Ang Dakilang Pag-Asa

26/44

24—Ang paksa tungkol sa santuwaryo ay

siyang susing nagbukas sa hiwaga ng pagkabigo noong 1844. Binuksan nito ang isang buong sistema ng katotohanang nagkakaugnay at nagkakaisa, na ipinapakitang ang kamay ng Diyos ang siyang pumatnubay sa dakilang Kilusang Adventista, at naghahayag ng pangkasalukuyang tungkulin habang ibnubunyag ang kalagayan at gawain ng Kanyang bayan. Kung paanong ang mga alagad ni Jesus, pagkatapos noong kakila-kilabot na gabi ng kanilang pagdadalamhati at pagkabigo, ay “nagalak nang makita nila ang Panginoon,” ay nangagalak din ngayon yung mga naghintay sa Kanyang ikalawang pagparito sa pamamagitan ng pananampalataya. Inasahan nilang pakikita Siya sa kaluwalhatian upang bigyang gantimpala ang Kanyang mga lingkod. Nang mabigo ang mga inaasahan nila, si Jesus ay nawala sa kanilang paningin, at gaya ni Maria doon sa libingan, sila’y nagsiiyak, “Kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila Siya dinala.” ADP 244.1

Ngayon ay muli nila Siyang namasdan sa kabanal-banalang dako, Siya na kanilang maawaing Pinakapunong Pari, na malapit nang magpakita bilang kanilang hari at Tagapagligtas. Tinanglawan ng liwanag mula sa santuwaryo ang nakaraan, ang kasalukuyan at ang hinaharap. Alam nilang pinatnubayan sila ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang di-nagkakamaling banal na kalooban. Bagaman gaya ng mga unang alagad, ay hindi nila mismo naunawaan ang mensaheng dala-dala nila, gayunma’y tama ang mensaheng iyon sa lahat ng kaparaanan. Sa pagpapahayag nito ay tinupad nila ang layunin ng Diyos, at ang kanilang pagpapagal ay hindi nawalan ng kabuluhan sa Panginoon. “Ipinanganak na muli sa buhay na pag-asa,” sila’y nangagalak “na may galak na hindi maipaliwanag at puspos ng kaluwalhatian” (1 Pedro 1:3, 8). ADP 244.2

Ang hula ng Daniel 8:14 na, “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang hapon at umaga; pagkatapos ay malilinis ang santuwaryo,” at ang mensahe ng unang anghel na, “Matakot kayo sa Diyos at magbigayluwalhati sa Kanya, sapagkat dumating na ang oras ng Kanyang paghuhukom,” ay parehong tumutukoy sa gawain ni Cristo sa kabanal-banalang dako, sa pangsiyasat na paghuhukom at hindi sa pagdating ni Cristo para tubusin ang Kanyang bayan at lipulin ang lahat ng makasalanan. Ang pagkakamali ay hindi sa pagbilang ng mga panahong ukol sa hula, kundi sa pangyayaring magaganap sa katapusan ng 2,300 araw. Dahil sa pagkakamaling ito, nagdanas ng kabiguan ang mga mananampalataya, ngunit lahat ng inihula at lahat ng may patunay sa Kasulatan na inasahan nila ay natupad lahat. Noon mismong panahong ipinagdadalamhati nila ang kabiguan ng kanilang inaasahan, ay naganap ang pangyayaring inihula ng mensahe, na dapat matupad bago mahayag ang Panginoon upang magbigay ng gantimpala sa Kanyang mga lingkod. ADP 244.3

Si Cristo ay dumating hindi sa lupa, gaya ng inaasahan nila, kundi gaya ng ipinahihiwatig sa mga simbolo, ay sa kabanal-banalang dako ng templo ng Diyos sa langit. Inilalarawan Siya ni propeta Daniel na dumarating nang panahong ito sa Matanda sa mga Araw: “Patuloy akong nakakita sa pangitain sa gabi, at narito, ang isang gaya ng Anak ng Tao na dumarating kasama ng mga ulap. At Siya’y lumapit”—hindi sa lupa, kundi—“sa Matanda sa mga Araw, at iniharap sa Kanya” (Daniel 7:13). ADP 244.4

Ang pagdating na ito ay inihula rin ni propeta Malakias: ” ‘Ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa Kanyang templo! Ang Sugo ng tipan na inyong kinalulugdan ay narito, dumarating,’ sabi ng Panginoon ng mga hukbo” (Malakias 3:1). Ang pagdating ng Panginoon sa Kanyang templo ay biglaan, hindi inaasahan ng Kanyang bayan. Hindi nila Siya hinihintay doon. Inaasahan nilang Siya’y darating sa lupa, “na nasa nagliliyab na apoy, na magbibigay ng parusa sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus” (2 Tesalonica 1:8). ADP 244.5

Ngunit ang mga tao ay hindi pa handang salubungin ang kanilang Panginoon. Meron pang isang gawain ng paghahanda na dapat tapusin para sa kanila. Dapat maibigay ang liwanag na magtutuon ng kanilang mga isipan sa templo ng Diyos sa langit; at habang sinusundan nila ang kanilang Pinakapunong Pari sa Kanyang paglilingkod doon, ang mga bagong tungkulin ay mahahayag. Isa pang mensahe ng babala at tagubilin ang dapat na maibigay sa iglesya. ADP 244.6

Ang sabi ng propeta: “Sino ang makakatagal sa araw ng Kanyang pagdating, at sino ang makakatayo kapag Siya’y nagpakita? Sapagkat Siya’y tulad sa apoy ng tagapagdalisay at tulad sa sabon ng mga tagapagpaputi. Siya’y uupong gaya ng nagpapakintab at nagpapadalisay ng pilak, at Kanyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at Kanyang lilinising tulad sa ginto at pilak hanggang sila’y maghandog ng matutuwid na handog sa Panginoon” (Malakias 3:2, 3). Yung mga nabubuhay sa lupa kapag tapos na ang pamamagitan ni Cristo sa santuwaryo sa itaas, ay tatayo nang walang tagapamagitan sa paningin ng banal na Diyos. Ang kanilang mga damit ay dapat na walang dungis, ang kanilang karakter ay kailangang malinis mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pangwisik na dugo. Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos at ng sarili nilang masikap na pagpupunyagi ay dapat silang maging mananagumpay sa pakikipaglaban sa kasamaan. Habang ang pangsiyasat na paghuhukom ay nagpapatuloy sa langit, samantalang ang mga kasalanan ng nagsisising mananampalataya ay inaalis mula sa santuwaryo, dapat magkaroon ng isang natatanging gawain ng paglilinis, ng pagwawaksi sa kasalanan, sa kalagitnaan ng bayan ng Diyos sa lupa. Ang gawaing ito ay mas maliwanag na ipinahahayag sa mga mensahe ng Apocalipsis 14. ADP 245.1

Kapag ang gawaing ito ay naisagawa na, ang mga tagasunod ni Cristo ay handa na sa Kanyang pagpapakita. “Kung magkagayo’y ang handog ng Juda at ng Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa Panginoon, gaya ng mga unang araw, at gaya ng mga taong nakalipas” (Malakias 3:4). At ang iglesyang tatanggapin ng Panginoon sa Kanyang sarili sa pagdating Niya ay magiging “isang maluwalhating iglesya, na walang batik, o kulubot, o anumang gayong bagay” (Efeso 5:27). At ito’y magmumukhang “tulad ng bukang-liwayway, kasingganda ng buwan, kasinliwanag ng araw, kakilakilabot na parang hukbo na may mga watawat” (Awit ng mga Awit 6:10). ADP 245.2

Bukod sa pagdating ng Panginoon sa Kanyang templo, ang Kanyang ikalawang pagparito, ang pagdating Niya upang igawad ang kahatulan ay inihuhula rin ni Malakias sa mga salitang ito: “Aking lalapitan kayo sa kahatulan; Ako’y magiging mabilis sa pagsaksi laban sa mga mangkukulam, laban sa mga nakikiapid, laban sa mga nanunumpa ng kasinungalingan, at laban sa mga umaapi sa upahang manggagawa sa kanyang sahod, sa babaing balo at sa ulila, at laban sa nagtataboy sa dayuhan, at hindi natatakot sa Akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo” (Malakias 3:5). Ang tanawin ding iyon ang tinutukoy ni Judas nang sabi-hin niya, “Narito, dumating ang Panginoon na kasama ang Kanyang laksa-laksang mga banal, upang igawad ang hatol sa lahat at upang sumbatan ang bawat kaluluwa sa lahat ng kanilang masamang gawa” (Judas 14,15). Ang pagdating na ito, at ang pagdating ng Panginoon sa Kanyang templo ay magkaiba at magkahiwalay na pangyayari. ADP 245.3

Ang pagdating ni Cristo bilang punong pari natin, sa kabanal-banalang dako para sa paglilinis ng santuwaryo, na ipinapakita sa Daniel 8:14; ang paglapit ng Anak ng Tao sa Matanda sa mga Araw na ipinapahayag sa Daniel 7:13; at ang pagdating ng Panginoon sa Kanyang templo, na inihula ni Malakias, ay mga paglalarawan ng iisang pangyayari; at ito rin ay kinakatawanan ng pagdating ng lalaking ikakasal sa kasalan, na ipinaliwanag ni Cristo sa talinghaga ng sampung dalaga sa Mateo 25. ADP 245.4

Noong tag-araw at taglagas ng 1844 ang pagpapahayag na, “Narito na ang lalaking ikakasal,” ay ibinigay. Ang dalawang grupo na kinakatawanan ng matatalino at mga mangmang na dalaga ay unti-unting nabuo—isang grupo na may kagalakang naghintay sa pagpapakita ng Panginoon, at buong sikap na naghahanda upang Siya’y salubungin; at isa namang grupo na naniwala sa katotohanan dahil sa takot at kumilos dahil sa simbuyo ng damdamin, subalit salat sa biyaya ng Diyos. Sa talinghaga, nang ang lalaking ikakasal ay dumating, “ang mga nakapaghanda ay pumasok na kasama niya sa piging ng kasalan.” Ang pagdating ng lalaking ikakasal, na dito’y ipinakita, ay nangyari bago pa ang kasalan. Ang kasalan ay kumakatawan sa pagtanggap ni Cristo ng Kanyang kaharian. Ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem na siyang kabisera at kinatawan ng Kanyang kaharian ay tinatawag na “babaing ikakasal, ang asawa ng Kordero.” Ang sabi ng anghel kay Juan: “Halika, ipakikita ko sa iyo ang babaing ikakasal, ang asawa ng Kordero.” “At dinala niya akong nasa Espiritu,” ang sabi ng propeta, “at ipinakita sa akin ang banal na lunsod ng Jerusalem, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos” (Apocalipsis 21:9, 10). Maliwanag kung gayon, na ang babaing ikakasal ay kumakatawan sa Banal na Lunsod, at ang mga dalaga na lumabas upang salubungin ang lalaking ikakasal ay sumisimbolo sa iglesya. Sa Apocalipsis, ang bayan ng Diyos ay sinasabing mga panauhin sa hapunan ng kasalan (Apocalipsis 19:9). Kung sila’y mga panauhin, hindi sila maaaring kumatawan sa babaing ikakasal. Si Cristo, ayon sa sinasabi ni propeta Daniel, ay tatanggap mula sa Matanda sa mga Araw sa langit ng “kapangyarihan, kaluwalhatian, at kaharian;” Kanyang tatanggapin ang Bagong Jerusalem, ang kabisera ng Kanyang kaharian, “na nakahanda na gaya ng isang babaing ikakasal na nagagayakan para sa kanyang asawa” (Daniel 7:14; Apocalipsis 21:2). Pagkatanggap ng kaharian, Siya’y darating sa Kanyang kaluwalhatian, bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, para sa katubusan ng Kanyang bayan, na “mauupong kasalo ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob,” sa Kanyang hapag sa Kanyang kaharian (Mateo 8:11; Lucas 22:30), upang makibahagi sa hapunan ng kasalan ng Kordero. ADP 245.5

Ang pagpapahayag na, “Narito na ang lalaking ikakasal” noong tag-araw ng 1844, ay umakay ng libu-libo upang umasa sa agad na pagdating ng Panginoon. Sa itinakdang panahon, ang Lalaking ikakasal ay dumating hindi sa lupa, na kagaya ng inaasahan ng mga tao, kundi sa Matanda sa mga Araw sa langit, sa kasalan, sa pagtanggap ng Kanyang kaharian. “Ang mga nakapaghanda ay pumasok na kasama Niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pintuan.” Hindi sila personal na naroon sa kasalan; sapagkat ito’y nangyayari sa langit, samantalang sila’y narito sa lupa. Ang mga tagasunod ni Cristo ay kailangang “naghihintay sa kanilang Panginoon na magbalik mula sa kasalan” (Lucas 12:36). Subalit dapat nilang maunawaan ang Kanyang gawain, at sumu nod sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya habang Siya ay pumaparoon sa harap ng Diyos. Sa ganitong paraan masasabing sila’y pumasok sa kasalan. ADP 246.1

Sa talinghaga, yung mga may langis sa kanilang lalagyan ang pumasok sa kasalan. Yung mga taong meron ding Espiritu at biyaya ng Diyos kasama ng kaalaman sa katotohanang mula sa Kasulatan, na sa gabi ng pinakamatinding pagsubok sa kanila ay matiyagang naghintay, na nagsasaliksik ng Biblia para sa higit pang liwanag—ang mga ito ang nakakita sa katotohanan tungkol sa santuwaryo sa langit at sa pagpapalit ng paglilingkod ng Tagapagligtas, at sa pamamagitan ng pananampalataya ay sinundan nila Siya sa Kanyang gawain sa santuwaryo sa itaas. At ang lahat ng tumatanggap sa katotohanan ding iyon dahil sa patotoo ng Kasulatan, na sa pamamagitan ng pananampalataya ay sumusunod kay Cristo sa Kan-yang pagpasok sa harapan ng Diyos upang isagawa ang huling gawain ng pamamagitan, at sa pagtatapos nito ay tanggapin ang Kanyang kaharian—ang lahat ng ito ay kinakatawanan ng pagpasok sa kasalan. ADP 246.2

Sa talinghaga ng Mateo 22 ang ganon ding larawan ng kasalan ang ipinakikilala, at ang pangsiyasat na paghuhukom ay maliwanag na ipinakita na nangyari bago ang kasalan. Bago pa ang kasalan, ang hari ay pumasok upang tingnan ang mga panauhin (Mateo 22:11), para makita kung ang lahat ay nakasuot ng damit pangkasal, ng walangdungis na damit ng karakter na nilabhan at pinaputi sa dugo ng Kordero (Apocalipsis 7:14). Siyang nasumpungang nagkukulang ay itinapon, subalit ang lahat ng nakitang nakasuot ng damit pangkasal nang siyasatin, ay tinanggap ng Diyos at ibinilang na karapat-dapat na makibahagi sa Kanyang kaharian at umupo sa Kanyang trono. Ang gawaing ito ng pagsusuri ng karakter, ng pagtiyak kung sino ang handa para sa kaharian ng Diyos, ay ang gawain ng pangsiyasat na paghuhukom, ang pangwakas na gawain sa santuwaryo sa langit. ADP 246.3

Kapag ang gawain ng pagsisiyasat ay tapos na, kung ang mga kaso nung mga nag-angking mga tagasunod ni Cristo sa lahat ng panahon ay nasiyasat at napagpasyahan na, kung magkagayon, at sa pana-hong iyon lamang, ang palugit ay matatapos na, at ang pintuan ng awa ay isasara na. Kaya’t sa isang maikling pangungusap na, “Ang mga nakapaghanda ay pumasok na kasama Niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pintuan,” tayo’y inihahatid sa pangwakas na paglilingkod ng Tagapagligtas hanggang sa panahon na ang dakilang gawain para sa kaligtasan ng tao ay tapos na. ADP 246.4

Sa serbisyo ng santuwaryo sa lupa, na gaya ng nakita nati’y isang simbolo ng paglilingkod sa santuwaryo sa langit, kapag ang punong pari ay pumasok na sa kabanal-banalang dako sa Araw ng Pagtubos, ang paglilingkod sa unang silid ay tumitigil na. Iniutos ng Diyos, “Huwag magkakaroon ng sinumang tao sa toldang tipanan kapag siya’y pumasok upang gumawa ng pagtubos sa loob ng dakong banal hanggang sa lumabas siya” (Levitico 16:17). Kaya’t nang si Cristo ay pumasok sa kabanal-banalan upang isagawa ang pangwakas na gawain ng pagtubos, ay itinigil na Niya ang Kanyang paglilingkod sa unang silid. Ngunit nang magtapos ang paglilingkod Niya sa unang silid, ang paglilingkod naman sa ikalawang silid ay nagsimula na. Sa simbolong serbisyo, kapag iniwan na ng punong pari ang banal na dako sa Araw ng Pagtubos, siya ay papasok na sa harapan ng Diyos upang iharap ang dugo ng handog na pangkasalanan para sa kapakanan ng lahat ng Israel na tunay na nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Kaya’t ang naisagawa lamang ni Cristo ay ang isang bahagi ng Kanyang gawain bilang tagapamagitan natin, upang makasimula sa isa pang bahagi ng gawain, at isinasamo pa rin Niya ang Kanyang dugo sa harapan ng Ama alang-alang sa mga makasalanan. ADP 247.1

Ang paksang ito ay hindi naunawaan ng mga Adventista noong 1844. Pagkalipas noong panahon na ang Tagapagligtas ay inaasahan, naniniwala pa rin sila na malapit na ang Kanyang pagdating; inakala nilang sila’y sumapit na sa isang mabigat na krisis, na ang gawain ni Cristo bilang tagapamagitan ng tao sa harapan ng Diyos ay huminto na. Para sa kanila ay mukhang itinuturo sa Biblia na ang palugit sa tao ay magsasara na sa maikling panahon bago ang aktuwal na pagdating ng Panginoon sa mga alapaap ng langit. Ito’y waring malinaw mula sa mga kasulatan na tumutukoy sa panahon na ang mga tao’y maghahanap, tutuktok, at sisigaw sa pintuan ng awa, ngunit ito’y hindi bubuksan. At ito’y isang katanungan para sa kanila na, hindi kaya ang petsa na inasahan nila ang pagdating ni Cristo ay tanda ng pagsisimula ng panahong ito na susundan agad ng Kanyang pagparito. Dahil naibigay na ang babala ng nalalapit na paghuhukom, nadama nilang tapos na ang kanilang gawain para sa sanlibutan, at ang pasanin ng kanilang kaluluwa para sa kaligtasan ng mga makasalanan ay nawala na, samantalang ang pangahas at mapamusong na paglibak ng mga hindi maka-Diyos ay parang isa pa uling katibayan na ang Espiritu ng Diyos ay inalis na mula sa mga tumanggi sa Kanyang kaawaan. Ang lahat ng ito’y nagpatibay sa kanila sa paniniwala na ang palugit ay tapos na, o kaya’y tulad ng kanilang pagkakasabi dito noon, “ang pintuan ng awa ay sarado na.” ADP 247.2

Subalit dumating ang mas malinaw na liwanag dahil sa pagsisiyasat tungkol sa paksa ng santuwaryo. Nakita nila ngayon na tama nga sila sa paniniwala na ang pagtatapos ng 2,300 araw noong 1844 ay tanda ng isang mabigat na krisis. Subalit bagaman totoo ngang sarado na ang pintuan ng pag-asa at awa na sa pamamagitan nito’y lumalapit sa Diyos ang mga tao sa loob ng 18 dantaon, isa namang pintuan ang binuksan, at ang kapatawaran ng mga kasalanan ay inialok sa mga tao dahil sa gawain ng pamamagitan ni Cristo sa kabanal-banalang dako. Ang isang bahagi ng Kanyang paglilingkod ay nagsara na, para lamang bigyang-lugar ang isa pa. Meron pa ring isang “bukas na pintuan” sa santuwaryo sa langit, na doon ay naglilingkod si Cristo alang-alang sa mga makasalanan. ADP 247.3

Ngayon nila nakita ang kabuluhan ng mga salitang iyon ni Cristo sa Apocalipsis, na sinabi sa iglesya sa mismong panahong ito: “Ang mga bagay na ito ang sinasabi ng banal, ng totoo, na may susi ni David, na nagbubukas at hindi maisasara ng sinuman, na nagsasara at walang makakapagbukas. ‘Alam Ko ang iyong mga gawa. Tingnan mo, inilagay Ko sa harapan mo ang isang pintong bukas, na hindi maisasara ng sinuman” (Apocalipsis 3:7, 8). ADP 247.4

Yung mga sumusunod kay Cristo sa dakilang gawain ng pagtubos sa pamamagitan ng pananampalataya, ang siyang nakakatanggap sa mga kapakinabangan ng Kanyang pamamagitan para sa kapakanan nila; samantalang yung mga tumatanggi sa liwanag na naghahayag sa gawaing ito ng paglilingkod, ay hindi makikinabang dahil sa gayon. Ang mga Judio na tumanggi sa liwanag na ibinigay noong unang pagdating ni Cristo, at ayaw maniwala sa Kanya bilang Tagapagligtas ng sanlibutan, ay hindi maaaring makatanggap ng kapatawaran sa pamamagitan Niya. Nang si Jesus sa Kanyang pag-akyat ay pumasok sa santuwaryo sa langit sa pamamagitan ng sarili Niyang dugo upang ibuhos sa Kanyang mga alagad ang mga pagpapala ng Kanyang pamamagitan, ang mga Judio ay binayaan sa lubos na kadiliman para ipagpatuloy ang kanilang walang-kabuluhang mga paghahandog at pag-aalay. Ang paglilingkod ng mga simbolo at anino ay tapos na. Ang pintuang kung saan dati’y nakakalapit ang mga tao sa Diyos ay sarado na. Ang mga Judio ay tumangging hanapin Siya sa tanging paraan na sa pamamagitan nito’y maaari nila Siyang masumpungan, sa pamamagitan ng paglilingkod sa santuwaryo sa langit. Kaya’t sila’y hindi nakatagpo ng pakikisama ng Diyos. Sa kanila’y isinara ang pintuan. Wala silang alam tungkol kay Cristo bilang Siyang tunay na sakripisyo at nag-iisang tagapamagitan sa harapan ng Diyos, kaya hindi sila makatanggap ng mga kapakinabangan ng Kanyang pamamagitan. ADP 247.5

Ang kalagayan ng mga di-naniniwalang Judio ay naglalarawan sa kalagayan ng mga pabaya at walang pagsampalataya sa mga nagsasabing Kristiyano, na sinadya ang maging walang-alam sa gawain ng ating maawaing Pinakapunong Pari. Sa simbolong serbisyo, kapag ang punong pari ay pumasok na sa kabanal-banalang dako, ang buong Israel ay inuutusang magtipon sa palibot ng santuwaryo at sa pinakataimtim na paraan ay ibaba ang kanilang mga sarili sa harap ng Diyos, upang sila’y tumanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan at hindi matiwalag sa kapulungan. Gaano pa nga kaya kahalaga sa sinisimbuluhang Araw ng Pagtubos na ito, na ating maunawaan ang gawain ng ating Pinakapunong Pari at malaman kung anong mga tungkulin ang hinihiling sa atin. ADP 248.1

Hindi maaaring tanggihan ng mga tao nang hindi mapaparusahan ang mga babalang ipinadadala sa kanila dahil sa kaawaan ng Diyos. Isang mensahe ang ipinadala ng langit sa daigdig noong panahon ni Noe, at ang kaligtasan nila ay nakasalalay sa paraan ng kanilang pakikitungo sa mensaheng iyon. Dahil hindi nila tinanggap ang babala, ang Espiritu ng Diyos ay inalis sa makasalanang lahi, at sila’y nangapahamak sa tubig ng baha. Noong panahon ni Abraham, ang kaawaan ay tumigil na sa pagsusumamo sa mga makasalanang naninirahan sa Sodoma, at lahat maliban kay Lot pati ng kanyang asawa at dalawang anak ay tinupok ng apoy na mula sa langit. Ganon din noong panahon ni Cristo. Sinabi ng Anak ng Diyos sa mga hindi naniniwalang Judio ng henerasyong iyon, “Ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak” (Mateo 23:38). Sa pagtunghay hanggang sa mga huling araw, ang Walang-Hanggang Kapangyarihan ding iyon ay nagsabi tungkol sa mga “tumanggi...[na] ibigin ang katotohanan upang sila’y maligtas,” “Dahil dito’y pinapadalhan sila ng Diyos ng makapangyarihang pagkalinlang upang maniwala sila sa kasinungalingan, upang mahatulan silang lahat na hindi sumampalataya sa katotohanan, sa halip ay nalugod sa kalikuan” (2 Tesalonica 2:10-12). Nang tanggihan nila ang mga turo ng Kanyang Salita, inalis ng Diyos ang Kanyang Espiritu at binayaan sila sa mga pandarayang ninanais nila. ADP 248.2

Subalit si Cristo ay namamagitan pa rin para sa tao, at ang liwanag ay ibibigay sa mga nagsisihanap dito. Bagaman noong una ay hindi ito naunawaan ng mga Adventista, ito ay naging malinaw pagkatapos, habang ang mga kasulatang nagpapaliwanag sa kanilang tunay na paninindigan ay nagsimulang mabuksan sa kanila. ADP 248.3

Ang paglipas ng panahon noong 1844 ay sinundan ng panahon ng malaking pagsubok doon sa mga patuloy pa ring nanghawak sa pananampalatayang Adventista. Ang tangi nilang kaginhawahan, hangga’t ukol sa pagtiyak sa tunay nilang paninindigan, ay ang liwanag na nagturo sa kanilang isipan sa santuwaryo sa langit. Itinakwil ng iba ang kanilang pagsampalataya sa una nilang pagbilang ng mga panahong ukol sa hula at iniukol nila sa tao o kay Satanas ang makapangyarihang impluwensya ng Banal na Espiritu na siyang napasa-Kilusang Adventista. Ang isa namang grupo ay matibay na pinanindigan na ang Panginoon ang Siyang nanguna sa kanila sa nakaraan nilang karanasan; at habang sila’y naghihintay, nagbabantay at nananalangin upang malaman ang kalooban ng Diyos, ay nakita nila na ang kanilang dakilang Punong Pari ay pumasok sa isa pang gawain ng paglilingkod, at sa pagsunod nila sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya, ay nakita rin nila ang pangwakas na gawain ng iglesya. Nagkaroon sila ng mas malinaw na pagkaunawa sa mensahe ng una’t ikalawang anghel, at handa nilang tanggapin at ibigay sa sanlibutan ang taimtim na babala ng ikatlong anghel sa Apocalipsis 14. ADP 248.4