Kasaysayan ng Pag-Asa
Kabanata 5 - Ang Pagpapalaya
Laging may mga tao ang Diyos, kahit sila'y kakaunti. Halimbawa, wawalong tao—si Noe at ang kanyang pamilya—ang pumasok sa barkong ipinagawa ng Diyos bilang kanlungan sa Baha. Lumakad si Enoc na kasama ng Diyos sa panahon ng lubhang kasamaan. Tinawagan ng Diyos si Abraham na iwan ang kanyang lupang tinubuan at pumunta sa Canaan. Ang kanyang lahi, na nakilalang mga Israelita, ay tumira roon hanggang itaboy sila ng taggutom sa Ehipto, kung saan sila inalipin. Narito ang kamangha-manghang kuwento kung paanong pinalaya ng Diyos ang mga nabuhay sa ilalim ng pagkabihag higit isanlibong taon bago pa si Cristo. KP 28.1
Sa maraming taon, naging alipin ang mga anak ni Israel sa Ehipto. Iilan lang ang pumunta roon, subalit dumami sila. Napapaligiran ng idolatriya, marami ang di nakakilala sa totoong Diyos at nakalimutan ang Kanyang kautusan. Sumama rin sila sa mga Ehipsyo sa pagsamba sa araw, buwan, bituin, hayop, at mga imahen. KP 28.2
Subalit may mga nagpanatili sa kanila sa pagkakilala sa totoong Diyos, ang Maylikha sa mga langit at lupa. Nagdalamhati ang mga tapat, at dumaing sila sa Panginoon na iligtas sila sa pang-aalipin, na ilabas na Niya sila sa Ehipto, kung saan mawawala ang pagsamba sa mga diyus-diyosan at masamang impluwensya. KP 28.3
Bagaman marami sa kanila ang pinasama ng idolatriya, naging matibay ang mga tapat. Hindi nila itinago ang kanilang pananampalataya, kundi hayagang kinilala sa mga Ehipsyo na naglilingkod sila sa iisang buhay at totoong Diyos. Inulit-ulit nila ang mga katibayan ng pagkakaroon at kapangyarihan ng Diyos. Nagkaroon ang mga Ehipsyo ng pagkakataong malaman ang pananampalataya ng mga Hebreo. Pinagsikapan nilang sirain ang paniniwala ng mga tapat, pero hindi sila nagtagumpay—sa pagbabanta, sa gantimpala, o sa pagmamalupit man. KP 28.4
Batay sa Exodo 5-15.
Mapagmalupit ang dalawang huling hari ng Ehipto. Sinikap ng mga matatanda sa Israel na pasiglahin ang papalubog nang pananampalataya ng bayan sa pagpapaalaala sa kanila sa pangakong ginawa ng Diyos kay Abraham at sa mga sinabi ni Jose bago siya mamatay, ang pagpapalaya sa kanila sa Ehipto. May mga nakinig at naniwala. Ang iba'y nalungkot at ayaw nang umasa. KP 29.1
Ipinagmayabang ni Faraon na gusto niyang makitang iligtas sila ng kanilang Diyos sa kanyang mga kamay Sinira ng mga salitang ito ang pag-asa ng marami. Para bang kagayang-kagaya nga ng sinabi ng hari at ng kanyang mga tagapayo ang sitwasyon. Alam nilang sila'y tinatratong alipin at dapat nilang tiisin ang anumang antas ng pagmamalupit na gawin sa kanila ng mga tagautos at namumuno sa kanila. Pinaghahanap at pinagpapatay ang kanilang mga batang lalaki. Isang pasanin ang sarili nilang buhay, gayong sila’y naniniwala at sumasamba sa Diyos ng langit. KP 29.2
Inihambing nila ang kanilang kalagayan sa mga Ehipsyo, na wala man lang kapani-paniwala sa buhay na Diyos na may kapangyarihang magligtas o mangwasak. Ang iba sa kanila’y sumasamba sa mga diyus-diyosan, mga imaheng kahoy at bato, habang ang iba'y pinipiling sambahin ang araw, ang buwan, at mga bituin. Pero sila’y mauunlad at mayayaman. May mga Hebreong nag-iisip na kung higit sa lahat ang Diyos sa mga diyos, hindi Niya dapat sila pabayaan nang ganito, mga alila ng bansang sumasamba sa diyus-diyosan. KP 29.3
Dumating na ang panahon para sagutin ng Diyos ang mga panalangin ng Kanyang inaaping bayan at ilabas sila sa Ehipto nang may lubhang makapangyarihang pagpapamalas ng Kanyang kapangyarihan anupa’t kikilalanin ng mga Ehipsyo na ang Diyos ng mga Hebreo, na kanilang hinamak, ay higit nga sa lahat ng mga diyos. Luluwalhatiin na ng Diyos ang sarili Niyang pangalan, upang marinig ng ibang mga bansa ang tungkol sa Kanyang kapangyarihan at manginig sa Kanyang mga makapangyarihang gawa, at upang ang Kanyang bayan, sa pagsaksi sa Kanyang mga mahimalang gawa, ay lubusang tumalikod sa kanilang pagsamba sa mga diyus-diyosan at ibigay sa Kanya ang dalisay na pagsamba. KP 29.4
Sa pagpapalaya sa Israel mula sa Ehipto, malinaw na ipinakita ng Diyos sa lahat ng Ehipsyo ang bukod-tangi Niyang kahabagan sa Kanyang bayan. At dahil hindi makumbinsi si Faraon ng anu- mang ibang paraan, minabuti ng Diyos na igawad ang Kanyang mga kahatulan sa kanya, upang malaman niya sa pamamagitan ng malungkot na karanasan, na higit na mataas sa lahat ang kapangyarihan ng Diyos. Magbibigay Siya sa lahat ng mga bansa ng malinaw at di-maikakailang patunay Kanyang banal na kapangyarihan at katarungan, upang maitanghal ang Kanyang pangalan sa buong lupa. Balak ng Diyos na mapalakas ng mga pagpapamalas na ito ng kapangyarihan ang pananampalataya ng Kanyang bayan, at tapat silang sasamba sa Kanya lamang na gumawa ng ganoong maawaing kababalaghan para sa kanila. KP 29.5
Pagkatapos ng kautusan ni Faraon na inaatasan ang mga taong gumawa ng mga tisa nang walang dayami, sinabi ni Moises sa kanya na ang Diyos, na kunyari’y hindi niya kilala, ay pipilitin siyang magpahinuhod sa Kanyang mga karapatan at kilalanin ang Kanyang awtoridad bilang pinakamataas na Pinuno. KP 30.1
Mga Salot—Hindi nakaantig sa matigas na puso ni Faraon na paalisin ang Israel ang himalang gawing ahas ang tungkod at dugo ang ilog, kundi nagpatindi pa sa kanyang pagkamuhi sa kanila. Pinaniwala siya ng kanyang mga salamangkero na nagawa ni Moises ang mga himalang ito dahil sa mahika. Gayunman, nang alisin ang salot ng mga palaka, napakarami niyang katibayan na hindi ganoon ang totoong nangyayari. Puwede sanang gawin ng Diyos na maglaho ito at bumalik sa alabok sa isang saglit lang, pero hindi Niya ito ginawa, para pagkatapos na maalis ang mga ito, hindi masabi ng hari at ng mga Ehipsyo na dahil sa mahika iyon, gaya ng ginawa ng mga salamangkero. Namatay ang mga palaka at tinipon ito ng mga tao nang buntun-bunton. Nabubulok ang mga katawan ng palaka sa harap nila, na nagpapabaho sa hangin. Nasa hari at sa buong Ehipto ang mga katibayang hindi kayang ipawalang-saysay ng walang-kabuluhan nilang pilosopiya, na hindi ito mahika kundi kahatulang mula sa Diyos ng kalangitan. KP 30.2
Hindi magaya ng mga salamangkero ang mga kuto, na siyang sumunod. Hindi sila pinayagan ng Panginoon na palabasin sa kanilang sarili o sa bayan ng Ehipto na para bang kaya nilang gawin ang salot ng mga kuto. Aalisin Niya ang lahat ng maidadahilan ni Faraon para huwag maniwala. Pinilit Niya maging ang mga mahiko na sabihing, “Ito ay daliri ng Diyos.” KP 30.3
Sumunod ang salot ng langaw. Hindi iyon mga langaw na naglalabasan minsan isang taon na nakakainis pero hindi nang- aano. Sa halip, malalaki’t may-lason ang mga ito na dinala ng Diyos sa Ehipto. Napakasakit ng kagat nila sa mga tao at hayop. Ibinukod ng Diyos ang Kanyang bayan sa mga Ehipsyo at hindi pinayagang may makapuntang langaw sa kanilang mga lugar. KP 31.1
Ipinadala naman ng Panginoon ang salot na sakit sa kanilang hayupan, at kasabay nito’y iningatan ang mga hayop ng mga Hebreo, anupa't walang isa man sa mga ito ang namatay. Sunod ang salot na mga bukol sa mga tao at hayop, at hindi naprotektahan maging ng mga salamangkero ang kanilang sarili. Ipinadalang sunod ng Panginoon sa Ehipto ang salot na granizong may-halong apoy, may mga kidlat at kulog. Bago pa ito mangyari, ibinigay na ang takdang oras ng bawat salot, para walang makapagsabi na ito'y nagkataon lang. Ipinakita ng Panginoon sa mga Ehipsyo na sumasailalim sa utos ng Diyos ng mga Hebreo ang buong lupa— na sumusunod sa Kanyang tinig ang kulog, ulan ng yelo, at bagyo. Si Faraon, ang mapagmalaking hari na dati’y nagtanong, “Sino ang Panginoon na aking papakinggan ang Kanyang tinig?” ay nagpakumbaba sa kanyang sarili at sinabi, “Ako’y nagkasala ... ang Panginoon ay matuwid samantalang ako at ang aking bayan ay masama.” Nagsumamo siya kay Moises na maging tagapamagitan niya sa Diyos, upang patigilin ang nakakatakot na kulog at kidlat. KP 31.2
Sunod na ipinadala ng Panginoon ang katakut-takot na salot ng mga balang. Pinili ng hari na tanggapin ang mga salot sa halip na magpasakop sa Diyos at hayaang makaalis sa Ehipto ang mga Israelita. Walang-pagsisisi niyang sinaksihan ang kanyang buong kaharian sa ilalim ng himala ng mga kalagim-lagim na kahatulang ito. Pagkatapos, nagpadala ang Panginoon ng kadiliman sa Ehipto. Hindi lamang nawalan ng liwanag ang mga tao, kundi lubhang nagpahirap ang hangin, maging sa paghinga. Samantalang may dalisay na hangin at liwanag sa tahanan ng mga Hebreo. KP 31.3
Nagdala ang Diyos ng isa pang matinding salot sa Ehipto, mas malupit kaysa alinman sa mga nauna rito. Ang hari at ang mga paring sumasamba sa diyus-diyosan ang hanggang sa huli ay kumalaban sa kahilingan ni Moises. Gusto na ng mga taong payagang makaalis ang mga Hebreo. Binalaan ni Moises si Faraon at ang kanyang bayan, at pati na rin ang mga Israelita, tungkol sa likas at epekto ng huling salot—mamamatay ang panganay ng bawat sambahayan. Nang gabing iyon, kahila-hilakbot para sa mga Ehipsyo at napakaluwalhati naman para sa bayan ng Diyos, itinatag ang taimtim na seremonya ng Paskuwa. KP 31.4
Napakahirap para sa hari ng Ehipto at sa mga taong mapagmalaki’t sumasamba sa diyus-diyosang tanggapin ang mga ipinagagawa ng Diyos ng langit. Sunud-sunod na salot ang sumapit sa Ehipto, at nagpapasakop lang ang hari kapag napilitan dahil sa mga kakila- kilabot na parusa ng galit ng Diyos. KP 32.1
Bawat salot ay sumapit nang mas magkalapit at mas matindi, at nagiging mas nakakapanghilakbot kaysa sa nauna. Subalit talagang galit na galit ang mayabang na hari, at ayaw niyang magpakumbaba. At nang makita ng mga Ehipsyo ang malalaking paghahandang ginagawa ng mga Israelita para sa kalagim-lagim na gabing iyon, pinagtawanan nila ang tanda ng dugong iwinisik sa hamba ng mga pintuan ng mga Israelita. KP 32.2
Sinunod ng mga Israelita ang mga tagubilin ng Diyos, at habang nagbabahay-bahay ang anghel ng kamatayan sa mga Ehipsyo, handa na silang lahat sa paglalakbay at naghihintay na sabihin sa kanila ng rebeldeng hari at mga dakilang tao niya na umalis na sila. KP 32.3
“Pagsapit ng hatinggabi, pinatay ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, mula sa panganay ng Faraon na nakaupo sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng bihag na nasa bilangguan, at lahat ng panganay sa mga hayop. Ang Faraon ay bumangon nang gabi, pati ang lahat ng kanyang mga lingkod at lahat ng mga Ehipsyo; at nagkaroon ng isang malakas na panaghoy sa Ehipto sapagkat walang bahay na walang namatay. KP 32.4
“Kanyang ipinatawag sina Moises at Aaron nang gabi at sinabi, ‘Maghanda kayo, umalis kayo sa gitna ng aking bayan, kayo at ang mga anak ni Israel! Umalis na kayo at sambahin ninyo ang Panginoon gaya ng inyong sinabi. Dalhin ninyo ang inyong mga kawan at ang inyong mga baka, gaya ng inyong sinabi, at kayo’y umalis na; at idalangin ninyo na ako ay pagpalain!’ KP 32.5
Pinapagmadali ng mga Ehipsyo ang taong-bayan, at madaliang pinaalis sila sa lupain, sapagkat kanilang sinabi, ‘Kaming lahat ay mamamatay.’ “Kaya’t dinala ng taong-bayan ang kanilang minasang harina bago ito nilagyan ng pampaalsa, na nakabalot pa ang kanilang pangmasa sa kani-kanilang damit at ipinasan sa kanilang mga balikat. Ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa sinabi sa kanila ni Moises; sila'y humingi sa mga Ehipsyo ng mga alahas na pilak, mga alahas na ginto, at mga damit. Binigyan ng Panginoon ang bayan ng biyaya sa paningin ng mga Ehipsyo, kaya’t ibinigay sa kanila ang anumang hingin nila. Kaya't kanilang sinamsaman ang mga Ehipsyo.” KP 33.1
Inihayag na ito ng Panginoon kay Abraham mga 400 taon bago pa ito matupad: “Sinabi ng Panginoon kay Abram, ‘Tunay na dapat mong malaman na ang iyong binhi ay magiging taga-ibang bayan sa lupaing hindi kanila, at sila’y magiging mga alipin doon, at sila’y pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon; ngunit ang bansang kanilang paglilingkuran ay Aking hahatulan; at pagkatapos ay aalis sila na may malaking ari-arian’” Genesis 15:13, 14. KP 33.2
“Iba’t ibang lahi, mga kawan, mga baka, at napakaraming hayop ang umahon ding kasama nila” Lumabas sila sa Ehipto dala ang kanilang mga ari-arian, na hindi pag-aari ni Faraon, dahil hindi naman nila ito naibenta sa kanya. Dinala nila ang kanilang mga hayupan sa Ehipto. Lubhang dumami sila, at ang kanilang mga kawan at alaga. Hinukuman ng Diyos ang mga Ehipsyo sa pagpapadala ng mga salot sa kanila, at nagpamadali sa kanila na paalisin ang Kanyang bayan sa Ehipto dala ang lahat nilang pag-aari. KP 33.3
Haliging Apoy—“Sila'y naglakbay mula sa Sucot at humimpil sa Etam, sa hangganan ng ilang. Ang Panginoon ay nanguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi ay sa isang haliging apoy upang tanglawan sila; upang sila’y makapaglakad sa araw at sa gabi. Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi umalis sa unahan ng taong-bayan.” KP 33.4
Ilang araw nang nakaalis ang mga Hebreo sa Ehipto nang sinabi ng mga Ehipsyo kay Faraon na sila’y tumakas na at hindi na babalik pa para muli siyang paglingkuran. Nagsisisi sila na pinayagan nila silang makaalis. Napakalaking kalugihan para sa kanila na mawalan ng mga pagsisilbi ng mga Israelita, at nanghinayang sila na pumayag silang paalisin sila. Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan nila sa mga kahatulan ng Diyos, sila’y pinatigas nang husto ng patuloy nilang paghihimagsik anupa’t ipinasya nilang habulin ang mga Israelita at ibalik sila sa Ehipto sa pamamagitan ng dahas. Nagdala ang hari ng napakalaking hukbo at 600 karwahe, at humabol sa kanila, at naabutan sila habang sila'y nagkakampo malapit sa dagat. KP 33.5
“Nang ang Faraon ay papalapit na, tumingin sa likuran ang mga anak ni Israel, at nakitang ang mga Ehipsyo ay sumusunod sa kanila. Sila'y lubhang natakot, at ang mga anak ni Israel ay tumawag sa Panginoon. Kanilang sinabi kay Moises, ‘Dahil ba sa walang libingan sa Ehipto, kung kaya dinala mo kami upang mamatay sa ilang? Anong ginawa mo sa amin, at inilabas mo kami sa Ehipto? Hindi ba ito ang sinabi namin sa iyo sa Ehipto, “Hayaan mo kaming mag-isa at pabayaan mo kaming makapaglingkod sa mga Ehipsyo”? Sapagkat mas mabuti pa sa amin ang maglingkod sa mga Ehipsyo kaysa mamatay sa ilang.’ KP 34.1
“Sinabi ni Moises sa bayan, ‘Huwag kayong matakot, mag- pakatatag kayo, at masdan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na Kanyang gagawin sa inyo ngayon; sapagkat ang mga Ehipsyo na inyong nakikita ngayon ay hindi na ninyo muling makikita kailanman. Ipaglalaban kayo ng Panginoon at ang dapat lamang ninyong gawin ay manahimik.”‘ KP 34.2
Pagliligtas sa may Dagat na Pula—“Sinabi ng Panginoon kay Moises, ‘Bakit tumatawag ka sa Akin? Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila’y magpatuloy. Itaas mo ang iyong tungkod at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo, upang ang mga anak ni Israel ay makaraan sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.’” Gusto ng Diyos na maunawaan niya na Siya’y gagawa para sa Kanyang bayan—na ang kanilang pangangailangan ay magiging oportunidad Niya. Nang di na sila makausad, dapat pa silang pasulungin ni Moises. Dapat niyang gamitin ang tungkod na ibinigay ng Diyos sa kanya para hatiin ang dagat. KP 34.3
“‘Aking pagmamatigasin ang puso ng mga Ehipsyo upang sundan nila kayo at Ako’y magkakaroon ng karangalan kay Faraon at sa buo niyang hukbo, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo. Malalaman ng mga Ehipsyo na Ako ang Panginoon, kapag Ako ay nakakuha na ng karangalan kay Faraon, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.’ KP 34.4
“Pagkatapos, ang Anghel ng Diyos na nasa unahan ng hukbo ng Israel ay umalis at nagtungo sa hulihan nila; at ang haliging ulap ay umalis sa harap nila at nagtungo sa likod nila. Ito ay lumagay sa pagitan ng hukbo ng Ehipto at ng hukbo ng Israel. Mayroong ulap at kadiliman, gayunma'y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa’t isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag.” KP 35.1
Hindi sila makita ng mga Ehipsyo, dahil nasa harapan nila ang ulap ng makapal na kadiliman—ang ulap na pawang liwanag sa kanila. Ipinakita ng Diyos dito ang Kanyang kapangyarihan upang subukin sila, kung magtitiwala ba sila sa Kanya matapos Niya silang bigyan ng mga katibayan ng Kanyang malasakit at pagmamahal para sa kanila, at upang sawayin ang kanilang kawalang-paniniwala at pagrereklamo. “Pagkatapos, iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at pinaghiwalay ng Panginoon ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging mula sa silangan sa buong magdamag, at ang dagat ay ginawang tuyong lupa at ang tubig ay nahawi. Ang mga anak ni Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa, ang tubig ay naging isang pader sa kanila, sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa.” Tumaas at tumayo ang katubigan sa magkabilang gilid gaya ng pader, habang lumalakad ang Israel sa tuyong lupa sa gitna ng dagat. KP 35.2
Magdamag na nagdiwang ang mga sundalong Ehipsyo dahil nasa kapangyarihan na uli nila na ang mga Israelita. Akala nila’y walang posibleng paraan ng pagtakas, sapagkat nasa unahan ng mga Israelita ang Dagat na Pula at malapit na sa likuran nila ang napakalaking hukbo ng Ehipto. Kinaumagahan, pagdating nila sa dagat at pagtingin nila, merong tuyong daanan, nahati ang katubigan, nakatayong gaya ng pader sa magkabilang gilid, at nasa kalagitnaan na ng dagat ang bayan ng Israel, naglalakad sa tuyong lupa. Naghintay nang konti ang mga Ehipsyo para magpasya kung anong sunod na gagawin. Sila’y dismayado at nagalit na kung kailan halos nasa kapangyarihan na nila ang mga Hebreo, at sigurado nang mabibihag sila, isang di-inaasahang daan ang nabuksan para sa kanila sa dagat. Nagpasya silang sumunod. KP 35.3
“Humabol ang mga Ehipsyo at pumasok na kasunod nila sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ng Faraon, ang kanyang mga karwahe, at ang kanyang mga mangangabayo. KP 36.1
“Sa pagbabantay sa kinaumagahan, tinunghayan ng Panginoon ang hukbo ng mga Ehipsyo sa gitna ng haliging apoy at ulap, at niligalig ang hukbo ng mga Ehipsyo. Kanyang nilagyan ng bara ang gulong ng kanilang mga karwahe kayat ang mga iyon ay hirap na hirap sa pag-ikot; kaya't sinabi ng mga Ehipsyo, ‘Takbuhan na natin ang Israel, sapagkat ipinaglalaban sila ng Panginoon laban sa mga Ehipsyo.’” KP 36.2
Nangahas silang magbaka-sakali sa daang inihanda ng Diyos para sa Kanyang bayan, at tinungo ng mga anghel ng Diyos ang kanilang hukbo at inalis ang mga gulong ng kanilang karwahe. Sila'y sinalot. Napakabagal ng takbo nila at nagsimula na silang mag-alala. Naalala nila ang mga kahatulang dinala ng Diyos ng mga Hebreo sa kanila sa Ehipto upang pilitin silang paalisin ang Israel, at naisip nila na baka ibigay silang lahat ng Diyos sa mga kamay ng mga Israelita. Naipasya nilang nakikipaglaban nga ang Diyos para sa mga Israelita, at sobrang takot nila. Pabalik na sana sila para tumakas, nang “sinabi ng Panginoon kay Moises, ‘Iunat mo ang iyong kamay sa dagat upang ang tubig ay tumabon sa mga Ehipsyo, sa kanilang mga karwahe, at sa kanilang mga mangangabayo.’ Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at bumalik ang dagat sa kanyang dating lalim nang mag-uumaga na. Habang tumatakas, inihagis sila ng Panginoon sa gitna ng dagat. Bumalik ang tubig at tinakpan ang mga karwahe, mga mangangabayo, ang buong hukbo ng Faraon; walang natira kahit isa. Subalit lumakad ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa sa gitna ng dagat; at naging isang pader ang tubig sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa. KP 36.3
“Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na iyon mula sa kamay ng mga Ehipsyo; at nakita ng Israel ang mga Ehipsyo na patay sa dalampasigan. Nakita ng Israel ang dakilang gawa na ginawa ng Panginoon sa mga Ehipsyo, at ang taong-bayan ay natakot sa Panginoon at sila'y sumampalataya sa Panginoon at sa Kanyang lingkod na si Moises.” KP 36.4
Nang masaksihan nila ang kahanga-hangang gawa ng Diyos, nagsama-sama sila sa inspiradong awit na may matayog at mahusay na pananalita at sa nagpapasalamat na papuri. KP 36.5