Ang Aking Buhay Ngayon

51/275

Kabutihan, 19 Pebrero

Ang mabuting tao ay magtatamo ng biyaya ng Panginoon, ngunit kanyang parurusahan ang taong may masamang layon. Kawikaan 12:2 BN 54.1

Ang tunay na kabutihan ay binibilang ng Kalangitan na totoong kadakilaan. Ang kalagayan ng moralidad ang siyang tumutukoy sa halaga ng isang tao. Maaaring ang isang tao'y magkaroon ng mga pag-aari at katalinuhan, ngunit walang halaga ito dahil ang nagliliwanag na apoy ng kabutihan ay hindi pa kailanman sumilab sa altar ng kanyang puso. BN 54.2

Ang kabutihan ay bunga ng kapangyarihan ng Diyos na bumabago sa likas ng tao. Sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo, ang katauhang nahulog sa pagkakasala ngunit Kanyang tinubos ay maaaring magkaroon ng pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig at naglilinis sa kaluluwa mula sa lahat ng karumihan. Pagkatapos nito, lumalabas ang mga pag-uugaling kagaya kay Cristo: dahil sa pamamagitan ng pagtingin kay Cristo tayo'y nababago sa Kanyang wangis mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, mula sa karakter tungo sa karakter. Tumutubo ang mabuting bunga. Ang pag-uugali ay isinasaayos sa wangis ng Diyos, at ang katapatan, katuwiran, at tunay na kabutihan ay naipapakita sa mga taong makasalanan. BN 54.3

Ang bawat tao ay inilagay ng Diyos sa pagsubok. Nais niyang subukin tayo upang makita kung tayo'y magiging mabuti at gagawa ng matuwid sa buhay na ito, upang makita kung mapagkakatiwalaan Niya tayo ng mga walang-hanggang kayamanan, at magagawa Niya tayong miyembro ng sambahayang maharlika, mga anak ng makalangit na Hari. BN 54.4

Walang hangganan sa kabutihan na maaari mong magawa. Kung ang Salita ng Diyos ay gagawin mong gabay ng iyong buhay, at pamamahalaan mo ang iyong mga pagkilos sa pamamagitan ng mga alituntunin nito, ginagawa mo ang lahat ng iyong mga layunin at pagsisikap na magampanan ang iyong tungkulin ay magiging pagpapala at hindi sumpa sa iba, magkakaroon ka ng tagumpay sa iyong mga pagsisikap. Inilagay mo ang iyong sarili sa pakikipagugnayan sa Diyos; naging daluyan ka ng liwanag sa iba. Ikaw ay mapaparangalan sa pamamagitan ng pagiging ka-manggagawang kasama ni Jesus; at wala nang higit na mataas na karangalan ang matatanggap mo kaysa bendisyon mula sa bibig ng Tagapagligtas: “Magaling! Mabuti at tapat na alipin.” BN 54.5