ANG MALAKING TUNGGALIAN

17/43

Kabanata 14—Sa mga pulo ng britanya

Samantalang binubuksan ni Lutero ang isang nakasarang Banal na Kasulatan sa bayang Aleman, si Tyndale naman ay inuudyukan ng Espiritu ng Diyos na gumawa ng gayon din sa Inglatera. Ang Biblia ni Wieleff ay salin mula sa Latin, na marami ang mali. Ito'y hindi kailan man napalimbag, at ang halaga ng mga salin ay napakalaki, na anupa't mayayaman o matataas na tao lamang ang makabibili nito; at bukod dito'y dahil sa mahigpit itong ipinagbabawal ng iglesya, sa maliit na lugar lamang ito naipangalat. Noong 1516, isang taon pa bago lumabas ang siyamnapu't limang pangangatuwiran ni Lutero laban sa mga indulhensya, ay inilathala na ni Erasmo ang kanyang salin ng Bagong Tipan sa Griego at Latin. Ito ang kauna-unahang pagkalimbag ng salita ng Diyos sa dating wika. Sa limbag na ito ay maraming kamalian ng dating salin ang naisaayos, at lalong maliwanag ang pagkakahanay ng isipan. Inakay nito ang mga marurunong sa lalong mabuting pagkaunawa sa katotohanan, at ito ang nagkaloob sa kanila ng isang bagong sigla sa gawain ng Reporma. Datapuwa't ang mga karaniwang tao, sa isang malaking paraan, ay nahahadlangan pa rin sa salita ng Diyos. Si Tyndale ang tatapos sa gawain ni Wicleff na pagbibigay ng Biblia sa kanyang mga kababayan. MT 227.1

Bilang isang mag-aaral na mataimtim na naghahanap ng katotohanan, tinanggap niya ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Bagong Tipang Griego ni Erasmo. Buong tapang niyang ipinangaral ang kanyang mga paniniwala, at iginiit niyang ang lahat ng aral ay dapat uriin sa pa- mamagitan ng mga Kasulatan. Sa ipinamamansag ng mga makapapa, na ang iglesya ang siyang nagbigay ng Biblia at ang Iglesya lamang ang makapagpapaliwanag nito, ay tumugon si Tyndale: “Nalalaman ba ninyo kung sino ang nagtuturo sa mga agila sa paghanap ng kanilang makakain? Ang Diyos ding iyan ang nagtuturo sa Kanyang nangagugutom na anak na hanapin ang kanilang Ama sa pamamagitan ng Kanyang salita. Malayong kayo ang nagbigay sa amin ng mga Kasulatan, kayo pa nga ang nagkubli nito sa amin; kayo ang sumunog sa rnga nagtuturo ng mga ito, at kung mangyayari lamang, ay susunugin ninyo pati ang mga Kasulatan.”1 MT 227.2

Ang pangangaral ni Tyndale ay lumikha ng malaking pananabik; marami ang tumanggap ng katotohanan Nguni't nagmasid ang mga pari, at hindi pa niya halos naiiwan ang bukirin ay sinikap na nilang iwasak ang nagawa niya, sa pamamagitan ng pagtakot at pamamarali ng hindi matuwid. Malimit silang magwagi. “Ano ang dapat gawin?” ang kanyang sigaw. “Samantalang ako'y naghahasik sa isang dako, ay sinisira naman ng kaaway ang bukid na aking nahasikan. Hindi ako maaaring dumoon sa lahat ng dako. Oh, kung mayroon lamang Banal na Kasulatan ang mga Kristiyano sa kanilang sariling wika, ay malalabanan nila na rin ang mga magdarayang ito. Kung walang Biblia ay hindi mangyayaring maitatag sa katotohanan ang mga nananampalataya.”1 MT 228.1

Isang bagong layunin ang ngayo'y naghari sa kanyang pag-iisip. “Sa wika ng Israel,” ang sabi niya, “inawit ang mga awit sa templo ni Heoba; at hindi baga magsasalita sa atin ang ebanghelyo sa wika ng Inglatera? . . . Dapat kayang magkaroon ang iglesya ng higit na liwanag sa bukang-liwayway kaysa katanghaliang-tapat? . . . Ang Bagong Tipan ay dapat basahin ng mga guro ng iglesya sa wikang kinagisnan nila.” Ang mga teologo at mga guro ng iglesya ay hindi magkaisa. Sa pamamagitan lamang ng Biblia mangyayaring makilala ng mga tao ang katotohanan. “Ang isa'y umaayon sa teologong ito, ang iba'y sa iba naman. . . . Ang mga nagsisulat na ito ay nagsasalungatan sa isa't isa. Paano nga natin makikilala kung sino ang nagsasabi ng matuwid at kung sino ang nagsasabi ng mali?. . . Paano? . . . Tunay na sa pamamagitan lamang ng salita ng Diyos.”1 MT 228.2

Ang layuning kinikimkim ni Tyndale sa kanyang pagiisip, tungkol sa pagbibigay ng Bagong Tipan sa mga tao sa sariling wika nila, ay pinagtibay niya ngayon, at itinalaga niya kapagkaraka ang kanyang sarili sa gawain. Nang palayasin siya sa kanyang tahanan sa pamamagitan ng pag-uusig, ay napasa Londres siya, at doo'y ilang panahong tahimik niyang ipinagpatuloy ang kanyang mga gawain. MT 229.1

Datapuwa't napilitan na naman siyang lumayas dito, dahil sa karahasan ng mga makapapa. Mandi'y laban sa kanya ang buong Inglatera, kaya nga't ipinasiya niyang magkubli sa Alemanya. Dito niya sinimulan ang pagpapalimbag sa Bagong Tipang Ingles. Makalawang napatigil ang gawain; datapuwa't nang pagbawalan siyang maglimbag sa isang bayan ay lumipat siya sa iba. MT 229.2

Sa wakas ay nagpunta siya sa Worms, na doon noong ilang taong nakaraan, ay ipinagtanggol ni Lutero ang ebanghelyo sa harap ng Diyeta. Sa matandang bayang iyon ay marami ang kaibigan ng Reporma, at doon ipinagpatuloy ni Tyndale ang kanyang gawain, na walang balakid. Madaling natapos ang tatlong libong salin ng Bagong Tipan at sa taon ding yaon ay lumimbag ng panibago. MT 229.3

Si Tyndale ay ipinagkanulo sa mga kamay ng kanyang mga kaaway, at minsa'y nagbata siya ng pagkabilanggo na maraming buwan. Sa wakas ay sinaksihan niya ang kanyang pananampalataya nang siya'y pataying isang martir; subali't ang mga sandatang inihanda niya ay tumulong sa ibang mga kawal sa pakikibaka sa buong panahon, hanggang sa ating kapanahunan. MT 229.4

Ipinagtanggol ni Latimer sa pulpito ang Banal na Kasulatan at anya'y dapat na mabasa ito ng mga tao sa kanilang sariling wika. Si Barnes at si Frith, mga tapat na kaibigan ni Tyndale, ay nagsitindig upang ipagtanggol ang katotohanan. Sumunod naman ang mga Ridleys at Granmer. Ang mga pangulong ito sa Repormang Ingles ay mga taong matatalino, at marami sa kanila ang pinuri at iginalang dahil sa kanilang kasipagan o kabanalan sa kapisanan ng mga Romano. Ang pagkakilala nila sa mga hiwaga ng Babilonya, ay nagbigay ng malaking kapangyarihan sa kanilang mga patotoo laban sa iglesyang makapapa. MT 230.1

Ang dakilang simulaing ipinagtanggol ng mga Repormador na ito—na siya ring ipinagtanggol ng mga Baldense, nina Juan Hus, Wicleff, Lutero, Zuinglio, at niyaong nakisama sa kanila— ay ang hindi marunong magkamaling kapangyarihan ng mga Banal na Kasulatan, na patakaran sa pananampalataya at sa kabuhayan. Pinasinungalingan nila ang sinasabing matuwid ng mga papa, ng mga konsilyo, ng mga Padre, at ng mga hari, na pagharian ang budhi ng mga tao, hinggil sa mga bagay na may kinalaman sa relihiyon. Ang Banal na Kasulatan ay siya nilang pinanghawakan. at sa pamamagitan ng mga aral nito ay sinubok nila ang lahat ng aral at pagpapanggap. Pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang salita ang siyang nagpalakas ng loob ng mga banal na taong ito, nang ibigay na nila ang kanilang mga buhay sa sunugan. “Maaliw ka sana,” ang sabi ni Latimer sa kasama niyang martir, nang mamamatay na lamang sila sa apoy, “sa araw na ito, sa biyaya ng Diyos ay magpapaningas tayo ng isang ilawan sa Inglatera, na pinaniniwilaan kong hindi mamamatay kailan man.”2 MT 230.2

Sa Eskosya ang mga binhi ng katotohanang ipinunla ni Columba at ng kanyang mga kasama ay hindi lubos na nasira. Sa loob ng daan-daang taon, pagkatapos na sumalilong ng kapamahalaan ng Roma ang mga iglesya sa Inglatera, ay iningatan ng mga iglesya sa Eskosya ang kanilang kalayaan. Nguni't nang ikalabindalawang dantaon, ay natatag doon ang kapapahan, at sa ibang bayan ay hindi lubos na nakapangibabaw ang kapapahan na gaya rito. Lalo ang kadiliman dito kaysa alin mang dako. Gayon ma'y dumating ang mga sinag ng liwanag na lumagos sa kadiliman, at nagbigay ng pag-asa sa dumarating na araw. Ang mga Lolardo, na nagmumula sa Inglatera at may dalang Kasulatan at mga aral ni Wicleff, ay tumulong ng malaki upang mapanatili ang pagkakilala sa ebanghelyo, at bawa't dantaon ay nagkaroon ng kanyang mga saksi at mga martir. MT 230.3

Dumating ang mga sinulat ni Lutero, na kasabay ng pagbubukas ng malaking Reporma, at saka sumunod ang Bagong Tipang Ingles na isinalin ni Tyndale. Hindi talos ng kapapahan na ang mga sugong ito ay tahimik at lihim na bumagtas sa mga bundok at mga libis na siyang nagsindi sa kalooban ng mga tao ng tanglaw ng katotohanan, na halos ay patay na sa Eskosya at sumisira ng gawaing ginawa ng Roma sa apat na siglong pagpapahirap. MT 231.1

Ang dugo ng mga martir ang nagpanariwa ng kasiglahan ng kilusan. Ang mga pangulong makapapa, na biglang nagising sa kapanganibang nagbabantang lumigalig sa kanilang kalayaan, ay nagdala sa sunugan ng ilan sa lalong marangal at lalong kapita-pitagang mga anak ng Eskosya. Nakapagtayo nga sila ng isang pulpito, na mula roo'y narinig sa buong lupain ang mga tinig ng mga namamatay na saksing ito, na lumikha sa kaluluwa ng mga tao ng isang hindi mamamatay na adhikang patirin ang mga tanikala ng Roma. MT 231.2

Inihandog nina Hamilton at Wishart, na mga prinsipe sa likas at pagkatao, ang kanilang buhay sa sunugan na kasama ng mahabang hanay ng mga mapagpakumbabang alagad. MT 231.3

Si Juan Knox ay tumalikod sa mga sali't-saling sabi at mga mistisismo ng iglesya, upang tanggapin ang mga katotohanan ng salita ng Diyos; at ang itinuro ni Wishart ay nagpatibay ng kanyang kapasiyahang talikdan ang pakikiugnay sa Roma, at makisama sa pinag-usig na mga Repormador. MT 232.1

Nang udyukan siya ng kanyang mga kasama na maging mangangaral ay umurong siya na nanginginig dahil sa kabigatan nito, at pagkatapos lamang ng maraming araw na pananalangin at mahigpit na pakikilaban sa kanyang sarili ay saka siya pumayag. Datapuwa't pagkatanggap niya ng tungkuling yaon ay nagpatuloy siyang taglay ang hindi nagmamaliw na kapasiyahan at katapangan hanggang kamatayan. Ang tapat na Repormador na ito ay walang gulat na humarap sa mga tao. Ang mga apoy ng kamatayan na naglalagablab sa paligid niya, ay siyang nagpainit na lalo sa kanyang sigla. MT 232.2

Nang pamukhaang iharap si Juan Knox sa reyna ng Eskosya na sa harapan niya'y nanghina ang kasigasigan ng maraming pangulo ng mga Protestante ay walang takot siyang sumaksi sa katotohanan. Hindi siya makukuha sa mga papuri; hindi siya umurong sa mga panakot. Siya'y pinaratangang erehe ng reyna, sapagka't tinuruan niya ang bayan na tumanggap ng isang relihiyong ipinagbabawal ng pamahalaan, ang wika niya, at sa gayo'y sinalangsang niya ang utos ng Diyos na nagbibiling ang sakop ay dapat sumunod sa kanilang mga prinsipe. Si Knox ay buong tapang na sumagot ng ganito: MT 232.3

“Yamang ang matuwid na relihiyon ay hindi kumuha ng bukal na lakas o kapangyarihan sa mga prinsipe ng sanlibutan, kundi sa walang-hanggang Diyos lamang, ang mga tao'y hindi mapipilit na bumalangkas ng kanilang relihiyon ayon sa nasa ng kanilang mga prinsipe. Sapagka't napakalimit na ang mga prinsipe ay siyang pinaka- mangmang sa lahat ng iba, sa tunay na relihiyon ng Diyos. . . . Kung ang lahat ng Anak ni Abraham ay naging karelihiyon ni Paraon, na malaon nilang pinaglingkuran, ano kayang relihiyon ngayon, mahal na reyna, mayroon sa sanlibutan? O kung ang lahat ng tao ng mga kaarawan ng mga alagad ay nangaging karelihiyon ng mga emperador na Romano, ano kaya ang magiging relihiyon sa balat ng lupa? . . . Dahil dito, mahal na reyna, ay mapagmamalas ninyong ang mga sakop ay hindi itinatali ng relihiyon sa kanilang panginoon bagaman sila'y pinag-uutusang ang mga ito ay talimahin.” MT 232.4

Ang sabi ni Maria: “Iyong ipinaliliwanag ang mga Kasulatan sa isang paraan, at sila [ang mga gurong Katoliko Romano] ay sa ibang paraan sino ang aking paniniwalaan, at sino ang hahatol?” MT 233.1

“Inyong paniniwalaan ang Diyos, na malinaw na nagsasalita sa Kanyang salita,” ang tugon ng Repormador; “at libon sa itinuturo ng Salita ay huwag ninyong paniniwalaan ang alin man sa dalawa. Ang salita ng Diyos ay maliwanag sa kanyang sarili; at kung may gumigitaw mang kalabuan sa isang dako, ang Banal na Espiritu, na hindi sumasalungat sa Kanyang sarili kailan man, ay lalong malinaw na nagpapaliwanag nito sa mga ibang dako naman, kaya't walang matitirang pag-aalinlangan kundi doon lamang sa mga sadyang nagpapakamangmang.”3 MT 233.2

Iyan ang mga katotohanang binigkas ng walang pangambang Repormador sa pakinig ng reyna, nabingit man sa panganib ang kanyang buhay. Taglay ang gayon ding walang kinagugulatang katapangan ay nagtumibay siya sa kanyang layunin, na dumadalangin at ipinakikipaglaban ang Panginoon, hanggang sa lumaya ang Eskosya sa kapapahan. MT 233.3

Ang pagkatatag ng Protestantismo sa Inglatera na pinakarelihiyong pambansa ay nagpahina sa pag-uusig bagaman hindi ganap na nagpatigil. Bagaman tinanggihan na ang marami sa mga aral ng Roma, ay hindi naman iilan sa kanyang mga anyo o seremonya ang iningatan. Ang pagkapangulo ng papa ay tinanggihan, datapuwa't sa lugar niya ay iniluklok ang hari na pinaka pangulo ng iglesya. Sa gawain ng iglesya ay mayroon pa ring malaking kalayuan sa kadalisayan at kasimplihan ng ebanghelyo. Ang dakilang simulain ng kalayaan sa relihiyon, ay hindi pa nauunawa ng mga panahong yaon. Bagaman ang kakila-kilabot na mga pagpapahirap na ginawa ng Roma sa erehiya ay bihirang gamitin ng mga pinunong Protestante, gayunma'y ang matuwid ng bawa't tao na sumamba sa Diyos ng ayon sa kanyang budhi ay hindi kinikilala. Lahat ay kinailangang tumanggap ng mga aral at sumunod sa mga paraan ng pagsamba na ipinaguutos ng tatag na iglesya. Ang mga sumalansang ay nagbata ng malaki o maliit na pag-uusig sa loob ng daan-daang taon. MT 233.4

Gaya ng mga kaarawan ng mga apostol, ang pag-uusig ay muling tumulong sa paglalaganap ng ebanghelyo. Sa isang mabahong bilangguan na puno ng mga hampaslupa at mga kriminal, ay nalanghap ni Juan Bunyan ang tunay na hangin ng langit; at sinulat niya roon ang kanyang kahanga-hangang talinghaga ng paglalakad ng mga Kristiyanong naglalakbay mula sa lupain ng kapahamakan hanggang sa bayan sa kalangitan. Sa mahigit na dalawang daang taon, ang tinig na yaon sa bilangguan ng Bedford ay nagsalita na may malakas na kapangyarihan sa puso ng mga tao. Ang Pilgrim's Progress, at Grace Abounding to the Chief of Sinners, ni Bunyan ay umakay ng maraming paa sa landas ng buhay. MT 234.1