Ang Aking Buhay Ngayon

55/275

Naghahanda Para sa Kapangyarihan, 23 Pebrero

Kaya nga magsisi kayo at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan. Gawa 3:19 BN 58.1

Imbes na makagawa ang Banal na Espiritu sa buhay ng tao, marami, maging sa mga nakikisangkot sa banal na gawain ng Diyos, ang humahadlang sa daan ng banal at nagbibigay-buhay na impluwensya ng Espiritu. Malaya nilang pinupuna at pinupulaan ang kanilang mga kapatid, ngunit hindi nila nakikita ang pangangailangan sa masusing pagtingin sa banal na salamin upang makita kung anong espiritu ang mismong ipinapakita nila. Binibilang nilang kabutihan ang mga kasiraan ng kanilang karakter, at nangungunyapit sa mga ito. . . . BN 58.2

Kailangang magkaroon ng gawain ng repormasyon at pagsisi. Lahat ay dapat na hanapin ang pagbubuhos ng Banal na Espiritu. Kagaya roon sa mga alagad matapos ang pag-akyat ni Cristo sa kalangitan, maaaring mangailangan ito ng ilang araw ng masidhing paghahanap sa Diyos at isantabi ang kasalanan. BN 58.3

Kapag gumawa ang Banal na Espiritu sa bayan ng Diyos, magpapakita sila ng kasiglahang sang-ayon sa kaalaman Ipapakita nila ang liwanag na ilang taon nang ibinibigay ng Diyos. Ang espiritu ng pamumuna ay maisasantabi. Puno ng espiritu ng pagpapakumbaba, magkakaroon sila ng iisang kaisipan, nagkakaisa kasama si Cristo. BN 58.4

Kapag ang isang tao ay puno ng Espiritu, higit na mahigpit siyang susubukin, at higit na malinaw niyang napapatunayan na siya'y kinatawan ni Cristo. Ang kapayapaang nananahan sa kaluluwa ay maaaninag sa mukha. Ang mga salita at pagkilos ay maghahayag ng pag-ibig ng Tagapagligtas. Walang pagpupunyagi para sa pinakamataas na lugar. Ang sarili ay tinatanggihan. Ang ngalan ni Jesus ay nasusulat sa lahat ng sinasabi at ginagawa. BN 58.5

Kung ang katotohanan sa kapayakan nito ay isinasakabuhayan sa bawat lugar, ang Diyos ay gagawa sa pamamagitan ng Kanyang mga anghel gaya ng Kanyang paggawa noong araw ng Penteeostes, at ang mga puso ay mababago na anupa't magkakaroon ng kapahayagan ng impluwensya ng katotohanan na kinakatawan sa pagbaba ng Banal na Espiritu. BN 58.6