Ang Aking Buhay Ngayon

68/275

Huwag Ibigin ang Sanlibutan, 8 Marso

Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang pag-ibig ng Ama ay wala sa sinumang umiibig sa sanlibutan. Sapagkat ang lahat na nasa sanlibutan, ang masamang pagnanasa ng laman, ang ‘ pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamataas sa buhay, ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan. 1 Juan 2:15,16 BN 71.1

Ang mga kabataang nabubuhay sa kapanahunang ito ay may mahirap na pakikipaglaban kung kanilang gagawing panuntunan sa kanilang pagkilos ang mga matuwid na prinsipyo. Nagsisikap ang marami sa lipunan na gawin iyong ginagawa ng karamihan, na iayon ang kanilang daan sang-ayon sa pamantayan ng sanlibutan. Gaya ng mga bulang walang laman o damong walang halaga, sila'y nagpapatangay sa agos. Wala silang pansariling pagkakakilanlan, walang pansariling kapasyahan. Ang pagsang-ayon ng sanlibutan ay mas mahalaga sa kanila kaysa pagtanggap ng Diyos o sa pagpapahalaga ng mga taong pinapahalagahan Niya. Ang tangi nilang layunin o panuntunan sa pagkilos ay ang karaniwang paglakad. Dahil hindi nila pinapahalagahan ang katotohanan at hindi sila kumikilos sang-ayon sa prinsipyo, hindi sila maaaring pagkatiwalaan. Sila'y mga laruan ng panunukso ni Satanas. Wala silang tunay na respeto sa kanilang sarili at walang tunay na kaligayahan sa buhay. Ang lupon na ito ay dapat kaawaan dahil sa kanilang kahinaan at kahangalan, at ang kanilang halimbawa ay dapat na iwasan ng lahat ng nagnanasang maging karapat-dapat na igalang. Ngunit imbes na ganito, ang kanilang pakikisama ay labis na hinahanap, at tila mayroon silang nakagaganyak na kapangyarihang mahirap tanggihan.... BN 71.2

Sa pagbuo ng inyong mga kaisipan at sa pagpili ng inyong mga makakasama, gawin ninyong gabay ang katuwiran at takot sa Diyos. Magpakatatag kayo sa inyong layunin dito, anuman ang sabihin o isipin ng iba tungkol sa inyo. Kapag ang mga kinakailangang pagsunod sa Diyos ay dinadala kayo sa kasalungat na landas kaysa doon sa tinatahak ng inyong mga kasamahan, magpatuloy kayo kahit na sumunod man kayo sa marami o sa kakaunti. Tanggihan ninyo anuman ang ipinagbabawal ng Salita ng Diyos, kahit na ito'y itaguyod ng buong mundo. . . . BN 71.3

Silang nagpapatangay sa agos, na umiibig sa kasiyahan at kalayawan, at pumipUi ng'mas madaling daan, na nagsasantabi sa prinsipyo para sa pagpapalugod sa kanilang mga pagnanasa—ang mga ito'y hindi makatatayo kasama ng mga nagwagi sa palibot ng dakilang puting trono. BN 71.4