Ang Dakilang Pag-Asa

29/44

27—Ang mga Makabagong Rebaybal

Saanman tapat na ipinangaral ang Salita ng Diyos, sumunod ang mga resultang nagpatunay na ito’y mula sa Diyos. Sinamahan ng Espiritu ng Diyos ang mensahe ng Kanyang mga lingkod, at ang Salita ay nagkaroon ng kapangyarihan. Nadama ng mga makasalanan na kinikilos ang kanilang budhi. Ang “ilaw na tumatanglaw sa bawat dumarating sa sanlibutan” ay pinagliwanag ang mga kubling silid ng kanilang mga kaluluwa, at ang mga nakatagong bagay ng kadiliman ay naihayag. Malalim na kumbiksyon ang kumapit sa kanilang isipan at puso. Sila’y sinumbatan tungkol sa kasalanan, sa katuwiran, at sa darating na kahatulan. Nadama nila ang katuwiran ni Jehova, at nadama ang kilabot ng pagharap sa Tagasuri ng mga puso, taglay ang kanilang kasalanan at karumihan. Sa matinding dalamhati ay isinigaw nila: “Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan?” Habang nahahayag ang krus ng Kalbaryo at ang walang-hanggang sakripisyo nito para sa mga kasalanan ng tao, nakita nila na wala nang iba maliban sa biyaya ni Cristo ang makasasapat na tumubos sa kanilang mga pagsalangsang; ito lamang ang may kakayahang ipagkasundo ang tao sa Diyos. Sa pananampalataya at kapakumbabaan ay tinanggap nila ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Sa pamamagitan ng dugo ni Jesus sila’y merong “kapatawaran sa mga kasalanang nagawa sa nakaraan.” ADP 264.4

Ang mga kaluluwang ito’y namunga nang nararapat sa pagsisisi. Sila’y sumampalataya at nabautismuhan, at bumangon upang lumakad sa panibagong buhay— mga bagong nilalang kay Cristo Jesus; na hindi na huhubugin ang kanilang sarili ayon sa dating masasamang pagnanasa, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya ng Anak ng Diyos ay sumunod sa Kanyang mga hakbang, ipakita ang Kanyang likas, at linisin ang kanilang sarili gaya naman Niyang malinis. Ang mga bagay na dati’y ayaw na ayaw nila, ngayo’y gusto na nila; at ang mga bagay na dati’y gusto nila ay ayaw na nila. Ang mapagmalaki at mapaggiit ng sarili ay naging maamo at mapagpakumbabang puso. Ang mayabang at mapangmata ay naging seryoso at banayad kumilos. Ang lapastangan ay naging magalang, ang lasenggero ay naging matino, at ang bastos ay naging banal. Ang walang-kabuluhang kaugalian ng sanlibutan ay iniwanan. Hindi sinikap ng mga Kris-tiyano na matamo ang “panlabas na pagpapahiyas ng buhok, at pagsusuot ng ginto, o pagbibihis ng maringal na damit. Sa halip, ay ang panloob na pagkatao na may kagandahang walang paglipas, ng isang mahinhin at maamong espiritu na napakahalaga sa paningin ng Diyos” (1 Pedro 3:3, 4). ADP 264.5

Ang mga rebaybal ay nagdulot ng malalim na pagsusuri ng puso at kapakumbabaan. Ito’y makikilala sa taimtim, at masikap na pananawagan sa mga makasalanan, sa nananabik na kahabagan sa mga binili ng dugo ni Cristo. Ang mga lalaki’t babae ay nanalangin at nakipagpunyagi sa Diyos para sa kaligtasan ng mga kaluluwa. Ang mga bunga ng ganong mga rebaybal ay nakita sa mga kaluluwang hindi inuurungan ang pagtanggi sa sarili at pagsasakripisyo, kundi nagalak sila na sila’y napabilang na karapat-dapat magtiis ng kahihiyan at pagsubok alang-alang kay Cristo. Nakita ng mga tao ang pagbabago sa buhay nung mga nagpahayag ng pananampalataya sa pangalan ni Jesus. Ang pamayanan ay nakinabang sa kanilang impluwensya. Sila’y nagtipon kay Cristo, at naghasik sa Espiritu, upang umani ng walang-hanggang buhay. ADP 265.1

Masasabi sa kanila na: “Kayo’y nalungkot tungo sa pagsisisi.” “Sapagkat ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi tungo sa kaligtasan na hindi ipagdaramdam, subalit ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan. Sapagkat tingnan ninyo ang ibinunga sa inyo ng kalungkutang ito na naaayon sa Diyos, kung anong pagtatanggol sa inyong mga sarili, kung anong pagkagalit, kung anong takot, pananabik, sigasig, at kaparusahan! Sa bawat bagay ay pinatunayan ninyo ang inyong pagiging malinis sa bagay na ito” (2 Corinto 7:9-11). ADP 265.2

Ito ang bunga ng gawain ng Espiritu ng Diyos. Walang katibayan ng tunay na pagsisisi malibang ito’y gumagawa ng pagbabago. Kung isauli niya ang sangla, ibalik ang kinuha sa pagnanakaw, ipahayag ang kanyang mga kasalanan, at ibigin ang Diyos at ang kanyang kapwa, ang makasalanan ay makasisiguro na siya’y nakasumpong ng kapayapaan sa Diyos. Ganyan ang mga bunga na sa mga nakaraang taon ay kasunod ng mga panahon ng pagkagising sa relihiyon. Nang hatulan sa kanilang bunga, sila’y nakilalang pinagpala ng Diyos para sa kaligtasan ng mga tao at sa pagpapalakas sa sangkatauhan. ADP 265.3

Subalit marami sa mga rebaybal ng makabagong panahon ang naghahayag ng kapansin-pansing kaibahan doon sa mga pagpapakita ng banal na biyaya na noong unang panahon ay kasunod ng mga paggawa ng mga lingkod ng Diyos. Totoo ngang napaalab ang laganap na interes, maraming nagpahayag ng pagbabalik-loob, at marami ang nadagdag sa mga iglesya; gayunman, ang mga naging resulta ay hindi sapat na patunay para maniwalang meron ngang katumbas na paglago ng tunay na buhayespirituwal. Ang ilaw na pansamantalang nagniningas ay namatay rin, at ang kadiliman ay naging mas makapal kaysa dati. ADP 265.4

Ang mga laganap na rebaybal ay napakadalas na isinasagawa sa pamamagitan ng pagbibigay-lugod sa imahinasyon, pagpukaw sa damdamin, pagpapalayaw sa kagustuhan sa kung anong bago at nakakagulat. Kaya’t ang mga nahihikayat ay walang hilig na makinig sa katotohanan ng Biblia, walang interes sa patotoo ng mga propeta at mga apostol. Malibang ang isang serbisyong panrelihiyon ay may katangiang kasiya-siya, ito’y hindi nakakaakit para sa kanila. Ang isang mensaheng nananawagan sa di-nababagbag na kaisipan ay hindi pumupukaw ng pagtugon. Ang malilinaw na babala ng Salita ng Diyos, na tuwirang kaugnay ng walang-hanggang kapakanan nila, ay hindi pinakikinggan. ADP 265.5

Sa bawat kaluluwang tunay na hikayat, ang relasyon sa Diyos at sa mga walanghanggang bagay ay magiging dakilang tema ng buhay. Subalit nasaan sa mga kilalang iglesya ngayon ang espiritu ng pagtatalaga sa Diyos? Hindi itinatakwil ng mga nahikayat ang kanilang pagmamalaki at pagmamahal sa sanlibutan. Hindi sila higit na laang tanggihan ang sarili, pasanin ang krus, at sundan ang maamo at mapagpakumbabang si Jesus, kaysa noong bago sila mahikayat. Ang relihiyon ay naging tampulan ng tukso ng mga hindi naniniwala sa Diyos at mapag-alinlangan, dahil napakarami sa mga nagdadala sa pangalan nito ay walang-alam sa mga prinsipyo nito. Ang kapangyarihan ng kabanalan ay halos lumisan na sa maraming iglesya. Ang mga isipang tungkol sa Diyos ay pinawi ng mga piknik, palabas ng iglesya, kasiyahan sa iglesya, magagandang bahay, at pagtatanghal sa sarili. Ang mga lupain at mga ari-arian at mga makasanlibutang gawain ang siyang laman ng isipan, at ang mga bagay na pangwalang-hanggang kapakanan ay halos hindi na napapansin. ADP 266.1

Sa kabila ng laganap na paglala ng pananampalataya at kabanalan, merong mga tapat na tagasunod si Cristo sa mga iglesyang ito. Bago ang huling pagdalaw ng mga kahatulan ng Diyos sa lupa ay magkakaroon sa kalagitnaan ng bayan ng Diyos ng rebaybal na may kauna-unahang kabanalan na hindi pa nakikita simula noong panahon ng mga apostol. Ang Espiritu at kapangyarihan ng Diyos ay ibubuhos sa Kanyang mga anak. Sa panahong iyon marami ang hihiwalay sa mga iglesyang iyon na ang pagmamahal sa sanlibutang ito ay ipinalit sa pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang Salita. Marami, kapwa sa mga ministro at mga tao, ang may kagalakang tatanggapin ang mga dakilang katotoha-nang iyon na iniutos ng Diyos na ipahayag sa panahong ito upang maghanda ng mga tao para sa ikalawang pagdating ng Panginoon. Ang kaaway ng mga kaluluwa ay gustong hadlangan ang gawaing ito; at bago dumating ang panahon ng pagsapit ng ganyang kilusan, sisikapin niyang ito’y mapigilan sa pamamagitan ng paghaharap ng panghuhuwad. Palalabasin niya na ang natatanging pagpapala ng Diyos ay parang ibinubuhos sa mga iglesyang iyon na makukuha niya sa ilalim ng kanyang mapandayang kapangyarihan; magkakaroon ng inaakalang malaking interes sa relihiyon. Napakarami ang magbubunyi na ang Diyos ay kahanga-hangang gumagawa para sa kanila, samantalang ang gumagawa naman ay ibang espiritu. Sa balatkayo ng relihiyon ay sisikapin ni Satanas na mapalawak ang kanyang impluwensya sa daigdig ng Kristiyanismo. ADP 266.2

Sa maraming rebaybal na naganap sa loob ng huling bahagi ng nakaraang siglo, ay patuloy na gumagawa sa malaki o kaya’y maliit na antas ang mga impluwensya ring iyon na mahahayag sa mas malalaking kilusan sa hinaharap. Merong pagkapukaw ng damdamin, paghahalo ng tama sa mali, na talagang iniangkop upang magligaw. Ngunit walang sinuman ang dapat na madaya. Sa liwanag ng Salita ng Diyos ay hindi mahirap alamin kung ano ang likas ng mga kilusang ito. Kung saan binabale-wala ng mga tao ang patotoo ng Biblia, tumatalikod sa mga malilinaw at sumusubok sa kaluluwang katotohanang iyon na nangangailangan ng pagtanggi sa sarili at pagtalikod sa sanlibutan, doon ay masisiguro natin na ang pagpapala ng Diyos ay hindi ipinagkakaloob. At sa pamamagitan ng alituntuning ibinigay mismo ni Cristo na, “Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga” (Mateo 7:16), ay malinaw na ang mga kilusang ito ay hindi gawain ng Espiritu ng Diyos. ADP 266.3

Sa mga katotohanan ng Kanyang Salita ay ibinigay ng Diyos ang kapahayagan ng Kanyang sarili sa mga tao; at sa lahat ng tumatanggap nito, ito’y isang sanggalang laban sa mga pandaraya ni Satanas. Ang pagwawalang-bahala sa mga katotohanang ito ang siyang nagbukas ng pinto sa mga kasamaan na ngayo’y nagiging laganap sa daigdig ng relihiyon. Ang likas at ang kahalagahan ng kautusan ng Diyos, sa malaking antas, ay kinalimutan. Ang maling pagkaunawa sa katangian, pamamalagi, at obligasyon sa banal na kautusan ay naghatid sa mga kamaliang may kinalaman sa pagkahikayat at pagpapakabanal, at nauwi sa pagbaba ng pamantayan ng kabanalan sa iglesya. Dito makikita ang sekreto kung bakit wala ang Espiritu at kapangyarihan ng Diyos sa mga rebaybal ng ating kapanahunan. ADP 266.4

Sa iba’t ibang denominasyon ay may mga taong kilala sa kanilang kabanalan, na inaamin at ikinalulungkot ang katotohanang ito. Si propesor Edward A. Park, sa paglalahad ng mga kasalukuyang panganib sa relihiyon ay napakahusay na nagsasabi: “Ang isang pinagmumulan ng panganib ay ang kapabayaang ipatupad ng pulpito ang banal na kautusan. Noong una, ang pulpito ay alingawngaw ng konsensya.... Ang mga pinakadakila nating mangangaral ay nagbigay ng kahanga-hangang kapangyarihan sa kanilang mga pagsasalita sa pamamagitan ng paggaya sa halimbawa ng Guro, at ng pagtatanyag sa kautusan, sa mga alituntunin nito, at sa mga babala nito. Inulit-ulit nila ang dalawang dakilang kasabihang ito, na ang kautusan ay kopya ng kasakdalan ng Diyos, at ang isang taong hindi nagmamahal sa kautusan ay hindi nagmamahal sa ebanghelyo; sapagkat ang kautusan, pati na ang ebanghelyo, ay isang salamin na nagpapakita sa tunay na karakter ng Diyos. Ang panganib na ito ay nagdudulot ng isa pang panganib, yung pagmamaliit sa kasamaan ng kasalanan, sa saklaw nito, at sa kakulangan nito. Katumbas ng pagiging tama ng kautusan ay ang pagiging mali ng pagsuway dito.... ADP 266.5

“Kaugnay ng mga panganib na nabanggit na, ay ang panganib ng paghamak sa katarungan ng Diyos. Ang tinutungo ng makabagong pulpito ay ang hatakin ang katarungan ng Diyos mula sa kabutihang-loob ng Diyos, ang ilubog ang kabutihang-loob bilang isang damdamin, sa halip na ito’y iangat bilang isang prinsipyo. Ang pinagsama ng Diyos ay pinaghihiwalay ng bagong bubog ng teolohiya. Ang kautusan ba ng Diyos ay mabuti o masama? Ito ay mabuti. Kung gayon ang katarungan ay mabuti; sapagkat ito’y kaayusan upang ipatupad ang kautusan. Mula sa ugali ng paghamak sa kautusan at katarungan ng Diyos, na siyang lawak at kakulangan ng pagsuway ng sangkatauhan, ang mga tao’y madaling nadudulas sa ugali ng paghamak sa biyayang inilaan bilang katubusan para sa kasalanan.” Kaya’t nawawala ang kabuluhan at kahalagahan ng ebanghelyo sa isipan ng mga tao, at hindi magtatagal sila’y talagang laan na ring isaisantabi ang Biblia mismo. ADP 267.1

Maraming tagapagturo ng relihiyon ang naggigiit na sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay winakasan na ni Cristo ang kautusan, kung kaya’t malaya na ang tao sa mga ipinagagawa nito. May mga nagpapaliwanag pa nga na ito’y gaya raw ng isang napakabigat na pasanin; at kataliwas ng pagkaalipin sa kautusan ay ipinakita nila ang kalayaang tatamasahin daw sa ilalim ng ebanghelyo. ADP 267.2

Subalit hindi ganyan ang pagturing ng mga propeta at ng mga apostol sa banal na utos ng Diyos. Ang sabi ni David: “Lalakad ako na may kalayaan; sapagkat aking hinanap ang Iyong mga panuntunan” (Awit 119:45). Si apostol Santiago, na sumulat pagkamatay ni Cristo, ay tinukoy ang Sampung Utos bilang “kautusang makahari,” at ang “kautusan ng kalayaan” (Santiago 2:8; 1:25). At ang Rebelador, kalahating siglo na matapos ang pagkapako sa krus, ay nagpahayag ng isang pagpapala sa kanila na “tumutupad ng Kanyang mga utos, upang sila’y magkaroon ng karapatan sa punungkahoy ng buhay at makapasok sa lunsod sa pamamagitan ng mga pintuan” (Apocalipsis 22:14, KJV). ADP 267.3

Ang pagsasabi na sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay inalis na raw ni Cristo ang kautusan ng Kanyang Ama ay walang batayan. Kung posible lang sanang baguhin o isaisantabi ang kautusan, si Cristo ay hindi na kailangan pang mamatay upang iligtas ang tao mula sa kaparusahan ng kasalanan. Ang kamatayan ni Cristo, na malayung-malayong mag-alis sa kautusan, ay nagpapatunay pa nga na ito’y di-mababago. Ang Anak ng Diyos ay naparito “upang dakilain ang Kanyang kautusan at gawing marangal” (Isaias 42:21). Ang sabi Niya: “Huwag ninyong isiping pumarito Ako upang sirain ang kautusan;” “hanggang sa mawala ang langit at lupa, ang isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala sa kautusan” (Mateo 5:17, 18). At tungkol sa Kanyang sarili ay sinabi Niya: “Kinaluluguran Kong sundin ang Iyong kalooban, O Diyos Ko; ang Iyong kautusan ay nasa loob ng Aking puso” (Awit 40:8). ADP 267.4

Ang kautusan ng Diyos, sapul sa pinakalikas nito, ay hindi mababago. Ito ay kapahayagan ng kalooban at ng karakter ng May-akda nito. Ang Diyos ay pag-ibig, at ang Kanyang kautusan ay pag-ibig. Ang dalawang dakilang prinsipyo nito ay ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa tao. “Ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan” (Roma 13:10). Ang likas ng Diyos ay katuwiran at katotohanan; ganyan ang likas ng Kanyang kautusan. Sabi ng mangaawit: “Ang kautusan Mo’y katotohanan;” “lahat ng mga utos Mo ay katuwiran” (Awit 119:142, 172). At sinasabi ni apostol Pablo: “Ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti” (Roma 7:12). Ang ganyang kautusan, dahil kapahayagan ng iniisip at kalooban ng Diyos, ay talagang walang-katapusan gaya ng May-akda nito. ADP 267.5

Gawain ng pagkahikayat at pagpapakabanal ang ipagkasundo ang tao sa Diyos sa pamamagitan ng pakikipagkaisa sa kanila sa mga prinsipyo ng Kanyang kautusan. Noong pasimula, ang tao ay nilalang sa wangis ng Diyos. Siya’y may ganap na pakikipag-isa sa likas at sa kautusan ng Diyos; ang mga prinsipyo ng katuwiran ay nakasulat sa kanyang puso. Ngunit inilayo siya ng kasalanan sa Lumikha sa kanya. Hindi na maaninag sa kanya ang banal na wangis. Ang kanyang puso ay nakikipaglaban sa mga prinsipyo ng kautusan ng Diyos. “Sapagkat ang kaisipan ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos; sapagkat hindi ito napapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari” (Roma 8:7). Ngunit “gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay Niya ang Kanyang tanging Anak,” upang ang tao’y maipagkasundo sa Diyos. Sa pamamagitan ng mga biyaya ni Cristo, siya ay maaaring mapanumbalik sa pakikipagkaisa sa kanyang Manlalalang. Ang kanyang puso ay dapat muling mabago ng banal na biyaya; kailangan niyang magkaroon ng bagong buhay mula sa itaas. Ang pagbabagong ito ay ang muling kapanganakan, na kung wala ito, sabi ni Jesus, ay “hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos” (Juan 3:16, 3). ADP 268.1

Ang unang hakbang sa pakikipagkasundo sa Diyos ay ang pagkilala sa pagiging makasalanan. “Ang kasalanan ay ang paglabag sa kautusan.” “Sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan” (1 Juan 3:4; Roma 3:20). Upang makita ang kanyang kasalanan, kailangang subukin ng makasalanan ang kanyang likas sa pamamagitan ng dakilang pamantayan ng Diyos para sa katuwiran. Ito’y isang salamin na nagpapakita sa kasakdalan ng isang matuwid na likas, at naipapakita sa kanya ang mga kapintasan sa kanyang sariling likas. ADP 268.2

Ibinubunyag ng kautusan sa tao ang kanyang mga kasalanan, subalit hindi ito naglalaan ng panlunas. Bagaman ipinangangako nito ang buhay sa mga masunurin, sinasabi naman nito na kamatayan ang kabahagi ng sumasalangsang. Ang ebanghelyo lamang ni Cristo ang makakapagpalaya sa kanya mula sa parusa o sa dungis ng kasalanan. Dapat niyang ganapin ang pagsisisi tungo sa Diyos, na may-ari ng kautusang nilabag; at pagsampalataya kay Cristo, na siya niyang handog na pantubos. Sa gayo’y nakakamit niya ang “kapatawaran sa mga kasalanang nagawa sa nakaraan,” at nagiging kabahagi ng banal na likas. Siya’y anak na ng Diyos, yamang nakatanggap ng espiritu ng pagkukupkop, dahil dito’y tumatawag siya: “Abba, Ama!” ADP 268.3

Siya ba ngayon ay malaya nang sumuway sa kautusan ng Diyos? Ang sabi ni Pablo: “Kung gayon, pinawawalang-saysay ba natin ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari; kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan.” “Tayong mga namatay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa roon” (Roma 3:31; 6:2). At sinasabi pa ni Juan, “Ito ang pag-ibig sa Diyos, na ating tuparin ang Kanyang mga utos at ang Kanyang mga utos ay hindi pabigat” (1 Juan 5:3). Sa muling kapanganakan, ang puso ay naiaayon sa Diyos, gaya ng pakikiayon nito sa Kanyang kautusan. Kapag ang makapangyarihang pagbabagong ito ay nangyari sa makasalanan, siya’y lumilipat na mula sa kamatayan tungo sa buhay, mula sa kasalanan tungo sa kabanalan, mula sa pagsalangsang at paghihimagsik tungo sa pagsunod at katapatan. Ang dating buhay ng paglayo sa Diyos ay nawakasan na; ang bagong buhay ng pakikipagkasundo, ng pananampalataya at pag-ibig ay nagsimula na. At pagkatapos “ang katuwirang itinatakda ng kautusan” ay matutupad “sa atin, na hindi lumalakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu” (Roma 8:4). At ang pangungusap ng kaluluwa ay magiging: “O mahal na mahal ko ang Iyong kautusan! Ito’y siya kong binubulaybulay sa buong araw” (Awit 119:97). ADP 268.4

“Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagpapanauli ng kaluluwa” (Awit 19:7). Kung wala ang kautusan, ang mga tao ay walang matuwid na pagkaunawa sa kalinisan at kabanalan ng Diyos o sa kanilang sariling kasalanan at karumihan. Wala silang tunay na pagkilala sa kasalanan at hindi madadama na kailangan nilang magsisi. Dahil hindi nakikita ang napapahamak nilang kalagayan bilang mga sumasalangsang sa kautusan ng Diyos, hindi nila nakikita ang pangangailangan nila sa tumutubos na dugo ni Cristo. Ang pag-asa ng kaligtasan ay tinatanggap nang walang tahasang pagbabago ng puso o repormasyon ng buhay. Kaya ang panlabas na pagkahikayat ay dumadami, at napakaraming tao ang iniaanib sa iglesya na hindi kailanman naging kaisa ni Cristo. ADP 268.5

Pati ang mga maling teorya sa pagpapakabanal, na nagmumula sa pagbabale-wala at pagtatakwil sa banal na kautusan, ay meron nang mahalagang lugar sa mga kilusang panrelihiyon ng panahong ito. Ang mga teoryang ito na kabulaanan na sa doktrina ay mapanganib pa sa mga praktikal na resulta; at ang katotohanan na ang mga ito ay talagang karaniwang sinasang-ayunan ay nagbibigay ng ibayong pangangailangan na ang lahat ay dapat magkaroon ng malinaw na pagkaunawa kung ano ang itinuturo ng mga Kasulatan sa paksang ito. ADP 269.1

Ang tunay na pagpapakabanal ay doktrina ng Biblia. Si apostol Pablo, sa kanyang sulat sa iglesya sa Tesalonica, ay nagsasabi: “Ito ang kalooban ng Diyos, ang inyong pagpapakabanal.” At idinadalangin niya na, “Pakabanalin nawa kayong lubos mismo ng Diyos ng kapayapaan” (1 Tesalonica 4:3; 5:23). Malinaw na itinuturo ng Biblia kung ano ang pagpapakabanal at kung paano ito maaabot. Ang Tagapagligtas ay nanalangin para sa Kanyang mga alagad na, “Pakabanalin Mo sila sa katotohanan; ang Salita Mo ay katotohanan” (Juan 17:17). At itinuturo ni Pablo na ang mananampalataya ay dapat na “ginawang banal ng Espiritu Santo” (Roma 15:16). Ano ang gawain ng Banal na Espiritu? Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “Kapag dumating na ang Espiritu ng katotohanan, papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan” (Juan 16:13). At sinasabi ng mang-aawit, “Ang kautusan Mo’y katotohanan” (Awit 119:142). Sa pamamagitan ng Salita at ng Espiritu ng Diyos ay nabubuksan sa mga tao ang mga dakilang prinsipyo ng katuwirang nakapaloob sa Kanyang kautusan. At dahil ang kautusan ng Diyos ay “banal, at matuwid, at mabuti,” isang kopya ng banal na kasakdalan, nangangahulugan na ang karakter na nahuhubog sa pagsunod sa kautusang iyon ay magiging banal din. Si Cristo ang perpektong halimbawa ng ganong karakter. Ang sabi Niya, Tinupad Ko ang “mga utos ng Aking Ama.” “Lagi Kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa Kanya” (Juan 15:10; 8:29). Ang mga tagasunod ni Cristo ay dapat na maging katulad Niya— na sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay makabuo ng karakter na kasang-ayon ng mga prinsipyo ng Kanyang banal na kautusan. Ito ang pagpapakabanal sa Biblia. ADP 269.2

Ang gawaing ito’y maisasagawa lamang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng nananahanang Espiritu ng Diyos. Pinapayuhan ni Pablo ang mga mananampalataya na, “Isagawa ninyo ang inyong sariling kaligtasan na may takot at panginginig; sapagkat Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanais at sa paggawa, para sa Kanyang mabuting kalooban” (Filipos 2:12, 13). Madadama ng Kristiyano ang mga udyok ng kasalanan, subalit pananatilihin niya ang isang patuloy na pakikipag-laban dito. Dito kinakailangan ang tulong ni Cristo. Ang kahinaan ng tao ay nagiging kaisa ng banal na kalakasan, at ang pananampalataya ay napapabulalas: “Salamat sa Diyos, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (1 Corinto 15:57). ADP 269.3

Malinaw na ipinapakita ng mga Kasulatan na ang gawain ng pagpapakabanal ay tuluy-tuloy. Kapag sa pagkahikayat niya ay nakasumpong ang makasalanan ng kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng dugong katubusan, ang buhay Kristiyano ay nagsisimula pa lamang. Siya ngayon ay dapat na “magpatuloy sa kasakdalan;” upang lumago “hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo” (Hebreo 6:1; Efeso 4:13). Ang sabi ni apostol Pablo, “Isang bagay ang ginagawa ko, nililimot ko ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap, nagpapatuloy ako tungo sa mithiin para sa gantim-pala ng dakilang pagtawag ng Diyos kay Cristo Jesus” (Filipos 3:13, 14). At ipinakita rin ni Pedro sa atin ang mga hakbang na sa pamamagitan nito’y makakamit ang pagpapakabanal na ayon sa Biblia: “Gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya na tustusan ang inyong pananampalataya ng kabutihan; ang kabutihan ng kaalaman; ang kaalaman ng pagpipigil; ang pagpipigil ng pagtitiis; ang pagtitiis ng pagiging makaDiyos; at ang pagiging maka-Diyos ng pagmamahal sa kapatid; at ang pagmamahal sa kapatid ng pag-ibig. . .kung gawin ninyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod kailanman” (2 Pedro 1:5-10). ADP 269.4

Yung mga nakakaranas ng pagpapakabanal na nasa Biblia ay magpapakita ng espiritu ng kapakumbabaan. Gaya ni Moises, sila’y merong pagkaunawa sa nakakapangilabot na kadakilaan ng kabanalan, at nakikita nila ang sarili nilang kawalang-halaga kumpara sa kadalisayan at matayog na kasakdalan ng Isang Walang-Hanggan. ADP 270.1

Si propeta Daniel ay isang halimbawa ng tunay na pagpapakabanal. Ang kanyang mahabang buhay ay puno ng marangal na paglilingkod para sa kanyang Panginoon. Siya’y isang lalaking “minamahal na mainam” ng Langit (Daniel 10:11). Ngunit sa halip na mag-angking malinis at banal, ang iginagalang na propetang ito ay ibinilang ang sarili sa mga talagang makasalanan sa Israel habang siya’y nagsusumamo sa Panginoon para sa kanyang mga kababayan: “Hindi namin inihaharap ang aming mga pagsamo sa harapan Mo dahil sa aming mga katuwiran, kundi dahil sa Iyong dakilang awa.” “Kami ay nagkasala, kami ay gumawa ng kasamaan.” Kanyang sinabi, “Ako’y nagsasalita at nananalangin, at nagpapahayag ng aking kasalanan at ng kasalanan ng aking bayang Israel.” At nang sa bandang huli ay magpakita ang Anak ng Diyos upang siya’y turuan, ang sabi ni Daniel, “Ang aking kulay ay namutlang parang patay at walang nanatiling lakas sa akin” (Daniel 9:18, 15, 20; 10:8). ADP 270.2

Noong marinig ni Job ang tinig ng Panginoon mula sa ipu-ipo, ay kanyang naibulalas, “Ako’y namumuhi sa sarili ko, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo” (Job 42:6). Iyon ay noong makita ni Isaias ang kaluwalhatian ng Panginoon, at marinig ang mga kerubin na nagsisigawan ng, “Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo,” na kanyang naisigaw, “Kahabaghabag ako! Ako’y napahamak” (Isaias 6:3, 5). Si Pablo, matapos na siya’y dalhin paitaas sa ikatlong langit at makarinig ng mga bagay na hindi maaaring salitain ng tao ay tinukoy ang kanyang sarili bilang “pinakahamak sa lahat ng mga banal” (2 Corinto 12:2-4; Efeso 3:8). Ang pinakamamahal na si Juan, na humilig sa dibdib ni Jesus at nakakita sa Kanyang kaluwalhatian, ang siyang bumagsak na parang patay sa paanan ng anghel (Apocalipsis 1:17). ADP 270.3

Hindi magkakaroon ng anumang pagdakila sa sarili, at walang mayabang na pagaangkin ng kalayaan sa kasalanan, sa panig nung mga lumalakad sa anino ng krus ng Kalbaryo. Kanilang nadarama na ang kasalanan nila ang nagdulot ng matinding paghihirap na nagwasak sa puso ng Anak ng Diyos, at ang isipang ito ang maghahatid sa kanila sa paghamak sa sarili. Yung mga namumuhay na pinakamalapit kay Jesus ay pinakamalinaw ring nauunawaan ang karupukan at pagkamakasalanan ng sangkatauhan, at ang tangi nilang pag-asa ay nasa biyaya ng ipinako at muling nabuhay na Tagapagligtas. ADP 270.4

Ang pagpapakabanal na nagiging tanyag ngayon sa daigdig ng relihiyon ay daladala ang espiritu ng pagdakila sa sarili at pagbabale-wala sa kautusan ng Diyos, na tanda ng kaibahan nito sa relihiyon ng Biblia. Ang mga tagapagtaguyod nito ay nagtuturo na ang pagpapakabanal ay isang agarang gawain, kung saan, sa pamamagitan lamang ng pananampalataya, ay maaabot na nila ang sakdal na kabanalan. “Manampalataya ka lang,” sabi nila, “at ang pagpapala ay mapapasaiyo.” Wala nang karagdagang pagsisikap sa panig ng tumanggap ang inaakala pang kailangan. Kasabay nito’y tinatanggihan nila ang kapamahalaan ng kautusan ng Diyos, iginigiit na sila’y pinalaya na sa obligasyong sundin ang mga utos. Ngunit posible kaya sa mga tao na maging banal, na makaayon ng kalooban at likas ng Diyos, nang hindi nakikiayon sa mga prinsipyo na siyang kapahayagan ng Kanyang likas at kalooban, at nagpapakita kung ano ang talagang nakalulugod sa Kanya? ADP 270.5

Ang pagnanais sa isang madaling relihiyon, na hindi kailangan ang pagsusumikap, pagtanggi sa sarili, at paghiwalay mula sa mga kalokohan ng sanlibutan, ay ginawang bantog na doktrina ang doktrina ng pananampalataya, at pananampalataya lamang; ngunit ano ang sinasabi ng Diyos? Ang sabi ni apostol Santiago: “Ano ang pakinabang mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinuman na siya’y may pananampalataya, ngunit walang mga gawa? Maililigtas ba siya ng kanyang pananampalataya?... Nais mo bang malaman, O taong hangal, na ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog? Hindi ba ang ating amang si Abraham ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, nang kanyang ihandog si Isaac na kanyang anak sa ibabaw ng dambana? Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kanyang mga gawa, at ang pananampalataya ay naging ganap sa pamamagitan ng mga gawa.... Nakikita ninyo na ang tao’y inaaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang” (Santiago 2:14-24). ADP 270.6

Ang patotoo ng Salita ng Diyos ay laban sa mapandayang doktrinang ito ng pananampalatayang walang gawa. Hindi pananampalataya ang pag-aangkin ng pagsang-ayon ng Langit nang hindi naman sumusunod sa mga kondisyon na sa pa-mamagitan nito’y maipagkakaloob ang kahabagan, iyo’y kapangahasan; sapagkat ang tunay na pananampalataya ay nakasalig sa mga pangako at mga kondisyon ng mga Kasulatan. ADP 271.1

Huwag dayain ninuman ang kanilang sarili sa paniniwalang sila ay magiging banal samantalang sinasadyang labagin ang isa sa mga ipinag-uutos ng Diyos. Ang paggawa ng isang tanyag na kasalanan ay nagpapatahimik sa sumasaksing tinig ng Espiritu at inihihiwalay ang kaluluwa sa Diyos. “Ang kasalanan ay ang paglabag sa kautusan.” At ang “sinumang nagkakasala [lumalabag sa kautusan] ay hindi nakakita sa Kanya, ni nakakilala sa Kanya” (1 Juan 3:6). Bagaman sa kanyang mga sulat ay lubos na tinatalakay ni Juan ang tungkol sa pag-ibig, gayunma’y hindi siya nag-aatubiling ibunyag ang tunay na likas ng mga taong iyon na nag-aangking napabanal samantalang namumuhay sa paglabag sa kautusan ng Diyos. “Ang nagsasabing, ‘Kilala ko Siya,’ ngunit hindi tinutupad ang Kanyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya. Ngunit ang sinumang tumutupad ng Kanyang Salita, tunay na naging ganap sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos” (1 Juan 2:4, 5). Narito ang subukan ng bawat pagpapanggap ng tao. Hindi natin maaaring iukol ang kabanalan sa kaninumang tao nang hindi siya dinadala sa panukat ng nag-iisang pamantayan ng kabanalan ng Diyos sa langit at lupa. Kung hindi nadarama ng mga tao ang bigat ng kautusang moral, kung kanilang minamaliit at minamagaan ang mga alituntunin ng Diyos, kung kanilang sinusuway ang isa sa pinakamaliit sa mga utos na ito, at ituturo ang gayon sa mga tao, sila’y magiging walang halaga sa paningin ng Langit, at malalaman natin na ang kanilang mga pag-aangkin ay walang batayan. ADP 271.2

At ang pag-aangkin ng pagiging walang kasalanan ay katibayan mismo na siyang gumagawa ng pag-aangking ito ay malayo sa kabanalan. Naituturing ng tao na banal ang kanyang sarili dahil wala siyang tunay na pagkaunawa sa walang-hanggang kadalisayan at kabanalan ng Diyos, o sa kung maging ano dapat silang mga nagiging kaayon ng Kanyang likas; dahil wala siyang tunay na pagkaunawa sa kadalisayan at sa itinatampok na kagandahan ni Jesus, at sa kalubhaan at kasamaan ng kasalanan. Kung mas malayo ang pagitan niya at ni Cristo, at kung mas kulang ang pagkaunawa niya sa likas at mga ipinag-uutos ng Diyos, mas nagiging matuwid din siya sa sarili niyang paningin. ADP 271.3

Ang pagpapakabanal na ipinapaliwanag sa Kasulatan ay sinasaklaw ang buong pagkatao—espiritu, kaluluwa, at katawan. Nanalangin si Pablo para sa mga tagaTesalonica na nawa’y ang kanilang “espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (1 Tesalonica 5:23). Muli’y isinulat niya sa mga mananampalataya, “Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buhay, banal, na kasiya-siya sa Diyos” (Roma 12:1). Sa panahon ng sinaunang Israel, ang bawat handog na dinadala bilang alay sa Diyos ay maingat na sinusuri. Kung merong anumang kapintasang masumpungan sa inihahaing hayop, ito’y hindi tinatanggap; sapagkat iniutos ng Diyos na ang handog ay dapat na “walang kapintasan.” Gayundin naman, ang mga Kristiyano ay inaatasang ialay ang kanilang mga katawan, na “isang haing buhay, banal, at kasiya-siya sa Diyos.” Upang magawa ito, ang lahat nilang kapangyarihan ay dapat maingatan sa posibleng pinakamagandang kalagayan. Lahat ng gawaing nagpapahina sa kalakasang pisikal o mental ay hindi nagpapaging dapat sa tao para maglingkod sa kanyang Manlalalang. At ang Diyos kaya ay malulugod sa anumang bagay na kapos sa pinakamabuting maihahandog natin? Ang sabi ni Cristo, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo” (Mateo 22:37). Yung mga tunay na umiibig sa Diyos nang buong puso ay magnanais na maibigay sa Kanya ang pinakamabuting paglilingkod ng kanilang buhay, at lagi nilang pagsisikapang maiayon ang bawat kapangyarihan ng kanilang pagkatao sa mga kautusang magpapaunlad sa kanilang kakayahang isagawa ang Kanyang kalooban. Hindi nila pahihinain o dudungisan man ang handog na inaalay nila sa kanilang Ama sa langit sa pamamagitan ng pagpapalayaw sa hilig o panlasa. ADP 271.4

Sinasabi ni Pedro: “Kayo’y umiwas sa mga pagnanasa ng laman na nakikipaglaban sa kaluluwa” (1 Pedro 2:11). Bawat masamang pagpapalayaw ay nagpapamanhid sa mga kakayahan at nagpapahina sa mental at espirituwal na pagkaunawa, at mahina lang ang nagagawang pagkintal sa puso ng Salita o kaya’y ng Espiritu ng Diyos. Isinulat ni Pablo sa mga tagaCorinto, “Linisin natin ang ating mga sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu, na ginagawang sakdal ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos” (2 Corinto 7:1). At sa mga bunga ng Espiritu—“pagibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, kaamuan”—ay isinama niya ang “pagpipigil sa sarili” (Galatia 5:22, 23). ADP 272.1

Sa kabila ng mga kinasihang pahayag na ito, napakaraming mga nagsasabing Kristiyano ang nagpapahina sa kanilang mga kakayahan dahil sa paghahangad ng pakinabang o kaya’y labis na paghanga sa kung anong uso; anong dami ng sumisira sa kanilang katauhang kawangis ng Diyos sa pamamagitan ng katakawan, ng pag-inom ng alak, at ng ipinagbabawal na kalayawan. At ang simbahan, sa halip na sawayin, ay napakadalas pang hinihimok ang kasamaang ito sa pamamagitan ng pagbibigay-lugod sa hilig, sa paghahangad ng pakinabang o hilig sa kalayawan, upang muling malagyan ang kabang-yaman nito, na di kayang matustusan ng pag-ibig kay Cristo. Kung papasok si Jesus sa mga simbahan ngayon, at makita ang pistahan at makasalanang kalakalan na doo’y ginagawa sa ngalan ng relihiyon, hindi kaya Niya itaboy ang mga lapastangang iyon, gaya ng pagpapalayas Niya sa mga nagpapalit ng salapi sa templo? ADP 272.2

Sinasabi ni apostol Santiago na ang karunungang buhat sa itaas “una’y malinis.” Kung nakaharap kaya niya yung mga bumabanggit sa pinakamamahal na pangalan ni Jesus sa pamamagitan ng mga labing nadungisan ng tabako, yung mga taong ang hininga’t pagkatao ay nahawahan na ng mabahong amoy nito, at pinarurumi ang hangin ng papawirin, at napipilitan ang lahat ng nakapalibot sa kanila na langhapin ang lason—kung nakaharap kaya ng apostol ang isang gawain na talagang laban sa kalinisan ng ebanghelyo, hindi kaya niya ito tuligsain bilang “makalupa, makalaman, may sa demonyo?” Ang mga alipin ng tabako na umaangkin sa pagpapala ng lubos na pagpapakabanal, ay nagsasalita tungkol sa kanilang pag-asa sa langit; subalit malinaw na sinasabi ng Salita ng Diyos na “hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi” (Apocalipsis 21:27). ADP 272.3

“O hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo mula sa Diyos, at kayo ay hindi sa inyong sarili? Sapagkat kayo’y binili sa isang halaga, kaya’t luwalhatiin ninyo ng inyong katawan ang Diyos” (1 Corinto 6:19, 20). Siyang ang katawan ay templo ng Banal na Espiritu ay hindi maaalipin ng nakakapinsalang gawi. Ang kanyang mga kakayahan ay pag-aari na ni Cristo, na bumili sa kanya sa halaga ng dugo. Ang kanyang mga ari-arian ay sa Panginoon. Paanong siya’y magiging walang-kasalanan sa paglustay sa ipinagkatiwalang puhunang ito? Ang mga nagsasabing Kristiyano ay gumagastos taun-taon ng napakalaking halaga sa mga walang-kuwenta’t nakakapinsalang kalayawan, samantalang ang mga kaluluwa ay namamatay dahil sa pangangailangan sa Salita ng buhay. Ang Diyos ay ninanakawan ng mga ikapu at mga handog, samantalang inuubos nila sa altar ng mapaminsalang pagnanasa ang mas marami pa kaysa sa ibinibigay nila upang matulungan ang mga mahihirap o para itaguyod ang ebanghelyo. Kung ang lahat ng nagsasabing tagasunod ni Cristo ay tunay ngang napabanal, ang kanilang kabuhayan, sa halip na gastusin sa mga hindi kailangan at nakakapinsala pa ngang kalayawan, ay ibabalik sa kabang-yaman ng Panginoon, at ang mga Kristiyano ay magbibigay ng halimbawa sa pagpipigil, pagtanggi sa sarili, at pagsasakripisyo. Sa gayo’y magiging ilaw sila ng sanlibutan. ADP 272.4

Ang sanlibutan ay nagugumon sa pagpapalayaw sa sarili. “Ang masamang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamataas sa buhay,” ay siyang kumukontrol sa napakaraming tao. Subalit ang mga tagasunod ni Cristo ay merong mas banal na pagkatawag. “Lumabas kayo sa kanila, at humiwalay kayo, sabi ng Panginoon, at huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi.” Sa liwanag ng Salita ng Diyos, tayo’y matuwid sa pagsasabing ang pagpapakabanal ay hindi maaaring maging tunay kung hindi ginagawa ang lubusang pagtatakwil na ito sa masasamang pagnanasa at pagpapalayaw ng sanlibutan. ADP 273.1

Doon sa mga sumusunod sa kondisyong, “Lumabas kayo sa kanila, at humiwalay kayo,.. .at huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi,” ang pangako ng Diyos ay, “kayo’y Aking tatanggapin, at Ako’y magiging Ama sa inyo, at kayo’y magiging Aking mga anak na lalaki at babae, sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat” (2 Corinto 6:17, 18). Karapatan at tungkulin ng bawat Kristiyano ang magkaroon ng mayaman at masaganang karanasan sa mga bagay na ukol sa Diyos. “Ako ang ilaw ng sanlibutan,” ang sabi ni Jesus. “Ang sumusunod sa Akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12). “Ang landas ng matuwid ay parang liwanag ng bukang-liwayway, na sumisikat ng higit at mas maliwanag hanggang maging ganap na araw” (Kawikaan 4:18). Bawat hakbang ng pananampalataya at pagsunod ay naghahatid sa kaluluwa sa malapit na ugnayan sa Ilaw ng sanlibutan, na sa Kanya’y “walang anumang kadiliman.” Ang maliliwanag na sinag ng Araw ng Katuwiran ay sumisikat sa mga lingkod ng Diyos, at dapat nilang pagliwanagin ang Kanyang mga silahis. Gaya ng mga bituing nagsasabi sa atin na merong dakilang liwanag sa kalangitan, na dahil sa kaluwalhatian Niya’y napapaningning sila, ganon din dapat ipakita ng mga Kristiyano na merong Diyos sa trono ng sansinukob na ang likas ay nararapat na purihin at tularan. Ang mga biyaya ng Kanyang Espiritu, ang kalinisan at kabanalan ng Kanyang likas, ay mahahayag sa Kanyang mga saksi. ADP 273.2

Sa kanyang sulat sa mga taga-Colosas ay inilalahad ni Pablo ang masasaganang pagpapala na ipinagkakaloob sa mga anak ng Diyos. Ang sabi niya: “Hindi kami tumigil ng pananalangin para sa inyo at sa paghiling na kayo’y punuin ng kaalaman ng Kanyang kalooban sa buong karunungan at pagkaunawang espirituwal, upang kayo’y lumakad nang nararapat sa Panginoon, na lubos na nakakalugod sa Kanya, namumunga sa bawat gawang mabuti, at lumalago sa pagkakilala sa Diyos. Nawa’y palakasin kayo sa buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng Kanyang kaluwalhatian, para sa lahat ng katatagan at pagtitiyaga na may galak” (Colosas 1:9-11). ADP 273.3

At muli, siya’y sumulat tungkol sa kanyang pagnanais na maunawaan ng mga kapatiran sa Efeso ang tayog ng karapatang Kristiyano. Binuksan niya sa kanila, sa pinakanauunawaang pananalita, ang kahanga-hangang kapangyarihan at kaalaman na maaaring mapasakanila bilang mga anak na lalaki at babae ng Kataas-taasan. Kanila ang pagbibigay-lakas “ng kapangyarihan sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu sa pagkataong-loob,” ang pagiging “nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig,” ang “matarok, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim, at upang makilala ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman.” Ngunit ang panalangin ng apostol ay nakaabot sa sukdulan ng tanging karapatang ito nang idalangin niyang nawa “kayo’y mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos” (Efeso 3:16-19). ADP 273.4

Dito’y nahahayag ang taas ng tagumpay na maaari nating maabot sa pamamagitan ng pananampalataya sa mga pangako ng ating Ama sa langit, kapag ating ginawa ang Kanyang mga ipinag-uutos. Sa pamamagitan ng mga biyaya ni Cristo tayo’y makakalapit sa trono ng Walang-Hanggang Kapangyarihan. “Siya na hindi ipinagkait ang Kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit naman hindi ibibigay sa atin nang walang bayad ang lahat ng mga bagay?” (Roma 8:32). Walang sukat na ibinigay ng Ama ang Kanyang Espiritu sa Kanyang Anak, at tayo’y maaari ring makabahagi sa kapuspusan nito. Sinabi ni Jesus: “Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa langit na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa Kanya?” (Lucas 11:13). “Kung kayo’y humingi ng anuman sa pangalan Ko ay gagawin Ko.” “Kayo’y humingi at kayo’y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan” (Juan 14:14; 16:24). ADP 273.5

Bagaman ang buhay ng isang Kristiyano ay makikilala sa kapakumbabaan, hindi dapat ito mababakasan ng kalungkutan at paghamak sa sarili. Karapatan ng bawat isa ang mamuhay nang gayon anupa’t sasangayunan at pagpapalain siya ng Diyos. Hindi kalooban ng ating Ama sa langit ang tayo’y mapasailalim kailanman sa kahatulan at kadiliman. Walang katibayan ng tunay na kapakumbabaan ang lumakad nang nakayukod ang ulo at ang puso’y puspos ng pagpapahalaga sa sarili. Maaari tayong lumapit kay Jesus at maging malinis, at tumayo sa harapan ng kautusan nang walang ikinahihiya at pagsisisi. “Ngayon nga’y wala nang kahatulan sa mga nakay Cristo Jesus, sa mga lumalakad hindi sa laman, kundi sa Espiritu” (Roma 8:1). ADP 274.1

Sa pamamagitan ni Jesus ang mga nagkasalang anak ni Adan ay naging “mga anak ng Diyos.” “Ang gumagawang banal at ang mga ginawang banal ay pawang nagmula sa isa. Dahil dito’y hindi nahihiya si Jesus na tawagin silang mga kapatid” (Hebreo 2:11). Ang buhay ng Kristiyano ay dapat maging isang buhay ng pananampalataya, ng pagtatagumpay, at ng kagalakan sa Diyos. “Ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay dumadaig sa sanlibutan at ito ang tagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya” (1 Juan 5:4). Tunay ang sinabi ng lingkod ng Diyos na si Nehemias, “Ang kagalakan sa Panginoon ang inyong kalakasan” (Nehemias 8:10). At sinasabi ni Pablo: “Magalak kayong lagi sa Panginoon; muli kong sasabihin, Magalak kayo.” “Magalak kayong lagi. Manalangin kayong walang patid. Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo” (Filipos 4:4; 1 Tesalonica 5:16-18). ADP 274.2

Ganyan ang mga bunga ng pagkahikayat at pagpapakabanal na ayon sa Biblia; at ang mga bungang ito’y bihira nang masaksihan sa dahilang ang mga dakilang prinsipyo ng katuwiran na inilahad sa kautusan ng Diyos ay winawalang-bahala ng sanlibutang Kristiyano. Ito ang dahilan kung bakit walang gaanong pagpapamalas ng malalim at nananatiling gawaing iyon ng Espiritu ng Diyos na tanda ng mga rebaybal nang nakaraang mga panahon. ADP 274.3

Tayo’y nababago sa pamamagitan ng pagtingin. At kapag binale-wala ang mga banal na tuntuning iyon, na doo’y inihayag ng Diyos sa mga tao ang kasakdalan at kabanalan ng Kanyang karakter, at ang isipan ng mga tao ay maakit sa mga turo at teorya ng tao, anong kababalaghan kung bakit ang kasunod nito ay ang pagbaba ng buhay na kabanalan sa iglesya. Sabi ng Panginoon, “Tinalikuran nila Ako, ang bukal ng mga tubig na buhay, at gumawa para sa kanila ng mga tipunan ng tubig na mga sirang tipunan na hindi malagyan ng tubig” (Jeremias 2:13). ADP 274.4

“Mapalad ang taong hindi lumalakad sa payo ng masama...kundi nasa kautusan ng Panginoon ang kanyang kagalakan, at nagbubulay-bulay araw at gabi sa Kanyang kautusan. Siya ay gaya ng isang punungkahoy na itinanim sa tabi ng agos ng tubig, na nagbubunga sa kanyang kapanahunan, ang kanyang dahon nama’y hindi nalalanta, sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya” (Awit 1:1-3). Kapag naibalik lamang ang kautusan ng Diyos sa tamang kalagayan nito maaaring magkaroon ng isang rebaybal ng sinaunang pananampalataya at kabanalan sa kalagitnaan ng mga nagsasabing bayan Niya. “Ganito ang sabi ng Panginoon: Tumayo kayo sa mga daan at tumingin, at ipagtanong ninyo ang mga sinaunang landas, kung saan naroon ang mabuting daan; at lumakad kayo roon, at kayo’y makakatagpo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa” (Jeremias 6:16). ADP 274.5