ANG MALAKING TUNGGALIAN
Kabanata 29—Mabuti at masamang espiritu
Ang pakikiugnay ng sanlibutang nakikita sa sanlibutang di-nakikita, ang pangangasiwa ng mga anghel ng Diyos, at ang gawain ng masasamang espiritu, ay kaylinaw na inihahayag sa Banal na Kasulatan at di-makakalas na nakahabi sa kasaysayan ng sangkatauhan. Lumalaganap ang pagkahilig na huwag paniwalaang mayroon ngang masasamang espiritu, samantala namang ang banal na anghel na “tagapaglingkod na mga sinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng mangagmamana ng kaligtasan,”1 ay ipinalalagay ng marami na mga espiritu ng nangamatay. Datapuwa't hindi lamang itinuturo ng Banal na Kasulatan na mayroon ngang anghel na mabubuti at masasama, kundi nagbibigay din naman ng di-mapag-aalinlanganang katibayan na ang mga anghel na ito ay hindi ang mga humiwalay na espiritu ng mga namatay. MT 421.1
Bago nilikha ang tao ay may mga anghel na; sapagka't nang ilagay ang mga patibayan ng lupa, ay “nagsisiawit na magkakasama ang mga bituing pang-umaga, at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay naghihiyawan sa kagalakan.”2 Nang magkasala na ang tao, ay nagsugo ang Diyos ng mga anghel upang bantayan ang punong-kahoy ng buhay, at noon ay wala pang taong namamatay. Ang mga anghel ay katutubong mataas kaysa mga tao; sapagka't sinasabi ng mang-aawit na ang tao'y nilalang na “mababa ng kaunti kaysa mga anghel.”3 MT 421.2
Sinasabi sa atin sa Kasulatan ang bilang, lakas, at ka- luwalhatian ng mga anghel, ang kanilang kaugnayan sa pamahalaan ng Diyos, gayon din ang tungkol sa kanilang bahagi sa gawain ng pagtubos sa mga tao. “Itinatag ng Panginoon ang Kanyang luklukan sa mga langit; at ang Kanyang kaharian ay nagpupuno sa lahat.” At ang sabi ng propeta: “Narinig ko ang tinig ng maraming mga anghel sa palibot ng luklukan.” Sa harap ng luklukan ng Hari ng mga hari ay nangaghihintay sila—“mga angel, na makapangyarihan sa kalakasan,” “mga tagapaglingkod Niya, na nagsisigawa ng Kanyang kasayahan,” “na nakikinig sa tinig ng Kanyang salita.”4 Sampung libong tigsasampung libo at libu-libo, ay siyang bilang ng mga sugong taga-langit, na nakita ni propeta Daniel. Sinabi ni apostol Pablo na sila'y “di mabilang na mga hukbo.”5 Sa kanilang pagiging mga sugo ng Diyos ay yumayaon silang “parang kislap ng kidlat,”6 na nakasisilaw ang kanilang dilag, at mabilis ang kanilang lipad. Ang anghel na napakita sa libingan ng Tagapagligtas, na ang anyo ay “tulad sa kidlat, at ang kanyang pananamit ay maputing parang niyebe,” ay nagpanginig sa mga nagbabantay dahil sa takot sa kanya, “at sila'y nangaging tulad sa mga taong patay.”7 Nang ang Diyos ay hamakin at pusungin ni Senakerib, na palalong taga-Asirya, at nang kanyang pagbantaang lipulin ang Israel, ay “nangyari, nang gabing yaon, na ang anghel ng Panginoon ay lumabas, at nanakit sa kampamento ng mga taga Asirya ng isang daan at walumpu't limang libo.” Nahiwalay sa hukbo ni Senakerib ang “lahat ng makapangyarihang lalaking may tapang, at ang mga pangulo at mga kapitan.” “Sa gayo'y bumalik siya na nahihiya sa kanyang sariling lupain.”8 MT 421.3
Ang mga anghel ay isinusugo ukol sa mga gawain ng kaawaan para sa mga anak ng Diyos. Kay Abraham, taglay ang mga pangakong pagpapala; sa mga pintuan ng Sodoma, upang iligtas si Lot sa pagkasunog; kay Elias, noong halos mamatay na siya sa gutom at pagod doon sa ilang; kay Eliseo, na may karo at mga kabayo ng apoy na nakalilibot sa maliit na nayong binabakayan ng kanyang mga kaaway; kay Daniel, samantalang humahanap ng banal na kaalaman, noong siya ay nasa palasyo ng isang haring di-kumikilala sa tunay ng Diyos o nang siya'y bayaan upang silain ng mga liyon; kay Pedro na hinatulang mamatay sa bilangguan ni Herodes; sa mga bilanggo sa Pilipos; kay Pablo at sa kanyang kasama noong mabagyong gabi sa gitna ng dagat; upang buksan ang pagiisip ni Cornelio nang matanggap niya ang ebanghelyo; upang isugo si Pedro na may balita ng kaligtasan sa isang Hentil—sa ganyay'y sa lahat ng kapanahunan, ang mga banal na anghel ay naglilingkod sa bayan ng Diyos. MT 422.1
Isang anghel na tagatanod ang hinirang ng Diyos upang mangasiwa sa bawa't sumusunod kay Kristo. Ang mga bantay na itong taga langit ay siyang nagsasanggalang sa mga matuwid mula sa kapangyarihan ng diyablo. Ito ay kinilala ni Satanas na rin nang sabihin niyang “natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Diyos? Hindi Mo ba kinulong siya at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik sa bawa't dako?”9 Ang ginaHentil—sa ganya'y sa lahat ng kapanahunan, ang mga baay ipinakikilala sa mga pangungusap ng mang-aawit: “Ang anghel ng Panginoon ay humahantong sa buong palibot ng nangatatakot sa Kanya at ipinagsasanggalang sila.”10 Nang banggitin ng Tagapagligtas yaong nangananampalataya sa Kanya, ay ganito ang kanyang sinabi: “Ingatan ninyo na huwag ninyong pawalang halaga ang isa sa maliit na ito; sapagka't sinasabi ko sa inyo, na ang kanilang mga anghel sa mga langit ay nangakakakitang palagi ng mukha ng Aking Ama na nasa langit.”11 Ang mga anghel na nahirang upang mangasiwa sa mga anak ng Diyos ay palaging nakalalapit sa harapan ng Ama. MT 423.1
Sa ganya'y ang bayan ng Diyos, bagaman nalalantad sa magdarayang kapangyarihan at walang idlip na pagkapoot ng prinsipe ng kadiliman, at nakikilaban sa buong hukbo ng kasamaan, ay pinangakuan ng walang tigil na pagbabantay ng mga anghel sa langit. At ang pangakong iyan ay hindi ibinigay kung hindi kailangan. Kung binigyan ng Diyos ang Kanyang mga anak ng pangakong biyaya at pagkakalinga, yao'y sapagka't may mga makapangyarihang kinatawan ng kasamaan na makakatagpo sila—mga kinatawang marami, may kapasiyahan, at walang pagod, na sa pagkamapagpahamak at kapangyarihan ng mga ito ay wala sinumang makapagwawalang malay o walang bahala. MT 424.1
Ang masasamang espiritu, na nang una'y nilikhang walang kasalanan, ay kapantay sa katutubo, kapangyarihan, at kaluwalhatian ng mga banal na anghel, na ngayo'y siyang mga sinusugo ng Diyos. Datapuwa't sa pagkabagsak nila sa pagkakasala, nagsapi-sapi sila upang di parangalan ang Diyos at ipahamak ang mga tao. Sa pakikiisa nila kay Satanas sa kanyang paghihimagsik, at pagkapalayas sa kanila mula sa langit na kasama niya, nagsitulong sila sa kanya, sa lahat ng sumunod na panahon, sa pagbaka sa banal na pamahalaan. Sinasabi sa atin ng Kasulatan ang tungkol sa kanilang pagtutulungan at pamahalaan, ang tungkol sa iba't iba nilang kaayusan, ang kanilang katalinuhan at katusuhan, ang tungkol sa masasama nilang balak laban sa kapayapaan at kaligayahan ng mga tao. MT 424.2
Ang kasaysayan ng Matandang Tipan ay bumabanggit paminsan-minsan ng kanilang pananatili at paggawa; datapuwa't noon lamang si Kristo ay narito sa ibabaw ng lupa ipinakita ng masasamang espiritu ang kanilang kapangyarihan sa isang kapuna-punang kaparaanan. Si Kristo ay naparito upang pasukan ang panukalang binalangkas sa lkatutubos ng tao, at ipinasiya naman ni Satanas na igiit ang kanyang matuwid na pagharian niya ang sanli- butan. Siya'y nanaig sa pagtatayo ng pagsamba sa diyusdiyusan sa lahat ng sulok ng lupa maliban sa Palestina. Sa lupain lamang na hindi ganap na sumuko sa pamumuno ng manunukso naparoon si Kristo upang bigyan ang mga tao ng liwanag ng langit. Dito'y dalawang kapangyarihan ang nagpapangagaw sa pamumuno. Iniunat ni Jesus ang Kanyang mga kamay ng pag-ibig, na inaanyayahan ang lahat ng may nais na humanap sa Kanya ng kapayapaan at kapatawaran. Nakita ng mga hukbo ng kadiliman na hindi nila hawak ang walang-hanggang kapangyarihan at naunawa nila na kung magwawagi ang gawain ni Kristo, ang kanilang pamumuno ay mawawakasan agad. Nag-alab ang galit ni Satanas na gaya ng isang liyong natatali, at may paglabang inihayag ang kanyang kapangyarihan sa mga katawan at mga kaluluwa ng mga tao. MT 424.3
Na talagang ang mga tao'y inaalihan ng masasamang espiritu, ay malinaw na ipinahahayag sa Bagong Tipan. Ang mga taong pinahihirapan ng ganito ay hindi lamang naghihirap sa sakit sanhi sa katutubong dahilan. Ganap ang pagkabatid ni Kristo sa kanyang mga pinakikitunguhan at nakikilala niya ang mukhaang pakikiharap at paggawa ng masasamang espiritu. MT 425.1
Ang isang kapuna-punang halimbawa ng kanilang bilang, kapangyarihan, kasamaan, at gayon din naman ng kapangyarihan at kahabagan ni Kristo, ay isinasaad ng ulat ng Kasulatan tungkol sa pagpapagaling sa mga inalihan ng mga demonyo sa lupain ng Gadara. Ang kaawaawang mga ito na inalihan ng masasamang espiritu, pumipiglas sa anumang pagpigil, namimilipit, nagbubula ang bibig, nagngingitngit, ay pinaaalingawngaw ang himpapawid sa mga sigaw, na sinasaktan ang kanilang katawan, at ipinanganganib ang lahat ng mapapalapit sa kanila. Ang kanilang mga katawang dugu-duguan at pasapasa, at ang kanilang sirang pag-iisip ay nagharap ng isang panooring ikinalulugod ng prinsipe ng kadiliman. Ang isa sa mga demonyong umaali sa mga naghihirap ay nagsabing, “pulutong ang pangalan ko; sapagka't marami kami.”12 Sa hukbong Romano, ang isang pulutong ay binubuo ng mula sa tatlo hanggang sa limang libong lalaki. Ang mga hukbo ni Satanas ay nahahati din sa mga pulutong, at ang pulutong na kinabibilangan ng mga demonyong ito ay hindi kukulangin sa bilang ng isang pulutong. MT 425.2
Sa utos ni Jesus ay nagsilabas ang masasamang espiritu sa kanilang mga inaalihan, na iniwan silang payapang nakaupo sa paanan ng Tagapagligtas, mabait, mabuti ang isipan, mahinahon. Datapuwa't pinahintulutan Niyang ibulusok ng mga demonyo ang isang kawan ng mga baboy sa dagat; at sa mga tumitira sa Gadara, ang kalugihan nilang ito ay malaki kaysa mga pagpapalang ibinigay ni Kristo, at ang banal na Mangagamot ay pinamanhikang umalis doon. Ito ang bungang pinanukala ni Satanas na mangyari. Sa pagbababaw kay Jesus ng sisi ng kanilang pagkalugi, ay ginising niya ang mga sakim na pangamba ng mga tao, at hinadlangan sila upang huwag mapakinggan ang Kanyang mga pangungusap. Ang mga Kristiyano ang laging pinararatangan ni Satanas na siyang dahil ng kalugihan, kasamaang palad, at paghihirap sa halip na pabagsakin ang sisi sa kinauukulan—sa kanyang sarili sa kanyang mga ahente. MT 426.1
Datapuwa't hindi nasira ang mga layunin ni Kristo. Pinabayaan Niyang patayin ng masasamang espiritu ang kawan ng baboy bilang pagsaway sa mga Hudyong iyon na nag-aalaga ng maruruming hayop na ito dahil lamang sa pakinabang. Kung hindi pinigil ni Kristo ang mga demonyo, ay ihuhulog sana nila sa dagat, hindi lamang ang baboy, kundi pati ng nag-aalaga at may-ari ng mga baboy na iyon. Ang pagkaligtas ng mga nag-aalaga sampu ng may-ari ay dahil lamang sa Kanyang kapangyarihan, na buong habag Niyang ginamit sa ikaliligtas nila. Bukod sa riyan, ito'y Kanyang pinahintulutang mangyari upang masaksihan ng mga alagad ang malupit na kapangyarihan ni Satanas sa tao at sa hayop. Ibig ng Tagapagligtas na makilala nila ang kaaway na kanilang masasagupa, upang huwag silang madaya at madaig ng mga lalang niya. Kalooban din naman Niya na ang mga tao sa lupaing iyon ay makakita ng Kanyang kapangyarihang bumali ng pangaalipin ni Satanas at magpawala sa kanyang mga bihag. At bagaman umalis si Jesus, ang mga tao na mahiwagang naligtas, ay nangaiwan upang ibalita ang kahabagan noong sa kanila'y naging tagapagpala. MT 426.2
May mga iba pang pangyayaring kauri nito na natatala sa mga Banal na Kasulatan.13 MT 427.1
Yaong mga inaalihan ng masamang espiritu ay karaniwang ipinakikilalang nasa isang kalagayan ng malaking paghihirap; datapuwa't ito'y hindi gayon sa tuwi-tuwina. Inaanyayahan ng mga iba ang kapangyarihan ni Satanas upang magkaroon lamang sila ng higit sa makataong kapangyarihan. Ito kung sa bagay ay hindi sinasalungat ng mga demonyo. Kabilang sa uring ito ng mga tao iyong mga may masamang espiritu na nanghuhula, gaya ni Simon Mago, ni Elimas na manggagaway, at ng dalagang sumunod kina Pablo at Silas-sa Pilipos. MT 427.2
Wala nang lalong may panganib sa impluensya ng masamang espiritu kaysa roon sa mga ayaw maniwala sa pananatili at paggawa ng diyablo at ng kanyang mga anghel, sa kabila ng tiyak at maliwanag na patotoo ng mga Banal na Kasulatan. Hanggang hindi natin naaalaman ang kanilang mga pandaya, ay mayroon silang hindi malirip na kalamangan sa atin; marami ang makikinig sa kanilang payo, samantala'y ipinalalagay nila na sila'y sumusunod sa udyok ng kanilang sariling karunungan. Ito nga ang dahil, na sa pagkalapit natin sa kawakasan ng panahon, panahon na si Satanas ay gagawa na may malaking kapangyarihan upang mandaya at magpahamak, ay ilalaganap niya sa lahat ng dako ang paniniwala na ditotoong may Satanas. Pamamalakad niya na ilihim ang kanyang sarili at ang kanyang paraan ng paggawa. MT 427.3
Ang kapangyarihan at poot ni Satanas at ng kanyang hukbo ay dapat ngang makabagabag sa atin, kung hindi sa bagay na tayo'y maaaring makasusumpong ng kanlungan at kaligtasan sa lalong malakas na kapangyarihan ng ating Manunubos. Pinakakaingat-ingatan nating kandaduhan at tarangkahan ang ating mga pintuan, upang iligtas ang ating mga pag-aari at mga buhay sa masasamang tao; datapuwa't bihira nating maala-ala ang masasamang anghel na laging nagsisikap na sumalakay sa atin at laban sa kanilang pagsalakay ay wala tayong anumang paraan ng pagtatanggol, sa ating sariling lakas. Kung sila'y pahihintulutan ng Diyos, ay masisira nila ang ating mga pagiisip, mapipinsala nila at mapahihirapan ang ating mga katawan, maipapahamak ang ating mga ariarian at ang ating mga buhay. Ang kaluguran nila ay nasa karalitaan at kapahamakan. Kakila-kilabot ang kalagayan niyaong mga tumatanggi sa mga pag-angkin ng Diyos at napahihinuhod sa mga tukso ni Satanas hanggang sa sila'y pabayaan ng Diyos upang pamahalaan ng masasamang espiritu. Datapuwa't ang mga sumusunod kay Kristo ay panatag sa ilalim ng kanyang pagkakalinga. Mula sa langit ay isinusugo ang mga anghel na makapangyarihan sa kalakasan upang sila'y ipagsanggalang. Ang masama ay hindi makalulusot sa mga bantay na inilagay ng Diyos sa paligid-ligid ng Kanyang bayan. MT 428.1