Ang Aking Buhay Ngayon
Pananampalataya, 20 Pebrero
Masdan mo ang palalo! Hindi tapat sa kanya ang kaluluwa niya, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya. Habakuk 2:4 BN 55.1
Sa isang pagkakataon, habang siya ay nagninilay-nilay tungkol sa kinabukasan, sinabi ni Habakuk, “Ako'y tatayo upang magbantay, at magbabantay ako sa ibabaw ng tore, at tatanaw upang Makita ko kung ano ang kanyang sasabihin sa akin.” May kabutihang sumagot ang Panginoon: “Isulat mo ang pangitain, at gawin mong malinaw sa mga tapyas na bato, upang ang makabasa niyon ay makatakbo. . .. Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.” BN 55.2
Ang pananampalatayang nagpalakas kay Habakuk at sa lahat ng banal at matuwid noong kapanahunang iyon kung kalian may masidhing pagsubok ay siya ring pananampalatayang nagpapatibay sa bayan ng Diyos ngayon. Sa pusikit na kadiliman, sa ilalim ng mga nakagigimbal na kalagayan, ang Cristianong mananampalataya ay maaaring mapanatili ang kanyang kaluluwa sa pinagmumulan ng lahat ng liwanag at kapangyarihan. Araw-araw sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, ang kanyang pag-asa at lakas ng loob ay mapapanibago. “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.” Sa paglilingkod sa Diyos hindi kailangang magkaroon ng kawalang pag-asa, pagdadalawang isip, o takot. Gaganapin ng Panginoon ang pinakamataas na pag-asa nilang nagtitiwala sa Kanya. Ibibigay Niya ang kaalamang kailangan para sa iba't ibang mga pagsubok.... BN 55.3
Kailangan nating pahalagahan at palaguin ang pananampalatayang pinatutunayan ng mga propeta at mga alagad—ang pananampalatayang nanghahawak sa mga pangako ng Diyos at naghihintay ng pagliligtas sa Kanyang piniling panahon at pamamaraan. Ang tiyak na salita ng propesiya ay matutupad sa kahulihan sa maluwalhating Pagbabalik ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Maaaring maging mahaba ang panahon ng paghihintay, maaaring ang kaluluwa ay pahirapan ng mga kalagayang nakapanghihina ng loob, maaaring bumagsak iyong mga pinagkatiwalaan; ngunit kasabay ng propetang nagsikap palakasin ang loob ng Juda noong kapanahunan ng walang kapantay na pagtalikod sa Diyos, ating sabihin na may buong pagtitiwala, “Ang Panginoon ay nasa kanyang templong banal; tumahimik ang buong lupa sa harapan niya!” Panatilihin natin sa alaala ang nagpapalakas-loob na mensahe, “Ang pangitain ay naghihintay pa ng panahon nito.. .kung ito'y parang mabagal ay hintayin mo; ito'y tiyak na darating, hindi ito maaantala.... Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.” BN 55.4