Ang Dakilang Pag-Asa

1/44

Ang Dakilang Pag-Asa

Panimula

Ang aklat na ito mahal na bumabasa, ay hindi inilathala upang sabihin sa atin na merong kasalanan at kalungkutan at paghihirap sa mundong ito. Alam na alam na natin ‘yan. ADP 5.1

Ang aklat na ito ay hindi inilathala upang sabihin sa atin na merong hindi mapagkakasundong tunggalian sa pagitan ng kadiliman at liwanag, ng kasalanan at kabanalan, ng mali at tama, ng kamatayan at buhay. Sa kaibuturan ng ating mga puso ay alam na natin ito, at alam natin na tayo’y may bahagi, at tayo’y gumaganap ng papel sa tunggalian. ADP 5.2

Ngunit sa bawat isa sa atin ay dumarating minsan ang isang pananabik na malaman pa ang higit tungkol sa malaking tunggalian. Paano nagsimula ang tunggalian? O dati na ba itong narito? Anong mga bahagi ang bumubuo sa masalimuot na kalagayan nito? Anong kinalaman ko rito? Ano ang aking responsibilidad? Nasumpungan ko ang aking sarili sa mundong ito kahit hindi ko naman kagustuhan. Nangangahulugan ba itong masama o mabuti para sa akin? ADP 5.3

Ano ang mga dakilang prinsipyong sangkot dito? Hanggang kailan magpapatuloy ang tunggaliang ito? Ano ang magiging katapusan nito? Lulubog ba ang mundong ito sa kalaliman ng gabing walang sumisikat na araw, napakalamig, at walang-hanggan, gaya ng sinasabi sa atin ng ilang siyentipiko? O merong isang mabuting kinabukasan na kinakaharap ito, na nagliliwanag dahil sa ilaw ng buhay, at naiinitan ng walang-hanggang pag-ibig ng Diyos? ADP 5.4

Ang paksa ay lalo pang napapalapit: Papaanong ang tunggalian sa aking sariling puso, ang away sa pagitan ng kasakimang dumadagsa papasok at ng pag-ibig na umaagos palabas ay maipapasya sa pagtatagumpay ng kabutihan, at malutas na magpakailanman? Ano ang sinasabi ng Biblia? Anong gustong ituro sa atin ng Diyos sa paksang ito, na mahalaga magpakailanman para sa bawat kaluluwa? ADP 5.5

Ang mga tanong na ganito ay matatagpuan natin sa lahat ng dako. Ang mga ito’y pilit na bumabangon mula sa kaibuturan ng ating sariling puso. Ang mga ito’y humihingi ng tiyak na kasagutan. ADP 5.6

Talagang ang Diyos na lumikha sa atin ng pananabik para sa mas mabuti, ng pagnanais sa katotohanan, ay hindi ipagkakait sa atin ang kasagutan para sa lahat ng kaalamang kinakailangan natin; sapagkat “ang Panginoong Diyos ay walang gagawin, kundi Kanyang ihahayag ang Kanyang lihim sa Kanyang mga lingkod na mga propeta” (Amos 3:7). ADP 5.7

Layunin ng aklat na ito, mahal na bumabasa, na tulungan ang naguguluhang kaluluwa para sa isang tamang solusyon sa lahat ng mga problemang ito. Ito’y isinulat ng isang taong nasubukan at nakita na ang Diyos ay mabuti, at natutunan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Diyos at ng pag-aaral ng Kanyang Salita, na ang lihim ng Panginoon ay nasa kanila na natatakot sa Kanya, at ipapakita Niya sa kanila ang Kanyang tipan. ADP 5.8

Para mas maunawaan natin ang mga prinsipyo ng pinakamahalagang tunggaliang ito, kung saan ang buhay ng isang daigdig ay sangkot, inilagay ito ng may-akda sa harap natin, sa dakila at tunay na mga pagkakalarawan sa nakalipas na 2,000 taon. ADP 5.9

Ang aklat ay nag-uumpisa sa malulungkot na tagpo ng pangwakas na kasaysayan ng Jerusalem, ang lunsod ng mga pinili ng Diyos, matapos nitong itakwil ang Tao ng Kalbaryo na naparito upang magligtas. Mula roon at padaan sa malalaking lansangan ng kasaysayan ng mga bansa, ay ituturo tayo nito sa mga pag-uusig sa mga anak ng Diyos noong unang isandaang taon; sa sumunod na malaking pagtalikod sa Kanyang iglesya; sa Repormasyong gumising sa sanlibutan, kung saan ang ilan sa mga dakilang prinsipyo ng tunggalian ay maliwanag na nakita; sa kakila-kilabot na liksyon ng pagtatakwil ng France sa mga tamang prinsipyo; sa pagpapanumbalik at pagkakataas sa Banal na Kasulatan, at sa impluwensya nitong nakakapagpabuti at nakakapagligtas ng buhay; sa panrelihiyong pagkagising ng mga huling araw; sa pagkakabukas sa nagliliwanag na bukal ng Salita ng Diyos, pati na sa mga kahangahangang paghahayag nito sa liwanag at kaalaman upang harapin ang nakapagpapasamang pag-iral ng lahat ng panlilinlang ng kadiliman. ADP 5.10

Ang kasalukuyang napipintong labanan, na sangkot ang mahahalagang prinsipyo, na dito’y walang sinumang maaaring magsabing siya’y walang pinapanigan, ay simple, malinaw, at matibay na iniharap. ADP 5.11

Kahuli-hulihan, sinasabi nito sa atin ang walang-hanggan at maluwalhating pagtatagumpay ng kabutihan sa kasamaan, ng tama sa kamalian, ng liwanag sa kadiliman, ng kagalakan sa kalungkutan, ng pag-asa sa kawalang pagasa, ng kaluwalhatian sa kahihiyan, ng buhay sa kamatayan, at ng walang-hanggan at mapagtiis na pag-ibig sa mapaghiganting galit. ADP 5.12

Ang mga dating edisyon ng aklat na ito ay nakapagdala na ng maraming kaluluwa sa Tunay na Pastol; dalangin ng mga tagapaglathala na ang edisyong ito ay mas higit nawang magbunga ng walang hanggang kabutihan. ADP 5.13

ANG MGA TAGAPAGLATHALA