab nang mas matindi ang galit ng mga makapapa dahil sa mga paghihirap ng kanilang mga biktima. Marami sa mga saksing ito para sa dalisay na pananampalataya ang tinugis sa mga kabundukan, at pinaghahanap sa ibaba sa mga lambak kung saan sila nagtatago, kulob ng makakapal na kagubatan at mga tore ng malalaking bato. ADP 47.1
Walang paratang na maisakdal laban sa katangiang moral ng mga taong ito na hinatulan at kinamkam ang mga ari-arian. Maging ang kanilang mga kaaway ay nagsasabing sila’y mga taong mapayapa, tahimik, at banal. Ang pinakamalaki nilang kasalanan ay ang hindi nila pagsamba sa Diyos ayon sa kagustuhan ng papa. Para sa krimeng ito, ang bawat kahihiyan, insulto, at pagpapahirap na maiimbento ng mga tao o ng mga demonyo ay ibinunton sa kanila. ADP 47.2
Nang minsa’y ipinasya ng Roma na lipulin ang kinamumuhiang sekta, isang kautusan ang pinalabas ng papa, na kumukundenang sila’y mga erehe at ipinahintulot na sila’y pagpapatayin. (Tingnan ang Apendiks). Hindi sila inakusahan bilang mga tamad, o mandaraya, o nanggugulo; ngunit idineklarang sila’y may anyo ng pagkarelihiyoso at kabanalang umaakit sa “mga tupa ng tunay na kawan.” Kung kaya’t ipinag-utos ng papa “na ang may masamang hangarin at kasuklam-suklam na sektang iyon ng napakasasamang tao,” kung sila’y “tatangging magtakwil, ay dapat duruging tulad ng mga makamandag na ahas.”— Wylie, b. 16, ch. 1. Inasahan ba ng mapagmataas na pinunong ito na muli niyang makakaharap ang mga salitang ito? Alam kaya niya na nakasulat ang mga ito sa mga aklat ng langit, upang harapin niyang muli sa paghuhukom? “Yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid Kong ito, ay sa Akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40). ADP 47.3
Ang kautusang ito ng kapapahan ay nanawagan sa lahat ng kaanib ng simbahan na sumama sa krusada laban sa mga erehe. Bilang pangganyak na makisangkot sa mabagsik na gawaing ito, “tinanggal nito ang lahat ng mga kapar usahan at multang ukol sa simbahan, pangkalahatan man o pang-isahan; pinalaya nito ang lahat ng sumali sa krusada mula sa anumang pangako na maaaring nagawa nila; ginawa nitong legal ang karapatan nila sa anumang pag-aaring maaaring nakuha nila nang ilegal; at ipinangako ang pagpapatawad sa lahat ng kasalanan sa mga makakapatay ng sinumang erehe. Pinawalang-bisa nito ang lahat ng ginawang kasunduan na pabor sa mga Vaudois, ipinag-utos sa mga kaanak nila na talikuran sila, pinagbawalan ang lahat ng tao na magbigay sa kanila ng anumang tulong, at binigyang pahintulot ang lahat ng tao na magmay-ari sa kanilang mga ari-arian.”—Wylie, b. 16, ch. 1. Maliwanag na ibinubunyag ng dokumentong ito ang punong-espiritu sa likod ng mga tagpong ito. Ungal ng dragon, at hindi ang tinig ni Cristo, ang naririnig dito. ADP 47.4
Ang mga pinuno ng kapapahan ay ayaw iayon ang kanilang likas sa dakilang pa-mantayan ng kautusan ng Diyos, sa halip sila’y nagtayo ng pamantayang aangkop sa kanilang sarili, at disididong pilitin ang lahat na umayon dito dahil kagustuhan ito ng Roma. Ang mga pinakakalagim-lagim na trahedya ay isinagawa. Ginagawa ng tiwali at lapastangang mga pari at mga papa ang gawaing itinalaga ni Satanas sa kanila. Ang awa ay walang lugar sa kanilang mga likas. Ang espiritu ding iyon na nagpako kay Cristo sa krus at pumatay sa mga apostol, ang espiritu ding nagpakilos sa malupit na si Nero laban sa mga mananampalataya noong kapanahunan niya, ay gumagawa upang alisin sa sanlibutan ang lahat ng minamahal ng Diyos. ADP 47.5
Ang mga pag-uusig na maraming dantaong nagpahirap sa mga taong ito na may takot sa Diyos ay tiniis nila nang may pagtitiyaga at katatagang nagbigay-karangalan sa kanilang Manunubos. Sa kabila ng mga krusada laban sa kanila at sa di-makataong pagpatay na kanilang naranasan, patuloy nilang ipinadala ang kanilang mga misyonero upang ikalat ang mahalagang katotohanan. Sila’y tinugis hanggang kamatayan; ngunit diniligan ng kanilang dugo ang binhing inihasik, at ito’y hindi nabigong magkaroon ng bunga. Ganyan sumaksi ang mga Waldenses para sa Diyos, daan-daang taon pa bago ipanganak si Luther. Nakakalat sa maraming lupain, kanilang itinanim ang binhi ng Repormasyon na nagsimula noong panahon ni Wycliffe, na lumago nang malawak at lubos noong panahon ni Luther, at dapat isulong hanggang sa katapusan ng panahon nung mga laang magtiis ng lahat ng bagay dahil sa “Salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesus” (Apocalipsis 1:9). ADP 47.6