Ang Dakilang Pag-Asa
30—Alitan sa Pagitan ng Tao at ni Satanas
“Papag-aalitin Ko ikaw at ang babae, at ang iyong binhi at ang kanyang Binhi: Ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng Kanyang sakong” (Genesis 3:15). Ang hatol ng Diyos na iginawad kay Satanas pagkatapos na magkasala ang tao, ay isa ring hula, na sumasaklaw sa lahat ng kapanahunan hanggang sa katapusan ng panahon, at humuhula sa malaking paglalaban na magsasangkot sa lahat ng lahi ng mga tao na mabubuhay sa ibabaw ng lupa. ADP 289.3
Sinabi ng Diyos, “Papag-aalitin Ko.” Ang alitang ito ay hindi talagang pinag-isipan. Nang labagin ng tao ang banal na kautusan, ang likas niya ay naging masama, at siya’y kaayon at hindi kasalungat ni Satanas. Walang natural na alitan ang taong maka-salanan at ang pasimuno ng kasalanan. Pareho silang naging masama dahil sa pagtalikod. Ang tumalikod na anghel ay hindi titigil, malibang siya’y makakuha ng karamay at suporta sa pamamagitan ng paghimok sa iba na gayahin ang kanyang halimbawa. Dahil dito ang mga nagkasalang anghel at masasamang tao ay nagkaisa sa desperadong pagsasamahan. Kung hindi lang espesyal na namagitan ang Diyos, si Satanas at ang tao ay nagkampi na sana laban sa Langit; at sa halip na mag-ingat ng poot laban kay Satanas, ang buong sangkatauhan ay nagkaisa sana sa paglaban sa Diyos. ADP 289.4
Tinukso ni Satanas ang tao para magkasala, gaya ng pag-udyok niya sa mga anghel para maghimagsik, upang makuha niya ang tulong sa pakikidigma niya laban sa Langit. Siya at ang kanyang mga anghel ay walang pagkakaiba hinggil sa kanilang pagkamuhi kay Cristo; bagaman sa lahat ng iba pang bagay ay merong di-pagkakasundo, sila’y matibay na nagkakaisa sa paglaban sa kapamahalaan ng Pinuno ng sansinukob. Ngunit nang marinig ni Satanas ang pahayag na magkakaroon ng alitan sa pagitan niya at ng babae, at sa pagitan ng kanyang binhi at ng binhi ng babae, alam niyang ang kanyang mga pagsisikap na pasamain ang likas ng tao ay mapapatigil; na sa pamamagitan ng ilang paraan ay maaaring lumaban ang tao sa kanyang kapangyarihan. ADP 289.5
Ang poot ni Satanas sa sangkatauhan ay nagningas, sapagkat sa pamamagitan ni Cristo’y sila ang pinagtutuunan ng pagibig at kahabagan ng Diyos. Gusto niyang biguin ang banal na panukala para sa katubusan ng tao, siraang-puri ang Diyos, sa pamamagitan ng pagsira at pagdungis sa gawa ng Kanyang mga kamay; magdudulot siya ng kalungkutan sa langit at pupunuin ng kasawian at lagim ang lupa. At pagkatapos ay ituturo niya na ang lahat ng kasamaang ito ay resulta ng paglikha ng Diyos sa tao. ADP 290.1
Ang biyayang itinatanim ni Cristo sa kaluluwa ang siyang lumilikha sa tao ng pakikipag-alit kay Satanas. Kung wala ang humihikayat at bumabagong kapangyarihang ito, ang tao ay mananatiling bihag ni Satanas, isang alipin na laging handang gawin ang kanyang utos. Ngunit ang bagong prinsipyo sa kaluluwa ay lumilikha ng alitan kung saan hanggang ngayo’y kapayapaan. Ang kapangyarihang ibinibigay ni Cristo ay nagbibigay-lakas sa tao na labanan ang mapagmalupit at mang-aagaw na ito. Sinumang nakikitang namumuhi sa kasalanan sa halip na naisin ito, sinumang lumalaban at nananagumpay sa mga kinahihiligang iyon na naghahari sa kalooban, ay nagpapakita sa pagkilos ng isang prinsipyo na lubusang mula sa itaas. ADP 290.2
Ang labanang namamagitan sa espiritu ni Cristo at sa espiritu ni Satanas ay mas kapuna-punang nahayag sa ginawang pagtanggap ng sanlibutan kay Jesus. Hindi gaanong dahilan ang pagdating Niya nang walang pansanlibutang kayamanan, gilas, o kadakilaan, kung bakit itinakwil Siya ng mga Judio. Nakita nila na Siya’y nag-aangkin ng kapangyarihang higit pa para punuan ang mga kakulangan ng mga panlabas na kalamangang ito. Ngunit ang kadalisayan at kabanalan ni Cristo ay naglabas ng pagkamuhi ng mga makasalanan laban sa Kanya. Ang Kanyang buhay ng pagtanggi sa sarili at banal na pagtatalaga ay isang palagiang saway sa isang bayang mapagmalaki at makalaman. Ito ang siyang nagpakilos ng galit laban sa Anak ng Diyos. Si Satanas at ang masasamang anghel ay nakisanib sa masasamang tao. Ang buong lakas ng hukbong tumalikod ay nagsabwatan laban sa Tagapagtanggol ng katotohanan. ADP 290.3
Ang ganon ding pagkapoot ay nakikita laban sa mga tagasunod ni Cristo, kung paanong nakita ito laban sa kanilang Panginoon. Ang sinumang nakakakita sa nakakasuklam na likas ng kasalanan, at nilalabanan ang tukso sa pamamagitan ng kalakasang mula sa itaas, ay siguradong pupukaw sa galit ni Satanas at ng kanyang mga sakop. Ang pagkamuhi sa mga dalisay na prinsipyo ng katotohanan, at ang paninira at pang-uusig sa mga tagapagtanggol nito, ay iiral hangga’t nananatili pa rin ang kasalanan at ang mga makasalanan. Ang mga tagasunod ni Cristo at ang mga alipin ni Satanas ay hindi maaaring magkasundo. Ang katitisuran sa krus ay hindi pa naaalis. “Ang lahat ng ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig” (2 Timoteo 3:12). ADP 290.4
Ang mga alagad ni Satanas ay laging gumagawa sa ilalim ng kanyang pamamahala upang itatag ang kanyang kapamahalaan at itayo ang kanyang kaharian laban sa pamahalaan ng Diyos. Sa ganitong layunin ay sinisikap nilang dayain ang mga tagasunod ni Cristo at akitin sila mula sa kanilang pagtatapat. Katulad ng kanilang pinuno, minamali at binabaluktot nila ang mga Kasulatan maisakatuparan lamang ang kanilang layunin. Kung paanong sinikap ni Satanas na siraan ang Diyos ay ganon din sinisikap ng kanyang mga alagad na siraan ang bayan ng Diyos. Ang espiritu na nagpapatay kay Cristo ay kinikilos ang mga masasama upang patayin ang Kanyang mga tagasunod. Lahat ng ito ay ipinagpauna na sa unang hulang iyon, “Papag-aalitin Ko ikaw at ang babae, at ang iyong binhi at ang kanyang Binhi.” At ito’y magpapatuloy hanggang sa wakas ng panahon. ADP 290.5
Tinatawagan ni Satanas ang buo niyang hukbo, at ginagamit ang buo niyang kapangyarihan sa pakikilaban. Bakit hindi siya sinasagupa nang may higit na pagsalungat? Bakit lubhang inaantok at nagwawalang-bahala ang mga sundalo ni Cristo? Dahil bahagya lang ang tunay nilang ugnayan kay Cristo; dahil sila’y salat sa Kanyang Espiritu. Para sa kanila ang kasalanan ay hindi nakakarimarim at kasuklam-suklam, gaya ng kung ano ito sa kanilang Panginoon. Hindi nila ito hinaharap nang may disidido at determinadong paglaban, gaya ng pagharap ni Cristo rito. Hindi nila nauunawaan ang labis na kasamaan at kalubhaan ng kasalanan, at sila’y nabulag kapwa sa likas at sa kapangyarihan ng prinsipe ng kadiliman. Babahagya lang ang pagkapoot kay Satanas at sa kanyang gawain dahil may napakalaking kawalang-alam tungkol sa kapangyarihan at masamang hangarin niya, at sa malawak na saklaw ng kanyang pakikipaglaban kay Cristo at sa Kanyang iglesya. Napakarami ng nalilinlang ukol dito. Hindi nila alam na ang kanilang kaaway ay isang makapangyarihang heneral na kumukontrol sa isipan ng masasamang anghel, at sa mga planong napapanahon at mahusay na mga pagkilos ay nakikidigma siya kay Cristo upang hadlangan ang kaligtasan ng mga kaluluwa. Sa mga nagsasabing Kristiyano at maging sa mga ministro ng ebanghelyo ay bahagyang marinig ang tungkol kay Satanas, maliban marahil sa di-sinasadyang pagbanggit sa pulpito. Kinakaligtaan nila ang mga katibayan ng patuloy niyang pagkilos at tagumpay; binabale-wala nila ang maraming babala tungkol sa kanyang katusuhan; parang di nila pinapansin ang kanya mismong pananatiling buhay sa mundo. ADP 290.6
Habang ang mga tao’y walang-alam sa kanyang mga pakana, ang alistong kaaway na ito ay nasa kanilang landas bawat sandali. Ipinipilit niya ang kanyang presensya sa bawat sangay ng sambahayan, sa bawat lansangan ng ating mga lunsod, sa mga simbahan, sa mga pambansang kapulungan, sa mga hukuman ng paglilitis, nanlilito, nandadaya, nanunulsol, kahit saan ay sinisira ang mga kaluluwa at katawan ng mga lalaki, babae, at mga bata, winawasak ang mga tahanan, naghahasik ng galit, ng hangaring mahigitan ang iba, kaguluhan, pagrerebelde at pagpatay. At tila ipinalalagay ng Kristiyanong daigdig ang mga bagay na ito na para bang itinakda ng Diyos ang mga ito kaya’t dapat magkaroon ng mga ganito. ADP 291.1
Si Satanas ay walang-tigil na pinagsisikapang madaig ang bayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtibag sa mga pader na naghihiwalay sa kanila sa sanlibutan. Ang Israel noong una ay nabuyo sa kasalanan nang sila’y mangahas sa ipinagbabawal na pakikisalamuha sa mga pagano. Sa paraan ding iyan ay naililigaw ang makabagong Israel. “Binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang pag-iisip ng mga hindi mananampalataya, upang huwag nilang makita ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Diyos” (2 Corinto 4:4). Ang lahat ng hindi disididong tagasunod ni Cristo ay mga alipin ni Satanas. Sa di-nabagong puso ay may hilig sa kasalanan, at isang ugaling ingatan at idahilan ito. Sa nabagong puso ay may pagkamuhi sa kasalanan at disididong paglaban dito. Kapag pinili ng mga Kristiyano ang makisama sa mga hindi maka-Diyos at hindi naniniwala, inilalantad nila ang kanilang sarili sa tukso. Itinatago ni Satanas ang kanyang sarili mula sa paningin at palihim na inilalagay ang kanyang mapandayang piring sa kanilang mga mata. Hindi nila makita na ang ganong mga kasamahan ay sadyang makakapinsala sa kanila; at habang sa buong panahon ay nakukuha ang ugali, pananalita, at kilos ng sanlibutan, sila ay lalong nagiging bulag. ADP 291.2
Ang pakikiayon sa mga kaugalian ng sanlibutan ang humihikayat sa iglesya sa sanlibutan; hindi nito kailanman nahihikayat ang sanlibutan kay Cristo. Ang pamimihasa sa kasalanan ay tiyak na magiging dahilan upang ito’y magmukhang di-gaanong kasuklam-suklam. Siyang pumipiling makisama sa mga lingkod ni Satanas, di katagala’y hindi na rin matatakot sa amo nila. Kapag tayo’y dinala sa pagsubok habang nasa tungkulin, gaya ni Daniel doon sa bulwagan ng hari, makatitiyak tayong ililigtas tayo ng Diyos; subalit kung inilalagay natin ang ating sarili sa panunukso, sa malao’t madali ay babagsak tayo. ADP 291.3
Ang manunukso ay malimit na gumagawang pinakamatagumpay sa pamamagitan nung mga taong hindi gaanong pinaghihinalaang nasa ilalim pala ng kanyang kontrol. Ang mga may talento at pinag-aralan ay hinahangaan at pinararangalan, na para bang ang mga katangiang ito ay makakabayad sa kawalan ng takot sa Diyos, o kaya’y magbibigay-karapatan sa mga tao sa Kanyang kabutihang-loob. Ang talento at kasanayan, sa sarili nito, ay mga kaloob ng Diyos; subalit kung ang mga ito’y gagawing pamalit sa kabanalan, kapag sa halip na ilapit ang kaluluwa sa Diyos, ang mga ito’y nagpapalayo sa Kanya, ang mga ito kung gayon ay nagiging sumpa at bitag. Lumalaganap sa maraming tao ang pag-aakala na lahat ng parang kabutihan o kagandahang-asal ay may kaugnayan kay Cristo sa ilang kaparaanan. Wala nang mas malaki pang pagkakamali kaysa rito. Ang mga katangiang ito ay dapat magparangal sa karakter ng mga Kristiyano, sapagkat ang mga ito’y gagamit ng malaking implu-wensya para sa tunay na relihiyon; ngunit ang mga ito’y dapat nakatalaga sa Diyos, kung hindi ay magiging kapangyarihan din ang mga ito para sa kasamaan. Maraming taong may pinag-aralan at kalugudlugod ang ugali, na hindi pabababain ang sarili sa karaniwan nang itinuturing na mahalay na gawain, ay makikinis na instrumento lamang sa mga kamay ni Satanas. Ang traydor at mapandayang katangian ng impluwensya at halimbawa nila ay siyang sa kanila’y nagpapaging mas mapanganib na kaaway ng layunin ni Cristo kaysa doon sa mga walang-alam at walang pinag-aralan. ADP 291.4
Sa pamamagitan ng taimtim na panalangin at pagdepende sa Diyos ay natamo ni Solomon ang karunungan na gumising sa pagkamangha at paghanga ng lahat ng tao. Subalit nang siya’y tumalikod sa Bukal ng kanyang kalakasan, at humayo na umaasa sa sarili, siya’y naging biktima ng tukso. At ang mga kahanga-hangang kakayahang ipinagkaloob sa pinakamatalinong haring ito ay ginawa lamang siyang mas mabisang instrumento ng kaaway ng mga kaluluwa. ADP 292.1
Bagaman palaging sinisikap ni Satanas na bulagin ang kanilang mga isipan sa katotohanang ito, huwag kalimutan ng mga Kristiyano na ang kanilang “paki-kipaglaban ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pinuno, laban sa mga may kapangyarihan, laban sa mga kapangyarihang di-nakikita na naghahari sa sanlibutan sa kadilimang ito, laban sa hukbong espirituwal ng kasamaan sa kalangitan” (Efeso 6:12). Ang kinasihang babala ay umuugong sa lahat ng dantaon hanggang sa kapanahunan natin: “Magpakatino kayo, magbantay kayo. Ang diyablo na inyong kaaway ay tulad ng leong gumagala at umuungal, na humahanap ng kanyang malalapa” (1 Pedro 5:8). “Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang kayo’y makatagal laban sa mga pakana ng diyablo” (Efeso 6:11). ADP 292.2
Mula noong panahon ni Adan hanggang sa panahon natin, ginagamit ng ating matinding kalaban ang kanyang kapangyarihan upang magpahirap at mangwasak. Siya ngayon ay naghahanda para sa huli niyang pakikidigma laban sa iglesya. Lahat ng nagsisikap na sumunod kay Cristo ay mapapalaban sa walangawang kaaway na ito. Habang mas malapit na ginagaya ng Kristiyano ang banal na Huwaran, mas tiyak din namang magiging markado siya para sa mga pagsalakay ni Satanas. Lahat ng masiglang gumagawa sa gawain ng Diyos, na nagsisikap na ilantad ang mga pandaraya ng kasamaan at ihayag si Cristo sa mga tao ay makakasama sa patotoo ni Pablo, na doon ay sinasabi niya ang tungkol sa paglilingkod sa Panginoon nang buong kapakumbabaan ng pag-iisip, na may pagluha at mga tukso (Gawa 19:20). ADP 292.3
Sinalakay ni Satanas si Cristo ng kanyang pinakamababangis at pinakatusong panunukso; subalit siya’y napaurong sa bawat laban. Ang mga digmaang iyon ay pinaglabanan para sa atin; ginawang posible ng mga pagtatagumpay na iyon ang tayo’y magtagumpay. Si Cristo ay magbibigay ng lakas sa lahat ng naghahanap nito. Sinuman ay hindi madadaig ni Satanas kung hindi siya papayag. Ang manunukso ay walang kapangyarihang kontrolin ang kalooban o piliting magkasala ang tao. Maaari siyang bumagabag, subalit hindi niya kayang magparumi. Kaya niyang magdulot ng matinding paghihirap ngunit hindi ng kasiraan. Ang katunayang nanagumpay si Cristo ay dapat magpalakas ng loob sa Kanyang mga alagad na makilaban nang may katapangan sa digmaan laban sa kasalanan at kay Satanas. ADP 292.4