Ang Aking Buhay Ngayon

43/275

Upang Baguhin ang Aking Karakter, 11 Pebrero

At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, na nakikita ang kaluwalhatian ng Panginoon gaya ng sa isang salamin, ay nababago sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, sapagkat ito ay mula sa Panginoon na Siyang Espiritu. 2 CORINTO 3:18 BN 46.1

T ayo'y dinadalisay sa pamamagitan ng Espiritu. Ang mananampalataya ay nagiging kabahagi ng makadiyos na likas sa pamamagitan ng Espiritu. Ibinigay ni Cristo ang Kanyang Espiritu bilang banal na kapangyarihan para mapanagumpayan ang lahat ng minana at nilinang na pagkahilig timgo sa kasamaan at upang itatak ang Kanyang sariling likas sa Kanyang iglesia. BN 46.2

Kapag ang puso ay nasakop ng Espiritu ng Diyos, binabago nito ang buhay. Ang mga makasalanang pag-iisip ay iwinawaksi, ang masasamang gawa ay tinatanggihan; ang pag-ibig, pagpapakumbaba, at kapayapaan ay pumapalit sa galit, inggit, at alitan. Ang kalungkutan ay napapalitan ng kaligayahan, at ang mukha ay nagniningning na may kasiyahan ng kalangitan. Walang nakakikita sa kamay na nag-aalis sa pasanin o nakakakita sa liwanag na bumababa mula sa itaas. Ang pagpapala ay dumarating kapag isinusuko ng kaluluwa ang sarili niya sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Kung magkagayon ang kapangyarihan na hindi natatanaw ninuman ay lumilikha ng isang bagong nilalang sa wangis ng Diyos. BN 46.3

Ang Banal na Espiritu ang hininga ng espirituwal na buhay sa kaluluwa. Ang pagbibigay ng Espiritu ay pagbibigay ng buhay ni Cristo. Nilalagakan nito ng mga katangian ni Cristo ang tumatanggap.... BN 46.4

Ang relihiyong nagmumula sa Diyos ay siyang tanging relihiyon na makapagdadala sa Diyos. Upang tayo ay makapaglingkod sa Kanya nang wasto, kinakailangang tayo ay ipanganak ng Espiritu mula sa Diyos. Gagawin nitong dalisay ang puso at papanumbalikin ang kaisipan na nagbibigay sa atin ng bagong kakayahan na kilalanin at ibigin ang Diyos. Bibigyan tayo nito ng handang pagsunod sa lahat ng Kanyang naisin. Ito ang tunay na pagsamba. Ito ang bunga ng paggawa ng Espiritu. Sa pamamagitan ng Espiritu ang bawat tapat na panalangin ay naitatala at ang ganitong panalangin ay katanggap-tanggap sa Diyos. Kapag ang kaluluwa ay umaabot sa Diyos, doon nahahayag ang paggawa ng Espiritu, at ilalahad ng Diyos ang Kanyang sarili sa kaluluwa. Ang ganitong uri ng mananamba ang siya Niyang hinahanap. Naghihintay Siya upang sila'y tanggapin at gawing Kanyang mga anak. BN 46.5