Ang Aking Buhay Ngayon

54/275

Ang Pangako ng Kapangyarihan, 22 Pebrero

Sapagkat si Juan ay nagbautismo sa tubig; subalit hindi na aabutin ng maraming araw mula ngayon, na kayo’y babautismuhan sa Espiritu Santo. Gawa 1:5 BN 57.1

Hindi dahil sa anumang kahigpitan sa bahagi ng Diyos na ang mga kayamanan ng Kanyang biyaya ay hindi umaagos sa mga tao. Ang Kanyang kaloob ay makadiyos. Nagbibigay Siya nang may kasaganahang hindi nauunawaan ng mga tao dahil hindi sila nagagalak na tumanggap. Kung ang lahat ay handang tumanggap, ang lahat ay mapupuno ng Espiritu.... Tayo'y labis na madaling matuwa sa mga mumunting alon sa ibabaw samantalang ating pribilehiyong umasa para sa malalim na pagkilos ng Espiritu ng Diyos. BN 57.2

Sa pagtanggap ng kaloob na ito, ang lahat ng iba pang mga kaloob ay mapapasaatin; dahil nais Niyang tanggapin natin ang kaloob na itong may kasaganahan ng biyaya ni Cristo, at Siya'y nakahandang magbigay sa bawat kaluluwa sang-ayon sa kanyang kakayahan na tumanggap. Kaya't hindi tayo dapat na masiyahan sa kakaunti ng biyayang ito, iyong sapat lang na pigilin ang pagkahulog natin sa pagtulog ng kamatayan, bagkus ay masikap nating hanapin ang kayamanan ng biyaya ng Diyos. BN 57.3

Napakaraming pangako ang nabigay sa atin na tumitiyak sa kapunuan ng kapangyarihang taglay ng Diyos, gayunpaman napakahina natin sa pananampalataya na anupa't hindi natin mapanghawakan ang kapangyarihan. O gaano ang pangangailangan natin para sa buhay at maalab na pananampalataya sa mga katotohanan ng Salita ng Diyos! Ang malaking pangangailangan na ito ng bayan ng Diyos ay palaging nasa harapan ko.... Ano ang magagawa natin upang makita nilang tayo'y nabubuhay sa dapit-hapon ng kasaysayan ng mundong ito?... Kailangan natin ang pananampalatayang manghahawak sa bisig ni Jehovah. BN 57.4

Tanging sa kanila lang na mapagpakumbabang naghihintay sa Diyos, na nagbabantay para sa Kanyang gabay at biyaya, ibinibigay ang Espiritu. Ang kapangyarihan ng Diyos ay naghihintay sa kanilang paghingi at pagtanggap. Ang ipinangakong biyaya, na inangkin sa pamamagitan ng pananampalataya, ay nagdadala ng lahat ng iba pang mga biyaya. Ito'y ibinibigay sang-ayon sa kayamanan ng biyaya ni Cristo, at Siya ay handang magbigay sa bawat kaluluwa sang-ayon sa kanyang kakayahang tumanggap. BN 57.5