ANG MALAKING TUNGGALIAN
Kabanata 26—“Ang panahon ng kanyang paghatol”
A King minasdan,” ang sabi ni propeta Daniel, “hanggang sa ang mga luklukan ay nangalagay, at Isa na matanda sa mga araw ay umupo; ang Kanyang suot ay maputing parang niyebe at ang buhok ng Kanyang ulo ay parang taganas na lana; ang Kanyang luklukan ay mga liyab na apoy at ang mga gulong niyaon ay nagniningas na apoy. Isang mabangis na sigalbo ay lumabas at nagmula sa harap Niya; mga libu-libo ang naglilingkod sa Kanya, at makasampung libo na sampung libo ang nagsitayo sa harap Niya; ang kahatulan ay nalagda, at ang mga aklat ay nangabuksan.”1 MT 381.1
Sa ganyang mga pangungusap ay iniharap sa pangitain ng propeta ang dakila't nakapangingilabot na araw, araw na pagsusuri ng mga likas at mga kabuhayan ng mga tao sa harap ng Hukom ng buong lupa, at ang bawa't isa'y gagantihin ng “ayon sa kani-kanyang mga gawa.” Ang Matanda sa mga araw ay ang Diyos Ama. Sinasabi ng mang-aawit: “Bago nalabas ang mga bundok, o bago Mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan, mula nga ng walang pasimula hanggang sa walang-hanggan, Ikaw ang Diyos.”2 Siya, na pinanggagalingan ng lahat ng may buhay, at pinagmumulan ng lahat ng kautusan, ang mangungulo sa paghuhukom. At ang mga banal na anghel, bilang mga tagapangasiwa at mga saksi, na ang bilang ay “makasampung libo na sampung libo,” ay humaharap sa dakilang hukumang ito. MT 381.2
“At, narito, lumabas na kasama ng mga alapaap sa langit ang isang gaya ng Anak ng tao, at Siya'y naparoon sa Matanda sa mga araw, at inilapit nila siya sa harap Niya. At binigyan Siya ng kapangyarihan, at kaluwalhatian, at isang kaharian, upang ang lahat ng bayan, bansa at mga wika ay mangaglingkod sa Kanya; ang kanyang kapangyarihan ay walang-hanggang kapangyarihan na hindi lilipas.”3 MT 381.3
Ang inilalarawan ditong paglabas ni Kristo ay hindi ang Kanyang ikalawang pagparito sa lupa. Siya'y paparoon sa Matanda sa mga araw sa langit upang tumanggap ng kapangyarihan at kaluwalhatian, at isang kaharian, na ibibigay sa Kanya pagkatapos ng Kanyang gawain bilang tagapamagitan. Ang paglabas na ito, at hindi ang Kanyang ikalawang pagparito sa lupa, ang ipinagpa una ng hula na mangyayari sa katapusan ng 2300 araw noong 1844. Kasama ng mga anghel ng langit, ang ating Dakilang Saserdote ay pumasok sa kabanal-banalang dako, at doo'y humaharap Siya sa Diyos upang gawin ang kahuli-hulihan Niyang pangangasiwa alang-alang sa mga tao—upang isagawa ang masiyasat na paghuhukom, at upang gumawa ng pagtubos sa lahat ng napagkilalang nararapat sa mga kapakinabangang idinudolot nito. MT 383.1
Sa sumasagisag na paglilingkod yaon lamang nangagsiharap sa Diyos na nangagpahayag ng mga kaalanan at mga nangagsisi, na ang mga kasalanan sa pamamagit an ng handog na patungkol sa kasalanan ay nalipat sa santuaryo, ang nakakabahagi sa paglilingkod kung dumarating ang kaarawan ng pagtubos. Gayon din naman sa dakilang araw ng huling pagtubos at masiyasat na paghuhukom, ang mga kaso lamang na susuriin ay ang sa mga nagpapanggap na mga tao ng Diyos. Ang paghuhukom sa mga makasalanan ay isang kaiba at hiwalay na gawain, at isasagawa sa huling panahon. “Dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos; at kung mauna sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi nagsisitalima sa ebanghelyo ng Diyos?”4 MT 383.2
Ang mga aklat ng ulat sa langit, na kinatititikan ng mga pangalan at gawa ng mga tao, ay siyang magpapasiya ng magiging hatol sa araw ng paghuhukom. Sinabi ni propeta Daniel, “Ang kahatulan ay nalagda, at ang mga aklat ay nangabuksan.” Nang ilarawan ng tagapagpahayag ang panoorin ding ito, ay ganito ang kanyang idinugtong, “At nabuksan ang ibang aklat na siyang aklat ng buhay; at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.”5 MT 384.1
Ang aklat ng buhay ay siyang kinatatalaan ng mga pangalan ng lahat ng pumasok sa paglilingkod sa Diyos. Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “Inyong ikagalak na nangasusulat ang inyong mga pangalan sa langit.”6 Binabanggit ni Pablo ang tungkol sa kanyang mga tapat na kamanggagawa, “na ang kanilang mga pangalan ay nangasa aklat ng buhay.”7 Sa pagtunghay ni Daniel “sa panahon ng kabagabagan na hindi nangyari kailan man,” ay sinabi niya na ang mga tao ng Diyos ay maliligtas, “bawa't isa na masusuinpungan na nakasulat sa aklat.” At sinasabi ng tagapagpahayag na ang makapapasok lamang sa lunsod ng Diyos ay yaong ang mga pangalan ay “nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.”8 MT 384.2
“Isang aklat ng alaala” ay nasusulat sa harapan ng Diyos, at doo'y natatala ang mabubuting gawa ng “nangatatakot sa Panginoon, at gumunita ng Kanyang pangalan.”9 Ang kanilang salita ng pananampalataya, at ang kanilang gawa ng pag-ibig ay natatala sa langit. Ito ang tinutukoy ni Nehemias nang sabihin niyang, “Alalahanin Mo ako, oh aking Diyos . . . at huwag Mong pawiin ang aking mga mabuting gawa na aking ginawa sa ikabubuti ng bahay ng aking Dios.”10 Sa aklat ng alaala ng Diyos ay natatala magpakailan man ang bawa't gawa ng katuwiran. Doo'y buong tapat na itinititik ang bawa't tuksong napaglabanan, ang bawa't kasamaang napanagumpayan, at ang bawa't binigkas na salita ng maibiging kaawaan. At ang bawa't gawang pagsasakripisyo, bawa't pagtitiis at lungkot na binata alang-alang kay Kristo, ay natatala. Sinabi ng mang-aawit, “Iyong isinasaysay ang aking mga paggagala: ilagay Mo ang aking luha sa Iyong botelya; wala ba sila sa Iyong aklat?”11 MT 384.3
Mayroon din namang talaan ng mga kasalanan ng mga tao. “Sapagka't dadalhin ng Diyos ang bawa't gawa sa kahatulan, pati ng bawa't kubling bagay, maging ito'y mabuti o maging ito'y masama.” “Ang bawa't salitang walang kabuluhang sabihin ng mga tao, ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom.” Ang sabi ng Tagapagligtas: “Sa iyong mga salita, ikaw ay magiging banal at sa iyong mga salita ay hahatulan ka.”12 Ang mga lihim na tangka at layunin ay pawang natatala sa hindi nagkakamaling talaan; sapagka't ihahayag ng Diyos ang “mga bagay na nalilihim sa kadiliman, at ipahahayag naman ang mga haka ng puso.”13 “Narito, nasulat sa harap Ko, . . . ang inyong sariling mga kasamaan, at ang mga kasamaan ng inyong mga magulang na magkakasama sabi ng Panginoon.”14 MT 385.1
Ang bawa't gawa ng tao ay sinusuri sa harap ng Diyos, at itinatala kung ukol sa pagtatapat o sa di-pagtatapat. Katapat ng bawa't pangalan sa mga aklat ng langit ay itinatala, na nakapangingilabot na walang kulang ang bawa't masamang salita, bawa't masakim na gawa, bawa't tungkuling di ginanap, at lihim na kasalanan, kasama ang bawa't ikinubling pagdaraya. Ang mga babala o pagsumbat ng langit na niwalang kabuluhan, ang mga panahong inaksaya, ang di sinamantalang mga pagkakataon, ang impluensya na nakagawa ng masama o ng mabuti, kalakip ang malalaking ibinunga nito, ay pawang itinatala ng anghel na tagasulat. MT 385.2
Ang kautusan ng Diyos ay siyang pamantayan na sa pamamagitan nito'y susubukin ang mga likas at kabuhayan ng mga tao sa paghuhukom. Sinabi ng pantas: “Ikaw ay matakot sa Diyos, at sundin mo ang Kanyang mga utos sapagka't ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagka't dadalhin ng Diyos ang bawa't gawa sa kahatulan.”15 Pinapayuhan ni apostol Santiago ang kanyang mga kapatid na, “Gayon ang inyong salitain at gayon ang inyong gawin, na gaya ng mga taong huhukuman sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan.”16 MT 385.3
Sa paghuhukom, yaong mga “inaaring karapat-dapat ” ay magkakaroon ng bahagi sa pagkabuhay na mag-uli ng mga banal. Ang wika ni Jesus, “Ang mga inaaring karapat-dapat magkamit ng sanlibutang yaon, at ng pagkabuhay na mag-uli sa mga patay, ay . . . kahalintulad ng mga anghel; at sila'y mga anak ng Diyos, palibhasa'y mga anak ng pagkabuhay na mag-uli.”17 At muling ipinahahayag Niyang “ang mga nagsigawa ng mabuti” ay babangon sa “pagkabuhay na mag-uli sa buhay.”18 Ang mga patay na banal ay hindi babangon hanggang sa matapos ang paghuhukom, na sa pamamagitan nito'y aariin silang karapat-dapat sa “pagkabuhay na mag-uli sa buhay.” Dahil dito'y sila'y hindi mahaharap sa hukuman sa pagsisiyasat sa kanilang mga ulat at sa pagpapasiya sa mga kaso nila. MT 386.1
Si Jesus ay tatayong tagapamagitan nila, upang mamanhik ukol sa kanila sa harapan ng Diyos. “Kung ang sinuman ay magkasala ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesu-Kristo ang matuwid.”19 “Sapagka't hindi pumasok si Kristo sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na kahalintulad lamang ng tunay; kundi sa talagang langit, upang humarap ngayon sa harapan ng Diyos dahil sa atin.” “Dahil dito naman Siya'y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan Niya, palibhasa'y laging nabubuhay Siya upang mamagitan sa kanila.”20 MT 386.2
Sa pagbubukas ng mga aklat talaan sa paghuhukom, ay napapaharap sa Diyos ang mga kabuhayan ng lahat ng nangananampalataya kay Jesus. Pasimula sa mga unang nabuhay dito sa lupa, ay inihaharap ng ating Tagapamagitan ang mga kaso ng bawa't lahi, ayon sa kanilang pagkakasunud-sunod, at magtatapos sa mga nabubuhay. Bawa t pangalan ay binabanggit, bawa't kabuhayan ay mahigpit na sinisiyasat. May mga pangalang tinatanggap, may mga pangalang itinatakwil. Pagka ang sinuman ay may mga kasalanang natitira pa sa mga aklat talaan na hindi napagsisihan at dahil dito'y hindi ipinatawad sa Kanila, ang kanilang mga pangalan ay papawiin sa aklat ng buhay, ang tala ng kanilang mga mabuting gawa ay aalisin sa aklat ng alaala ng Diyos. Ipinahayag ng Panginoon kay Moises, “Ang magkasala laban sa Akin ay siya Kong aalisin sa Aking aklat.”21 At sinabi ni propeta Ezekiel, “pagka ang matuwid ay humihiwalay sa kanyang katuwiran, at gumagawa ng kasamaan, . . . walang aalalahanin sa kanyang mga matuwid na gawa na kanyang ginawa.22 MT 387.1
Ang lahat ng tapat na nagsisi ng kanilang kasalanan at sa pamamagitan ng pananampalataya'y inangkin nila ang dugo ni Kristo na pinakahaing sa kanila'y tumutubos, ay nagkamit ng kapatawaran na itinala sa tapat ng kanilang mga pangalan sa mga aklat ng langit; at sapagka't nangaging kabahagi sila ng katuwiran ni Kristo, at ang mga likas nila'y natagpuang kasang-ayon ng kautusan ng Diyos, ang kanilang mga kasalanan ay papawiin, at sila'y ibibilang na karapat-dapat magtamo ng buhay na walang-hanggang. Sa pamamagitan ni Isaias ay ipinahayag ng Panginoon: “Ako, Ako nga ay siyang pumapawi ng iyong mga pagsalansang alang-alang sa Akin, at hindi Ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.”23 Sinabi naman ni Jesus, “Ang magtagumpay ay daramtang gayon ng mga mapuputing damit; at hindi Ko papawiin sa anumang paraan ang kanyang pangalan sa harapan ng Aking Ama, at sa harapan ng Kanyang mga anghel.” “Kaya't ang bawa't kumikilala sa Akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin Ko naman siya sa harap ng Aking Ama na nasa langit. Datapuwa't sinumang sa Aki'y magkaila sa harap ng mga tao, ay ikakaila Ko naman siya sa harap ng Aking Ama na nasa langit.”24 MT 387.2
Ang mataos na interes na ipinakikita ng mga tao sa mga kapasiyahan ng mga hukuman dito sa lupa ay bahagya lamang kumakatawan sa interes na mahahayag sa hukuman sa langit kapag ang mga pangalang nakatala sa aklat ng buhay ay mapapaharap sa Hukom ng buong lupa. Iniharap ng banal na Tagapamagitan ang Kanyang pamanhik, na ang lahat ng nanaig sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang dugo ay patawarin sa lahat nilang pagsalansang, isauli sa kanilang tahanang Eden, at putungang tulad sa mga tagapaginana Niya ng “dating kapangyarihan.”25 Sa mga pagsisikap ni Satanas na dayain at tuksuhin ang ating lahi, ay inakala niyang ibagsak ang panukala ng Diyos sa pagkalalang sa tao; datapuwa't ngayo'y hinihingi ni Kristo na bigyang bisa ang panukalang ito, gaya ng kung hindi nagkasala. Hinihingi Niya para sa Kanyang bayan hindi lamang ang kapatawaran at pagaaring matuwid na lubos at ganap, kundi sila'y magkaroon ng bahagi sa Kanyang luklukan. MT 388.1
Samantalang si Jesus ay namamanhik patungkol sa mga nasasakupan ng Kanyang biyaya, pinararatangan naman sila ni Satanas bilang mga mananalansang sa harapan ng Diyos. Pinagsisikapan ng bantog na magdaraya na sila'y akayin sa pag-aalinlangan, na sila'y mawalan ng pagtitiwala sa Diyos, na tumiwalag sa Kanyang pag-ibig, at sumuway sa Kanyang kautusan. Itinuturo niya ang talaan ng kanilang mga kabuhayan, ang mga kapintasan ng ka- nilang mga likas, ang kanilang di pagiging katulad ni Kristo, na ikinawawala ng dangal ng kanilang Manunubos, ang lahat ng kasalanang iniudyok niyang kanilang gawain, at dahil sa mga bagay na ito ay inaangkin niyang sila'y mga sakop niya. MT 388.2
Hindi ipinagpapaumanhin ni Jesus ang kanilang mga kasalanan, kundi ipinakikita Niya ang kanilang pagsisisi at pananampalataya, at, sa paghingi Niya ng kapatawaran para sa kanila, ay itinataas Niya ang Kanyang mga nasugatang kamay sa harap ng Ama at ng mga banal na anghel, na sinasabi, “Kilala Ko sila at ang kanilang pangalan. Iniukit Ko sila sa mga palad ng Aking mga kamay.” MT 389.1
Ang gawaing masiyasat na paghuhukom at ang pagpawi ng mga kasalanan ay tatapusin bago pumarito ng ikalawa ang Panginoon. Sapagka't ang mga patay ay hahatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ay hindi mangyayari na mapawi ang mga kasalanan ng mga tao hanggang sa matapos ang paghuhukom na sa panahong ito'y sisiyasatin ang kanilang mga kaso. Datapuwa't malinaw na ipinahahayag ni apostol Pedro na ang mga kasalanan ng nangananampalataya ay papawiin “Kung magsidating ang mga panahon ng kaginhawahan mula sa harapan ng Panginoon; at Kanyang susuguin si Kristo.”26 Pagkatapos ng masiyasat na paghuhukom ay paririto si Kristo, at dadalhin Niya ang gantimpala ng bawa't tao ayon sa kanyang gawa. MT 389.2
Sa sumasagisag na paglilingkod, pagka nagawa na ng punong saserdote ang pagtubos sa Israel, ay lumalabas siya at pinagpapala ang buong kapulungan. Gayon din naman si Kristo, pagkatapos ng gawain niyang pamamagitan, ay mahahayag siya, na “hiwalay sa kasalanan sa ikaliligtas,”27 upang pagpalain ng buhay na walang-hanggan ang Kanyang mga taong nagsisipaghintay. Kung paanong ipinahahayag ng saserdote ang kasalanang inalis sa santuaryo sa ulo ng kambing na pawawalan, gayon ding ilalagay ni Kristo ang lahat ng mga kasalanang ito sa ulo ni Satanas, na siyang pasimuno at tagapag-udyok ng kasalanan. Ang kambing na may dalang lahat ng kasalanan ng Israel, ay pawawalan “sa isang lupaing hindi tinatahanan,’28 gayon din naman si Satanas, dala ang lahat ng kasalanang dahil sa kanya'y ipinagkasala ng bayan ng Diyos, ay kukulungin sa loob ng isang libong taon sa lupa na magiging wasak, at walang tao, at sa wakas ay daranasin niya ang buong kabayaran ng kasalanan sa apoy na siyang pupuksa sa lahat ng masama. Sa gayo'y ang dakilang panukala ng pagtubos sa sangkatauhan ay matutupad kung matapos na ang kasalanan, at maganap na ang pagliligtas sa lahat ng handang tumalikod sa kasamaan. MT 389.3
Sa panahong itinakda sa paghuhukom—nang matapos ang 2300 araw noong 1844—ay nagpasimula ang gawain ng pagsisiyasat at pagpawi ng mga kasalanan. Ang lahat ng tumanggap sa kanilang sarili ng pangalan ni Kristo ay dapat dumaan sa masuring pagsisiyasat na ito. Ang mga nabubuhay at ang mga patay ay kapuwa hahatulan “ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kani-kanilang mga gawa.”29 MT 390.1
Ang mga kasalanang hindi pinagsisisihan at hindi tinatalikdan ay hindi naman ipatatawad, at hindi papawiin sa mga aklat talaan, kundi mamamalagi upang maging saksi sa kaarawan ng Diyos laban sa nagkasala. Mangyayaring nagawa niya ang kanyang masasamang gawa sa liwanag ng araw o sa kadiliman ng gabi; nguni't pawang mga hayag at bukas sa harap Niya na ating pagsusulitan. Nasaksihan ng mga anghel ng Diyos ang bawa't kasalanan, at itinala ito sa mga di nagkakamaling ulat. Ang kasalanan ay maaaring itago, ikaila, o ilihim sa ama, sa ina, sa asawa, sa mga anak, at sa mga kasama; mangyayaring wala kundi ang mga nagkasala lamang ang siyang nakaalam ng kamalian nila; datapuwa't ito'y hayag sa harap ng mga naroon sa langit. Ang kadiliman ng pinakamadilim na gabi, ang lihim ng mga magdarayang karunungan, ay di-sapat na makapagkubli ng kahi't isang isipan sa kaalaman ng Walang-hanggang. Ang Diyos ay may isang ganap na ulat ng bawa't di-tamang pakikipagtuos at bawa't may-karayaang pakikisama. Hindi siya napaglalalangan sa pamamagitan ng pagkukunwaring banal. Hindi siya nagkakamali sa pagkilala Niya ng likas. Ang mga tao'y maaari pang madaya niyaong may masasamang puso, datapuwa't natatalos ng Diyos ang lahat ng pagbabalatkayo, at nababasa Niya ang tunay na kabuhayan. MT 390.2
Kaytinding isipan! Ang bawa't araw na dumaraan, na di na babalik magpakailan man, ay nagdadala ng mga ulat para sa mga aklat sa langit. Ang mga binigkas na pangungusap, mga gawang nagawa na, ay hindi na mababawi pa. Naitala na ng mga anghel ang mabuti at ang masama. Hindi na mababawi pa ng pinakamakapangyarihang bayani sa ibabaw ng lupa, ang ulat ng kahi't isang araw. Ang ating mga kilos, ang ating mga pangungusap, maging ang mga lihim na tangka ng ating mga puso, ang lahat ng ito'y may timbang sa pagpapasiya sa ating hantungan maging ito'y sa ikaliligaya o sa ikapapahamak. Malimutan man natin ang mga ito, ay sasaksi sila sa pagaaring ganap o sa paghatol. MT 391.1
Kung paanong ang bawa't katangian ng mukha ay napapasalin sa makintab na plaka ng retratista gayon din ang likas ng tao ay maingat na nalalarawan sa mga aklat sa itaas. Subali't kayliit ang pagkabahala hinggil sa mga ulat na iyan na siyang tutunghayan ng buong sangkalangitan! Kung mahahawi lamang ang tabing na naghihiwalay sa sanlibutang nakikita at sa hindi nakikita, at matatanaw ng mga anak ng mga tao ang isang anghel na nagtatala ng bawa't salita at gawa, na muli nilang matatagpuan sa paghuhukom, kayrami sanang salita na binibigkas natin araw-araw ang hindi natin sasalitain? kayraming mga gawa ang hindi natin gagawin. MT 391.2
“Siyang nagtatakip ng kanyang mga pagsalansang ay hindi giginhawa; nguni't ang nagpapahayag at nag-iiwan ng mga yaon ay magtatamo ng kaawaan.”30 Kung nakikita lamang ng nangagkukubli at nangagpapaumanhin sa kanilang mga kamalian kung paanong nalulugod si Satanas, kung paanong hinahamak nila si Kristo at ang mga banal na anghel pati ng kanilang paggawa, ay madali nilang ipahahayag ang kanilang mga kasalanan at aalisin ang mga ito. Sa pamamagitan ng mga kapintasan sa likas, ay gumagawa si Satanas upang mapagharian niya ang buong pag-iisip, at naaalaman niyang pagka kikimkimin ang mga kapintasang ito, ay mananagumpay siyang walang pagsala. Kaya walang patid niyang sinisikap na madaya ang mga sumusunod kay Kristo sa pamamagitan ng kanyang mapanganib na pagdaya, na anupa't hindi sila makapananagumpay. Datapuwa't namamanhik si Jesus alang-alang sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang nasugatang mga kamay, nabugbog na katawan; at ipinahahayag sa lahat ng susunod sa Kanya, “Ang Aking biyaya ay sapat na sa iyo.”31 “Pasanin ninyo ang Aking pamatok, at magaral kayo sa Akin, sapagka't Ako'y maamo at mapagpakumbabang puso; at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagka't malambot ang Aking pamatok, at magaan ang Aking pasan.”32 Kaya nga't huwag akalain ninumang hindi na magagamot ang kanyang kapintasan. Ang Diyos ay magbibigay ng pananampalataya at biyaya upang mapanagumpayan nila ang lahat ng iyon. MT 391.3
Tayo'y nabubuhay ngayon sa dakilang kaarawan ng pagtubos. Sa sumasagisag na paglilingkod pagka ang punong saserdote ay gumagawa ng pagtubos sa buong Israel, ang kalahatan ay kailangang magpighati ng kanilang mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsisisi sa kanilang mga kasalanan at pagpapakumbaba sa harapan ng Panginoon, kung hindi ay iwawalay sila sa bayan. Sa gayon ding kaparaanan, ang lahat na nagnanasang mamalagi ang kanilang mga pangalan sa aklat ng buhay, ay dapat magdalamhati ng kanilang kaluluwa ngayon, sa mga nalabing mga araw ng panahon ng biyaya sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng pagkalungkot dahil sa kasalanan at ng tunay na pagsisisi. Dapat magkaroon ng mataos at matapat na pagsasaliksik ng puso. Ang walang kabuluhang mga pagbibiro na kinawilihang gayon na lamang na maraming nagsasabing mga Kristiyano ay dapat nang maalis. May mataimtim na pakikipaglaban sa harapan ng lahat ng handang magpasuko sa masasamang hilig na nagpupumilit na manaig. Ang gawang maghanda ay gawang pangsarilinan. MT 392.1
Tayo'y hindi maliligtas ng pulu-pulutong. Ang kalinisan at pagkamatapat ng isa ay hindi makapupuno sa kawalan ng mga likas na ito sa iba. Bagaman ang lahat ng bansa ay haharap sa Diyos sa paghuhukom, susuriin Niya ang kaso ng bawa't isa ng napakasinop na pagsisiyasat na wari baga'y wala nang iba pang tao sa ibabaw ng lupa. Ang bawa't isa'y dapat subukin, at dapat masumpungang walang dungis o kulubot man o anumang ganyang bagay. MT 393.1
Solemne ang mga panooring nauugnay sa pangwakas na gawain ng pagtubos. Mahalaga ang mga kapakanang nasasaklaw nito. Ang paghuhukom ay ginaganap ngayon sa santuaryo sa itaas. Sa loob ng maraming taon ay ipinagpapatuloy ang gawaing ito. Sandali na lamang—walang nakaaalam na sinuman kung kailan —at ito'y darating sa mga kabuhayan ng mga nangabubuhay. Sa kagalang-galang na harapan ng Diyos ay mapapaharap ang ating mga kabuhayan. Sa panahong ito, higit sa lahat ng ibang panahong nakaraan, ay nararapat na dinggin ang payo ng Tagapagligtas: “Kayo'y mangagpuyat, at magsipanalangin; sapagka't hindi ninyo naaalaman kung kailan kaya ang panahon.”33 “Kaya't kung hindi ka magpupuyat, ay paririyan Akong gaya ng magna- nakaw, at hindi mo maaalaman kung anong panahon paririyan Ako sa iyo.”34 MT 393.2
Pagka natapos na ang gawain ng masiyasat na paghuhukom, ang kahihinatnan ng lahat ay pasisiyahan sa kabuhayan o sa kamatayan. Ang panahon ng biyaya ay matatapos sa sandaling panahon bago mahayag ang Panginoon sa mga alapaap ng langit. Sa Apokalipsis, nang tanawin ni Kristo ang panahong iyan, ay ganito ang Kanyang ipinahayag: “Ang liko ay magpakaliko pa; ang marumi ay magpakarumi pa; at ang matuwid ay magpakatuwid pa; at ang banal ay magpakabanal pa. Narito, Ako'y madaling pumaparito, at ang Aking kagantihan ay nasa Akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa't isa ayon sa kanyang gawa.”35 MT 394.1
Ang mga matuwid at ang mga makasalanan ay mananatili pa ring buhay sa lupa sa kanilang dating kalagayan—ang mga tao'y magtatanim at magtatayo ng bahay, kakain at iinom, na pawang hindi nakaaalam na ang pangwakas at hindi mababagong pasiya ay nabigkas na sa santuaryo sa itaas. Bago dumating ang baha, nang makapasok na si Noe sa daong, ay sinarhan siya ng Diyos sa loob, at ang masasama ay sa labas; datapuwa't pitong araw na nagpatuloy ang mga tao sa kanilang mapagpabaya at makakalayawang pamumuhay, at inuyam ang mga babala ng dumarating na paghatol, na hindi nila nauunawang napasiyahan na ang kanilang kapahamakan. “Gayon din naman,” ang sabi nga ng Tagapagligtas, “ang pagparito ng Anak ng tao.”36 Tahimik at di-napapansin na gaya ng pagdating ng magnanakaw sa hatinggabi ay darating ang huling sandali na magtatakda ng kahihinatnan ng bawa't isa, ang kahuli-hulihang pagbawi ng iniaalay na kaawaan sa mga taong makasalanan. MT 394.2
“Mangagpuyat nga kayo . . . baka kung biglang pumarito, ay kayo'y mangaratnang nangatutulog.”37 Mapa- nganib ang kalagayan ng mga bumabaling sa mga pangakit ng sanlibutan, dahil sa kapaguran nila sa pagpupuyat. Samantalang iniuubos ng mangangalakal ang kanyang isipan sa paghanap ng salapi, samantalang ang maibigin sa kalayawan ay nagpapakagumon sa kalayawan, samantalang ang anak ng moda ay nag-aayos ng kanyang gayak— baka sa sandaling iyan ay bigkasin ng Hukom ng buong lupa ang pasiyang,“ikaw ay tinimbang sa timbangan at ikaw ay nasumpungang kulang.”38 MT 394.3